Day off ni Liyah. Maaga pa lang ay sinundo na siya ni Thyago sa Artemis Equestrian Center para ipasyal sa Stallion Riding Club. Dalawang linggo na siya sa riding school at noon lang siya nagkaroon ng day off. Kaya naman excited siya. Ang hindi lang niya alam ay kung ano ang plano ni Thyago.
“Ano naman ang gagawin natin buong maghapon?” tanong niya.
“Gusto mo bang maglaro ng polo?”
Nagningning ang mga mata niya. “Of course. Miss na miss ko nang maglaro ng polo. Dito na nga lang ako sa riding club nakakanood ng polo.” At tuwing nakikita niya ang laro ng mga ito, parang gusto rin niyang sumali. Wala naman kasing babaeng naglalaro ng polo sa Stallion Riding Club.
“Let’s have a one-on-one game,” hamon sa kanya ni Thyago. “Don’t worry. I will give you a handicap.”
“Hindi por que ten-goaler ka, mamaliitin ko na ang kakayahan mo.” Nakakahabol siya sa kapatid niya kapag naglalaro sila ng one-on-one noon.
“Aba! Hindi ka talaga nasisindak sa akin, ha?”
Umismid siya. “Just wait and see. Pakakainin kita ng alikabok.”
“Why don’t we make it more challenging?” anito at pinagkiskis ang mga palad. “Kapag makaka-goal ako, pwede kitang halikan. At kapag ikaw naman ang makaka-goal, pwede akong humalik sa iyo.”
“Ay! Ambisyoso! Parang ikaw lang ang nakinabang sa lahat.”
“Kunyari ka pang ayaw mo. I know that you like kissing me.”
“Shut up!” bulalas niya at iniwas ang tingin dito. Maisip pa lang niya na magdidikit ang labi nila ay parang natutunaw na ang buto niya.
“Sige. Kung ayaw mo akong halikan kapag naka-goal ka, ako na lang ang hahalik sa iyo. Wala naman iyong problema sa akin.”
“Heh! Maglaro na lang tayo kung maglalaro. Ang dami mo pang pakulo.”
“Masyado ka namang high blood,” anito at itinigil ang sasakyan sa polo center. Walang tao nang mga oras na iyon at sila lang ang maglalaro.
Pinili nila ang indoor arena dahil walang naka-schedule nang mga oras na iyon. Excitement run through her veins when she held the polo stick. Lalo niyang naramdaman kung gaano siya ka-excited na maglarong muli ng polo.
“I’ll let you have Acropolos. Argentinean Crillo horse ang tatay niya at Thoroughbred ang mare. He is a gentle one. Pero kasing bilis at kasing talino din siya ni Cerro Rico. Isang chukker lang ang lalaruin natin.”
“Okay,” aniya at hinaplos ang leeg ng chestnut brown niyang kabayo. Matindi ang pressure na ibinibigay ng larong polo sa mga kabayo. Kaya kadalasan sa isang laro ay nangangailangan ng apat hanggang limang polo pony.
Wala silang referee. Pareho silang professional ni Thyago kaya di na nila iyon kailangan. Hindi naman siguro sila magdadayaan.
Sa throw-in o panimula ng laro, si Thyago ang nakaagaw ng bola. Dahil isa itong high profiled player, naging madali para dito ang palagpasin ang bola sa goal.
“One kiss!” anunsiyo nito.
“Masyado ka naman yatang nagseseryoso,” aniyang di maipinta ang mukha.
“Mukhang masama yata ang loob mo na naka-score ako?” tanong nito. “Don’t worry. Magkakaroon ka rin ng chance na makahalik sa akin.”
Tinaasan niya ito ng kilay. “Makakahalik ka sa akin kapag nanalo ka.”
Nahirapan siyang maipasok ang bola sa sarili niyang goal dahil mahigpit ang pagbabantay sa kanya ni Thyago. “Thyago, masyado kang mainit!”
“Ayoko yatang magpatalo.”
