Maagang pumasok sa opisina si Yoanna dahil gusto niyang bumawi sa trabaho. Di niya natapos ang meeting nang nakaraang araw dahil inuna niya ang date nila ni Kester. Pagdating niya ay may magandang bouquet na nasa table niya.
“Wow! Iba na talaga kapag may lovelife,” tukso sa kanya ni Maricon. “Noong isang araw lang nagrereklamo ka na wala kang ka-date. Ngayon may flowers pa. Swerte talaga ninyo kay Doc Kester, Ma’am. Guwapo na, mayaman pa.”
“Kaysa tinutukso mo ako, tapusin mo na ang report na ipinapagawa sa iyo ni Sir Reid. Baka ikaw naman ang malasin sa atin.”
Nakasimangot itong lumabas ng opisina. “Akala ko naman kapag nagka-love life babait na. Hindi pa rin pala.”
Pasimple niyang inamoy ang roses saka tinawagan si Kester sa cellphone. “Hi! Natanggap ko na ang roses. Thanks!”
“Ako ang dapat na magpasalamat. You took care of me last night.”
“Wala ka na bang lagnat?”
“Magaling na ako. Magaling ka kasing mag-alaga.”
“Doc, may pasyente po kayo. Na-sprain po habang nagdya-jogging,” sabi dito ng nurse nito.
“Okay. I will just finish the call. Yoanna, I have to go. May pasyente ako.”
“Pumasok ka pa rin kahit na sinabi ko na mag-stay ka lang sa bahay?” magkasalubong ang kilay niyang tanong. “Para saan pa ang pag-aalaga ko sa iyo kagabi kung di mo naman aalagaan ang sarili mo?”
“Yoanna, I don’t have time for this. May pasyente ako. I will call you later.”
“Don’t bother!” bulyaw niya at tinapos ang tawag. Parang susugod siya sa giyera nang lumabas ng opisina. “Maricon, ikaw na muna ang bahala. Pupunta lang ako sa clinic. May isang lalaking matigas ang ulo akong tuturuan ng leksiyon.”
Di na niya hinintay pa ang sagot nito at sumakay sa golf cart na siyang mode of transportation sa paligid ng riding club. Di maipinta ang mukha niya.
Nagulat ang nurse nang dumating siya sa clinic. Sa itsura kasi niya ay parang susugod siya sa giyera. “Miss Aguirre…”
“Where is Doctor Mondragon?” tanong niya.
“May inaasikaso pong pasyente sa loob.”
Nang lumabas si Kester kasama ang pasyente nito na nakasakay sa wheelchair ay humalik pa ang babaeng pasyente sa pisngi nito. “Thanks, Doc.”
“You are welcome,” he said graciously. Nagtaka ito nang makita siya. “Yoanna, what are you doing here? Di ba may pasok ka sa opisina?”
“Ikaw? Anong ginagawa mo dito? Di ba sinabihan na kitang huwag ka munang papasok. Minor lang naman ang incident. You don’t have to come here. Sa tingin ko kaya na ito ng staff mo. Di ba pwedeng magpahinga ka naman. Ni hindi mo man lang pinahahalagahan ang pag-aalala ko sa iyo.”
“Miss Aguirre, bakit naman galit na galit kayo kay Doc Kester? Boyfriend na ba ninyo siya?” usisa ng nurse.
“Hindi,” sagot niya.
“Nag-date na kayo kahapon pero di pa ninyo boyfriend? Akala ko naman boyfriend na ninyo siya dahil sobra kayo kung mag-alala,” anang nurse.
“Paano ko naman magiging boyfriend ang lalaking iyan kung hindi naman niya ako nililigawan?” sabi niya.
“Doc, may plano ba kayong ligawan si Miss Aguirre?” tanong ng nurse.
Nagkibit-balikat si Kester. “Gusto ko sana kaso in love naman siya sa kapatid ko. Of course I can’t easily replace my brother.”
Nag-init ang ulo niya nang marinig na naman iyon. “Hindi mo talaga mapapalitan ang pwesto ng kapatid mo. Naturingan ka kasing doctor pero hindi mo naman ginagamit ang utak mo!”
“Oo na. Tanggap ko naman iyon. Pero bakit ba galit na galit ka sa akin?”
