Tulad ng ibang kababaihan, ambisyon din ni Rei ang makapasok sa Stallion Riding Club sa pag-asang naroon ang lalaking makakasam niya habambuhay. Ngunit ang natagpuan niya doon ay si Hayden Ilano, ang lalaking unang nagpatibok ng puso niya. Subalit maraming lihim si Hayden na di alam ng iba. Kasama na doon ang dahilan kung bakit di siya nito maaring mahalin.
“I want us to start anew, Rei. Bigyan mo ako ng pagkakataon na maipakita kung sino ang totoong ako,” pakiusap nito.
Sino nga ba ang totoong Hayden? At bakit anong pilit niyang talikuran ang pagmamahal niya dito ay pilit pa ring lumilingon ang puso niya?
“Wow! Ang guwapo naman nung naka-blue, Rei,” kinikilig na sabi ni Edmarie habang nagwa-warm up sila para sa practice nila sa hapong iyon.
Pareho silang member ng varsity team ng volleyball for women ng University of Tarlac. Inookupa nila ang basketball court habang paalis na ang members ng basketball team kaya may time sila ni Edmarie na tumingin-tingin sa mga guwapo. Pareho silang first year sa kursong Interior Designing at nasa ikalawang semester na nila. Kinuha silang scholar ng university dahil high school pa lang ay magaling na sila sa volleyball at nasasabak sa mga malalaking volleyball competition sa bansa.
Tumaas ang kilay ni Rei nang makita ang estudyanteng tinutukoy nito na kausap ang isa sa member ng basketball team. “Ano? Guwapo na iyan sa iyo?”
“Oo naman. Bakit? Hindi pa ba guwapo iyan?” nagtatakang tanong nito. “Matangos ang ilong niya saka maputi.”
“Oo. Mas maputi pa siya sa batok mo. Saka baka nga mas matangkad pa tayo diyan,” nakaismid niyang sabi. They were 5’ 7” tall. At ayaw niya sa mga lalaking mas maliit pa sa kanya. Di complete package ang kaguwapuhan ng isang lalaki kung di naman ito makakapasa sa height requirement niya.
“O, sige. Iyon na lang kasama niyang naka-red,” sabi nito.
“Maganda ang kulay ng damit niya. Red. Iyon lang ang na-appreciate ko.” Bumuntong-hininga siya. “Never mind na lang, no? Nuknukan ng payat. Baka isang kulbit ko lang diyan tumumba na. Parang kawayang hahapay-hapay.”
“Sobra ka namang magsalita,” nakabusangot nitong angal at sumalampak sa sahig para abutin ang toes nito ng dulo ng daliri.
“Nagsasabi lang naman ako ng totoo. Ang hirap sa iyo wala kang taste.”
“Ang yabang mo! Ikaw nga sa tanang buhay mo di ka pa nagkaka-crush.”
“Anong magagawa ko kung wala pa akong nakikitang worth it sa atensiyon ko? Para naman hindi kahiya-hiya sa magulang ko kapag ihinarap ko sa kanila iyong lalaking magugustuhan ko. Ayokong so-so lang.”
“Crush lang naman. Bakit kailangan mo pang iharap sa parents mo?”
“Sa tingin ko kapag tinamaan ako, todo talaga.” Huminga siya nang malalim. “Dahil oras na makita ko ang lalaking mamahalin ko, pipikutin ko na siya agad!”
“Sa taas ng standard mo, malamang di ka makakakita ng lalaking magugustuhan mo. Abnormal ka kasi, eh!”
“Hindi ako abnormal. May taste lang ako kumpara sa iyo.”
Malapit na ang Tarlac City Sports meet. Mataas ang expectations sa kanila dahil dati na silang nag-champion at inaasahang sasabak sa regional competition kung saan makakalaban nila ang ibang paaralan mula sa Central Luzon.
