Yoanna was dead tired. Isang malaking conference ang ginaganap at puno ang guesthouse. Maswerte na siyang makapag-tsaa para makapag-relax. Subalit di sapat ang maraming trabaho at ang tsaa para maalis sa isip niya ang pinag-usapan nila ni Gudofredo nang nagdaang araw. Ang pagpapakasal niya kay Alastair.
Palabas na siya ng Lakeside Café nang makasalubong niya si Kester. Tinanguan lang niya ito. Wala naman kasi siyang sasabihin dito.
“Yoanna, can we talk?” tanong nito kahit nakalagpas na siya.
“Sige,” sabi niya at sa halip na lumabas ng café ay tumuloy siya sa wooden dock na katuloy ng wooden porch.
Sumunod ito sa kanya subalit wala naman itong sinabi hanggang mapunta na sila sa hangganan ng dock na nakaharap sa lake. “Pumayag ka na ba sa alok ni Papa na magpakasal kayo ni Alastair?”
Tumigil siya sa paglalakad at hinarap ito. “Wala pa akong ibinibigay na sagot kay Tito Fred. Gusto ko munang pag-isipang mabuti.”
Mahalaga ang magiging desisyon nila para sa kanila ni Alastair. Parehong kinabukasan nila ang nakataya. At alam niya na matinding kalaban si Gudofredo. Di ito papayag na di masunod ang gusto nito. He could resort to other ways to force Alastair to conceal his real identity.
Hinawakan nito ang braso niya. “Don’t marry my brother.”
“Do you really think it is wise to oppose your father?”
“Sa palagay ko naman wala kang plano na kontrahin si Papa. Magandang opportunity ang ibinibigay niya sa iyo. He could boost your career more. Being a part of the family is another thing.”
“Wala akong pakialam sa pera o reputasyon ng pamilya ninyo,” mariin niyang sabi. “As you well know, I have my own money. Di ako desperada sa pera.” Di man kasing yaman ng pamilya niya ang mga Mondragon, nag-iwan ng sapat na pera ang magulang niya bago mamatay ang mga ito. Isa pa, may trabaho naman siya at maganda ang kita niya bilang manager ng guesthouse.
“Yes. Maybe it is not the money then. Pero pagkakataon mo na ito para ma-trap sa kasal ang kapatid ko.”
Nagsalubong ang kilay niya. “Ma-trap?”
“Sinabi ni Papa na alam mo ang sekreto ni Alastair noon pa. You kept it all these years. Malinaw na sa akin ang dahilan kung bakit di ka niya mahal. But please don’t use his gender preference as a weapon against him. Huwag mo siyang pakasalan. Hindi ka niya mahal.”
Napaawang ang labi niya sa sobrang pagkabigla. Dati alam niyang mababa ang tingin sa kanya ni Kester. Mas malala pa pala doon ang iniisip nito. “Oportunista ba ang tingin mo sa akin, Kester? Na kahinaan ng sarili kong kaibigan gagamitin ko para sa pansarili kong interes?”
Nagkibit-balikat ito. “I don’t know. Kanya-kanya naman tayo ng paraan para makuha ang sarili nating kaligayahan. And I can’t really blame you. Pagkakataon mo na ito para makuha siya. Pero mas gugustuhin ko nang malaman ng lahat na bakla ang kapatid ko kaysa naman makasal siya sa babaeng hindi niya mahal. It is unfair for him. Unfair for you. Both of you deserves to live your own lives.”
Huminga siya nang malalim. Kapag kaharap niya si Kester, pakiramdam niya ay naiiba ang mundo niya dahil iba ang iniisip nito sa totoo. “Mas gusto kong kausapin na lang si Alastair tungkol dito. It should be just between the two of us.”
“No! Let’s settle this now! Kapag hinintay mo pang makausap nang personal si Al, baka ma-pressure na siya ni Papa na magpakasal sa iyo. And how about you? May sarili ka ring buhay. Kahit mahal mo pa ang kapatid ko, di mo pwedeng ipilit ang sarili mo sa kanya. You deserve a normal life. Marry me instead.”
Natigagal siya. “Ha? At bakit naman kita pakakasalan?”
