Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 19

CHAPTER 9

“How ganda naman this girl. May boyfriend na guwapo at mayamang Japanese. Sana I-share mo naman sa amin ng blessings mo,” sabi ni Rheinn habang kumakain ng lugaw sa eatery ng kaibigan nilang si Cherie. Kasama rin ni Jemaikha ang ibang mga kaibigan.

Nakatiyempo sila ng free time ng lahat dahil Sabado noon kaya nag-get together silang magkakaibigan. Sa sobrang busy sa kanya-kanyang commitment sa eskwelahan ay madalang na silang magkita-kita. Wala siyang itu-tutor na foreign student noon kaya malaya ang araw niya.

“Dapat nga inililibre mo kami sa sosyal na restaurant ngayong high level ka na rin. Hindi yung unli lugaw pa rin tayo hanggang ngayon tapos KKB pa,” nakatirik ang matang reklamo ni Rachel.

Tinampal niya ang braso ng kaibigan. “Puro ka palibre. Ikaw nga itong may malaking baon sa atin at may tatay na seaman. Kaya mo nang bayaran ‘yang lugaw mo. Di nga ako nagpapalibre kay Hiro.”

“Aanhin mo naman ang guwapo at mayamang boyfriend kundi naman namin mapapakinabangan na friends mo?” tanong ni Rachel.

“Kumain ka na lang, Rachel. Huwag ka nang maghanap ng kung anu-ano. Di ka pa nasiyahan na pinakain tayo ng unli sushi ni Hiro nang nakaraang lumabas tayo,” paalala ni Mayi dito.

“Iba iyon. Libre iyon ni Hiro sa atin dahil ihinanda natin si Jemaikha sa love confession niya. Nahirapan kaya ako sa kilay niya,” angal ni Rachel.

“Nagpapasalamat naman ako sa tulong ninyo sa love life ko, mga friendship. Pero pagdating sa usaping gastusan at palibre, lagi naming pinagtatalunan iyan ni Hiro. Pareho pa kaming estudyante. Ayokong sabihin ng magulang niya na inaaksaya ni Hiro ang perang pinaghirapan nila para sa akin. Wala pa namang trabaho si Hiro.

"Huwag mong pansinin 'yang si Rachel. Naubusan lang 'yan ng allowance dahil sa katakawan. Nasaan pala si Hiro? Akala ko sasama siya ngayon," sabi ni Rushell na isinabaw ang suka ng tokwa at baboy sa lugaw.

"May pasok siya ngayon," sabi ni Jemaikha. "Baka sa Lunes na kami magkita."

"Di kayo magkikita bukas?" nanlalaki ang matang tanong ni Rheinn.

"Oras niya kasama ang mga kaibigan niya.”

"Bakit di ka niya kasama?" magkasalubong ang kilay na tanong ni Mayi.

"Boys only. Parang tayo puro girls lang." Di naman pwedeng guwardiyado niya ang nobyo at wala na itong sariling buhay. Baka magkasawaan na sila.

"Sana naman isinasama mo kami para makilala namin ang guwapong friends ni Hiro Hinata. Di naman pwede na ikaw lang ang may guwapo at rich na boyfriend," angal ni Cherie.

Nagkibit-balikat siya. "Ewan ko. Nakaka-intimidate sila. Pakiramdam ko di ako bagay sa sirkulo nila."

"Masama ba ang trato sa iyo? Suplado?"

"Hindi naman. Parang masyado lang sosyal.”

Ilang beses na siyang isinama ni Hiro kapag lumalabas ito kasama ang mga kaibigan. Naging hang-out ng mga ito ang bahay ni Rolf Guzman na nakabukod sa pamilya nito. Nakakalula ang condo unit ng batang car racer. Well-traveled ang mga kaibigan ni Hiro gaya nito. Mga bata pa lang ay achievers na.

“Tapos minsan di pa ako maka-relate sa usapan nila tungkol sa latest technology, politics at stock market o kaya arts. Iba pala 'yung nababasa mo lang pero grabe ang discussion nila. Parang ganoon na ang nginunguya nila mula nang ipanganak sila. Sinubukan ko minsan na humabol at makisali sa usapan pero hanggang isa o dalawang exchange ng dialogue.”

