Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 177

“This is heaven!” usal ni Fridah Mae habang sina-shampoo ang buhok niya ng Stallion Shampoo and Conditioner.

Humagikgik si Jenna Rose na nasa tabi lang niya at nagpapa-shampoo rin. “Shampoo pa lang iyan pero parang nasa langit ka na, ha?”

“Kung alam mo lang ang mga pinagdaanan ko, langit talaga ito,” sabi niya at pumikit. Dinalaw niya ito sa boutique nito sa Stallion Riding Club. At naging ritwal na nila na magpa-salon kung di lang din naman ito busy sa trabaho.

“Ano ba naman ang hair mo, Miss Fridah? Parang sampung taon ka yatang di nakatikim ng shampoo,” sabi ng baklang staff na nagsa-shampoo sa kanya. “Ang gaspang ng buhok mo. Di naman iyan ganyan dati.”

“Naubusan ako ng Stallion Shampoo. Sa liblib na lugar ako sa Guatemalla nadestino. Napilitan akong gumamit ng gugo. Paki-shampoo na lang mabuti para maramdaman kong buhok nga ang nasa ulo ko at hindi buhok.”

Nagtatrabaho na siya ngayon sa Amnesty International. Kung saan-saang bansa siya nadedestino. Naging pangarap na kasi niya na mag-lecture sa iba’t ibang klaseng tao ng tungkol sa Human Rights Education. Kaya nanatili siya sa organization nang makatapos siya college. Kadalasan ay sa mga liblib na lugar siya napapapadpad at dilemma na niya na maubusan ng shampoo.

Tumawa ulit si Jenna Rose. “Hindi ko maisip na mapapasok ka sa ganyang klase ng profession, Fridah Mae. Hindi ba lamang ka ng sampung paligo sa akin pagdating sa kasosyalan noong nagkakilala tayo sa concert nila Jed? Tapos heto umaakyat ka ng mga bundok. At naranasan mo pang maggugo.”

“At least nakita ko kung ano ang purpose ko sa mundo.”

Di tulad dati na wala na siyang ibinigay sa pamilya niya at lipunan kundi sakit ng ulo. Kahit paano ay taas-noo na ang mga magulang niya kapag may nagtatanong tungkol sa kanya. Isa daw siyang karespe-respetong international human rights volunteer. Na nagsasakripisyo daw siya para sa kaparatang pantao.

“Sana naman dito ka na sa Pilipinas magpadestino,” sabi ni Jenna Rose. “May concert si Jed. Miss na ng banda ang kagandahan mo. Kahit daw marami pa silang fans, ikaw pa rin ang original para sa kanila.”

Nobyo na ngayon ni Jenna Rose ang kinabaliwan nilang The Switch vocalist na si Jason Erwin Dean. Tanggap niya na si Jenna Rose talaga ang gusto ni Jed. No hurt feelings. Matagal nang lumipas ang kagagahan niya kay Jed. Kahit nga si Jed ay nagulat dahil matured na siyang mamamayan.

“Isang buwan ang bakasyon ko bago na naman nila ako ipadala sa kung saang bahagi ng mundo. At dito muna ako sa Stallion Riding Club.”

Saglit lang niyang dinalaw ang mga magulang at kaibigan sa Zamboanga. Mayor na doon ang Kuya Jeffrey niya. Sa dami ng parties at activities na involve ang pamilya niya, pinili niyang umalis doon agad. Di siya makakapagpahinga. Gusto niya ng katahimikan kaya pinili niya ang Stallion Riding Club.

“Magpataba ka na rin. Sa dami ng ginagawa mo, di ka na nakakakaing mabuti. Pinsan mo naman ngayon ang may-ari ng Lakeside Café.”

“Mas mag-e-enjoy ka kapag may boyfriend!” tili ng bading na hair stylist.

Napangiti na lang siya. Kung mga guwapo ang pag-uusapan, Stallion Riding Club ang pinaka-perpektong lugar para doon. It was an exclusive club for young gorgeous men. Doon na yata nag-ipon-ipon ang mga guwapo sa Pilipinas. Kumpleto kasi ang facilities ng riding club. Di lang ito nagke-cater sa mga horse lovers. Ideal din ito sa bakasyon at business activities. Ang iba nga ay ginawa na iyong bahay. Di rin basta-basta nakakapasok ang kahit na sino kung walang imbitasyon o permiso ng isa sa mga miyembro. Kaya naman maraming babae ang gustong makapasok sa riding club dahil sa mga nagguguwapuhang lalaki.

