Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 205

“Wow! Sapin-sapin! Nagpaluto ka kay Tita? Para ba sa akin iyan?” tanong ni Edmarie nang makita ang sapin-sapin na idinala niya sa klase nila kinabukasan.

“Bakit naman kita bibigyan ng sapin-sapin? Sa irog ko iyan, no?”

Tinuktukan nito ang noo niya. “Carmina Gabrielle Ongcuangco, huwag ka ngang hibang. Hindi nga kayo talo ng Hayden na iyon. Kita mo nga. Alaga na siya ng pinakamaarteng bading dito sa campus. Wala ka nang magagawa sa kanya.”

“I believe in the power of love. Wala akong pakialam sa mga higad na iyon. Manliligaw ako kay Hayden at wala silang magagawa doon,” taas-noo niyang sabi.

Nang nagdaang araw ay wala na siyang naiisip kundi si Hayden lang. Ang ngiti nito. Ang boses nito. Paulit-ulit na nagre-replay sa isip niya ang bawat pagsasalubong ng mata nila. Kabisado pa rin niya ang bawat detalye ng pag-uusap nila. At nakabuo siya ng desisyon kinagabihan. Kahit na gaano pa kahirap ang pagdadaanan niya, ipaglalaban niya ang kanyang pag-ibig.

Umasim ang mukha nito. “Ano? Manliligaw ka? Palala ka nang palala.”

“May lahi kaming Intsik. Okay lang manligaw ng tanghaling-tapat.”

“Pagtatawanan ka ng mga tao. Hindi ka ba nahihiya?”

“Anong nakakahiya? Lalaki si Hayden. Kahit tanungin mo pa ang mga scientist, sasabihin nilang lalaki si Hayden.”

“Hindi mo na ba naiisip ang sasabihin ng ibang tao. Alam mo naman na hindi nga babae ang type niya kundi mga lalaki.”

“Read my lips. Wala akong pakialam. At tandaan mo! Sasagipin ko siya sa mga higad na iyon. Sa akin lang si Hayden.” Hinawakan niya ang kamay nito at hinila. “Halika na!”

“Saan mo naman ako kakaladkarin?”

“Doon tayo sa Fine Arts Department. Pupuntahan natin ang irog ko.”

Pumiglas ito. “Ayoko! Idadamay mo pa ako sa kahihiyan mo. Saka baka mamaya pagkukurutin pa ako ng mga bading na iyon at sabunutan.”

Tumaas ang kilay niya. “Ayaw mo? O sige. Ako na lang.”

Hindi siya natatakot sa mga bading na kaibigan ni Hayden. Manliligaw siya kay Hayden. Ipagkakalat niya sa buong mundo ang nararamdaman niya at wala siyang pakialam. Ipaglalaban niya ang pag-ibig niya.

“O, sige na. Sasamahan na nga kita,” anito at sumunod sa kanya.

Nalaman niya mula sa isang source kung saan ang klase ni Hayden. Nang sumilip sa kuwarto nito ay hinarang agad sila ni Denzell, isa sa mga sikat na players ng basketball team di dahil magaling kundi dahil guwapo.

“Hi, Rei! Mabuti naman at dinalaw mo ako,” anitong hinarangan ang pinto. “Wow! Para sa akin ba iyang dala mo?”

“Excuse me! Pero hindi tayo close so huwag kang feeling.” Nagitla ito. Di inaasahan na susungitan niya. Sanay kasi ito na tinitilian ng mga babae. Sorry na lang ito. Sinamantala niya ang pagkakataon na makapasok ng room at hinagilap ng mata si Hayden. “Hayden! Hayden, my love!”

Gulat habang nakatitig sa kanya ang lahat ng tao sa room kabilang na ang lalaki na naglalagay ng facial chalk sa mukha. “Rei?”

“Hayden, anong ginawa nila sa mukha mo?” nag-aalala niyang tanong. Maputing-maputi kasi iyon.

“May play kasi kami sa drama club as Japanese geisha. Nagpa-practice lang kami na maglagay ng make up,” paliwanag nito.

“At ano naman ang ginawa mo dito, babaeng amazona?” nakataas ang kilay na tanong ni Franzine na nagsisilbing leader ng grupo. At sa palagay niya ay numero-unong tinik sa lalamunan niya dahil binabantayan nito si Hayden.