“Kasi hindi mo alam na sa iyo ako in love at hindi kay Alastair!” sigaw niya sabay lumabas ng clinic nito sa sobrang iritasyon.
She was so stupid. She told him how she felt out of anger and frustration. So unromantic. Ngayon ay wala na siyang mukhang ihaharap dito.
“Yoanna, wait!” tawag nito sa kanya at hinabol siya. “Let’s talk.”
Tuloy-tuloy siya sa paglalakad. “Puro usap. Puro usap. Wala namang patutunghan ang pag-uusap natin. Wala na akong sasabihin. Nasabi ko na lahat.”
Pinigilan nito ang braso niya at tumigil siya sa paglalakad. “Not entirely. Mahal mo ako pero paano naman nangyari iyon?”
“I was never in love with Alastair in the first place. Kung mahal ko man siya, mahal ko siya bilang kapatid. We are like soul sisters, you know. Saka paano naman ako mai-in love sa kanya samantalang mas mahaba pa ang buhok niya sa akin? It is you I am in love with all this time. But you never loved me. Wala ka nang ginawa kundi itaboy ako palayo,” aniyang di mapigil ang pangingilid ng luha sa sama ng loob. Lalo na’t naalala niya ang malamig na trato nito sa kanya noon.
“Yoanna, I am sorry.” Niyakap siya nito. “Akala ko si Alastair talaga ang mahal mo. Sabi mo kasi di ko siya mapapalitan sa puso mo.”
“Natural. Magkaibang-magkaiba ang pwesto ninyo sa puso ko. Kester, sa simula pa lang alam ko na kung ano talaga siya. At kahit maging lalaki pa siya, hanggang kaibigan lang ang tingin ko sa kanya.”
Nasapo nito ang noo. “I am a big fool. Akala ko kasi lumalapit ka lang sa akin noon para magpalakas kay Alastair. And when you offered yourself to me, I thought you did it out of revenge. Ayokong samantalahin ang kahinaan mo kahit na nate-tempt ako noon pa man. Kahit nang makita kita ulit, di nagbabago ang nararamdaman ko para sa iyo.”
“Ginawa ko lang iyon dahil desperada na ako. Ayokong mawala ka dahil papunta ka na sa Latin America para sa mission mo. And I felt so low when you told me that I am cheap.”
“Shhh!” He touched her face. “I didn’t really mean it. Iyon lang ang naiisip kong paraan para makalayo sa iyo. I had to push you away even if I am in love with you. Tinikis ko ang nararamdaman ko.”
Itinulak niya ang balikat nito. “Hmp! Gaya-gaya ka lang ng dialogue sa akin. Di ka naman talaga in love sa akin.”
“I love you. Kaya nga nahihirapan akong harapin ka lalo na kapag nagfi-flirt ka sa akin. Di mo lang din alam kung gaano ako nasasaktan tuwing niyayakap mo si Alastair kapag natatakot ka o nasasaktan. Mas gusto ko kasing ako ang nasa tabi mo. Kaya idinadaan ko na lang sa pagsusungit ang frustrations ko. Kaya nga kahit sarili ko noon di ko maintindihan. Kailangan kong sungitan ka para di na mapalapit pa ang loob ko sa iyo at mainis ka sa akin.”
“Kung yumayakap man ako kay Alastair noon, para pagtakpan ang pagkatao niya. Niyayakap ko siya dahil ang totoo, siya ang natatakot at hindi ako. I just wanted to comfort him and give him support. Saka malay ko bang nagseselos ka. Akala ko nagkukunwari ka lang mabait sa akin dahil naroon ang pamilya mo.”
“I must admit that you were right when you told me that I am selfish. Tinamaan ako doon. Di mo lang alam, masayang-masaya ako nang malaman ko na iba ang gender preference ni Alastair. Na di ka niya pwedeng mahalin. Sa sobrang excitement ko, to the point na nag-offer akong pakasalan ka para lang tuluyan kitang mailayo sa kapatid ko at maging akin ka.”
“And I was so annoyed. Do you expect me to marry you even if you didn’t deny the fact that you hate me?”
“I didn’t deny the fact that I want you either.”
“Want. Not love.”