“Saka na natin pag-usapan ang mga boys, ha? Pagandahin mo muna ako.”

Hindi na rin naman siya bumabata. Twenty-three na siya. At kahit minsan ay di pa siya nagkaka-boyfriend. May mga nagpapahaging naman sa kanya sa mga lugar na napuntahan niya o kahit kapag umuuwi siya sa Zamboanga. Pero lagi pa rin niyang naiisip ang masungit na Johann. Bigla ay nagustuhan niya ang mga intelihenteng masungit pero tahimik.

“Frids, di kita masasamahan sa Lakeside Café. Bigla kasing nag-set ng appointment ang isang client ko sa kabilang boutique. Babalik ako sa Manila,” sabi ni Jenna Rose matapos nilang magpa-treat ng buhok.

Humalik siya sa pisngi nito. “Magkita na lang tayo bukas. Isang linggo naman ako dito sa riding club bago ako bumalik sa Zamboanga.” Sa guesthouse siya ng riding club tutuloy at naka-charge sa pinsan niya.

“Babawi na lang ako pagbalik ko. Horseback riding tayo nila Jed.”

Ihinatid siya nito sa Lakeside Café. Sinalubong siya ng pinsan niyang si Richard Don at Mark Ashley. Si Richard Don ang bagong may-ari ng Lakeside Café. Habang si Mark Ashley naman ang official na chopper pilot ng riding club. Ilang buwan pa lang na nagiging miyembro ang dalawa.

Niyakap siya ni Richard Don. “Welcome back to civilization, cuz!”

Natawa siya. Iyon kasi ang bati nito sa kanya tuwing magkikita sila. Lagi kasing napa-fascinate ang mga ito sa lugar na walang kuryente o mall. Palibhasa ay city life ang kinakalakihan ng dalawa.

“Mukhang na-detoxify ka na bago ka tumuloy dito,” nakangising sabi ni Mark Ashley nang yakapin siya. “Gusto pa mandin kitang maamoy nang di pa nawawala ang amoy-lumot sa iyo.”

Kung anu-ano kasi ang sinasabi nito tuwing nagkikita sila. Nang manggaling siya sa Africa ay amoy-disyerto daw siya, nang sa landslide prone na Peru ay amoy-putik daw siya at ngayong galing siya sa gubat ay amoy-lumot.

Hinampas niya ito sa braso. “Kahit kailan mapang-inis ka! Kumusta naman ang buhay ninyo dito sa riding club?”

“Halos sambahin kami dito,” sabi ni Richard Don at umupo sa rattan couch. “Masaya daw sila na nadagdagan ng mga guwapong tulad namin.”

“Singit ka lang kasi kasama kita.Ako talaga ang guwapo,” sabi ni Mark Ashley.

“Bakit? Ikaw lang ba ang anak ng Diyos?” angal ni Richard Don.

Napailing na lang siya. Laging magkasama ang dalawa mula bata pa. Sabi nga ay mas malapit pa ang dalawa kaysa sa totoong kapatid ng mga ito. Kambal-tuko. Nagtataka lang siya kung bakit di maubos ang bangayan ng mga ito.

“Pwede ba mamaya na lang kayo magkulitan? Gutom na ako. Pahingi naman ng menu? Ano bang makakain dito sa restaurant mo?” tanong niya kay Richard Don.

“Oo nga pala. Sawa ka na sa mga patatas at baging sa Guatemala,” sabi ni Richard Don at tinapik ang ulo niya. “Kawawa ka naman.”

“Hindi ako kumakain ng baging!” nanghahaba ang nguso niyang sabi.

“Um-order ka ng kahit anong gusto mo. Bahala si Richard Don sa iyo,” pabulong na sabi ni Mark Ashley.

“Itsa-charge ko sa iyo, Ash,” sabi ni Richard Don.

“Bakit sa akin mo itsa-charge? Ikaw na nga ang may-ari nito,” angal ni Mark Ashley. “Saka parang di mo ako pinsan. Pati ako sinisingil mo.”