Napaka-sporty niya. Bata pa lang siya ay gusto na niyang subukan ang iba’t ibang klase ng sports. Advantage sa kanya ang tangkad niya at ang pwersa niya. She was an all rounder player. She was the setter, spiker, bl0cker and reciever. Pero ang talagang designated position niya ay open spiker at quicker. Isa pa, ang sports din ang paraan niya para ilabas niya ang frustration niya sa buhay.
Nag-iisang anak siya. Menopause baby pa siya dahil forty-three na ang mommy niya nang ipanganak siya. Kaya naman kuntodo higpit sa kanya ang daddy niya. Dapat nga ay sa Manila siya mag-aaral pero ayaw ng mga ito. Kaya naman mina-maximize na niya ang kakayahan niya.
She would be a famous interior designer someday. At sa palagay niya ay makukuha na rin niya ang kalayaan niya pagdating ng panahong iyon.
Matapos ang warm up ay nagsimula na silang mag-jogging sa paligid ng court. Twenty rounds iyon dahil regular training lang sila. Tumatakbo siya nang mapansin niya ang isang lalaki na nakasuot ng uniform mula sa Fine Arts Department. Hindi pamilyar ang mukha nito sa kanya.
Di na sana niya papansinin nang magsalubong ang mata niya ay parang tumigil ang mundo niya. Maganda ang mga mata nito at pamatay din ang ngiti. Parang nakakapanginig ng tuhod. Saka niya tuluyang napansin ang kabuuan nito. He was tall. Tiyak niyang mas matangkad ito sa kanya. And he carried his uniform with ease. At higit sa lahat, ngiti pa lang ulam na. At ginawa niya ang di niya ginagawa sa ibang lalaking ngumingiti sa kanya. She smiled back.
“Ongcuangco, ano bang tinatayo-tayo mo diyan? Mag-jogging ka na!” utos sa kanya ng coach niya at pumito.
Napanganga siya at nilingon ito. “Ano po, Sir?”
Pinitik nito ang daliri sa mukha niya. “Di mo ba narinig ang sinabi ko? Tumakbo ka na! O gusto mong dagdagan ko pa ng ten rounds ang sa iyo?”
“Bakit po ninyo ako dadagdagan ng ten rounds?” tanong niya.
Hinila siya ni Edmarie na bumalik. “Coach, pasensiya na po. Medyo masama po ang pakiramdam ni Rei kaya medyo slow.” Hinila siya nito. “Halika na nga!”
Pasimple pa niyang sinulyapan ang lalaki bago tumakbo ulit. “Nakakainis naman si Coach. Pinutol ang maliligayang sandali ko.”
“Ano bang maliligayang sandali ang sinasabi mo diyan? Kita mo ngang nagalit na sa iyo si Coach dahil nakatunganga ka lang doon. Ano bang problema?” tanong nito habang patuloy sa pagdya-jogging.
“Problema. Walang problema.”
“Ewan ko sa iyo. Parang di ka lang talaga normal ngayon.”
Kahit siya ay di nanonormalan sa sarili niya. Tuluyan nang tumigil ang mundo niya dahil sa lalaking iyon. Sino ba ito? Ano ba ang pangalan nito? Bakit ginugulo nito ang sistema nito sa unang pagtatagpo pa lang ng mata nila?
Kailangan talaga niyang malaman ang pangalan nito. Kung may girlfriend na ba ito at kung anu-ano pa. Hindi siya matatahimik hangga’t di niya nalalaman kung sino ito at di niya naipapakilala ang sarili dito.
Kailangan nitong malaman na siya – si Carmina Gabrielle Ongcuangco ay ang babaeng magiging girlfriend nito.
“Ongcuangco, bilisan mo pa!” utos ng coach nila.
Binilisan pa niya ang pagtakbo para makabawi. At tuwing dadaan siya sa tapat ng bleacher kung saan ito nakatayo ay ngumingiti sila sa isa’t isa. Kung pwede lang takasan ang training niya para makipagkilala dito ay ginawa na niya.
Subalit nawalan na siya ng pagkakataon. Naka-map out na ang training nila sa araw na iyon. Kaya nagkasya na lang siya sa pagsulyap-sulyap dito.