Nakaka-insecure din lalo na kapag may ka-date ang mga kaibigan ni Hiro na mukhang sosyal at latest sa fashion at pagbiyahe ang pinag-uusapan. Ano naman ang maiko-contribute niya sa usapan ng mga ito? Life hacks? Paano maka-survive sa Payatas? Paano makatawad sa palengke?

Pakiramdam din minsan ni Jemaikha ay nagtataka ang mga kaibigan ni Hiro kung ano ang nakita sa kanya. Iba na nakikihalubilo lang siya sa may kayang tao pero iba na kapag parte na ang mga ito ng buhay niya. Nobyo na niya si Hiro kaya di niya pwedeng iwasan ang mga ito. Ayaw lang niyang may maling gawin at mapahiya si Hiro dahil sa kanya.

"Naku! Di mo dapat iniiwan mag-isa si Hiro. Baka mamaya agawin pa sa iyo ang boyfriend mo," banta ni Rheinn.

"I trust Hiro."

"Wag kang pakampante. 'Yung mga pangit at hampaslupa nga pinag-aagawan ng mga babae. Lalo naman si Hiro na guwapo na, mayaman pa at mabait. Walang maba-mabait sa babaeng mapilit.”

Matapos ang tanghalian ay napansin niyang di pa rin nagte-text ang lalaki. Nakasanayan na niyang nagte-text ito in between subjects o kaya ay kinukumusta siya kung nasaan na siya o kung kumain na siya. Makalipas ang isang oras ay wala pa ring text mula dito.

Tinawagan niya si Hiro habang nagvi-videoke ang mga kaibigan. Gusto lang naman niyang i-check kung nakauwi na ito. Alas dos na kaya tapos na ang klase nito. Nagtaka siya dahil di nito sinasagot ang tawag. "Baka naman nakatulog na sa pagod,” usal niya.

Hindi siya demanding na girlfriend. Di rin siya clingy. Nauunawaan niya kung ano ang demands kay Hiro bilang engineering student. At nauunawaan din nito ang mga responsibilidad niya sa pamilya at sa trabaho. Tatlong buwan na niya itong nobyo pero smooth ang relasyon nila. Wala pa nga silang pinag-aawayan na dalawa.

Nag-ring ang cellphone niya nang tumawag ang kaklaseng si Mavy. "Nandito sa archery range si Hiro 'yung boyfriend mo. May kasamang ibang babae."

"Ows?!" tanong niya at tumaas ang kilay.

"Kasingtangkad mo ang babae pero talo tayo sa dibdib. Pinagtitinginan nga agad sila ng mga tao dito dahil naka-maigsing dress si Ate at labas ang cleavage. Ayan nga o! Nagtuturuan pa sila sa paghawak ng bow. Di ako nakikipagbiruan. Ipa-prank ba kita sa ganito kaseryosong bagay?”

Hindi agad nakakibo si Jemaikha. Isa sa mga tahimik niyang kaklase si Mavy. Miyembro ng archery team ng UP. Hindi ito mahilig sa tsismis at intriga dahil pag-aaral lang ang focus nito. Pero sino naman kayang babae ang tinutukoy nito?

"I-check mo ang Facebook mo after five minutes,” sabi nito sa huli.

“Sige,” usal niya at nakatitig lang sa cellphone matapos itong tumawag. Nag-register siya sa internet service para makita ang mensaheng ipapadala nito.

Nanginig ang kamay niya nang makita si Hiro na inaasistehan si Shobe sa archery range. Magkasama ang mga ito? Akala ba niya ay didistantsiya na ang nobyo sa babae. Bakit ine-entertain pa rin nito? Alam naman nito na may isyu siya kay Shobe.

“Jem, ikaw na ang kanta mo. Heto na ‘yung Utada Hikaru mo,” sabi ni Rachel at iwinagayway pa ang mikropono. “Tagal mo. Ako na kakanta. Saigo no…”

Alam nito na ayaw na ayaw niyang maaagawan ng kanta. Pero nang mga sandaling iyon ay hindi siya interesado sa kanta. Kinuha agad niya ang bag at nagpaalam sa mga kaibigan. "Aalis muna ako," sabi niya sa mga kaibigan. "May emergency lang."