“Hindi ka kayang mahalin ng kapatid ko. He can’t give you the family you dreamt of. He can’t give you a normal life.”
Di niya alam kung pagtatawanan niya ang proposal nito o maiirita dito. Sa tingin ba nito ay desperado siya sa lalaki? “Do you think it will work out?”
He pulled her body against him. “I think it will. Sinabi mo sa akin na attracted ka sa akin. You didn’t hide it before. At aaminin kong attracted ako sa iyo. I think it is a nice start.”
“Sa palagay mo ba maibibigay mo nga ang lahat ng gusto ko? At anong sabi mo? Bibigyan mo ako ng normal na buhay? Can you give me love, Kester?”
He was alarmed. Di agad ito nakasagot. “Hindi naman mahirap gawin iyon.”
She pushed him away. Kaysa naman masampal pa niya ito. “Ano namang alam mo sa pagmamahal? Wala ka namang pinapakinggan kundi ang sarili mo lang. Magaling kang manghusga ng ibang tao. And you use them whenever it suits you. At kapag gusto mong itaboy, gagawin mo na lang nang wala kang konsiderasyon sa nararamdaman nila katulad ng ginawa mo sa akin.”
“So I am a jerk. At ano naman ang tawag sa iyo kapag pinakasalan mo ang kapatid ko? Kasabwat mo na rin si Papa sa pag-pressure at pamba-blackmail sa kanya. Pagmamalasakit pa ba ang tawag doon?”
“At pagmamalasakit din sa kapatid mo sakaling pakakasalan kita? Sa tingin mo naman, santo ka dahil isasakripisyo mo ang sarili mo para di ko na guluhin ang kapatid mo,” sarkastiko niyang sabi. “Ano naman ang ipinagkaiba noon sa pagpapakasal niya sa akin para protektahan ang kahihiyan ng pamilya ninyo? I just think that your motive is worse.”
Naningkit ang mata nito. “Mas gusto mo pa ring pakasalan ang kapatid ko? Go ahead! Maging masaya ka sana kapag miserable na ang buhay ninyo. And it will be all your fault!”
Nakuyom niya ang palad. Gusto niya itong itulak sa lake para mahimasmasan. Hindi kasi nito nakikita ang pagmamalasakit niya sa kapatid nito. He thought that she was the worst woman on earth. Na sarili lang niya ang iniisip niya at gusto niyang saktan lang si Alastair.
“Kung pakakasalan ko man si Alastair, di dahil gusto ko siyang I-trap. Concern ako sa kanya. Iniisip ko kung gaano kaimportante sa kanya ang pamilya niya. Akala mo ba madali sa akin ang hinihingi ng Papa mo? Sarili ko ring buhay ito. Kung pakakasalan ko siya ay dahil iyon ang iniisip kong tama. And if I won’t, it doesn’t mean that I want a life with you or you are the second best. Ikaw lang naman ang nag-iisip na desperada akong magkaroon ng lalaki sa buhay ko. Hindi kita kailangan. Magdedesisyon ako para sa sarili ko. So will you please stop intruding with my life?”
She walked away from him furiously. Mabigat na mabigat ang dibdib niya. Ngayon lang siya nasabihan nang oportunista at desperada. Sa palagay niya ay wala nang pag-asa sa kanilang dalawa. He might want her but he didn’t respect her. At di niya kailangan ng isang lalaking walang respeto sa kanya.
NAGULAT si Yoanna nang ipasundo siya sa Stallion Riding Club ng driver ng mga Mondragon para sa isang family dinner sa ancestral house ng mga ito. Ilang beses naman na niyang nakasama sa isang intimate dinner ang mga ito pero napaka-weird lang ng pakiramdam. Karadarating lang ni Alastair sa Hong Kong at wala silang pagkakataon na magkausap. Si Kester ay iniiwasan din niya. Gaya nga ng sabi niya, kung magdedesisyon siya ay gusto niyang walang impluwensiya mula sa iba.
“Hija, come in!” anang si Katalina nang salubungin siya. “Pasensiya na kung hindi ka namin napaabisuhan agad. Biglaan din kasi.”
Tipid siyang ngumiti. “It is okay, Tita.”
