Stallion Island Series Chapter 42

NAPAUNGOL si Sahara nang maramdaman niyang may malamig sa noo niya. Kumirot ang noo niya at parang nilalabanan ang kalamigan na nagpapaalis sa sakit. Bahagya siyang namaluktot nang umihip ang malamig na hangin.

Dahan-dahan niyang iminulat ang mata niya. Nasa Rancho PAradiso na siya. Wala ang papa niya dahil may inasikasong investor sa bayan. Nakatulugan niya sa sala ang paghihintay dito pati na rin ang pag-aayos ng kuwarto niya. Dumating na ba ito kaya may humahaplos sa noo niya?

Nagulat siya nang mabungaran ang mukha ni Chrome na nakatunghay sa kanya. Ilang beses niyang ikinurap ang mata. Baka nananaginip siya. Pumikit siya nang mariin pero pagdilat niya ay di pa rin ito nawawala.

“Nagising yata kita,” wika nito. “Masakit pa ba ang noo mo? Nilalagyan ko ng ointment para umimpis agad.”

Bigla siya bumalikwas ng bangon. “Chrome? Anong ginagawa mo dito?”

“Ginagamot ang bukol mo,” anito at tinakpan ang ointment na gamit.

Hindi lang pala magandang panaginip ang lahat. Naroon nga si Chrome. Nang kapain niya ang noo ay nabahiran ang palad niya ng ointment. Hindi lang iyon. May kumot din siya at wala na rin ang suot niyang sapatos.

Dumukwang siya sa sofa. “Nasaan ang sapatos ko?”

“Tinanggal ko. Di ka kasi komportable kanina. Nakatulog ka na nang nakaupo habang hinihintay na maayos ang kuwarto mo. Galing ka pa palang Singapore. Napagod ka siguro sa biyahe mo. Ikinuha na rin kita ng unan at kumot.”

“Ibig sabihin kanina ka pa dito?”

Tumango ito. “Oo. Ang sarap-sarap nga ng tulog mo.”

Napangiwi siya. Kapag masarap ang tulog niya ay nakanganga siya. Pangit tingnan para sa isang babaeng maganda tulad niya. Malas! Nakatagpo nga siya ng isang guwapong lalaki pero puro kapalpakan ang inaabot niya. Kanina ay mukha siyang rejected na clown sa pagkalat ng mascara sa mata niya. Kasunod niyon ay nabukulan siya. Pati ba ang pagnganga niya habang natutulog?

Pinagpag nito ang unan niya at inayos ulit. “Matulog ka ulit kung gusto mo. Babantayan kita.”

Tindi ang iling niya. “Hindi na. Salamat na lang. Ano palang ginagawa mo dito?” Ang bilis naman nitong tuparin ang pangakong magkikita ulit sila.

“Dito ako nakatira.”

“Paanong dito ka nakatira?”

“Anak ko po si Chrome, Senyorita,” singit ni Aling Lumen. May isa pang binatilyo na kasama si Aling Lumen na kahawig ni Chrome pero mas bata. MAgkasalubong lang ang kilay nito at parang laging galit sa mundo. “Ito ang bunso kong si Kriege.”

Inalok niya ang kamay dito. “Hi! I am Sahara.”

“Kriege, Senyorita,” anito at kinamayan siya pero binawi din agad ang kamay. Di ito friendly di gaya ni Chrome.

“Huwag na ninyo akong tawaging Senyorita. Sahara na lang.”

“Nakahanda na ang kuwarto mo. Maari ka nang magpahinga,” wika pa rin ni Kriege sa pormal na boses at saka umalis.

“Titingnan ko ang niluluto ko,” wika ni Lumen. “Maiwan na kita kay Chrome.”

“Ayaw yata sa akin ng kapatid mo,” hinuha niya.

“Pasensiya na. Di sanay si Kriege na makipag-usap sa mga tao. Mas gusto pa niyang kausapin ang mga hayop.”

Tinakpan niya ang labi at humagikgik. “Baka mas gusto mo ring kausap ang mga baka at hayop kaysa sa tao.”

“I like animals. Pero kahit paano nakikipag-usap ako sa mga tao.”

It was comforting to know that Chrome was living on the same house with her. Kaya sinabi nito na magkikita sila. Lucky! Na-compensate ang lahat ng pagod niya sa araw na iyon. Sa palagay niya ay mae-enjoy niya ang bakasyong iyon.

Naulinigan niya ang tunog ng pumaradang sasakyan at ang papalapit na yabag. “May kotse sa labas. May bisita ba tayo?”

Dali-dali siyang pumasok sa sala at Sinalubong ang bagong dating. “Papa!”

“Sahara?” Tinanggal nito ang sombrero niyakap siya nang mahigpit. “Look how much you’ve grown.”

“Dalaga na po ako, Papa. Pwede na nga po akong magka-boyfriend.”

Dinuro ng daliri nito ang dulo ng ilong niya. “Hold that thought, young lady. Fourteen ka pa rin. And for me, you are still a little girl.”

“Magandang hapon po, Sir,” bati ni Chrome.

