Simple lang ang pangarap ni Saskia sa buhay. Ang itaas ang reputasyon ng Artemis Equestrian Center-ang riding school na iniwan sa kanya ng Tita Artemis niya. Nang magdagsaan ang mga kababaihan sa riding school nila na gustong makapasok sa Stallion Riding Club, pakiramdam niya ay minamaliit ang riding school niya.
So she had to declare a match with her mortal enemy, Reichen Alleje. Kailangan niya itong matalo para maibalik ang karangalan sa riding school niya.
Pero bakit parang dahan-dahan nitong kinukuha ang puso niya habang unti-unti siyang nawawala sa sarili sa bawat halik nito?
She must fight him at all cost. She could never lose her heart to a playboy like him.
“Wow, Tita Emie! This is so grand!”
Manghang-mangha si Saskia nang makapasok sa Winter Riding School. Sa baroque style na palasyong iyon na may tatlong naglalakihang crystal chandeliers at lupang sahig ang siyang magiging location ng gala performance ng mga riders ng Spanish Riding Club o Spanische Hofreitschule sa Vienna, Austria. Ito ang itinuturing na pinakamatandang riding school sa mundo. Sikat daw iyon sa horse ballet.
Naiku-kwento lang iyon ng Tita Artemis niya. Matagal na niyang gustong makanood. At dahil nanalo siya sa show jumping competition sa small junior hunter division ng Equestrian Festival Circuit na ginanap sa America, iniregalo nito sa kanya ang tour na iyon sa Vienna parang lang makanood ng performance sa Spanish Riding School. Pareho kasi silang mahilig sa mga kabayo. At sa edad na fifteen, pangarap niyang magkaroon ng riding school katulad nito.
“Yes, this is grand. Hintayin mo lang kapag nagsimula na ang performance. Hindi ka na siguro makakapagsalita sa sobrang paghanga.”
Tumugtog ang classical music ni Mozart at nag-perform na ang unang rider. Ang loob mismo ng palasyo ang nagsilbing riding arena. Hangang-hanga siya sa galing ng rider na I-maniobra ang kabayo. And the horse was like dancing.
“Wow! The horse and the rider are in sync! Its so cool, Tita.”
“It is dressage. Nakakita ka na ng ganyan noon.”
“This is no ordinary dressage, Tita. Nakakita na ako ng performance sa dressage competition. But this one has the poise and the elegance. And that white horse looks so neat!” Sumunod na nag-perform ang school on the ground at above the ground. Sa pagkakataong ito ay halos lumilipad na ang kabayo. Di niya mapigilang pumalakpak. “Lahat po ba ng horse dito puti?”
“Yes. They are called Lipizzan horses. They have their own breeding farm just for those horses. Sa Spain nag-originate ang pagte-train sa kanila. For like two thousand, two hundred years already. Pero dito sa Austria five hundreds years na mula nang magsimula iyang ituro.”
Nanlaki ang mata niya. “That long?”
“They are prized horses. They are the oldest breed of horse and are considered noble.” Di lang mga riders ang bida sa riding school kundi maging ang mga kabayo. They must be really intelligent and well trained to perform the drills.
Hindi niya inaalis ang tingin sa mga performers. Sumunod na pumasok ang walong riders. It was called the School Quadrille. Natuon ang atensiyon niya sa rider na moreno ang balat at itim ang buhok. He stood out compare to his white counterparts. Pare-pareho naman ang galaw ng mga ito. But he stood out. Wala na siyang ginawa kundi sundan ang bawat kilos nito.
“Ay!” panghihinayang niya nang matapos na ang drill. Gusto pa kasi niyang makita na nagpe-perform ang lalaking iyon. She really liked him.
“Don’t worry. May solo performance pa. This is something to watch out for, Saskia,” anang Tita Artemis niya.
Pilit niyang itinuon ang atensiyon sa palabas. Subalit patuloy na bumabalik ang isip niya sa lalaking nakita kanina. Sino ito? Makikita pa ba niya ito?
“THIS is the best day of my life!” excited na usal ni Saskia habang kumakain ng paborito niyang paella na isine-serve sa Caballero Café and Restaurant sa loob pa rin ng Spanish Riding School kung saan sila nagdi-dinner.
“You must enjoy it. Bukas babalik na tayo sa Athens.”
Bumagsak ang balikat niya. “Why don’t we just stay here forever?”
