Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 207

Gulping-gulpi ang pakiramdam ni Rei matapos ang endurance training nila para nalalapit na Tarlac City Sports Meet. Dahil all-rounder siya ay ibinuhos niya ang lakas niya sa lahat ng aspeto ng training. Mataas kasi ang expectations sa kanya. Ang resulta, hindi na siya makatayo pa sa kinauupuan niya.

“Mare, parang hindi na ako makabangon,” ungol ni Edmarie na nakasandal sa bench. Tulad niya ay gulpi-sarado din ito sa training.

Naghikab siya. “Pwede bang sa inyo na lang ako matulog?”

“Di nga tayo makabangon, gusto mo pang sa amin matulog. Saka pagagalitan ka ng tatay mo kapag hindi ka umuwi. Sesermunan ka pa at baka di ka pa pasamahin sa competition.” Ayaw kasi ng tatay niya na nada-divert ang atensiyon niya sa pag-aaral. Iniyakan pa nila ito ng nanay niya para pumayag.

Alas diyes na ng gabi. Kapag ganoong oras, delikado nang umuwi. Mahahabol pa naman niya ang last trip kung babangon na siya at magsisimulang maglakad.

Pareho silang lumingon sa pinto ng gym nang may sumulpot na lalaki doon. Ikinurap-kurap niya ang mata. “Hayden?”

“Rei! Edmarie! Mabuti naabutan ko pa kayo,” anito at patakbong lumapit. “Katatapos lang ng practice namin sa drama club.

“Ang Princess Charming mo,” tukso sa kanya ni Edmarie.

“Inggit ka lang.” Palibhasa ay wala itong Hayden. Kapag kasi may pagkakataon at maagang natatapos ang practice nito ay dumadaan naman ito sa practice nila. O kaya ay siya ang dumadalaw sa drama club. Saka niya nginitian si Hayden. “Kanina pa kami dito. Di kami makauwi dahil masakit pa katawan namin.”

“Pero masyado nang late,” anito at sinulyapan ang relo.

Tumayo si Edmarie. “Ako okay lang. Si Rei ang nagulpi nang todo.”

“Gusto mo buhatin kita?” alok ni Hayden.

“Sure! I like that! Sweet ka talaga!” sabi niya.

“Naku! Mabigat iyan, Hayden. Mababali ang likod mo,” kontra ni Edmarie.

Tumawa lang si Hayden at binuhat siya. “Sanay na akong buhatin siya.”

Feel na feel naman niya ang lagi nitong pagbuhat sa kanya. Feel na feel din niya ang kagandahan niya. May pagkakataon na naman siya para pangarapin ito.

Nagpatiunang maglakad si Edmarie. “Bahala ka. Mawiwili ang babaeng iyan.”

“Hayden, isipin mo na lang nagpa-practice tayo sa kasal natin.” Lumuwag ang pagkakahawak nito sa kanya. Tumili siya at humawak sa leeg nito. “Hayden!”

He let out a masculine laugh. Hindi iyong tipid na tawa kapag nakapaligid ang mga higad na kasa-kasama nito. She saw another facet of him. How could he laugh like a real man if he was a gay?

“Joke lang. Sa palagay mo naman ibabagsak kita?”

Isinubsob niya ang mukha sa leeg nito. “Natakot lang ako.” Naamoy na niya ang cologne na nasa robe nito dati. “Parang iba yata ang pabango mo ngayon.”

“Sa palagay ko kasi mas mabango iyan.”

Di na ito kumibo at itinuon lang ang atensiyon sa nilalakaran nito. Wala rin itong kahit anong kolorete sa mukha nito nang mga oras na iyon. Pero tuwing gabi lang iyon nangyayari at wala ang mga higad sa buhay nito. Kung makikita lang ito ng buong campus sa itsura nito ngayon, tiyak na pagkakaguluhan ito ng mga babae. Okay na rin na di ito lapitin ng iba sa ngayon para wala siyang karibal.