He cupped her face. “Yoanna, want is something natural. Kahit naman sinong tao pwede tayong ma-attract. But love is something rare and it goes deeper. Mahirap na basta-basta na lang I-express o aminin. Kapag nagmahal tayo, naroon ang risk na masaktan. And I don’t want to hurt. Kahit naman ikaw ganoon din.”
“Iniisip mo pa rin ba si Alastair kagabi kaya itinulak mo ako palayo. Akala mo ba nasaktan ako dahil pakiramdam ko ni-reject mo ako?”
Umiling ito at hinawakan ang balikat niya. “No. I had to do that to stop myself from kissing you.”
Lumabi siya. “Bakit ayaw mo akong halikan? Dahil hindi ako marunong humalik? O ayaw mo lang talaga?”
“I was sick last night, remember? Sa palagay mo ba, iri-risk ko ang health mo? Kung mahawa ka sa sakit ko o sa potential na sakit ko? Paano kung may virus ako? Baka pareho na tayong may sakit ngayon. I did it to protect you.”
“Ah!” aniya at napatango. She was relieved. “Akala ko kasi ayaw mo sa akin. Saka di mo na ako niyayang mag-date ulit.”
“Baka kasi ayaw mo na akong maka-date ulit.”
“Wala akong sinasabing ganoon.”
“Wala ka kasing ginawa kundi ang sermunan ako.”
Yumakap siya sa leeg nito. “Natural lang naman sa akin na mahilig magsermon sa taong mahal ko. You don’t even know how worried I am when I saw you under the rain. Ano bang pumasok sa isip mo at ginawa mo iyon?”
“Hindi ko alam. Ayoko lang umalis dahil doon ako nangakong hihintayin kita. I was afraid that if I leave, you won’t come at all.”
“Mabuti na lang di ka tuluyang nagkasakit kundi sisisihin ko ang sarili ko.”
He embraced her tightly this time. Iyong halos di na siya makahinga. But she could feel the repentance there. That he was truly sorry that he made her so worried. “Hindi ko na uulitin iyon. Hindi ka na mag-aalala para sa akin. Hindi ka na rin masasaktan. All I want is to give you all the love I can give. Gusto ko ako ang lalaking nasa tabi mo para alagaan ka.”
“At gusto ko rin na huwag ka nang aangal sa mga inuutos ko sa iyo lalo na’t concern lang naman ako sa iyo.” Pinitik niya ang ilong nito. “Maliwanag?”
“You are really so bossy. Alam mo ba na ikaw lang ang pangalawang babae na hinayaan kong sermunan ako at utus-utusan bukod kay Mama?”
“Basta huwag nang matigas ang ulo mo, okay?” Hinaplos niya ang noo mo. “Hmmm… wala ka na ngang sakit. Normal na ang temperature mo.”
“Sabi ko na sa iyo magaling na ako.”
“Ibig sabihin, pwede na….”
“Pwede na akong magtrabaho. Oo. Ikaw lang naman ang masyadong nag-aalala. Okay na ako.”
Ipinadyak niya ang paa. “Hindi. Iba ang ibig kong sabihin.”
”Kung pwede na tayong mag-date ulit? Siyempre naman.”
Bumagsak ang balikat niya. “Ang hina mo talaga. Mahina rin ako sa iyo.”
“Ano ba kasi ang pwede na sinasabi mo?”
Nanghaba ang nguso niya at ibinaba ang tingin. “Magaling ka na kaya di naman na siguro ako mahahawa ng virus kapag hinalikan mo ako.”
Humalakhak ito. “Iyon lang ba?”
“Ano pang itinatawa-tawa mo diyan?” iritado niyang tanong. “Bakit di…”
He cut her words with a passionate kiss. The gentle sensuality of his kiss took her breath away. Yumakap ang kamay nito sa baywang niya. He pulled her closer. And she thought she saw a glimpse of heaven with that kiss.
“May reklamo ka pa?” tanong nito.
Umiling siya. “Wala na.” Her happiness was complete. Dati akala niya ay di naman niya kailangan ng isang lalaki para sumaya. Iyon pala ay hinihintay lang niya si Kester na punuin ang kulang sa buhay niya.
“Ako may reklamo.”
Pareho silang nagulat ni Kester nang makita si Reid na walang kangiti-ngiti habang nakatingin sa kanila. “S-Sir Reid!” bulalas niya.