“Nagtatampo ka dahil di napanood ng mama at papa mo ang competition mo? Kaya nga ipinasyal kita para makalimutan mo na.”
“I know that they are not fond of horses. I don’t want to see them fight. I am so tired of it, I just want to stop caring at all.”
Wala nang ginawa ang mga magulang niya kundi ang mag-away. Her father, Theos Kristofides, was a half-Greek hotel magnate and Artemis’ brother. He was a womanizer. At sadyang martir ang mama niya na si Agnes. Tuwing may babaeng nai-involve sa papa niya ay nagpapalipat-lipat sila sa Pilipinas at Greece para lang iiwas ang papa niya sa mga babae. Pati siya ay nahihirapan na.
Dahil napapadalas ang away ng mga magulang niya, naiiwan na lang siya sa Artemis Equestrian Center, ang riding school na pag-aari nito. Kailangan din niya ng stable na tahanan para makapag-aral siya nang maayos. Si Artemis na ang tumayong nanay niya. Subalit kailangan niyang bumalik sa Greece dahil nag-insist ang mama niya na sumama na siya dito palagi para makumbinsi ang papa niya na buuin ang pamilya nila.
“Who knows? Maybe they are okay now.”
“Pwede bang kayo na lang ang mama ko, Tita?”
Pinisil nito ang pisngi niya. “Kung pwede lang sana. Di papayag ang mama mo na ampunin kita. Ikaw na lang ang nag-iisa niyang anak.”
“Lahat ng atensiyon niya nasa kay Papa,” reklamo niya. Umikot na ang mundo ng mama niya sa papa niya. Wala na atang natirang pagmamahal sa kanya.
“Men are born polygamous.”
“Kaya po ba hindi na lang kayo nag-asawa, Tita?”
“Maybe I am destined to be an old maid. Baka kabayo lang ang kaya kong mahalin,” anito at humalakhak.
“Kabayo na lang din ang mamahalin ko.”
Tumawa ito. “Silly! You will fall in love once you find the right one.”
“Paano po kung walang right one?”
“Have some strudels,” anito at itinulak sa kanya ang dessert na gawa sa manipis na wafer. “That is the traditional Viennese dessert.”
Masarap nga ang strudel. “I want some more.”
Nasa pangalawang serving na siya ng studel at tutok na tutok sa pagkain nang maramdaman niyang may nakatayo sa likuran niya. Nang lumingon siya ay isang lalaki ang naroon. He was wearing the Spanish Riding School’s uniform. He was wearing a bicorn or hat made of turf of rabbit hair, a black uniform tailcoat made of washable leather, buckskin trousers and Wellington boots.
Parang isa itong sundalo ng makalumang panahon. And it looked so good on him because he was tall and dignified.
Ito ang isa sa mga riders kanina. Ito ang lalaking di niya maalis-alis ang tingin niya. At gaya kanina ay di na naman niya maalis ang tingin dito. His skin was brown. She was fascinated by his black eyes. Mukha itong masungit dahil di ito ngumingiti.
“Good evening, ladies,” he greeted in a suave voice and smiled. Nawala ang pagkasuplado ng dating nito nang ngumiti ito. Siya ba ang nginingitian nito.
“Reichen!” Tumayo ang tita niya at hinalikan ito sa pisngi. Magkakilala ang mga ito? Di nasabi ng tita niya na may kakilala ito doon. “My, my, binatang-binata ka na. Last time na nakita kita, ten years old ka pa lang.”
“I thought it was just yesterday. You are still as beautiful as ever.” Dumako ang tingin nito sa kanya. “And who is that pretty lady with you?”
Naramdaman niya ang pag-iinit ng pisngi niya nang siya ang ngitian nito. There was something about him that made her melt.
“This is my niece, Saskia. Saskia, this is Reichen Alleje. They own the Alleje Farm. Katabi lang iyon ng riding school ko,” pagpapakilala ni Artemis. “Noong bata pa siya, sa riding school ko siya nag-training. Ang pinakamakulit kong estudyante.”
Lumuhod sa harap niya si Reichen at kinintalan ng halik ang likod ng palad niya. “It is a pleasure to meet you, my lady.”
“N-Nice meeting you, Sir,” aniya sa nanginginig na boses. She couldn’t believe it. Sa kauna-unahang pagkakataon ay di normal ang reaksyon niya sa isang lalaki. Mabilis na mabilis ang tibok ng puso niya. Samantalang ang ibang mga lalaki na gustong manligaw sa kanya ay tinatarayan niya.