Nakadama siya ng tensiyon nang makita si Kester. Ramdam niya ang talim ng titig nito. Habang bumigat naman ang loob niya nang makita si Alastair. He looked so gloomy. Daig pa nito ang binagsakan ng langit at lupa. Kung nakapag-usap lang sana sila nang mas maaga pero di naman nito sinasagot ang mga tawag niya.
“Yoanna, napag-usapan na namin ni Katalina ang tungkol sa kasal ninyo ni Alastair. We are setting up the date and the venue,” pormal na sabi ni Gudofredo na parang wala na siyang karapatan na kumontra pa. Di makatingin nang diretso sa kanya si Alastair. Pumayag na ba ito sa kasal nila?
“Pa, wala pang ibinibigay na sagot si Yoanna,” paalala ni Kester.
Hinawakan ni Katalina ang kamay niya. “Hija, hindi ka pa ba pumapayag na makasal kayo ni Alastair? I thought you are the one who is eager. Minamadali ko pa mandin si Alastair sa bahay ninyo sa riding club. Wala pa kasi siyang plano doon. Well, regarding sa wedding, sabihin mo lang sa akin ang gusto mo. Alam ko naman na hindi matatanggihan ang anak ko.”
Inangat ni Alastair ang mga mata sa kanya. May halong pakiusap. “Yoanna…”
Alastair was against the wedding. Iyon ang simpleng mensahe sa mga mata nito. But he had no choice. Pareho silang napasubo dahil iyon ang gusto ng ama nito. Importante dito ang pamilya kaya nga pinili nitong itago ang tunay na pagkatao kahit na hirap na hirap na ito. At ngayon, hawak niya ang buhay nilang dalawa sa mga kamay niya. Ang desisyon niya ang magtatakda ng lahat.
Tumayo siya at matapang na sinalubong ang tingin ni Gudofredo. “I am sorry, Tito. Hindi ko po pakakasalan si Alastair.”
Tumahimik ang paligid. Parang di inaasahan ng lahat ang sagot niya. Narinig niya ang pagbagsak ng kubyertos sa mesa. “Yoanna, bakit ginagawa mo ito? Akala ko ba nagkakaintindihan na tayo,” galit na wika ni Gudofredo.
“Sabi ko po pag-iisipan ko pa,” mahinahon niyang sabi.
Ngumisi si Gudofredo, ngisi na nakakapagpangilabot kahit pa sa pinakamatapang na lalaki. “Hindi mo ba naiisip ang kapakanan ni Alastair oras na di mo siya pakasalan? He will be ruined! Itatakwil ko siya.”
“S-Sandali,” awat ni Katalina. “Hindi ko maintindihan. Ano bang ginawa ni Alastair? Bakit mo siya itatakwil?” Mukhang di sinabi dito ang totoo. “Alastair?”
Mangiyak-ngiyak na tumingin dito si Alastair. “Ma, I am gay.”
Napasinghap si Katalina at habol ang paghinga. Nabigla sa rebelasyon ni Alastair. Mabilis itong dinaluhan ni Kester. “Ma, uminom muna kayo ng tubig.”
“Look what you’ve done!” Dumagundong ang boses ni Gudofredo sa buong mansion at dinuro si Alastair. “Ito ba ang gusto mo? Ang patayin kami ng Mama mo sa sama ng loob dahil sa kahihiyang ibibigay mo? Yoanna, itinuring ka naming parang anak. Ito ba ang gusto mong mangyari sa pamilya namin?”
Nabaghan siya subalit nanatiling matatag ang loob niya. Alam niya na siya ang nasa tama. “I am sorry that this happening, Tito. But I am doing this out of respect to Alastair. Iginagalang ko po kung ano ang gusto niya. Kaibigan ko siya kahit na ano pa ang gender preference niya. Kung papayag po ako sa gusto ninyo, parang di ko rin iginalang ang pagkatao niya.”
Lalo lang namula sa galit si Gudofredo. “Paano naman ang kagustuhan ko bilang ama ni Alastair? Ginagawa ko lang naman kung ano ang tama para sa kanya. Pinalaki ko siya nang maayos pero ganito lang ang igaganti niya sa akin!”
