Stallion Island Series Chapter 41

Sahara was one of the most sought after commercial endorsers after winning the Olympic gold medal. Siya rin ang napiling bagong endorser ng Stallion Shampoo and Conditioner kaya siya napadpad sa pamosong Stallion Island.

Subalit may isang requirement para magawa niya ang Stallion Shampoo commercial. Kailangan niyang matutong sumakay ng kabayo na siyang tatak ng bawat commercial ng Stallion Shampoo. And she hated horses.

Isang lalaki ang naatasan para magawa niya ang trabaho niya-si Chrome Venitio, ang stable master ng Stallion Island. Subalit si Chrome ang isang taong ayaw na niyang makita o makasama.

Ito at ang pamilya nito ang sumira sa pamilya niya. At ito rin ang lalaking kahuli-hulihan niyang pagbibigyan ng puso niya kahit ito pa ang piliin ng puso niya.

“Sahara, don’t forget to put on sunblock. The sun can be so unforgiving to your skin. Hindi maganda sa kutis kung magkaka-sunburn ka.”

“Yes, Ma!” pupungas-pungas na sagot ni Sahara sa inang si Dawn Fernandez na kausap sa cellphone. Hilo pa siya sa flight niya mula sa Singapore. Tinulugan niya ang biyahe papuntang Quezon. Dadalawin niya ang amang si Joser Fernandez sa Rancho Paradiso.

In-adjust niya ang shades. Alas diyes na ng umaga. Puro kabundukan at kagubatan ang nakikita niya. Bagong tanawin iyon kumpara sa Singapore na puro nagtatayugang gusali. Manaka-naka ay may mga bahay-kubo at puno ng niyog. Walang mall, walang sinehan at puro mga hayop ang makakasalamuha niya sa mga darating na araw. Ang rancho ang magiging tahanan niya sa dadating na bakasyon.

“And please! Huwag kang magsusuot ng damit ng mga promdi diyan. Ang babaduy ng mga taste ng tao diyan. Baka mahawa ka. Sayang naman ang pagiging anak mo ni Dawn Fernandez.”

Her mother was a former beauty queen and a fashion icon. Kahit maaga itong nagpakasal sa papa niya at maagang binawian ng korona nang mabuntis sa kanya ay di ito nawala sa limelight. Ilang maleta ng magagandang damit na di pa naka-release sa market ang pabaon nito. Her mother was one step ahead when it comes to fashion. Ang mga isinusuot nito ang nagse-set ng trend.

“Puro bukid, bundok at gubat dito, Ma. Baka overdressed ako.”

Her mother grunted on the other line. “Dapat hindi ka pumunta diyan. Nag-Europe na lang sana tayo.”

“Ma, hindi pwedeng iwan ni Papa ang rancho dahil sa breeding program niya.” World class horses was his father’s passion. Kaya cattle and horse farm ang itinayo nito. Kahit ang mga ninuno nila ay sa kabayo at sa mga baka din nabuhay.

Buwan-buwan silang dinadalaw ng papa niya kung nasaang parte man sila ng mundo. Pero nang huli itong dumalaw ay nagmamadali itong umuwi ng Pilipinas. Naisip niya na di nito maiiwan ang farm kaya nagdesisyon siyang sa rancho siya sa magbakasyon sa kabila ng pagtutol ng mama niya.

“Mga hayop na naman. Alam ng Papa mo na allergic ako sa mga hayop. Mas gusto pa niyang makasama ang mga hayop kaysa sa akin.”

Bawat taon ay paiba-iba ng bansang tinitirhan ang ina niya bilang fashion consultant. Habang ang papa naman niya ay sanay na nakapirmi sa isang lugar. He loved the large land and the animals. Iniwan nito ang pamumuhay na iyon para sa mama niya. Nang walong taon siya ay nagdesisyon ang papa niya na umuwi ng probinsiya at magtayo ng farm doon. Buhayin ang dating negosyo ng lolo at lola niya. Her mother refused the idea.

Nagdesisyon na mag-iba ng bahay ang dalawa. Ang mama niya kung saang bansa nito gusto at ang papa niya ay sa rancho. Di naman daw hiwalay ang mga ito. For them, the marriage was still binding and intact. Di lang kayang mamuhay ng mga ito sa mundo ng isa’t isa. At minsan sa isang buwan ay nabubuo sila bilang isang pamilya. She was not happy about it but that was the best her parents could offer. Di nagkukulang ng pagmamahal ang mga ito kahit di normal ang pagsasama ng mga ito.