Bakit di niya ito magawang sungitan? She even found his act sweet. She was like a lady of the court wooed by a knight. He was perfect for a knight.
Di pa rin niya maalis ang tingin kay Reichen nang umupo ito sa tapat niya.
“I didn’t expect to see you here. I thought you are busy with your riding school. Iyon po ang sabi ninyo sa huli ninyong sulat, Teacher,” sabi ni Reichen.
“Nanalo si Saskia sa International Grand Prix sa Kentucky. She’s into show jumping. Kaya ito ang premyo niya. A time of her life at the Spanish Riding School.”
“So you are a rider. Must be the next Artemis Kristofides.”
Artemis patted her head. “She will be my heir to the equestrian center.”
Tinitigan siya ni Reichen. “Ideal girl ko ang magaling sumakay sa kabayo. And I love girls with black hair and blue-green eyes. Why don’t we go out on a date sometimes? Wala ka bang boyfriend?”
“H-Ha?” usal niya. Kakilala pa lang nila ay boyfriend na ang tinatanong nito. Di tuloy niya alam kung ano ang isasagot dito.
“Reichen, Saskia is only fifteen!” natatawang sabi ni Artemis. “Oh, look at her. She’s blushing. This is the first time that I’ve seen her blush.”
“Hindi po ako nagba-blush,” kaila niya at umingos.
“She looks more beautiful when she blushes,” Reichen teased. “Kapag eighteen ka na, papayagan ka na sigurong mag-date.”
“M-May boyfriend na ako,” aniya nang maalala ang lagi niyang sinasabi kapag may mga lalaki na nangungulit sa kanya. “Si Spica.”
“Spica? What a weird name for a man,” kunot-noong sabi ni Reichen.
“It is her stallion. Si Spica ang ka-partner niya nang manalo siya sa Grand Prix. She’s really in love with that horse,” paliwanag ni Artemis.
“Kung ganoon, may girlfriend na pala ako. Si Favory, ang Lipizzan mare ko na nasa farm.” Tumawa ito. “Pero sa palagay ko mas maganda kung tayo ang magde-date kaysa kasama nating mag-date ang mga kabayo natin.”
“I really admire Reichen,” anang si Artemis. “Alam mo bang di basta-basta nakakapasok sa Spanish Riding School? Sa isang taon, tatlo o apat lang na estudyante ang tinatanggap nila. And he was accepted. Five years na siya dito.”
Nanlaki ang mata niya. “Wow! I also want to be a student here.”
Tumawa si Reichen. “I am afraid you are not qualified.”
Nagningas ang apoy sa mata niya. “Why? I am an excellent rider,” she said confidently. Kahit ang mas matatandang rider ay humanga sa kanya.
“Only male students are accepted here,” sagot ni Reichen. “It is a tradition that they don’t want to break. Di rin ordinaryo ang training dito. Both the horses and the riders are trained well. It took us a lot of discipline and perseverance and years of training to become excellent riders. At di kami tumitigil sa pag-aaral.”
Ipinaliwanag nito na ito mismo ang nagte-train sa sarili nitong kabayo. Sa una ay young stallion muna ang tine-train nito bilang Élève. Naging student rider ito at matapos ang limang taon ay naging full-pledged rider. Madali na daw ang limang taon. Ibig sabihin ay talagang magaling ito. Dedicated kasi ito sa ginagawa. With that he earned her utmost respect.
“Too bad. I also want to be a student here.” Since she was young, she was used to training with the world’s best trainers. At naniniwala siya na ang Spanish Riding School ang pinaka-magandang horse school sa mundo.
“Know what? You can ride Favory when you visit the Alleje Farm. At pwede rin kitang turuan ng ilan sa maneuvers na ginagawa namin.”
Tumango siya. “I would love to!”
Kinamayan siya nito. “It is a date then.”
“MAMA! Mama!” tawag ni Saskia sa ina pag-uwi nila ni Artemis sa ancestral house ng mga Kristofides sa Athens. Kagagaling lang nila sa airport. She had a grand time of her life in Vienna. Sayang at kailangan na niyang umuwi.
Excited siyang ipakita ang bicorn ni Reichen noong Élève pa lang ito. It was a very special gift. Di man daw siya maging estudyante ng Spanish riding school, nire-recognize naman daw nito ang galing niya sa kabayo.