Inilapag siya ni Hayden sa tabi ng driver’s seat at si Edmarie naman sa likuran. Di naman kalayuan sa campus ang dormitory ni Edmarie kaya bumaba agad ito. “Ihahatid mo ba siya sa terminal?”

“Hindi. Sa bahay na lang nila,” sabi ni Hayden.

“Pero malayo ang bahay namin. Mga thirty minutes pa na biyahe.”

“Mas dapat nga kitang ihatid sa inyo dahil baka wala ka nang masakyan.”

“Ingat ka diyan. Baka pikutin ka,” babala ni Edmarie.

“Pananagutan ko naman siya, ah!” sabi niya.

“Sige. Sagot ko ang litson kapag ikinasal kayo,” anang si Edmarie at saka nakakalokong tumawa nang palayo na.

“Bruha talaga ang babaeng iyon.” Imposible bang makasal sila ni Hayden?

“Tingnan mo baka may naiwan si Edmarie.”

May napansin siya sa likuran. It was a brown scrapbook. “Kay Edmarie ba ito?” nakakuno-noo niyang tanong.

In memory of Chad Lee.

“Chad Lee?” usal niya. “Hindi ba siya iyong nagpakamatay na third year student sa Management department last semester? Member siya ng drama club.”

“Naiwan siguro ni Franzine.”

“Ang usap-usapan nga sa campus di siya matanggap ng pamilya niya dahil homosexual siya. Kaya daw nag-suicide siya.”

“Hindi naman natin alam ang totoong istorya.”

Nagkibit-balikat siya. “Hindi ko alam. Pero minsan kailangan nating tanggapin ang isang tao kung ano siya. Di dahil bading ka, di ka na pwedeng mahalin.”

Natigilan siya nang bigla itong magpreno. Bakas ang matinding galit sa mukha nito habang mahigpit na hawak ang manibela. Nakita na niya itong magalit dati pero sa pagkakataong ito ay nakita niya ang matinding sakit sa mata nito.

“Dito ka lang,” anito at bumaba ng sasakyan.

Naalarma siya. Galit ba ito sa kanya? Naapektuhan ba ito sa istorya ni Chad kaya iiwan na siya nito? “Hayden, I’m sorry. Hindi ko naman sinasadya…”

Sumilip ito sa bintana. “Babalik din ako agad.”

Sinundan na lang niya ito ng tingin nang pumasok sa convenience store. Pagbalik nito ay may inabot itong plastic bag sa kanya. “Ano ito?”

“Gatorade at chocolate. Para mabawi mo ang energy mo.”

Bagamat nakangiti ito ay may lungkot pa rin sa mga mata nito. Katulad din ba ito ni Chad? Di rin ba ito tinanggap ng pamilya nito kaya lumayo ito? Kaya ba mas pinili na lang nitong mag-isa dahil wala ring nagmamahal dito?

Inangat pa nito ang plastic bag. “Rei, ayaw mo ba?”

Niyakap niya ito. “Hayden, I’m sorry!”

Nagulat ito. “O! Bakit ka nagso-sorry?”

“Sorry kung naalala mo kung bakit ka malungkot. Sana huwag kang magalit sa akin. Ayokong makita kang nagagalit, nalulungkot o nasasaktan.”

“Hindi ako galit sa iyo. At kahit kailan di ako magagalit sa iyo. At kung nalulungkot man ako, hindi mo kasalanan iyon.”

“I just have one favor to ask, Hayden.”

“Hmmm… ano iyon?”

“Huwag mo akong itutulak palayo kapag nalulungkot ka. Siguro hindi mo ako kayang mahalin pero gusto ko lang laging nasa tabi mo.”

“I don’t think I could push you away. Di ka rin naman aalis sa tabi ko kahit na ano pang sabihin ko o ng ibang tao, hindi ba?”