Naging mahigpit ang depensa niya dito nang ito na ang kumokontrol sa bola. Papaluin na nito ang bola nang salagin niya ang stick nito. Sa sobrang lakas ng paglalaban ng pwersa nila ay nabali ang stick nito.
“Magpapalit ka ba ng stick?” tanong niya.
Umiling ito at ibinaligtad ang stick. “Huwag na lang nating sayangin ang oras. Ilang minuto na lang ang natitira sa atin.”
Naramdaman niya na mas seryoso na ito dahil di ito ngumingiti. Subalit di niya ibinaba ang depensa niya. Kahit na walang premyo ang larong iyon, di rin siya magpapatalo. Noon na lang ulit siya nakapaglaro ang polo kaya naman susulitin na rin niya ang pagkakataong iyon.
Ilang sandali na lang ang natitira. Lamang si Thyago ng isang puntos sa kanya. Ito pa ang kokontrol sa bola. Matatalo siya nang tuluyan kapag di siya gumawang matinding hakbang.
Ginitgit niya si Thyago. Isa iyong paraan para madepensahan ang bola. Sinusubukan din niyang agawin ang kontrol ng bola mula dito. Para kahit paano ay mag-tie ang score nilang dalawa. Wala itong premyong makukuha. Masaya na rin siya na kahit paano ay pumantay sa galing nito.
Nang magkadikit ang kabayo nila ay bumagsak ito. Narinig niya ang pagsigaw nito sa sakit. Nanlaki ang mata niya at pinigilan ang kabayo. “Thyago!”
“Ah! Masakit,” anitong sapo ang balikat.
Mabilis niya itong dinaluhan. “P-Paano nangyari iyon? H-Hindi sinasadya.”
Ganoon na ba siya kalakas para mapabagsak ito mula sa kabayo? She just wanted to intimidate him. Di niya gustong mailaglag ito sa kabayo.
“Tulungan mo ako, Liyah.”
“S-Sandali. Tatawag lang ako ng doctor.”
Pinigilan nito ang braso niya. “Ikaw na lang ang tumingin. May alam ka naman sa first aid, di ba? At may first aid kit dito.”
Hinawi niya ang damit nito para tingnan ang balikat nito. Nagulat siya nang pumulupot ang braso nito sa baywang niya. And before she knew it, he rolled over her and pinned her to the ground.
“Thyago, ano bang ginagawa mo? DI ba may masakit sa iyo?”
“Tapos na ang oras. Ako ba ang nanalo,” nakangisi nitong sabi.
“What the… You tricked me! Pinalabas mo na nasaktan ka para wala na akong pagkakataon na maagaw ang bola sa iyo.”
“Ayoko lang bigyan ka ng pagkakataong sabihin na di ako nanalo.” Inilapit nito nang dahan-dahan ang mukha sa kanya. “It is time to claim my prize.”
Nakita niya ang isang magandang emosyon sa mga mata ni Thyago. Napatulala na lang siya sa itim nitong mga mata. Right at that moment, she was totally lost. Tuluyan nang nagsanib ang labi niya subalit wala siyang ginawa kundi pumikit na lang. Deep in her heart, she knew that she couldn’t deny her self that soulful kiss. She knew how his kiss could be so potent.
She just wanted to lose her self over and over again.
NAKATULALA SI Liyah habang nagluluto ng hapunan nila ni Thyago. Dahil talunan siya, halos sunud-sunuran siya sa lahat ng iutos nito. That kiss was very devastating. Di niya alam kung may gayuma ang halik nito. Nahipnotismo siya at sunud-sunuran sa lahat ng sabihin nito.
Ni hindi na nga niya ito naaway matapos siya nitong halikan. Wala siyang naiiisp kundi ang sensasyong nararamdaman niya. Lumulutang ang isip niya.
“Liyah, aapaw na iyong niluluto mo!” sigaw ni Thyago at mabilis na pinatay ang kalan. “Ano ba ang nangyayari sa iyo at di mo napansin?”