“Manliligaw ako kay Hayden.” Nakangiti siyang bumaling kay Hayden at inabot ang maliit na bilao ng sapin-sapin. “Para sa iyo iyan. Luto ng mommy ko.”

“Nakakahiya naman. Nag-abala ka pa,” sabi ni Hayden.

“Naku! Hindi abala iyon basta ikaw. Sabihin mo lang sa akin kung ano pa angm gusto mo at ibibigay ko,” sabi niya.

“Ang gusto namin, mag-disappear ka sa buhay ni Hayden,” masungit na wika ni Franzine. “Tingnan mo siya. Isa siyang prinsesa. Hindi kayo talo.”

“Bakit ba nanggagalaiti ka sa akin?” singhal niya kay Franzine. “Masama bang ma-in love kay Hayden? Ang guwapo-guwapo niya.”

“Shhh! Shhh! Insulto sa kagandahan niya na sabihan mong guwapo. At pwede ba, huwag ka nang magpapakita kay Hayden ever?”

Malungkot niyang sinulyapan si Hayden. “Ayaw mo ba akong makita?”

Ngumiti ito. “Siyempre, gusto kitang makita. Saka wala namang masama kung maging magkaibigan tayo, di ba?”

Niyakap niya ito. “Thank you. Kahit more than friends pa kung gusto mo.”

Tinanggap siya nito. Ibig sabihin ay may pag-asa pa siya. Kung alam lang nito kung gaano siya kasaya.

“Hoy! Amazona number two, pakibitbit nga itong kaibigan mo palayo kay Hayden. Naaalibadbaran na talaga kami sa kanya. Saka kailangan pa naming mag-practice sa make up ni Hayden. So tsupi na!” utos ni Franzine. “Kapag di mo inalis iyan dito, ihahagis ko iyan palabas.”

Hinila siya ni Edmarie mula sa pagkakayakap kay Hayden. “Tama na. Dadating na ang professor natin. Baka ma-late pa tayo.”

“Teka, ang make-up ng irog ko,” sabi niya.

“Bakit? Sasabihin mo na huwag magmake-up ang aming princess geisha? Gusto mo pang sirain ang play namin?” depensa agad ni Franzine.

“Hindi. Tiyakin mo lang na maganda ang make up na gagamitin mo. Kapag nairita ang balat ng irog ko, gugulpihin talaga kita. Saka gandahan mo ang pagkaka-make up dahil pipilipitin ko ang leeg mo oras na pumangit siya sa pagkaka-make up mo. Nagkakaintindihan ba tayo?”

Shock na shock ang itsura ni Franzine at napilitang tumango. Nahuli niya ang nakangiting mata ni Hayden. “Sige na, Rei. Ayokong pagalitan ka ng professor mo.”

“Aalis na ako dahil sabi mo.” Siya pa ang humali kay Edmarie. “Halika na!”

Yukong-yuko si Edmarie habang naglalakad sila. “Nakakahiya talaga iyon, Rei. Malaki na talaga ang sira mo sa ulo. Baliw ka na!”

“Baliw dahil sa pag-ibig,” paglilinaw niya. “I’m in love.”

“I am pretty sure. Baliw ka na talaga! Patitingnan kita sa psychiatrist.”

Baliw na nga siguro siya. Wala siyang pakialam kahit lagyan pa ng make up si Hayden. Lalaki pa rin kasi ito sa paningin niya. Kahit pa amoy pambabae ang pabango nito, napaka-manly pa rin nito para sa kanya. Ito pa rin ang pinakaguwapong lalaki sa mundo.

SUMILIP si Rei mula sa pinagtataguan nilang puno ni Edmarie. Di kalayuan sa kanila ay nakaupo sa bench si Hayden at abala sa pagda-drawing sa drawing pad nito. Tulad ng dati ay nakadikit pa rin dito sa Franzine.

“Ang cute-cute pa rin niya kahit na nasa malayo,” kinikilig niyang sabi.

“Maganda pa rin siya sa paningin ko. Mas maganda pa sa atin.”

Inirapan niya ito. “Tse! Lagi mo na lang akong iniinis.”

“Hindi ba compliment na maganda ang irog mo?” tukso nito.

“Guwapo siya! Guwapo!”

