“Nag-usap ba kayo ni Eiji sa garden?” tanong ni Monica kay Keira habang nag-aagahan sila. Ilang sandali na lang ay bibiyahe na rin sila ni Felipe pabalik sa rancho. Di niya inakalang tatanungin pa siya nito tungkol sa binata.
“Oo. Bigla na lang kasi siyang lumapit sa akin,” aniya at ipinagpatuloy ang pagkain. “Gusto lang siguro niya ng kausap habang nagpapahangin.”
She remembered Eiji’s remark about being bored about the party. Monica won’t like it. Especially if she had her eyes set on Eiji Romero.
“Ano naman ang pinagkwentuhan ninyo?”
“Stallion Riding Club,” sagot niya. “Member daw siya noon. Nang malaman niyang interesado ako sa kabayo, tinanong niya ako kung gusto kong pumunta sa riding club.”
“Isasama ka daw niya doon? Wag ka ngang ambisyosa,” asik ni Monica at nakangising uminom ng orange juice. “Hindi ka basta-basta makakapasok doon. And I don’t believe that Eiji would offer to take you there. He is one of the most prestigious members of the club. Hindi ang katulad mo lang ang yayayain niya sa riding club.”
Nakagat niya ang labi. Sana ay di na lang siya kumibo tungkol sa pagyayaya sa kanya ni Eiji sa riding club. Tinawag pa siya ngayong ambisyosa. “Hindi naman ako interesado. Nabanggit ko lang sa iyo dahil pinag-usapan namin ni Eiji.”
“Nagtatalo na naman ba kayong dalawa?” tanong ni Felipe na nagbabasa ng diyaryo. “Monica, paalis na lang itong pinsan mo pero inaaway mo pa.”
“Nagtatanong lang ako, Pa.” Bumaling ulit si Monica sa kanya. “Tell me, may nabanggit ba si Eiji tungkol sa akin?”
“Dumating ka na kaya naputol ang usapan namin. Siguro sa tagal ninyong magkasama kagabi, marami na siyang nasabi sa iyo.”
Bahagyang lumungkot si Monica. “Mas matagal pa niyang kausap si Papa kaysa sa akin. Puro kabayo lang ang pinag-usapan nila. How come that everyone is more interested in horses than in me?”
Tinapik ni Felipe ang kamay nito. “That’s not true, hija. I love you.”
Monica beamed a little. “Pa, how about you? What do you think of Eiji?”
“He looks like a fine man to me. Marami na siyang accomplishments kahit bata pa lang siya. Any woman would be lucky to have him,” anang si Felipe at humigop ng kape. Nakita niya ang paghanga nito kay Eiji.
“He is my dream man, Pa. You’ll see. One of these days, yayayain din niya akong pumunta sa Stallion Riding Club,” kinikilig na sabi ni Monica.
Nagtaka siya. Bakit niyaya na siya ni Eiji at si Monica ay hindi pa?
Habang bumibiyahe pauwi ay tahimik lang siya. Ang tanging nasa isip lang niya ay ang mukha ni Eiji Romero. She would never meet someone like him again. Babalik na siya sa mundo ng mga lalaking parang lalaki rin ang tingin sa kanya. At malamang ay wala na rin siyang maririnig na tatawag sa kanyang maganda. Mami-miss niya ang salitang iyon.
“Bakit ka nangingiti, Keira?” untag sa kanya ni Felipe.
“Wala po. Naisip ko lang po na makakabalik na ako sa rancho, tiyak na makakahinga na ako nang maluwag,” palusot niya.
“Iba kasi ang ngiti mo. Mukhang hindi ang rancho o ang mga kabayo ang iniisip mo. Sino ba iyan? Iyon bang bisita ni Monica na si Eiji Romero?”
“Uncle, kapag narinig kayo ni Monica magagalit iyon.”
“Wala dito si Monica. Tayo lang dalawa ang makakarinig. Hindi rin niya malalaman ang pag-uusapan natin. Si Eiji ba?”
Ipinikit niya ang mga mata. “Bakit ko isipin ang Eiji na iyon? Saglit lang po kaming nag-usap.”