“Sorry. Di ko napansin,” aniyang di agad nakagalaw.
“Umupo ka na nga lang. Luto na pala ito. Ako na ang maghahain. Baka napagod ka lang sa laro natin kaya lumilipad ang isip nito,” anito at ngumiti.
Natulala na lang siya sa ngiti nito. Hindi ba nito alam na lumilipad ang isip niya dahil hinalikan siya nito? To be kissed while lying on the ground in the middle of the polo field was way too crazy. But it was beautiful as well. Pakiramdam nga niya hanggang ngayon ay nakalutang pa rin siya.
Ang sabi niya noon ay ayaw niyang ma-in love. Isa lang iyong kalokohan na makakasira sa sistema ng isang tao. Pero ngayon ay unti-unti na niyang naiintindihan. In love, everything was perfect. Kahit pa nga kahibangan.
“Hindi ko alam kung magugustuhan mo ang luto ko,” sabi niya nang ipinaglalagay si Thyago ng soup sa bowl.
“May tiwala ako sa talent mo sa pagluluto. I just can’t believe it. Sa wakas kasi may nagluto para sa akin.”
“Bakit wala bang nagluluto para sa iyo?” tanong niya.
“Wala. Mula nang mamatay si Mama, ako na ang nag-alaga sa sarili ko.”
“Sa dinami-dami ng naka-date ko, walang nagluto para sa iyo?”
Mapait ang ngiti nito nang umiling. “Wala naman talagang interes sa akin ang mga babaeng iyon. Lumalabas lang sila kasama ko dahil gusto nila ang status ko bilang polo player. They don’t really care about me. So lagi lang nilang hinihintay kung saang fancy restaurant ko sila dadalhin at kung mai-impress ba sila sa mga pagkaing o-order-in ko. O kung sino ang makikilala nila dahil sa akin.”
“But you keep on dating them.”
“Umaasa ako na makakahanap ako ng tao na talagang makaka-appreciate sa akin. Kaya kapag napapagod ako dahil pare-pareho lang naman sila, tumatakbo ako sa inyo ni Elvin. Kayo ang sinasabayan kong kumain. Your cooking makes me feel so at home. Parang di ako nag-iisa.”
“Oo. At naiinis naman ako sa iyo kapag sumisingit ka sa amin ni Kuya.”
Pinagmasdan siya nito. “Malaki talaga ang galit mo sa akin, no?” anitong may himig ng pagtatampo. “Kahit anong lapit ko sa iyo, itinutulak mo ako palayo.”
“I don’t really hate you, Thyago. Believe me.”
“Bakit mo ako itinataboy dati?”
“Nagseselos ako sa atensiyong ibinibigay sa iyo ng kapatid ko. Alam mo naman siguro kung gaano siya kaimportante sa akin. Wala na akong ibang nakikita kundi si Kuya. Kaya sinuman na sinusubukang agawin ang atensiyon niya para sa akin, inaaway ko. Parang kaaway ang tingin ko.”
Natawa ito. “Oo. Parang bata ka.”
“It can’t be helped. Kami lang ni Kuya ang magkasama sa buhay. Sabi ko nga, kung di lang din naman katulad ni Kuya ang magiging asawa ko, hindi na lang ako mag-aasawa. Sabi ko nga magsasama kami habambuhay. Hinding-hindi ko siya iiwan. I kept on holding unto him even when he married Eyna.”
Isang imahe sa pedestal ang kapatid niya. Dito na rin niya ihinugis ang lalaking gusto niyang makasama habambuhay. She knew it was stupid. Nobody could be like her brother. And besides, her brother couldn’t be her role model anymore. Ayaw niya sa lalaking nabubulag sa pag-ibig.
“Nalungkot ka siguro nang mawala ang kapatid mo sa buhay mo.”
Umiling siya. “Hindi masyado. Nalungkot lang ako kung paano siyang nalunod sa pagmamahal niya kay Eyna.”