Mabuti na lang at di pa rin umaalis ang irog niya. Naroon pa rin ito at nahuhuli niyang nakatingin tuwing tumitingin siya. Inspirado tuloy siyang magpasikat dito lalo na nang magsimula na ang practice match nila.
Inunat-unat niya ang braso. Magkahiwalay sila ng team ni Edmarie. At kapag iyon ang sitwasyon, nagkukumpitensiya silang dalawa. Kailangan pa niyang gumaling dahil magpapasikat pa siya sa kanyang irog.
Sa unang set ay nakalamang ang team niya. Nararamdaman kasi niya na pinanonood siya ng kanyang irog mula sa gilid. Nang minsan ngang nag-spike siya ay pinalakpakan siya nang sulyapan niya ito.
“Good work, Ongcuangco,” anang coach niya at nilingon ang kabilang team. “Dapat gayahin ninyo ang energy ni Ongcuangco.”
Dati ay naglalaro lang siya para sa sarili niya. Para sabihing magaling siya. Ngayon lang niya naranasanan na maglaro para magpa-cute at magpa-impress. At parang lumilipad ang pakiramdam niya. Di siya napapagod. Gagawin niya ang lahat para lang matuwa at mapansin siya ng irog niya.
Nasa kalagitnaan sila ng second set nang mapansin niyang wala na sa kinatatayuan nito ang irog niya. Natuliro siya at hinagilap ito ng paningin. Nanlaki ang mata niya nang makitang palabas na ito ng gymnasium. Hindi iyon maari. Di ito pwedeng umalis nang di sila nagkakakilala.
“Rei, ang bola!” sigaw sa kanya ng ka-team niya.
“Nasaan?” tanong niya.
Pagharap niya ay papunta na sa kanya ang bola. Bago pa siya nakagalaw ay sinalubong na siya ng bola at humampas iyon sa mukha niya.
HILONG-HILO si Rei matapos tamaan ng bola. Bumagsak siya sa sahig sa tindi ng tama sa kanya. Pakiramdam niya ay sinampal siya ng sampung beses ng malupit na kontrabida sa teleserye. Di lang mukha ang namanhid sa kanya. Parang tinakasan na rin siya ng lakas.
“A-Ang sakit,” mangiyak-ngiyak niyang usal.
Dinaluhan siya ng mga ka-team niya. “Rei! Okay ka lang?”
“Rei, I’m sorry,” sabi ni Edmarie. “Di ka kasi umilag ,eh.”
Umiyak na lang siya dahil wala na siyang magagawa pa. Di siya makagalaw sa sobrang sakit. Mas masaya sana kung hinimatay na lang siya para di na siya makaramdam ng sakit. Para di na siya nagdurusa. Hanggang ngayon nga ay parang inuukutan pa rin siya ng stars sa universe sa sobrang hilo niya.
“Miss, anong nararamdaman mo?” narinig niyang tanong ng isang lalaki. And the voice was so soft. Parang ipinaghehele siya.
Nang lumingon siya ay ang irog niya iyon. “N-Nahihilo ako.”
Di niya alam kung iyon nga ang irog niya. Baka mamaya ay nagha-hallucinate lang siya dahil tinamaan siya ng bola.
“Francine, pakibasa itong panyo nito,” utos nito sa kasama.
“Ha? Bakit naman aketch ang uutusan mo?” tanong ng kasama nitong bading.
“Ako na lang ang magbabasa,” sabi ni Edmarie.
“Dalhin na natin siya sa bench,” anang irog niya at binuhat siya.
Parang ipinaghehele siya habang buhat siya nito. Ang lakas-lakas nito. Di tulad ng mga kawayang hahapay-hapay na madalas niyang laitin. Parang masarap pisilin ang muscles nito. Masarap pala ang pakiramdam ng binubuhat. Alam na niya ngayon ang pakiramdam ng mga prinsesa sa fairy tales na binubuhat ng prinsipe.