“Saglit nga lang pero niyaya ka na niya doon sa riding club. Hindi kaya may gusto siya sa iyo?”
Tumawa siya nang pagak. “Imposible pong magustuhan niya ako. Mas bagay po sila ni Monica. Saka hindi na kami magkikita ulit.”
Naisip niya ang pangako ni Eiji na dadalawin siya nito. Hindi ito mag-aaksaya na pumunta ng rancho para sa kanya. Isa lang parte ng magandang pangarap si Eiji Romero.
“OKAY, Patience! Walk up slowly,” malumanay na utos ni Keira sa kabayong tine-train habang inaakay ito sa steps. The filly took baby steps. Pero maya maya pa ay nakababa na ito sa maliit na burol na ginawa nila para maging bahagi ng training ground. She clicked her tongue, a sign that Patience did the right thing.
Sa sumunod na pag-ulit nila sa obstacle ay wala na silang naging problema. She gave the horse some carrots as a treat when they left the paddocks. Tapos na ang training nila ni Patience at ibang kabayo na gagamit ng paddocks.
“Hanga talaga kami sa iyo, Keira,” wika ni Tibor. Isa ito sa mga tauhan nila sa rancho. Tinulungan siya nito sa pagbabalik kay Patience sa kuwadra. “Noong unang dating ni Patience dito, nangangagat at tinatakbuhan kami. Sa iyo lang umamo.”
“Lahat nga kami gumulong sa inis diyan,” sabi naman ni Taboy.
“Yes. Matigas ang ulo niya. Kailangan maging pasensiyosa pagdating sa mga kabayo. Iba iba rin ang ugali nila. Pero oras na makita nila kung sino ang boss, sumusunod sila,” paliwanag niya.
Tinapik siya sa balikat ni Taboy. “Kaya nga ikaw ang bosing namin dito.”
Mataas ang paggalang sa kanya ng mga tauhan. Noong una ay inakala ng mga ito na hindi siya makakatagal sa pagiging horse trainer. Pero nang napapasunod na niya ang mga kabayong di mapasunod ng mga ito, nakuha na niya ang tiwala at respeto ng mga ito. Isang bagay nga lang ang binalewala ng mga ito. Hindi babae ang tingin ng mga ito sa kanila. She was one of the tough boys.
She could punch and kick better than any mean guy. Kapag nga may away ang mga ito ay hinahayaan siya ng Uncle niya na umawat sa mga ito dahil boses pa lang niya ay nanginginig na ang mga ito. Mahigpit ang patakaran nila sa rancho tungkol sa mga away. Mahigpit siyang magpatupad ng mga patakarang iyon.
“Bosing, wala ka bang nakilalang lalaki sa party ni Ma’am Monica?” tanong ni Tibor. “Di ba marami siyang kilalang guwapong lalaki doon?”
“Wala, eh! Wala akong hilig na magsasama sa party kaya lumabas na lang ako.” Di na lang niya binanggit ang tungkol kay Eiji. Kundi siya kakantiyawan ng mga ito, baka sabihan pa siyang ambisyosa.
“Paano ka magkaka-boyfriend niyan, Bosing?” tanong ni Taboy.
“Kung tayo nga takot kay Bosing Keira, lalo siguro ang mga lalaki sa Maynila. Saka maraming magaganda doon. Iyong kasing-sexy ni Ma’am Monica. Tiyak na iyon ang pagkakaguluhan ng mga lalaki,” anang si Tigor.
“Eh kung si Bosing Keira kaya ang mag-bestida?” tanong ni Taboy sabay tumawa kasabay ni Tigor. “Baka gunaw na ang mundo noon.”
Gusto na niyang pag-umpugin ang dalawa. Kung mag-usap kasi ang mga ito ay parang wala siya doon. Nasanay na siya. Ganoon ang mga lalaki doon. Minsan ay gusto siyang pikunin. Pero kapag napikon siya, talo siya.
Sinitsitan niya ang mga ito. “Kung kayo kaya ang pagsuutin ko ng bestida.” Inabot niya ang chart. “May mga kabayong naka-schedule na dalhin sa horse pool. Asikasuhin ninyo.”