“Business is business. Kakain ka rin naman. Saka guwapo ka naman, di ba?”

Binigyan ng bear hug ni Mark Ashley si Richard Don. “’Insan, mas guwapo ka naman sa akin kaya huwag mo na akong singilin.”

“Nami-miss ko tuloy ang kakulitan ninyo,” sabi niya habang pinagmamasdan ang dalawa.“Makakahanap kaya ako ng kasing guwapo nyo para maging boyfriend?”

“Wala ka pa ring boyfriend?” tanong ni Richard Don.

“Wala pa. Kaya nga ako nandito sa riding club para maghanap ng boyfriend,” sabi niya at sumubo ng spaghetti marinara. Iginala niya ang paningin. “Ang dami talagang guwapo dito. Di ako makapamili kung sino…”

Itinaas ni Mark Ashley ang kamay. “Teka. Teka. Rules and regulation muna. Di ka pwedeng makipag-date nang walang permiso namin. Sa bahay din namin sila pupunta at di ka sa kalye liligawan. Kailangan mo rin ng chaperone sa bawat date.”

“Bawal din ang kiss sa first date,” dagdag ni Richard Don. “Saka kailangan papasa rin ang mga lalaking iyan sa standard namin. Kung di lang din naman kasing guwapo namin, huwag na silang magbakasakali.”

Bumuntong-hininga siya. “Paano ako magkaka-boyfriend kung ganyan ang mga rules and regulation ninyo? Mas mahigpit pa kayo kay Papa.”

Diniinan ni Richard Don ang noo niya. “Nasa Stallion Riding Club ka. Kargo ka namin habang nandito ka. Kaya makinig ka sa rules namin.”

Inulit pa ng dalawa ang mga rules and regulation na parang Philippine Constitution. Nangalumbaba siya at pinagmasdan ang magandang lake. Nandoon siya di para buligligin ng mga ito sa walang kamatayang rules in dating ng mga ito.

Maganda talaga ang riding club. A paradise. Pwede kayang doon na lang siya mag-lecture ng tungkol sa human rights? Puro guwapo pa ang estudyante niya. Sa dami kasi ng guwapo doon ay di siya makapili. Kailangan na niyang makapili para kapag tapos nang magtalo ang mga pinsan niya ay maipakilala na siya.

Sinipat niya kung sino ang walang ka-date at mukhang binata pa. Nahagip ng paningin niya ang isang lalaki na naka-beige long sleeve polo at black trouser. May kausap ito sa telepono. Nakasuot ito ng eyeglasses at mukhang intelihente. Bahagyang nalaglag ang ilang hibla ng buhok nito sa noo at tinangay ng hangin. Napakurap siya nang bahagya itong lumingon sa direksiyon niya.

May kahawig ito. Si Cedric Johannson Cristobal.

Bigla siyang tumayo. Nandoon si Johann sa riding club?

“O bakit?” tanong ni Mark Ashley.

“Sandali lang. May titingnan lang ako.”

Palapit na siya sa lalaki nang bumaba ito ng wooden pathwalk at sumakay na sa kotseng naka-park doon. Binilisan niya ang takbo. “S-Sandali lang! Johann!”

Bago pa siya nakahabol ay humarurot na palayo ang kotse. Nanlumo siya. Ni di man lang niya nalaman kung si Johann nga iyon. O kung ano man lang ang pangalan nito kung ka-look-alike ito ni Johann.

“Sino ba ang hinahabol mo?” tanong ni Richard Don.

“Iyong lalaki kanina. Si Johann iyon, di ba?”

“Johann? Hindi ko alam.” Lumingon ito kay Mark Ashley. “Johann daw.”

“Hindi ko napansin kung sino iyong lalaki kanina, eh!”

Bagsak ang balikat niya nang bumalik sa mesa. Di pa rin mawala sa isip niya ang lalaki kanina. Kung nasa riding club si Johann, sana ay sinabi na ng Kuya Jeffrey niya nang magkita sila. Malamang ay nasa Texas pa rin ito.