“Bye, Ma!” paalam niya bago tuluyang mawala ang signal.

Mula sa aspaltadong highway ay lumiko ang kotse sa baku-bakong kalsada. Sumakit ang ulo niya dahil maalog ang sasakyan. Maalikabok din ang dinadaanan nila. Mabuti na lang at aircon ang sasakyan kundi ay namamapak na siya ng alikabok.

“Nasaan na po tayo?” tanong niya sa driver.

“Sta. Quiteria na tayo. Mga ilang minuto na lang nasa rancho na tayo.”

“Gusto ko na talagang dumating para magpahinga at makakain.”

Ang ilang minuto na sinasabi ni Mang Poldo ay naging kalahating oras. Masakit na ang ulo niya at nanlalagkit na rin siya sa init.

“Gaano pa po ba tayo kalayo?” tanong niyang may halo nang iritasyon. Ngayon ay gusto na niyang mag-shower pagdating na pagdating niya.

“Five minutes na lang.”

Inilabas na niya ang wet wipes niya at binuksan ang make up kit. Kailangang maganda at fresh siya kapag nagkita sila ng papa niya. Tinuruan siya ng mama niya ng basic na pagme-make up. Kailangan daw iyon para sa nagdadalagang tulad niya.

Matutuwa ang papa niya kapag nakita siya. Malaki na ang ipinag-iba niya ng anyo dalawang buwan na ang nakakaraan. Parang hinugot ang taas niya. At may korte na rin ang katawan niya. Marami na ngang nag-aalok sa Mama niya na maging model siya pero naalala niya ang sinabi ng papa niya na mag-aral muna.

Nag-a-apply siya ng liquid eyeliner nang biglang nagpreno ang kotse. Umurangod siya sa likuran ng backrest na nasa harapan at tumama ang noo.

“Aray!” Sinapo niya ang noo. “Manong, ano po ba iyan?”

“Pasensiya na, Senyorita. May bigla pong humarang sa harapan natin.”

“Sino po ba iyang humarang na iyan?” At pilit na inaaninaw ang salarin sa gitna ng alikabok. Di ba nito nakitang may tumatawid. “Businahan ninyo.”

Nakarinig siya ng halinghing ng kabayo. Nang mapawi ang alabok ay saka niya nakita ang isang kabayo na nakatayo sa harap nila.

Nilingon siya ni Mang Poldo. “Di ko mabusinahan dahil baka dambahan tayo.”

Isang dalagitang di nalalayo sa edad niya ang sakay ng kabayo. Nakatirintas ng dalawa ang mahaba nitong buhok, nakasaya ng mahaba na bulaklaking orange at violet ang blouse. Sinusubukan nitong pagalawin ang kabayo at paalisin sa daan pero ayaw sumunod dito.

Napilitan siyang bumaba ng kotse sa inip. “Miss, hanggang kailan ba kayo ng kabayo ninyo diyan? Hindi mo ba kayang paalisin iyan?”

Isang binata ang dumalo dito at inalalayan itong bumaba. Nakasuot ito ng cowboy hat, checkered na sleeveless polo, pantalong maong at cowboy boots. Walang kahirap-hirap nitong ibinaba ang dalagita sa lupa.

“Angela, nasaktan ka ba?” tanong ng binata.

“Chrome!” bulalas ni Angela at yumakap nang mahigpit sa binata. “Bigla na lang tumakbo ang kabayo. Hindi ko siya napatigil. Takot na takot ako. Tapos muntik pa kaming masagasaan.” At saka humagulgol ito.

Naiikot niya ang mga mata. Anong nakakaiyak? Siya nga itong nabukulan at umurangod sa kagagawan nito. Kundi ito marunong magpatakbo ng kabayo, dapat ay hindi ito nagmamagaling. Makakadisgrasya pa ito ng ibang tao.

Tumikhim siya nang wala yatang balak na kuwala ng Angela na iyon sa boyfriend nito. Lalo lang umiinit ang ulo niya. “Excuse me!” Tinapik pa niya ang bubong ng kotse para ipakitang nauubusan na siya ng pasensiya. “Muntik din kaming madisgrasya dito. Mabuti na lang at nakapreno si Mang Poldo.”

Parang noon lang napansin ng lalaki ang presensiya niya. “Sorry, Miss. Hindi pa sanay magpatakbo ng kabayo si Angela. Kasalanan ko ito. Di ko siya dapat iniwan.”