Tinapik ito ng papa niya sa balikat. “Nakauwi ka na pala. How’s Silvertoes? Sa palagay mo ba pwede na natin siyang isama sa auction?”

“He needs a firm rider. Di siya pwede sa baguhang riders lang. May tendency po siyang magwala o kaya ay hindi sumunod.”

May inabot na CD dito ang papa niya. “Ito ang profile ng mga kabayong pwede nating bilhin sa auction. Mamili ka ng pwede nating idagdag para sa farm. Kayo na ang bahala ni Kriege.”

“Opo,” sagot ni Chrome. “Maiwan ko na po kayo.”

“Pa, ano po iyon?” tanong niya. “Pwede rin akong manood?”

Diniinan nito ang ibabaw ng ulo niya. “Wala ka rin namang maiintindihan sa mga kabayo. Hayaan mo na sina Kriege at Chrome doon.”

Mukhang hindi lang simpleng anak ng katiwala sina Chrome at Kriege. Pinagkakatiwalaan din ito ng papa niya sa mga kabayo nito. Sana ay pagkatiwalaan din siya ng papa niya sa bagay na mahalaga dito.

“WOW! You are the fastest runner in the whole district.” Proud na proud si Joser habang iniisa-isa ang medals na nakuha niya sa athletic competition.

“Kung itutuloy ko daw po ang training, baka daw manalo po ako sa national competition. Hindi ba gusto ninyong magkaroon ng anak na Olympic medalist?”

He patted her head. “Yes. Of course. Bakit hindi mo sinabi sa akin ang tungkol dito? Sana napanood kita habang naglalaro ka.”

“Hindi po kasi kayo nakadalaw sa akin two months ago.”

“Busy ako. Sana sinabi mo sa akin na nananalo ka.”

“Hindi rin po kasi kayo dumalaw noong isang buwan. Naisip tuloy ni Mama na hindi ganoon kaimportante ang mga laban ko. After all, it is just a meager competition. Hindi national or international competition.”

Pinisil nito ang pisngi niya. “Huwag kang makikinig sa mama mo. Bata ka pa, puro kaartehan na sa katawan ang itinuturo sa iyo.”

“Importante daw po iyon dahil nagdadalaga na ako,” katwiran niya. “Saka payag po siyang mahilig ako sa sports basta susundin ko ang lahat ng beauty regimen niya.” Humilig siya sa balikat nito. “aAgtatampo po ako sa inyo. Ni hindi ninyo pinaghandaan ang pagdating ko.”

Parang nagulat pa nga ito na naroon na siya samantalang nagkausap pa sila sa telepono noong isang araw. Kinumpirma pa niya ang flight niya.

“Hindi ko sigurado kung matutuloy ang flight mo. Baka biglang bawiin ng mama mo ang desisyon niya. Mahirap nang umasa.”

Lumabi siya. “Akala ko hindi na ninyo ako nami-miss.”

“I miss you, Sahara. Kayo ng mama mo. Pero di rin madali sa akin na magkaibang mundo ang ginagalawan namin. Nahihilo ako ng kabibiyahe niya sa iba’t ibang bansa. Ayaw naman niya dito sa rancho.”

“Dapat siguro subukan ninyong mag-compromise,” suhestiyon niya.

“At saan mo naman natututunan ang compromise na iyan?” magkasalubong ang kilay nitong tanong. “Baka naman may boyfriend ka na.”

“Wala po.” Hanggang crush nga lang siya. At sa araw na iyon pa lang niya naranasang magka-crush. Kakaiba pala ang pakiramdam. PArang pusa siyang di mapakali hangga’t di niya nasusulyapan man lang si Chrome. At nagwawala naman ang puso niya kapag nagtatama ang tingin nila.

“Saka di ka pa pwedeng magpaligaw.”

Sana lang ay wala pang nobya si Chrome pagdating niya sa legal age. Mukhang maraming umaaligid na babae sa kaguwapuhan nito. Una na si Angela.

Tiningnan nito ang relo. “Oras na pala.”

Nagtataka siyang sumunod dito sa verandah. Tanaw ang malaking coral fence na may iba’t ibang vertical poles na tinatalunan ng kabayong sinasakyan ni Chrome. He was practically flying on air. Parang professional ito. Walang kahirap-hirap dito na patalunin ang kabayo. His moves were smooth and cool.

“Wow! Ang galing niya!” namamangha niyang usal.

“Sumasali na sila ng mga equestrian competition ni Kriege. They work great with our horses. Asset sila ng rancho natin.”

“Papa, gusto ko rin pong maging katulad nila.”

Isa sa pangarap ng papa niya ay magkaroon ng anak na magaling sa kabayo. Kung matututo lang siya ngayon, tiyak na magiging proud ito sa kanya.

“HUwag na. Baka may allergy ka rin sa kabayo. Pagalitan pa ako ng mama mo. Anong gusto mong hapunan?”

Malungkot niyang nilingon si Chrome na patuloy pa rin sa pagpa-practice. Gusto niyang maging katulad nito para matupad ang pangarap ng papa niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.