Sa kanya nga nakatingin ang mga ito subalit di pinapansin ang sinasabi niya. O mas tamang sabihin na sa bandang likuran niya nakatingin ang mga ito.
“Yes, Sir? Ano pong kailangan nila?” tanong ni Taboy.
“Hinahanap ko si Keira.”
Mabilis siyang tumalikod at hinarap ang bagong dating. Ilang beses siyang kumurap para mapagmasdan itong mabuti dahil nakatalikod ito sa liwanag. He was wearing plain white shirt and faded jeans. He looked so sexy on it. Tinanggal nito ang sunglasses at sinalubong niya ang magandang matang laging nakangiti.
It was Eiji Romero himself.
Naestatwa siya sa kinatatayuan. “Anong ginagawa mo dito?”
Isang linggo na mula nang magkita sila sa party ni Monica. Madalas lang niya itong makita sa panaginip niya na dadalawin siya. Baka nananaginip lang siya.
Naglakad ito palapit sa kanya. “Ang sabi ko dadalawin kita, di ba?”
Seryoso nga ito sa pagdalaw sa kanya. Ni hindi man lang niya napaghandaan. Natutuliro tuloy siya kung ano ang dapat gawin o sabihin dito.
“Sana nagpasabi ka man lang na dadalaw ka.”
“Mabuti na ang surprise. Baka mamaya takasan mo pa ako.”
“Bakit naman kita tatakasan?”
“Gut feeling. Parang ayaw mo kasi akong makita.”
“S-Siyempre naman natutuwa akong dumalaw ka.”
Pero kung nagpasabi ito, tataguan niya ito. Di siya sanay na tumanggap ng bisitang tulad nito. The ranch was far from the chic and cosmopolitan places he knew. And she had Monica to consider. Anong sasabihin ng pinsan niya? Pero ngayong nasa harap na niya si Eiji, maitataboy pa ba niya ito?
“Artista iyan,” hula ni Tigor.
“Hindi. Basketball player iyan na may girlfriend na artista,” anang si Taboy. “Sa palagay mo, anong relasyon nila ni Bosing Keira?”
“Bago nating kliyente siguro.”
“Manliligaw ni Ma’am. Pustahan pa tayo,” hamon ni Taboy.
“Umayos nga kayong dalawa. Di na kayo nahiya sa bisita natin,” saway niya sa dalawa. “Si Eiji Romero, isa sa kaibigan ng Ma’am Monica ninyo.”
“Good morning, Sir,” bati ng dalawa.
“Ano nga palang ginagawa ninyo dito, Sir? Wala si Ma’am Monica dito,” lakas-loob na tanong ni Taboy.
“Dinadalaw ko si Keira. Nangako kasi ako sa kanya,” sagot ni Eiji.
“Nililigawan ninyo si Bosing Keira?” pabulalas na tanong ni Tigor.
“Pustahan tayo hindi manliligaw iyan. Hanga ako kapag niligawan niya si Bosing,” kontra ni Taboy.
“Magtrabaho na kayong dalawa bago ko pa kayo bigyan ng disciplinary action,” banta niya. “Imo-monitor ko lang ang trabaho ninyo at babalikan ko rin kayo sa horse pool.” Bagong facility nila ang horse pool at ngayon pa lang nakakasanayan ng mga tauhan niya ang bagong programa.
“Mag-ingat kayo, Sir!” sigaw ni Taboy.
“Mag-ingat siya sa iyo, Ma’am,” pahabol pa ni Tigor.
Nakikini-kinita na niya ang resulta ng pagdalaw ni Eiji sa kanya. Magiging tampulan siya ng usap-usapan at tuksuhan ng mga tauhan.
Pero may isang damdamin siyang hindi pwedeng ikaila. Magaan ang pakiramdam niya na naroon si Eiji.
“PASENSIYA na sa mga gunggong na iyon. Ganyan lang talaga sila kakulit,” hinging-paumanhin ni Keira kay Eiji habang naglalakad sila papunta sa ranch house.
“Ganyan din kami kung magkantiyawan ng mga kaibigan ko. Mas malala pa. Pero bakit pati ikaw ganoon din kung biruin nila?”