"May nangyari ba kay Tito Elpidio?" nag-aalalang tanong ni Mayi.

"Di naman. Basta ituloy na lang ninyo ang videoke ninyo."

Ayaw na niyang bulabugin ang mga kaibigan. Masisira pa ang masayang mood ng mga ito. Tiyak na sasamang sumugod sa UP ang mga ito kapag sinabi niya. May tiwala siya kay Hiro pero wala kay Shobe. Gusto lang niyang malaman kung ano ang ginagawa nito kasama ang babaeng iyon.

Matindi ang kaba ni Jemaikha habang bumibiyahe papuntang UP Diliman. Hindi ako maghihisterya. Di ako mag-eeskandalo. Kalmado lang dapat. Classy.

Nang dumating siya sa archery range ay naghihintay na sa kanya si Mavy na alumpihit pa rin. “Nandiyan pa rin siya?” tanong niya.

“P-Pasensiya na. Di lang ako makatiis kasi di ko gusto ang pagdikit-dikit ng babaeng iyon sa boyfriend mo. Ayoko naman talaga ng gulo.”

Pinisil niya ang balikat ng kaklase. “Salamat sa concern. Alam ko naman na wala kang masamang intensyon.”

Natigilan sa paglalakad papunta sa spectator area. Si Hiro na ang nasa shooting station. Ilang beses na siyang nakapasyal sa archery range para suportahan si Mavy sa laro nito. Pero ngayon lang siya nakakita ng pana na gamit ni Hiro. Malaki iyon at mukhang sinauna.

“Yumi bow,” usal ni Mavy sa tabi niya. “Alam niyang gamitin ang yumi bow?”

“Yumi bow?” tanong niya.

“Iyan ang ginagamit sa Kyudo o Japanese archery. Sinaunang form ng archery iyon na ginagamit pa ang mga Japanese warriors.”

Natahimik si Jemaikha habang pinagmamasdan si Hiro. There was a calmness around him. Nakabuka ang paa nito. Nakatutok lang ang mga mata nito sa target. He hooked the arrow with the bowstring. Hinila nito ang bowstring. Pigil niya ang hininga hanggang pakawalan ng binata ang pana.

Napakawalan lang niya ang pinipigil na hininga nang sa wakas ay makitang sa sentro ng target tumama ang pana. Nagpalakpakan ang audience. Proud na proud si Jemaikha dahil napakagandang pagmasdan ni Hiro. Hindi pa niya nakikita ang side na iyon ng binata.

Pero natigil ang pagdiriwang niya dahil narinig niya ang tili ni Shobe. “Ikee, Hiro-kun! Daisuki desu!”

Matalim ang tingin ni Jemaikha nang lingunin ang babae. It was Hiro’s moment of glory. Ibang babae ang nagtsi-cheer sa boyfriend niya at nagpapahayag ng pagmamahal dito.

Yumukod ang binata sa direksyon nito at ngumiti. Parang gusto nang mag-walkout ni Jemaikha sa inis pero nanatili siya sa kinatatayuan. "Hiro!" tawag niya dito.

Nanlaki ang mata nito. Halatang nagulat na makita siya. “Jemaikha! Nakita mo ba ang tira ko?”

Tumango siya at niyakap ito. “Nice shot.”

“Ano palang ginagawa mo dito? Akala ko nasa kina Cherie kayo.”

Lumunok siya. “D-Dinaanan ko ‘yung notes na hihiramin kay Mavy. Dumaan lang talaga ako tapos nandito ka pala. Sinong kasama?” inosente niyang tanong.

“Si…”

Nakarinig na sila ng komosyon sa spectator area bago pa ito makasagot. “Anong sinasabi mo na walang kwentang archery ang ginawa ni Hiro?” angil ni Shobe.

“Totoo naman. Bago pa siya matira ng kalaban, patay na siya. His form is bad.”