Kahit kulapulan pa ng make up si Hayden, lalaki pa rin ito sa paningin niya. Soft spoken ito pero di parang babae kung magsalita tulad ng bading na nakapaligid dito. Parang isa lang itong lalaki na maamo at di marunong magalit.

Kinalabit siya ni Edmarie. “O! Umalis na iyong bodyguard niya.”

“Yes! Free na si irog. Wala nang higad. Sugod!” aniya at dali-daling lumapit kay Hayden. Abala ito sa ginagawang plate kaya di napansin ang paglapit niya. Namangha siya nang makita ang ginagawa nito. “Wow! Design mo ba iyan?”

“Rei! Edmarie! Hindi ba mamaya pa ang pasok ninyo?”

“Oo. Pero may ni-research kasi kami sa library tapos nakita ka namin,” palusot niya. Di nito alam na kanina pa nila ito sinusundan.

Nakuha na kasi niya ang schedule nito pati ang practice nito para sa drama club. Sa hapon pa ang klase nito pero kadalasan ay may practice ito sa drama club. Madalas din ito sa bench na iyon at tahimik na gumagawa ng design. Sabi nga ni Edmarie ay parang stalker na daw siya.

“Thank you nga pala sa sapin-sapin. Masarap! Sabihin mo sa mommy mo.”

“Naku! Tiyak na matutuwa ang mommy ko.”

“Mahilig kasi akong kumain kaya nakaka-appreciate ako ng masarap na luto.”

“Mahilig din si Rei na kumain,” singit naman ni Edmarie. “Kaya kung magde-date kayong dalawa, tiyak na mabubutas ang bulsa mo.”

Pinanlakihan niya ito ng mata. “Umayos ka nga.” Baka mamaya ay mailang pa si Hayden sa kanya. Mailang pa sa kanya at mapurnada ang panliligaw niya.

“Marunong ka rin bang magluto tulad ng mommy mo,Rei?” tanong ni Hayden.

“Naka! Palpak iyan sa pagluluto. Bubula ang bibig mo,” sabi ni Edmarie.

“Edmarie, ano ba?” angal niya. Nababawasan ang ganda points niya.

“Pero magaling ka namang mag-volleyball,” wika ni Hayden. “Nakita ko rin ang pictures mo last semester. Sumayaw kayo para sa program ng foundation day. Kinukuha ka pala ng dance troupe pero pinili mo ang mag-volleyball.”

“Marami kasing gustong gawin si Rei. She wants to be complete,” anang si Edmarie. “At wala rin siyang hilig sa mga lalaki.”

“Ah! Wala palang hilig sa lalaki ang amazona na iyan kaya si Hayden ang pinupuntirya niya. Sabi ko lumayo ang amazona na iyan kay Hayden, di ba?” masungit na sabi ni Franzine. Kontrabida talaga ito sa pag-iibigan nila.

Humilig agad siya kay Hayden. “Pinaalis niya ako, o!”

“Its okay. Napadaan lang naman siya dito,” sabi ni Hayden.

Tagumpay na naman ang kagandahan niya. Siya ang kinampihan ni Hayden.

“Hello, Hayden!” bati ni Denzell dito.

“May itatanong daw sa iyo si Denzell,” nangingiting sabi ni Franzine. At parang hindi niya nagugustuhan ang ngiti na iyon.

“May ka-date ka na ba para sa rock concert next month? Kung gusto mo ako na lang ang ka-date mo,” prisinta ni Denzell.

Nakapamaywang siyang tumayo at tinaasan ng kilay ni Denzell. “No way! Ako ang makaka-date ni Hayden. Kaya lumayo-layo ka sa irog ko.” At ang ambisyosong Denzell na iyon at gusto pang akitin ang irog niya. Di siya papayag sa maitim na balak nito at ng mga higad. Sasagipin niya si Hayden.

“Ano? Huwag ka ngang atribida diyan!” kontra ni Franzine.

“Basta sa akin lang si Hayden!” mariin niyang sabi. Sasapakin niya ang kumontra. Que babae o lalaki, di pwedeng agawin sa kanya ang irog niya.

“Hindi ko naman sigurado kung makakasama nga ko sa rock concert,” wika ni Hayden. “Iba na lang siguro ang yayain mo, Denzell.”