“They treat me here as one of them. Halos lahat ng mga tauhan dito sa ranch lalaki. It was not easy to penetrate their field. Noong una, sobrang bait sila sa akin. Lagi silang nakaalalay. Pero nang sinabi kong gusto ko na tratuhin nila ako bilang isa sa kanila, bigla silang naging malupit. Sa akin nila ibinibigay ang mahihirap na trabaho.They wanted me to quit. Patunayan na di ako pwedeng pumantay sa kanila.”
“I can imagine. I must admit that I am a chauvinist like them. Dahil may rule din kami sa Stallion Riding Club. There are some privileges that only men can avail.”
“Alien ba ang tingin ninyo sa mga babae?”
He drew out a deep breath. “We care for our women. However, the club is exclusively for men. There are some favors exclusively for us. Para na rin sa protection namin. We pay a high price for it after all. Kung alam mo lang kung gaano karaming women’s group ang nagpoprotesta sa amin. Hindi daw kami fair sa mga babae. They make us appear like monsters.”
“It is your world. And besides, other women don’t seem to mind. Halos ninety-nine percent yata ng mga babae sa Pilipinas gustong pumasok doon.” Sa dami ng mga guwapong lalaki doon tulad ni Eiji, lahat ay magkakandarapa.
“Well, you are a part of that one percent who isn’t interested.”
“I am not a feminist. I am just too busy.”
“Nakita ko nga kung gaano ka ka-busy. With that stubborn horse, you really just can’t leave the ranch. Mukhang mas matigas pa ang ulo ng kabayong tine-train mo kaysa sa akin. Pero napasunod mo siya.”
Tumigil siya sa paglalakad. “Napanood mo ako? Kanina ka pa dumating?”
“Oo. Di ko lang inilapit ang sasakyan. I might startle the horse. So I walked on my way here. Pinanood lang kita sa malayo.Ayoko rin makaabala sa trabaho mo.”
“Doon na tayo sa bahay para makapag-miryenda ka.”
“I am okay.” Hinawakan nito ang braso niya. “Huwag ka nang masyadong mag-abala para sa akin. Ikaw nga itong mukhang pagod na pagod.”
Naglabas ito ng panyo at akmang pupunasan ang pawis niya sa mukha. Pinigilan niya ang kamay nito. “Huwag na. Madudumihan ang panyo mo. Saka huwag kang masyadong lalapit sa akin. Amoy araw ako at amoy kabayo.”
Sa halip na lumayo ay inilapit pa nito ang mukha sa buhok niya. “How did you manage to smell so great even after staying under the sun?”
Awtomatiko ang naging reaksiyon niya sa paglapit nito sa kanya. Hinaklit niya ang harap ng polo nito. “Niloloko mo ba ako?” pagalit niyang tanong.
Natigilan siya nang di man lang ito nagulat sa ginawa niya. Nanlaki ang mata niya nang matuklasang napakalapit ng mukha nito sa kanya. Ang kamay niyang nakakapit sa polo nito ay hinawakan pa nito. She just stared at his blue-black eyes. Daig pa niya ang nahipnotismo dahil di niya maalis ang tingin dito.
“Mukha bang niloloko lang kita?” tanong nito sa sensuwal na boses na humahagod sa buo niyang katawan.
Nanuyo ang lalamunan niya. He was so close to her, she could almost taste him. Sanay na siyang maging malapit sa mga lalaki. Walang malisya sa kanya iyon dahil parang lalaki din naman ang trato sa kanya ng mga ito. But with Eiji, it was different. For the first time, someone made her feel that she was a woman.
“Keira, may bisita ka ba?” narinig niyang tawag ni Felipe.
Bigla silang naghiwalay. Binitiwan niya ang polo nito. “S-Si Uncle. Pumasok na tayo,” aniya sa nangangatal na boses.
That was close. So close. Kung di kaya dumating ang uncle niya, ano ang posibleng nangyari? Hahalikan kaya siya nito?
Disturbing thoughts, Keira. Si Eiji lang ang nagpapagulo sa utak niya nang ganito. Ano ba ang pakay nito sa pagpasok sa buhay niya?