“Wala yata si Ate Agnes,” wika ni Artemis na kasunod lang niya.
“No. Nasa garahe po ang kotse. Mama!” sigaw ulit niya at tuloy-tuloy sa kuwarto ng mommy niya. Nagimbal siya nang makitang hawak nito ang bote ng sleeping pills at tangkang iinumin. “Mama, no!”
Mabilis niya itong hinablot ang bote ng gamot dito. Sumabog ang gamot sa carpeted na sahig. “Huwag mo akong pigilan!” anito at humagulgol. “Wala nang pakialam ang daddy mo sa akin. Nasa Thermophylae siya kasama ang babae niya. Ano bang kasalanan ko sa kanya?”
Niyakap niya ito. “Mama, that’s enough. Hayaan mo na si Papa.” Naiinis siya dahil sobra-sobra kung mahalin ng ina niya ang Papa niya. Di nito magawang iwanan kahit pa nasasaktan na ito. Pero nang mga oras na iyon ay nakakaawa ito.
Isang dating beauty queen ang mama niya. Nakuha ito sa matatamis na salita ng papa niya. Nabuntis ito kaya napilitan ang papa niya na pakasalan ito. Her father resented them both. Di daw mapipigil ng kasal ang anumang gusto nitong gawin. Her father continued womanizing. Di na ata mababago iyon. Habang napapabayaan naman ng mama niya ang sarili nito sa kahahabol sa papa niya.
“I love him, Saskia! I can’t stop loving him and I can’t live without him.”
Nanghihingi siya ng saklolo na tumingin sa Tita Artemis niya. Nahihirapan na ang kalooban niya. Sa bata niyang isip, di niya alam kung bakit nangyayari pa iyon.
Umuklo si Artemis sa harap ni Agnes at hinaplos ang buhok nito. “Ayusin mo ang sarili mo, Agnes. Babalik na tayo sa Pilipinas.”
Umiling si Agnes. “Ayoko! Di ko kayang mawala ang kapatid mo sa akin. Hindi ako papayag na mapunta siya sa babaeng iyon.”
“Maniwala ka sa akin. Kung sasama ka sa akin pauwi ng Pilipinas, babalik siya sa iyo,” pang-aalo ni Artemis.
Kumunot ang noo niya. Di niya alam kung paano mangyayari iyon. Kapag bumalik sila sa Pilipinas, magkakaroon ng kalayaan ang papa niya na sumama sa babae nito. Subalit pabor sa kanya na umuwi sa Pilipinas nang wala ang Papa niya. Mas matatahimik siya.
Makakatagpo kaya siya ng lalaki na di magpapaiyak ng babae? Anong klaseng lalaki kaya si Reichen? Di niya mapigilang ngumiti. Sa tingin niya ay masarap itong magmahal. Nararamdaman niya iyon. Aalagaan siya nito.
“O, bakit hindi mo maipinta ang mukha mo?” tanong ni Artemis habang bumibiyahe sila papunta sa Artemis Equestrian Center. Weekend noon kaya wala siyang pasok. Sinundo siya nito sa villa nila sa White Plains para makasama ito buong weekend.
“Ayoko po sanang iwan si Mama kay Papa.”
“Hindi ka ba natutuwa na bumalik na ang papa mo?” Gaya ng inaasahan nito, sumunod nga ang Papa niya sa Pilipinas. Ito mismo ang nanuyo sa mama niya at nangako na di na titingin sa ibang babae. At pinatawad naman ito ng mama niya. Gusto sana nitong bumalik na sila sa Greece pero simula na ng klase niya.
Bumuntong-hininga siya at tumingin sa labas. “Napapagod lang po ako. Hindi ko maintindihan kung bakit binabalikan pa niya si Mama pero lolokohin din niya.”
“Malay mo nagbago na ang Papa mo. Give him a chance.”
Itinaas niya ang kamay. “I know he is my father but I don’t trust him as a man. Si Mama na lang ang nagbibigay ng chance sa kanya. Mas mabuti kung sa boarding school na lang ako sa abroad.”
Nagpasa na siya ng application form para sa isang international boarding school sa London na may sariling equine or horse sports school. Ang totoo ay ang mga ito mismo ang nag-alok na gawin siyang scholar matapos niyang manalo sa Grand Prix competition. She couldn’t miss the chance.
“Sayang. Kung kailan pa nabubuo na ang pamilya mo.”