Saka niya na-realize na nasa kalsada pala sila ni Kester. Di lang si Reid ang nakakita sa kanila kundi maging ang ibang members ng riding club. May mga nakasakay sa kabayo na tumigil at nanood na lang. Maging ang mga golf carts at kotse ay nagsitigilan din para manood. They created a public spectacle.
“Akala ko naman may artista na nagshu-shooting,” narinig niyang sabi ng isang babaeng guest.
“Akala ko nga commercial ng Stallion Shampoo,” anang isa pa.
Pumunta tuloy siya sa likuran ni Kester at isinubsob ang mukha sa likuran nito. Parang wala na siyang mukhang ihaharap sa ibang tao. “Oh, no!”
“Sino ang may sabi sa inyo na mag-date sa oras ng trabaho?” tanong ni Reid. “Ang alam ko ipinagbabawal ko iyan. Miss Aguirre, pinayagan na kitang pumunta sa date ninyo kahapon at di tinapos ang meeting. Di ko alam na binigyan pa pala kita ng extension ngayong araw na ito.”
“S-Sir, kasi.. ano…” wala siyang maibigay na matinong excuse. Mali nga naman na ihalo niya ang trabaho sa personal niyang buhay. Naturingan siyang model employee, nawawala naman sa sarili pagdating kay Kester.
Inakbayan siya ni Kester. “Magle-leave kami sa buong araw. I am sick and Yoanna will take care of me. May inasikaso lang akong pasyente kaya ako pumasok. Si Yoanna naman may ibinilin lang sa staff niya.”
“This will be the last time that I will allow this,” Reid warned. “Sa susunod magpaalam na kayo nang maayos.”
“Yes, Sir Reid,” sagot niya. “And thank you.”
“And Kester, ngayong nakuha mo na ang gusto mo dito sa riding club, sana naman huwag mo na siyang alisin sa trabaho. And I also want you to stay here,” pormal na sabi ni Reid.
Tumaas ang kilay niya at nagpapalit-palit ang tingin sa dalawang lalaki. “Ano bang gustong makuha ni Kester dito sa riding club?”
“Isn’t it obvious, Miss Aguirre? He wants you. Dapat nasa Africa na siya ngayon at tutulong sa mga victims ng AIDS. Ipinagpalit niya ang mission niya at pumasok na lang sa riding club para makasama ka. Sa mga local missions na lang daw siya tutulong para di ka mawala sa paningin niya. Di mo lang alam kung gaano rin kalaki ang isinakripisyo niya para sa iyo,” makahulugang sabi ni Reid at umalis.
“Kester, did you really sacrifice those people for me?” nagi-guilty niyang sabi. Mukhang marami ngang nangangailangan dito.
“Yoanna, I didn’t sacrifice them. May mga doctor na pumalit sa akin. Isa pa, panahon na para magsilbi ulit ako sa mga tao dito. And now, my friends here at the riding club are helping me. So you don’t have to feel guilty at all. I may have my duty but I also have a life. And you are my life.”
Niyakap niya ito. “And I love you.”
PINAGKAKAGULUHAN ng mga bata sa isang depressed area sa Manila ang artista na si Philippe Jacobs. Bukod sa medical mission ay isang program din ang isinagawa para maaliw ang mga ito. Sumama si Yoanna para tumulong kay Kester.
“Medical mission lang ang usapan natin. Hindi ko alam na may kasama tayong artista,” sabi ni Kester at nanonood din.
“Ano naman ang masama? Kita mo nga, na-encourage niya ang mga bata na huwag matakot magpa-vaccine at uminom ng gamot,” depensa niya.
“Hindi pa namin napag-uusapan ang talent fee.”
“Walang talent fee iyan. Si Celestine ang kumausap sa kanya kaya libre. Saka gusto rin naman ni Philippe na makatulong.”
Hinaplos nito ang buhok niya. “Hindi ko ine-expect na sasama ka sa mga mission. Akala ko kasi ayaw mo.”
“Of course, gusto ko. Hindi na rin ako takot sa dugo,” pagmamalaki niya. “This is also your life and I want to share it with you. Gusto ko ring tumulong.”
“Thank you, Yoanna. I love you.”
She knew that they would do a lot of good things together. And she would teach a lesson to other people. She would share her story of their love. The world should know how it feels so good to fall in love.