Inilapag siya nito sa bench subalit umupo pa rin ito sa tabi niya. Nang dumating si Edmarie dala ang basang panyo ay itinakip nito ang panyo sa mukha niya. “Diyan lang iyan para bumuti ang pakiramdam mo.”
Pasimple siyang humilig sa balikat nito. Ang bango-bango nito. Nakaka-relax. Parang pareho sila ng pabango. Pero bakit ganoon? Sa halip na ma-turn off siya ay lalo pa siyang nahumaling dito. Parang ginagayuma siya.
“Sir, baka po pwedeng dalhin na natin siya sa clinic. Napasama ata ang tama ng bola,” anang irog niya. “Kung gusto po ninyo, babantayan ko siya.”
“Si Ongcuangco? Dadalhin sa clinic? Magagalit pa iyan kapag idinala sa clinic. At nakakaabala pa kami sa iyo. Kami na ang bahala sa kanya,” sabi ni coach.
No! No way! Di niya palalagpasin ang pagkakataon na iyon. Kailangang makasama niya ang irog niya nang mas matagal. Ito na ang naglalapit ng sarili sa kanya. Bakit naman di pa niya sasamantalahin?
Umungol siya. “Coach, ang sakit. Naalog po ata ang utak ko. Pakiramdam ko rin nabali ang ilong ko. Masakit po talaga.”
“Ongcuangco, gusto mo bang magpadala sa clinic?” tanong ng coach niya.
Tumango siya nang marahan. “Gusto ko po sanang magpahinga kahit saglit.”
“O sige. Dalhin na siya sa clinic,” anang coach niya.
Nagdiwang siya nang buhatin siya ng irog niya. “Don’t worry. Ako ang magbabantay sa iyo. I am sure you will be okay.”
DAHAN-DAHANG idinilat ni Rei ang mata niya para tiyakin na ang irog nga niya ang nakaupo sa tabi ng kama at nagbabantay sa kanya. Kasalukuyan itong nagbabasa ng libro kaya nagkaroon siya ng pagkakataon na pag-aralan ang mukha nito.
Nakakaakit ang malalantik na pilik-mata nito. Iyon ang mga mata na nakakatunaw kapag tumitig. Matangos ang ilong nito. And she bet that he would be more good looking once he smiles. Parang masarap haplusin ang balat nito. Bumuntong-hininga siya. Sana ay di lang ito bunga ng kanyang ilusyon.
Lumingon ito sa kanya nang maramdamang nakatingin siya. “Gising ka na. Kumusta na ang pakiramdam mo?”
“I guess I am okay now. Kasi kitang-kita kong mabuti kung ano ang itsura mo. Mas guwapo ka pala sa malapitan.”
Ngumiti ito. “Sa palagay ko epekto lang iyan ng tama ng bola. Napalakas yata ang tama sa iyo.”
“Oo. Malakas nga ang tama sa akin.” Sa sobrang tindi ng tama nito sa kanya sa nawala na siya sa sarili. Gusto lang niyang titigan ito ng titigan. “Ikaw ba? Okay lang ang pakiramdam mo?”
“Bakit ako ang inaalala mo? Ikaw itong tinamaan ng bola.”
“Kasi baka nabigatan ka sa akin. Nakakahiya naman.”
“Wow! Ang lakas-lakas mo. Gusto ko iyon sa lalaki. Iyong kaya akong buhatin nang hindi nabibigatan sa akin.”
Tumikhim ito na parang nailang sa kanya. Iniwas nito ang tingin. “Sabi ng doctor wala namang problema sa iyo. Kailangan ko lang magpahinga. Maya maya lang mawawala na rin ang pamumula ng mukha mo.”
Nasapo niya ang pisngi. “Ha? Mapula ang mukha ko.” Malamang ay pangit na siya sa paningin nito. Nakakainis naman!
Hinaplos ng daliri nito ang pisngi niya. “Its like a natural blush. Isipin mo na lang na di mo na kailangan ng blush on para maging maganda.”
Gumuhit ang ngiti sa labi niya. “Sabi mo iyan, ha? Maganda ako.”
Marahan itong tumango. “Oo naman. Maganda ka.”