Bumuntong-hininga si Denzell at mukhang malungkot. “O, sige.” Saka bagsak ang balikat na naglakad palayo si Denzell.

“Look what you’ve done! You missed your chance. Denzell, one of the most gorgeous guys in campus asked you out and you said no?” anang si Franzine at pinanlakihan si Hayden. “Sino ang gusto mong I-date? Ang babaeng iyan?”

“Ano naman ang masama? Kami ang para sa isa’t isa,” sabi niya.

“I am sorry, Franzine,” nausal na lang ni Hayden.

“Hindi kita maintindihan! Magsama kayo ng amazona na iyan. Huwag mo lang sasabihin sa akin na nagugustuhan mo na ang bruhang iyan at kakalbuhin ko ang kilay mo,” wika ni Franzine at saka hinabol si Denzell.

“Lagot ka. Nag-away ang magkaibigan dahil sa iyo,”sabi ni Edmarie sa kanya.

“Hindi iyon kasalanan ni Rei,” depensa ni Hayden sa kanya.

“Narinig mo iyon. Ipinagtanggol ako ng irog ko,” malambing niyang sabi. “Basta ako ang makaka-date ni Hayden sa rock concert.”

“Anong makaka-date? Di ka palalabasin ng bahay ng daddy mo,” paalala ni Edmarie. Alam nito kung gaano kaistrikto ang papa niya.

“Basta! Gusto kong makasama si Hayden!” giit niya. Baka mamaya masingitan pa siya ng Denzell na iyon.

“Rei, ganito na lang. Hindi ako pupunta ng rock concert kung hindi ka kasama. Basta huwag kang aalis ng walang permiso,” wika ni Hayden.

“Talaga? Hindi ka sasama kay Denzell o sa kahit sino pang ilalapit sa iyo ng friend mo na higad?” paniniyak niya.

Natawa ito. “Nag-promise ako, hindi ba?”

Tumango siya. Kaya di maalis ang ngiti niya hanggang maghiwalay sila.

“Ang tiyaga-tiyaga mo talaga diyan kay Hayden. Marami namang totoong lalaki diyan, kung bakit nagtitiis ka. Have some pride, Rei.”

“Aanhin ko ang pride at ang ibang lalaki kung hindi naman sila ang gusto ko?”

“Eh, aanhin mo naman ang guwapo kung mas malandi pa sa iyo?”

“Tama na, Edmarie!” aniyang nagtitimping batukan ito.

“Ano nga ang gagawin mo ngayon? Di naman basta-basta ang karibal mo. Isang guwapong lalaki ang nagpapapansin kay Hayden. At magalit ka man sa akin, alam naman natin na mas type niya ang boys kaysa sa girls.”

“Kailangan kong alisin ang Denzell na iyon sa landas namin.”

MAAGA pa lang ay nasa pool area na si Rei. Swimming class iyon ni Hayden. Subalit iba ang pakay niya sa pagpunta doon. Hindi si Hayden kundi si Denzell na kaklase rin nito sa swimming class. Hindi na niya isinama pa si Edmarie dahil laban niya iyon.

Naabutan niyang nagwa-warm up si Denzell sa gilid ng pool area. Ugali na nitong dumating ng maaga para lang magpasikat sa mga babae.

“Excuse me, Denzell. Pwede ka bang makausap?” aniya nang lapitan ito.

“Sure, Rei baby! Yayayain mo ba akong mag-date? Na-realize mo ba na wala kang mapapala sa Hayden na iyon? Now you are after the real man.” Hinaplos nito ang sariling baba. “I am kinda expecting this.”

“Para sa isang lalaki, masyado kang madaldal. Kahit kailan, hindi kita yayayaing mag-date. And I will never choose you over Hayden. I just want you to stay away from Hayden. He is mine,” mariin niyang wika.

Nagimbal ito. “Ano? Iyong baklang iyon ang gusto mo?”

“Bakla? I am sorry pero kahit kailan di ko nakita si Hayden bilang bakla. For me, he is a man. Mas lalaki pa kaysa sa iyo. At oras na lapitan mo pa ang irog ko at yayaing mag-date, masasaktan ka lang sa akin,” aniya at tinalikuran ito.

Di pa siya nakakalayo ay hinila nito ang braso niya. “Talaga bang si Hayden ang gusto mo o nagpapapansin ka lang sa akin?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.