“Right.” At di siya papayag na makitang malungkot si Hayden habang magkasama sila. There was no way that she’d allow him to feel lonely.

HINDI mapakali si Rei habang hinihintay ang ibang kasamahan sa volleyball team. Iyon na ang araw ng Tarlac City Sports Meet. Pero iyon din ang opening ng play nila Hayden kung saan gaganap ito bilang isang geisha. Hindi niya ito mapapanood at di rin nito mapapanood ang laro niya. Bakit pa kasi nagsabay?

Tinapik siya sa balikat ni Edmarie. “Hoy! Umayos ka nga! Ikaw ang mood maker namin tapos mukhang ikaw ang wala sa mood.”

“Sino pa ba ang hinihintay natin?” tanong niya.

“Tatlo pa ang di dumadating. Pero parating na ang mga iyon.”

Inilapag niya ang gamit. “Bantayan mo muna.”

“Saan ka naman pupunta?”

Tumakbo siya palayo. “Pupuntahan ko si Hayden. Babalik din ako agad.”

Narinig niya ang pagtawag sa kanya ng mga kasamahan subalit di niya pinansin ang mga ito. Kailangan niyang makita si Hayden bago siya lumaban. Alas nuwebe ang opening ng play at kalahating oras na lang ay simula na iyon.

Nasa catwalk siya papuntang auditorium nang makita niya ang isang matangkad na babae na nakasuot ng kimono. Ilang hakbang na lang siya dito nang matitigan niya kung sino iyon. Si Hayden. Natulala na lang siya dahil mas maganda na naman ito sa kanya.

“Rei, saan ka pupunta?” tanong nito.

“I just want to see you before the competition. Saka gusto rin kitang makita bago ang play mo.” Ginagap niya ang kamay nito. “Galingan mo, ha? Wag kang kakabahan. Ipakita mo sa kanilang lahat na magaling ka. At kapag may lumait sa pag-arte mo, gugulpihin natin.”

“Thank you.” Inabutan naman siya nito ng plastic bag. “Gatorade and chocolates. Alam ko na manlalambot ka na naman mamaya.”

“Thank you rin! Gagalingan ko mamaya para di ka rin mapahiya.”

“Babaeng amazona!” tili ni Franzine na mukhang mama-san sa suot nitong kimono. “Hindi mo ba alam na inaabala mo kami? Magsisimula na ang play namin.”

“Rei, bumalik ka na rin,” tawag sa kanya ni Edmarie. “Hinahanap ka ni Coach. Galit na galit.” Nakita niya sa likuran nito na nakahalukipkip ang coach nila.

Atubili niyang binitiwan ang kamay ni Hayden. “Susubukan kong humabol sa closing ng play ninyo. Good luck!”

Pinigilan nito ang kamay niya. “Teka lang, Rei!”

“Bakit?”

Hinapit nito ang baywang niya at kinintalan siya ng halik sa noo. “Goodluck!”

Hindi niya inaasahan iyon. Hayden kissed her in public. Kahit na sa noo lang iyon, naramdaan niya ang intimacy sa pagitan nila. Mukhang kakailanganin nga niyang inumin ang Gatorade na bigay nito dahil nanginginig ang tuhod niya. Mas matindi pa itong humigop ng lakas kaysa sa endurance training nila.

Nagtitili si Franzine na parang nanonood ng isang horror movie. Saka nito hinila si Hayden palayo sa kanya. “Tama na ang kalokohan na iyan. Hindi mo ba alam ang ginagawa mo, Hayden? Iisipin nila na boylet ka na. Ano ba? Hamak na maganda ka naman kaysa sa babaeng iyan! Nakakasira ka ng mood. Kaimbyerna!”

Humagikgik na lang siya nang ngumiti sa kanya si Hayden habang katakot-takot na sermon ang inabot nito kay Franzine.