“Pa, I’m sorry. Di ko naman po gustong sirain ang expectations ninyo sa akin. Pero anong magagawa ko? Ganito po ako. Sinubukan ko namang maging normal tulad ng gusto ninyo pero parang niloloko ko lang po ang sarili ko kung gagawin ko iyon. Naiintindihan ko po kung itatakwil ninyo ako. Pero sana huwag po ninyong kalimutan kung ano ang nagawa ko bilang anak ninyo para maging proud kayo. And it has nothing to do with my gender preference at all,” paliwanag ni Alastair.
“Pa, malaki na si Alastair. Alam na niya ang ginagawa niya,” suporta ni Kester. “But we had this conversation before when I decided to be a doctor instead of taking over your company. Ang di ko nagawa, si Alastair ang nagtuloy. At kayo na ang nagsabi na nahigitan niya ang accomplishments ninyo. He made you proud. Sa loob ng mahabang panahong itinago niya ang pagkatao, kayo ang iniisip niya dahil ayaw niya kayong saktan. Di ba pwedeng siya naman ang pagbigyan ninyo?”
Mahabang sandali na nagpapalit-palit ng tingin si Gudofredo sa dalawang anak. Dalawa na kasi ang kalaban nito lalo na’t pati si Kester ay suportado na ang kapatid. “Sige. Pagbibigyan ko siya sa gusto niya. Pero di ko na siya ituturing na isang Mondragon. Isa na lang ang anak ko.”
Tumango si Alastair. Mukhang tanggap na nito ang mangyayari. “Aalis po ako dito kung puro kahihiyan lang din naman ang ibibigay ko.”
Ginagap ni Katalina ang kamay nito. “Iiwan mo ako, anak?”
“Gusto po ni Burke na sa Amerika na kami tumira. Tanggap po niya kung ano ako at gusto niyang magpakasal na kami.”
“Nahihibang na ba ang Burke na sinasabi mo?” tanong ni Gudofredo.
“Mahal niya ako, Pa.” Bakas ang saya sa mga mata ni Alastair. “Di man siguro kami normal katulad ng iniisip ninyo, ang importante nagmamahalan kami.”
“Wala ka nang pakialam sa kahihiyan natin,” mariing wika ni Gudofredo.
“Mas pipiliin mo pa ba ang kahihiyan natin kaysa sa kaligayahan ng anak natin? Hindi kriminal ang anak natin na dapat ikahiya!” wika ni Katalina at niyakap si Alastair. Parang gustong protektahan sa anumang masasakit pang salita na pwedeng bitiwan ni Gudofredo.
“Siya ang may gustong lumayo sa atin,” katwiran ni Gudofredo.
“Kayo ang nagtataboy kay Alastair, Pa,” depensa ni Kester. “Iginagalang namin ni Mama kung ano ang gusto niya.”
Bumagsak ang balikat ni Gudofredo at tumalikod. Tanda ng pagkatalo. “Sige! Kunsintihin ninyo iyan! Magsama-sama kayo sa kalokohan ninyo!”
Napahagulgol ng iyak si Alastair nang yakapin sina Kester at Katalina. “Thanks, Ma, Kuya. Salamat dahil naintindihan ninyo ako.”
“Mahal kita dahil anak kita,” wika ni Katalina. “Tatanggapin kita kahit na ano ka pa. Di magbabago ang pagmamahal ko sa iyo.”
Tinapik ito sa balikat ni Kester. “Huwag mo nang isipin si Papa. Lilipas din ang sama ng loob no’n, bro.”
“Sis,” pagtatama ni Alastair. Siya naman ang niyakap nito. “Thanks! Kung di mo nilabanan si Papa, wala akong lakas ng loob para depensahan ang sarili ko.”
“It is nothing. Ganoon naman talaga ang magkaibigan, di ba? Sabi ko nga gagawin ko ang lahat para sumaya ka,” nakangiti niyang sabi. Naging alanganin ang ngiti niya nang magsalubong ang tingin nila ni Kester.
But he only smiled at her. A smile of gratitude. She smiled back. Tama nga ang desisyon niya na huwag pakasalan si Alastair. She felt better. With Kester’s smile, a new door opened for her. It was like a new start for everyone.