“Wala kang alam sa Japanese kyudo kung ganoon. Alam mo ba kung gaano kabigat ang bow na gamit niya? Saka di naman makikipaggiyerahan si Hiro. Kyujutsu na kapag panggiyera na archery. Kyudo is an art which means “the way of the bow.” Saka anong pangit ang form ni Hiro? Nasa 5th Dan na si Hiro. Alam mo ‘yung fifth dan? Baka akala mo makatira lang ang pana ‘yung kyudo na iyan.”

“Hold this.” Pinahawakan ni Hiro sa kanya ang yumi bow nito at saka tumakbo sa spectator area para saklolohan si Shobe na napapaaway na. “Shobe, that’s enough! Hindi ka pwedeng gumawa ng gulo dito. Baka ma-ban tayo pareho.”

“Bakit tayo ang iba-ban? Ikaw ang nilalait ng lalaking iyan. Ipinagtatanggol lang kita,” depensa ni Shobe at dinuro pa ang lalaki.

Hinawakan ni Hiro ang braso nito at inakay palayo. "That's enough."

"Alam mo naman na basta ikaw ipagtatanggol ko lagi," sabi ni Shobe at yumakap sa baywang ng lalaki.

Humigpit ang pagkakahawak ni Jemaikha sa yumi bow ni Hiro. Sinasamantala ni Shobe ang pagkakataon na makadikit sa boyfriend niya. Akala siguro nito ay wala siya doon. Pero paano naman si Hiro na hinahayaan lang si Shobe na magdidikt dito kahit naroon siya?

Ano siya dito? Tagahawak ng bow nito? Alalay? Paano pala kung di siya dumating? Wala siyang kamalay-malay sa nangyayari. Sasabihin ba ni Hiro na magkasama ang mga ito? Ni di nga sinasagot ang text niya.

"Let's eat out. There's this new Japanese restaurant... Where is my bow?" tanong ng babae.

"Hello, Shobe. Nasa akin ang bow mo,” sabi niya at inabot sa babae ang pana nito.

Tumaas ang kilay nito. "Nandito pala ang tutor mo. Alalay na rin ba natin siya ngayon?”

"That’s not a nice joke. She's my girlfriend,” giit ni Hiro at inalis ang pagkakayakap ni Shobe sa baywang nito. Mariin namang nagdikit ang labi ni Shobe. Akala nito ay maiinsulto siya nito.

"Dumaan lang ako. Di ko alam na nandito pala kayo. Uuwi na rin ako,” sabi ni Jemaikha sa mababang boses. Hindi niya alam kung dapat siyang umalis at iwan si Hiro kay Shobe. Hindi kasi niya alam kung ano ang dapat niyang ikilos. Ayaw niyang maging possessive na girlfriend. Pero baka masabihan siyang praning ni Hiro sa huli at pagtalunan pa nila.

"I am sorry, Shobe. Let’s eat out next time,” sabi ni Hiro.

"Why not now?" nagtataka pang tanong ng babae.

"Ihahatid ko si Jemaikha."

"Hindi na,” tanggi ng dalaga.

"Ihahatid kita," giit nito. "Okay lang ba, Shobe. Walang kasama si Jemaikha pauwi. Nandiyan na ba ang service mo?”

PIlit na ngumiti ang babae kahit na bakas ang pagkadismaya sa mukha nito. “Ipapatawag ko na lang. Siguro naman pwede mo akong ihatid sa kotse mo?”

“Of course.” Nakasunod lang si Jemaikha sa mga ito at hinayaang mag-usap hanggang makarating sa harap ng archery range. “Sana may natutunan ka sa lesson."

“Of course. You are a great tutor. Ja nee, Hiro-chan!” sabi ng babae at nag-flying kiss pa sa binata bago sumakay ng kotse.

“Gusto mo ng halo-halo? Mainit ngayon,” alok ni Hiro sa kanya nang naglalakad sila papunta sa jeepney stop.

"Bakit di ka sumama kay Shobe?" tanong ni Jemaikha.

"Nandito ka."

"At kung wala ako?"

"Uuwi rin ako matapos ang lesson niya. Look. Are you jealous?" nag-aalala nitong tanong.