At kung nasa Stallion Riding Club man si Johann, ano ngayon? Di na niya ito hahabulin katulad nang ginawa niya dati. She was over him! Oo nga at attracted siya sa mga kasing sungit nito. Pero di ibig sabihin ay si Johann pa rin ang gusto niya.

“FRIDAH Mae, ang sakit naman sa mata ng suot mo. Sa dinami-dami ng mga riding habit na pwede mong makuha sa boutique ni Jenna Rose, bakit iyang fuchsia pa?” angal ni Mark Ashley nang magkita sila sa stable. Ipapasyal siya ng mga ito sa riding club at nangako na ipapakilala siya sa mga guwapo doon.

Dahil napagod siya nang husto noong nakaraang araw dahil galing siya sa biyahe, itinulog na lang niya ang buong maghapon. Malamig ang hangin sa riding club at di na niya kailangan pang buksan ang aircon. Kaya naman babawi siya ng pamamasyal sa umagang iyon. Alas singko pa lang ay gising na siya.

“Anong inaangal mo sa damit ko? Exclusive kaya sa akin ang fuchsia riding habit na ito. Regalo pa ito sa akin ni Jenna Rose noong birthday ko, no?” sagot niya sa angal nito. “Favorite ko ang fuchsia pink.”

“Ikaw nga lang ang malakas ang loob na magsuot ng ganyang kulay,” sabi ni Richard Don. “Kaya naman makulay ang buhay.”

“Bagay naman sa akin, ah!”

“Sino naman ang may sabi sa iyong bagay sa iyo ang fuchsia?”

“Si Johann,” mahina niyang sagot. Si Johann lang din ang hinayaan niyang makialam sa damit na dapat niyang isuot.

Kumusta na kaya ito? Napapadalas yata ang pagsagi nito sa isip niya. Kahit nang nakaraang araw ay may nakita pa siyang kahawig nito. That guy was cute with his glasses. Malamang ay guwapo rin si Johann kapag nakasalamin. Masungit pa rin kaya ito hanggang ngayon? Kailan kaya sila magkikita ulit?

Bakit nga ba niya ito naiisip? Wala na pala siyang pakialam dito matapos siyang ipagpalit sa babaeng hipon. Hindi na niya kinikibo si Johann hanggang umalis ito papunta sa Amerika. Nilunod na lang niya ang sarili niya sa pag-aaral at sa pagiging aktibo sa Amnesty International.

Balita niya ay nagbreak din ito at si Jennifer. Di na siya nagtangkang lapitan pa ito. Nasaktan na siya. May hangganan ang pagiging masokista niya. Kung magkikita sila ni Johann, manghihinayang ito dahil di nito matitikman ang alindog niya. Di talaga niya ito papansinin, ngingitian o kakausapin man lang. Hmp!

“Pumili ka na ng kabayo mo,” untag sa kanya ni Mark Ashley. May mga kabayong ipinapa-rent sa riding club para sa mga walang kabayo.

“Gusto ko si Wind Chaser.” Mabait at maamo ang kabayong iyon na madalas niyang sakyan kapag nasa riding club sila. They hit it off right away.

“Wala na po siya, Ma’am,” anang facilitator sa stable na iyon. “May equine influenza po siya at ten days pa siyang iku-quarantine bago ibalik dito.”

“Ten days?” Nanlaki ang mata niya. “Wala na ako dito within ten days. At bakit siya nagkasakit? Dapat inaalagaan siyang mabuti dito.”

“Natural na sa mga kabayo ang magkasakit,” paliwanag ni Mark Ashley.

“Saka kung mag-react ka, parang sa iyo si Wind Chaser,” anang si Richard Don. “Pumili ka na lang ng ibang kabayo.”

“Ayoko! Gusto kong dalawin si Wind Chaser!” protesta niya.

“May problema ba dito?” tanong ng lalaki na nasa bandang likuran nila.

“Doc CJ, nagalit po si Ma’am dahil may sakit daw si Wind Chaser. Baka daw hindi natin naalagaang mabuti,” anang facilitator.

Nanayo ang balahibo niya sa batok nang marinig ang pangalan ng lalaki. CJ? Doc CJ? Lumingon siya at nagsalubong sila ng maiitim na mata ng lalaki.

Nahigit niya ang hininga. “CJ? Cedric Johannson Resuena Cristobal?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.