“Ngayon ko lang nalaman na dalaga na pala si Rei,” sabi ng coach nila nang nakasakay na sila sa service nila papunta sa venue ng competition.

“Anong dalaga? Binata iyan, Sir! Si Hayden ang dalaga,” kantiyaw ni Edmarie.

Wala siyang pakialam kung kantiyawan man siya ng lahat. Ang alam lang niya ay inspired siyang maglaro sa araw na iyon dahil kay Hayden.

NAALIMPUNGATAN si Rei nang yugyugin siya ng mommy niya. “Anak, tanghali na.”

Umungol siya at sa halip na bumangon ay dumapa pa siya. “Mommy, inaantok pa po ako. Saka wala naman akong pasok ngayon. Matutulog muna ako.”

“Paano na iyong bisita mo sa baba? Kanina pa naghihintay si Hayden.”

Bigla siyang bumalikwas ng bangon nang marinig ang pangalan ni Hayden. “Ano po, Mommy? Nasa baba si Hayden? Guwapo ba, Mommy?”

“Oo naman. Di lang basta guwapo. Matangkad din siya. Saan mo naman napulot ang lalaking ganoon kaguwapo, anak? Boyfriend mo na ba?”

“Mommy, baka mamaya sinabi sa inyo ni Edmarie iyan at pinagkakatuwaan lang ninyo ako. Lagot kayo sa aking dalawa,” banta niya at sumilip sa may hagdan.

Muntik na siyang gumulong pababa nang makitang kausap ni Hayden ang daddy niya sala. Kinusot pa niya ang mata para matiyak na si Hayden iyon. He was wearing a casual polo and blue jeans. At wala itong bakas ng kahit anong kolorete sa mukha. Parang aakyat tuloy ito ng ligaw sa kanya.

“Rei, nandiyan ka na pala,” anang daddy niya nang makita siyang nakasilip. “Babain mo na itong bisita mo.”

Bababa na sana siya nang maalalang di pa siya nagmumumog o nagsusuklay man lang. “Teka lang, Dad!” aniya at bumalik sa kuwarto. Muntik pa niyang mabangga ang mommy niya sa pagmamadali niya.

“Anak, magdahan-dahan ka naman.”

“Mommy, bantayan ninyo si Hayden. Baka lamunin siya ng buo ni daddy. Baka matakot. Makatakas pa ang future groom ko,” aniya habang nagsesepilyo.

Hindi ikatutuwa ng daddy niya na may bisita siyang lalaki. Pakiramdam kasi nito ay mawawala siya dito oras na magka-boyfriend siya.

“Bakit napakatagal mo?” asik ng daddy niya.

“Daddy, di ako pwedeng humarap nang di pa naghihilamos o nagtu-toothbrush. Nakakahiya naman po kay Hayden.”

“Nagpaganda ka pa.Kailangan mo pa bang magpaganda kapag kaharap siya?”

“Adolfo, huwag mo na ngang sermunan si Rei. Nakakahiya sa bisita,” saway dito ng mommy niya. “Hayden, huwag kang mahihiya. Mag-usap lang kayo ni Rei.”

“Thank you po, Tita,” malambing na sabi ni Hayden.

“Napadalaw ka,” sabi niya nang nanood na ng TV ang daddy niya. Pero alam naman niya na pasimple itong nakikinig sa usapan nila.

“Di kasi pumasok ngayon. Naisip ko na baka nagkasakit ka dahil sa competition ninyo. Tapos humabol ka pang nanood ng closing ng play namin.”

Nanalo sila sa Tarlac City Sports Meet habang naging successful naman ang play nila Hayden. Maging ang ibang university ay nagre-request na ipalabas ang play nito. Di lang si Hayden ang magaling umarte kundi pati ang ibang cast.

“Wala naman talaga akong pasok ngayon.”

Natigilan ito. “Ganoon ba? Akala ko kasi may pasok ka.”