“Hindi ka ba natakot na mag-isa? Bagong mundo na itong hinaharap mo.”
“I am not totally alone, Thyago. Nandiyan ka para sa akin. Mas naging matapang din ako. I know I can’t be a burden to you.”
“A burden? You will never be a burden to me!”
Lumabi siya. “O sige. Abala na lang.”
“Kung magsalita ka, parang hindi ka importante sa akin.”
Pinagsalikop niya ang palad at bahagya itong sinulyapan. “Hindi ko pa siguro nasasabi sa iyo pero importante ka sa akin, Thyago.”
Bukod sa kapatid niya, ito ang taong itinuturing niyang mahalaga sa kanya. Kung mawawala ito sa buhay niya, baka tuluyan nang mabali ang pakpak niya at hindi na niya kayanin pang lumipad.
Namilog ang mata nito. “Wow! I am glad to hear that.” He took her hand. Saka nito ikinulong sa mga kamay nito. “And I want you to know that you are the most important person to me, Liyah.”
“Ako? Paano na iyong babaeng mahal ko?”
“Hanggang ngayon iniisip mo na puro kalokohan lang ang sinasabi ko. Gusto mo pa bang ipagsigawan ko na ikaw ang babaeng mahal ko para marinig ang lahat at maniwala kang mahal kita?”
Nahigit niya ang hininga nang magsalubong ang tingin niya. There was too much emotion in his eyes. Katulad ng emosyon sa mga mata nito bago siya halikan kanina sa may polo arena. And her heart started to thump so fast.
“H-Hindi ba katulad lang din naman sa ibang babae ang tingin mo sa akin?”
“Anong katulad sa ibang babae?”
Iniwas niya ang tingin dito. “I am not that special.”
Kumunot ang noo nito. “Paano mo naramdaman na di ka espesyal sa akin?”
Binawi niya ang kamay dito at pinagsalikop ang mga palad. “Ano… wala lang. Naisip ko lang na baka di nga ako ganoon kaespesyal sa iyo.”
Kung bakit kasi ang naiisip niya ay kung gaano siya kahalaga dito. Kung paanong ito ang sumuporta sa kanya sa mga panahong wala ang kapatid niya. Hindi rin siya nito iniwan sa Bangkok. He took her with him to the Philippines. Kung paano siya nitong pangitiin sa mga panahon na malungkot siya. She thought that he won’t get through such lengths for any ordinary girl.
“Remember how much I love to annoy you? Kasi hindi mo naman ako sineseryoso tuwing niyayaya kitang makipag-date sa akin.”
“At first, you knew that my life revolved around my brother.”
“Bakit di mo pa ako sineseryoso hanggang ngayon?”
“Dahil marami pa akong bagay na di ko alam I-handle. Kahit ang sarili kong emosyon, di ko rin alam ang gagawin ko.” Huminga siya nang malalim. “I don’t know if I am making any sense at all. But I don’t know what to do with you either.”
“Kaya ba basta mo na lang sinabi sa akin na ayaw mong makipag-date ako sa ibang babae pero di mo rin naman maamin na nagseselos ka?”
“Hindi ko talaga alam kung bakit ko nasabi iyon dati. I must be insane.”
“Katulad nang sabihin kong in love ako sa iyo. I must be insane as well. Ayokong matakot ka sa nararamdaman ko para sa iyo, Liyah.”
“No. Hindi ako natatakot.” Iyon nga ang pinakamagandang bagay na narinig niya. “Pero marami pa akong dapat na matutunan, Thyago. Matagal kong ikinulong ang sarili ko sa hawla. Ngayon pa lang ako nagsisimulang kumawala.”
“And I am here to support you and take care of you. For now, I am happy that you know that I exist. At na-recognize mo ang existence ko. Dati kasi parang bacteria ang trato mo sa akin.”
“Naku! Parang nagiging baduy ka na, Thyago.”
“Ganoon talaga ang in love.” Habang pinagmamasdan niya ang saya sa mga mata nito, naisip niyang masayang ma-in love.