Nakahanda na ang litanya niya pero nang iangat nito ang ulo ay nakita niya nang buo ang mukha nito. He had a face of an angel.

NAPANGANGA na lang si Sahara habang nakatitig kay Chrome. Mabilog ang maiitim nitong mata na mahahaba ang pilik. Matangos ang ilong at manipis ang labi na may laging may nakahandang ngiti. Nang lumabas ang dimples nito ay nawala nang tuluyan ang init ng ulo niya. Parang pagkaganda-ganda ng araw na iyon. Umihip ang hangin at nabalewala ang mainit na araw. At kahit na magtitigan lang sila ng ilang oras sa katirikan ng araw at tumayo lang siya doon maghapon ay okay lang basta ngingitian siya nito.

It was weird. Di siya interesado sa mga lalaki pero nakuha ng lalaking ito ang atensiyon niya kahit na unang beses pa lang silang nagkita.

“O-Okay na iyon,” nausal na lang niya sa kawalan ng sasabihin. “Hindi naman yata nasaktan ang kasama mo at ang kabayo niya, hindi ba?”

NAsaan na ang katarayan niya? Wala na. tinangay na ng hangin. Kinulam ba siya ng lalaking ito? Isang ngiti lang nito at simpleng flash ng dimples nito ay naglaho na ang kasungitan niya. Wala na ang maaanghang niyang opinyon niya dito, sa babaeng kasama nito at sa kabayo nito. And it was okay.

“Sa palagay ko hindi ka okay.”

“Bakit?” tanong niya at nasapo ang pisngi. Hindi ba pantay ang pagkakalagay niya sa make up niya? Maputla ba siya dahil sa face powder? O baka kulang siya sa blush on.

Kinuha nito ang maliit na water jug na nakasabit sa saddle bag nito at binasa ang panyo nito. Nang lumapit ito sa kanya ay pinahid nito ang paligid ng mata niya. She loved the feel of the cold cloth against her skin. Parang hinahaplos na rin nito ang balat niya. “Kumalat nang nagpreno ang kotse.”

Napangiwi siya nang makita ang mantsa ng mascara sa panyo nito. Sa sobrang galit niya ay di niya nakita.

“P-Pasensiya na.” Tapos ito pa ang nagtanggal ng mascara sa mukha niya. Parang gusto na niyang lumubog sa kinatatayuan. Kung kailan may guwapong nakakuha ng interes niya ay saka pa nabahiran ang kagandahan niya.

“Ano ito?” tanong nito at sinalat ang noo niya.

“Aray!” igik niya at napaurong. Masakit ang bahaging iyon ng noo niya.

“Nabukulan ka?”

Napahawak siya sa sariling noo at naramdamang may umbok. “Naku! Malamang naumpog iyan kaninang pagpreno ko,” sabi ni Mang Poldo.

Binasa nang tuluyan ni Chrome ang panyo at inilagay sa noo niya. “Pasensiya na. Dumadami ang kasalanan namin sa inyo.”

“Wala iyon,” aniya at hinawakan ang kamay nitong nakadiin sa panyo. “. Bukol lang ito.”

“Saan ka papunta?”

“Sa Rancho PAradiso,” sagot niya. “Malayo pa ba iyon dito?”

“Tanaw mo na ang arko ng rancho mula dito.” At tumanaw ito sa unahan ng daan. May nakikita na nga siyang arko doon. “Anong gagawin mo doon?”

“Chrome! Umalis na tayo,” wika ni Angela habang nanghahaba ang nguso.

“Nakakaabala na kami,” sabi ni Chrome. “Pumasok ka na sa loob ng sasakyan. Mainit ang araw. Makakasama sa balat mo.”

Pinigil niyang mapangiti. Nakaka-touch ang pag-aalala nito. “Salamat!” Saka niya naalala na may panyo pang nakatapal sa noo niya. “Hey! Ang panyo mo.”

Nakangiting lumingon si Chrome sa kanya. “Magkikita pa tayo ulit.”

Swabeng-swabe ang galaw nito nang sumampa ng kabayo at alalayan si Angela na umangkas dito. Nahuli niya ang pag-irap ni Angela nang kawayan siya ni Chrome bago pasibadin ang kabayo palayo.

Sumakay siya ng kotse. Inayos niya ang panyo sa noo at napangiti. Nangako si Chrome na magkikita pa silang dalawa. At sana ay wala nang kontrabida.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.