Inunat niya ang mga kamay. “Pero masakit talaga ang katawan ko. Kaya pasensiya ka na kung natagalan ako bago bumangon kanina.”

“Sakto. Dinalhan kita ng Gatorade at chocolates. Napansin ko kasi kahapon pa na nanlalambot ka. Kailangan mo talagang bawiin ng lakas mo. Marami ka pang activities sa school. Malapit na rin ang provincial meet.”

“Thank you sa pag-aalala.” Kinilig siya nang ang paborito niyang chocolate ang binili nito. Alam na kasi ni Hayden kung ano ang mga gusto niya at ayaw niya. And he was becoming more and more ideal for her. He made her feel special.

Tumikhim ang daddy niya. “Bata pa ang anak ko para ligawan.”

“Daddy, hindi po nanliligaw si Hayden. Ako po ang nanliligaw sa kanya.”

Nanlaki ang mata ng daddy niya. “Ano? Ikaw ang nanliligaw sa lalaki. Anong klaseng pag-iisip ba mayroon ka, Carmina Gabrielle?”

Lumabi siya. “Ayaw po kasi niya akong ligawan, eh!”

“HIndi po ako magte-take advantage sa anak ninyo,” wika ni Hayden.

“Tama iyan. Dapat di nagsasamantala ang mga lalaki sa kahinaan ng babae. Dahil diyan, pinagkakatiwalaan kita, hijo.”

“Ibig sabihin boto po kayo kay Hayden, Daddy?” tanong niya.

“Oo. Gusto ko siya. Pero ayoko sa iyo para sa kanya. Hindi ka na nahiya, Carmina Gabrielle! Ikaw pa ang nanliligaw sa lalaki! Paano pa kita papayagan sa rock concert na sinasabi mo kung ganyan ka naman?”

“Daddy, payagan na po ninyo ako. Date naman namin iyon ni Hayden,” lambing niya sa daddy niya. “Boto naman kayo sa kanya, di ba?”

“Talaga bang ikaw ang kasama ng anak ko, hijo?”

Tumango si Hayden. “Opo. Sasamahan ko po si Rei.”

“Akala ko ba di mo sasamantalahin ang anak ko?Tapos magde-date na kayo.”

“Hayaan mo na. Lakad naman ng mga bata iyan. Kaysa naman tumatakas sila at hindi nagpaalam, Mabuti nang alam natin na sila ang magkasama,” sabi ng mommy niya. Spoiled kasi siya dito.

“Papayagan ko sila pero dapat pumayag sila sa patakaran ko.”

Puro tango ang isinagot ni Hayden sa daddy niya. Subalit natutuwa siya dahil nakuha ni Hayden ang respeto nito na di nagawa ng iba. He was really something.

MAAGA pa lang ay nakatayo na sa may gate ng campus si Rei at naghihintay kay Hayden. Alas siyete pa magpapapasok ng tao sa concert venue pero alas singko y medya pa lang ay nandoon na siya. Paborito niya ang bandang Rivermaya kaya naman excited na siya. Bukod sa unang date nila iyon ni Hayden.

Humingi pa siya ng pointers sa mga teammates niya kung ano ang dapat gawin at isuot kapag nagde-date. She wanted everything to be perfect.

“Ang aga mo naman,” sabi ni Edmarie. “Mamaya pa usapan ninyo ni Hayden.”

“Excited ako, eh! Maganda na ba ako?”

Iniwas nito ang tingin sa kanya. “OA ka. Mukhang nakikipag-kompitensiya ka pa sa kagandahan ng mga higad. Naka-make up ka pa.”

“Siyempre. Date namin ito ni Hayden.”

“Si Hayden iyon, di ba?” anito at itinuro si Hayden na nakatayo sa kabilang side ng kalsada.

Kinawayan niya ito. “Hayden!”

Subalit di siya nito pinansin dahil sumakay na ito sa kotseng minamaneho ni Franzine at di pinansin ang pagtawag niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.