“Di ko naman sinisira ang pamilya ko, Tita. I just want to fulfill my dreams. I have to do this as your heir,” nakangiti niyang wika.
“Kaya hindi ako nalulungkot na wala akong anak. Because you are there. I know that you will make the riding school more productive someday. Ikaw ang magpapatuloy sa lahat ng pangarap na nasimulan ko.”
Napansin niya na iba ang dinadaanan nila. “Tita, this is not the way to the equestrian center,” untag niya dito.
“Yes. Sa Alleje Farm tayo magla-lunch.”
“Alleje Farm? Doon po sa farm nila Reichen?”
“Yes. Dito nagbakasyon si Reichen sa Pilipinas. Dito na kasi naka-settle ang family niya at hindi sa Spain. Ibinenta na ng pamilya niya ang negosyo nila doon.” Anak ng dating Ambassador ang Papa ni Reichen at nakilala nito ang Kastilang ina sa Madrid nang doon tumira ang mga Alleje. Kaya sa Spain na ipinananganak at lumaki ang magkapatid na Reichen at Reid ayon sa kwento ni Artemis. Nagbakasyon lang ang pamilya Alleke sa Pilipinas kaya naging estudyante ni Artemis sa equestrian center. Parehong mataas ang respeto ng mga ito kay Artemis bilang guro.
“Makikita ko na si Reichen.” Di niya maitago ang excitement. Ilang beses ba niyang pinangarap na bumalik sa Vienna para makita itong muli? “Makikita ko na rin po ang Lipizzan mare niyang si Favory!”
Namangha siya nang pumasok sa Alleje Farm. Ilang daang ektarya ang naturang farm. Puro berde halos ang nakikita niya at kitang-kita rin niya ang magandang view ng Taal Lake. They breed some of the best horses in the world. Nakapag-asawa kasi ng isang oil sheikh ang tita ni Reichen na may breeding farm ng mga Arabian horses. Sa pandinig pa lang niya ay parang paraiso na iyon.
Sinalubong sila ng kapatid ni Reichen na si Reid. Kung palangiti si Reichen, mukha namang di ito marunong na ngumiti. “So you are Teacher Artemis’ niece who won the Grand Prix. Naikwento ka na sa amin ni Reichen.”
“Really?” Ganoon ba siya kaespesyal para ikwento sa iba? Siguro nga ay espesyal ang turing sa kanya ni Reichen tulad nang itinuturing niya ito bilang pinaka-espesyal na lalaking nakilala niya.
“Yes. Nasa stable siya ngayon kasama si Favory. Ipapatawag ko para maipasyal ka niya,” anang si Reid.
“Si Reichen muna ang bahala sa iyo dahil may importante kaming pag-uusapan ni Reid,” sabi naman ni Artemis.
Isang golf cart ang naghatid sa kanya sa stable ng farm. May kalayuan din kasi iyon sa villa. Malapit sa stable ay natanaw niya si Reichen na nakatayo sa tabi ng Lipizzan horse na hula niya ay si Favory. Subalit di ito nag-iisa dahil dalawang babae na nakasuot ng mini skirt at sleeveless blouse ang kasama nito. They had big breasts. Halos lumuwa na iyon sa blouse na suot nito. Anong ginagawa ni Reichen kasama ang mga babaeng iyon? And how dare them show off their bodies to him? They look so cheap. Di tuloy niya maiwasang mairita sa dalawa.
“Lipizzan horses are born black. Kapag lumaki na sila saka sila nagiging kulay gray hanggang maging white. Sila lang ang mga kabayo na ginagamit namin sa Spanish Riding School,” paliwanag ni Reichen. Mukhang wala namang pakialam ang dalawa sa impormasyon dahil nakatitig lang ang mga ito kay Reichen.
“You must look like a prince riding this horse,” wika ng isang babae.
“I will be his princess,” anang isa pa.
“No! Ako ang princess niya!” tutol ng una.
Inakbayan ni Reichen ang dalawa. “Girls, you don’t have to fight. Kayong dalawa ang magiging prinsesa ko.”
Naningkit ang mata niya at nagmamadaling lumayo. Reichen was no prince. He was a frog just like her father. Hindi nito kayang maging faithful sa isang babae. Lahat na lang ba ng babae ay pangangakuan nito ng atensiyon tulad niya?
Bakit ba siya umasa na may lalaki na kayang maging faithful sa mga babae. She would never trust someone like him again. Ayaw niyang matulad sa mama niya.