Tumikhim siya. First time pa lang nilang nagkita. Dapat ay magpa-demure naman siya ng kaunti. “I’m Carmina Gabrielle Ongcuangco. Sixteen years old. First year, Interior Designing. Single. Never been kissed. Never been touched.”
Inilahad nito ang kamay at lalong ngumiti. “Hayden Anthony Ilano. Transferee lang ako. Fine Arts major in Industrial Design ang tine-take up ko. I’m interested in furniture design.”
“Oh, really? Magkakasundo tayo. Related ang couse natin. Must be fate.” At noon lang siya nagkaroon ng matinding koneksiyon sa isang tao sa unang pagkikita.
“Miss, anong ginagawa mo sa alaga namin at may nalalaman kang fate?” nakataas na kilay na tanong ng bading na kasama ni Hayden na si Franzine.
“Alaga? Anong alaga?” tanong niya.
“Si Sister Hayden. At huwag mo nang pagpantasyahan iyan dahil allergic iyan sa mga girls. Baka ma-infect pa siya sa iyo.”
“Bakit naman siya mai-infect sa akin? Virgin pa naman ako.”
Tinakpan ni Franzine ang tainga ni Hayden. “Wag mong pakikinggan ang babaeng iyan. Inaakit ka niyang tumiwalag at magbago ng isip.”
“Franz, it’s okay. Binabantayan ko lang si Carmina Gabrielle.”
“Rei na lang, Hayden. Masyadong mahaba ang Carmina Gabrielle.”
Tumirik ang mata ni Franzine. “Tigilan nga ninyo ako! Nandidiri ako. Di kayo talo, Miss. Pareho kayong girl ni Hayden.”
“Ano? Girl si Hayden?” bulalas niya. “Huwag mo ngang sabihin iyan. Gusto mong sapakin ko ang face mo? Ang guwapo-guwapo ng irog ko tapos sasabihin mo na girl? Ikaw ang bad influence sa kanya!”
Hindi talaga niya matatanggap na bading ang kanyang mahal na si Hayden. Her heart couldn’t take it. Hindi! Hindi! Hindi!
Nagtitili si Franzine. “What? Irog? Eeewww! Let’s go, Hayden. May practice pa tayo para sa play. Iwan mo na ang ilusyunadang maton na iyan.”
“Hindi ko pa siya maiiwan. Wala pa siyang kasama,” sabi ni Hayden.
Hinawakan niya ang kamay ni Hayden. “Thank you. Ang sweet mo naman.” Sabi na nga ba niya’t hindi siya nito matitiis.
“Hindi ka ba nandidiri na pinagnanasaan ka niya?” angal ni Franzine. “Baka mamaya ma-rape ka pa niya habang kayong dalawa lang.”
“Rei, okay ka na?” humihingal na tanong ni Edmarie nang silipin siya. “Ako na ang magbabantay sa kanya. Salamat sa pagbabantay kay Rei.”
“Rei, aalis na kami,” sabi ni Hayden. “Mag-iingat ka na sa susunod.”
“Mag-iingat talaga ako para sa iyo.” Saka niya pinisil ang kamay nito.
“Gosh! Ang weird talaga ng babaeng iyon. Kinikilabutan ako!” tili ni Franzine nang palabas na ito at si Hayden ng clinic.
“Ang guwapo ni Hayden, di ba? At mabait pa,” aniyang nagniningning ang mata. Nakabuti sa kanya ang pagkakatama ng bola dahil nagkakilala sila.
“Anong guwapo? Maganda siya. Mas maganda pa sa atin. Sayang talaga at nabawasan na naman ng guwapo sa mundo. Naging bading pa!”
Hinampas niya ito sa braso. “Hindi bading si Hayden! Di bading ang irog ko!”
“Hoy, Rei! Naalog ata ang utak mo. Kita mo nga. Naka-face powder.”
Kinuyom niya ang palad. “Wala akong pakialam. Para sa akin hindi siya bading. At kahit ano pa ang sabihin mo, gusto ko pa rin siya.”