"May dapat ba akong ipagselos?"

"Wala. Tumawag sa akin mother ni Shobe. Nakatanggap daw siya ng yumi bow para sa birthday niya. Nalaman niya na marunong ako na mag-archery. Japanese archery to be exact. I can't just say no. Iyon lang daw ang regalo ko kay Shobe dahil di ako pumunta sa birthday niya last week. Ikaw ang kasama ko noon. Bumabawi lang ako. Mabait ang pamilya sa akin. And besides, behave naman si Shobe. She is just naturally flirty,” paliwanag ng binata.

"Hindi ako nagseselos. Pero ang alam ko lang kasi kanina pa ako nagte-text sa ito pero di ka nagre-reply. Tapos makikita kita dito sa archery range kasama siya. At kung makalingkis siya sa iyo, parang sawa."

"You are my girlfriend. Hindi siya,” giit ng lalaki at hinawakan ang kamay niya.

"Pero bakit di ko alam na magaling ka sa Japanese archery? May 5th dan pa siyang nalalaman. Kanina parang tanga ako habang ipinagtatanggol ka niya sa nanlalait sa iyo. Ang dami niyang alam tungkol sa iyo pero akong girlfriend mo nakanganga. Ano pa ba ang sinesekreto mo sa akin?"

"It is not exactly a secret. Hindi lang natin napag-uusapan."

"Pero importante iyon sa iyo. Ni minsan di mo nabanggit sa akin ang Kyudo. O sa palagay mo masyadong sagrado para sa iyo o high class para maintindihan ko?"

Napamaang ang binata. "Kailan pa naging isyu kung may kaya ang pamilya ko sa Japan o di pareho ang estado natin sa buhay? Did I ever make you feel inferior?"

“Hindi ikaw ang problema, Hiro. Ako. Kapag tayong dalawa lang pakiramdam ko ikaw ang nag-a-adjust para sa akin. Kaya mong mamuhay nang simple. Pero kapag kasama mo na ang mga kaibigan mo, hindi ko alam kung paano makaka-relate sa mga usapan ninyo. Hindi ko alam kung paano makaka-relate sa mga napuntahan ninyo sa ibang bansa na sa internet ko lang nakikita at sa magazines. Tapos di ko magawang ma-appreciate ang galing mo sa Kyudo kasi di mo alam na marunong ka. Ni hindi kita maipagtatanggol sa mga lalait sa iyo. Ang sakit lang no’n.” Yumuko siya at napahikbi. “Anong klaseng girlfriend ba ako? I want to be the girl you deserve, Hiro.”

Hinawakan nito ang ibabaw ng ulo niya at isinandig sa dibdib nito. “You don’t have to do anything, Jemaikha. You are the girl I deserve. Nagustuhan kita dahil sa pagiging simple mo. Pero di ko naman gusto na iparamdam sa iyo na may kulang sa iyo. I should have told you about my kyudo skills. I want to share it to you. Pero di ko naman na iyon nagagawa. Matagal na dahil nandito ako sa PIlipinas at busy na ako sa pag-aaral. Nang mag-request si Shobe na turuan ko siya, masaya lang ako na isalin sa kanya ang nalalaman ko.”

“Pero alam niya ‘yung ranking mo sa kyudo,” aniya at pinahid ang luha ng likod ng palad.

Inilabas nito ang panyo sa bulsa at pinunasan ang mukha niya. “Nakanood daw siya ng documentary ng kyudo at nabanggit siguro ni Mama sa nanay niya. Kasama iyon sa napag-usapan nila nang ayusin ang pagre-rent ng unit nila. Para lang patunayan na disiplinado akong estudyante. Ayoko na sanang maging big deal ito sa atin.”

“Big deal lang sa akin na may mga di pa ako alam tungkol sa iyo na alam ng ibang babae na alam kong may gusto sa iyo. Sabihin mo sa akin kung mali na maramdaman ko ito. Masakit lang kasi.”

Kinintalan nito ng halik ang ibabaw ng noo niya. “I hope you are free next Sunday. I want you to know me better.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.