Muntik nang bumulanghit ng tawa si Rei nang matigilan. Nakita niya ang pagtalim ng mata ni Hayden. Ano ang gagawin nito kapag tumawa siya? Hahalikan ba siya nito? Seryoso ba ito na hahalikan siya nito? Bakit parang ang tagal?
Maisip pa lang niya na hahalikan siya nito, nanginginig na ang tuhod niya. Kapag di pa ito lumayo sa kanya, baka kailanganin na niya ng fainting couch.
“Hayden, bagong babae na naman iyang kasama mo,” anang lalaki na hula niya ay member din ng riding club.
“Joziah, hindi kita ginugulo kapag may ka-date ka, ha?” anang si Hayden at bahagyang lumayo sa kanya.
She was awed. How could he talk to those men with ease as if he was a real man? Sabagay, kahit naman dati ay walang hint ng pagiging feminine ang boses nito. Malambing lang ito at soft spoken dati pero ngayon ay may tigas na sa boses nito. At parang doon ito mas komportable. Hindi pilit.
“Bakit masyado kang pikon, Hayden?” tanong ni Gianpaolo, ang kababata ni Dafhny na minsan na niyang nakita na dumalaw sa opisina. “Assistant pa ni Dafhny iyang ka-date mo. Baka magalit iyon kapag tauhan niya ang binola-bola mo.”
“Si Dafhny mismo ang nagsabi na ipasyal ko siya,” depensa ni Hayden. “Mabuti pa puntahan mo na lang siya sa Lakeside Café. Baka nakulot na ang utak niya dahil kanina pa siya nakababad sa away nila Danzelle Ann at Richard Don.”
“Mayaya nga ulit mag-date. Baka nami-miss na niya ako,” malapad ang ngiting sabi ni Gianpaolo.
“Ilang ulit ka na bag nagyayang mag-date at nabasted, Gianpaolo?” nakangisi naman na tanong ni Hayden.
“I hate you!” singhal ni Gianpaolo at naglakad palayo.
“Pare, sama ako! Para naman may karamay ka kapag nabasted ka,” wika ni Joziah at sumunod sa kaibigan.
“I hate you! Both of you! Magsama kayo ni Hayden! Kaya siguro di nakikipag-date sa akin si Dafhny dahil sa mga playboy na tulad ninyo. Nadadamay ako.”
Umiikot ang ulo niya. Iyon ba ang reputasyon ni Hayden sa riding club? Isang playboy? Paano nangyari iyon? Wala ba talagang alam ang mga ito sa pagkatao ni Hayden? Napakagaling naman nitong magtago.
“Totoo ba ang sinabi nila na playboy ka?” tanong niya dito.
“Hindi, ha! Anong magagawa ko kung guwapo talaga ako?”
“O masyado ka lang maganda,” biglang nanulas sa dila niya.
“Sa tingin ko kailangan nating mag-usap tungkol diyan,” wika nito.
Nataranta siya. No! Ayaw niyang kausapin ito tungkol doon. Hindi tama. At ayaw na niya. “I came here for business. Kung di lang tungkol sa trabaho ang pag-uusapan natin, huwag na lang,” mariin niyang wika.
“Hindi bale. Maraming beses pa naman tayong magkakatrabaho.” At mukhang nais din nitong ipakahulugan na marami pa silang pagkakataon para mag-usap at hindi na niya ito matatakasan pa.
Palaisipan pa rin sa kanya si Hayden habang pauwi na sila ni Dafhny. Inis na inis ito sa binasted na naman nitong si Gianpaolo. “Talaga naman ang mga lalaking iyan. Akala niya mauuto nila ako.”
“Ma’am, talaga bang playboy si Hayden?” tanong niya.
“Masasabi ko bang playboy siya? Hmmm… lapitin siya ng mga babae. Wala naman siyang nagiging girlfriend talaga, eh! Siguro may hinahanap siya sa isang babae na hindi niya makita sa lahat ng nakilala niya.”
“Ano naman ang hinahanap niya sa babae?”
O babae nga ba talaga ang gusto nito? Kahit naman noong nasa college pa ay di niya ito nabalitaan na nakipaglapit sa kahit sinong lalaki. Nakadistansya ito kapag may lumalapit na lalaki dito.
At hindi ba mararamdaman din naman ng isang babae kung may sa-paminta ang isang lalaki at nakakabahing? Bakit hinahabol pa rin ng mga ito si Hayden?
Nilingon siya nito. “Bakit? Gusto mo ba siya?”
Umiling siya. “Ngayon pa lang po kami nagkakilala, Ma’am.”
“Interesado yata si Hayden sa iyo. Siguro dahil kapangalan mo si Rei.”
Itinuon niya ang tingin sa labas ng sasakyan. “Hindi ako matutulad sa Rei na iyon.” Dahil ang bagong Rei ay immune na sa kaguwapuhan ni Hayden. Matagal na niya itong isinuko. Kaya di na niya ito tatanggapin pa sa buhay niya.
NANGHAHABA ang nguso ni Rei habang nanonood ang paglalapat ng labi ng mga bida sa Koreanovela na pinapanood nila ni Edmarie tuwing gabi. Naiisip niya ang sandaling kasama niya si Hayden at napakalapit na ng mukha nito sa kanya. Ano kaya kung sinapian siya kanina at bigla niya itong hinalikan?
“Nakakainis! Bakit hindi ko pa itinuloy?” aniya at sinabunutan ang sarili.
“Hoy! Mukha kang luka-luka diyan. Ano ba ang nangyari sa Stallion Riding Club?” tanong ni Edmarie. “Kwentuhan mo naman ako. Maganda ba doon? Saka totoo ba na halos lahat ng lalaki guwapo?”
Tumango siya subalit nakatulala pa rin sa TV. “Oo. Puro guwapo. Pati nga mga kabayo doon guwapo.”
“May guwapo ba naman na naakit sa kagandahan mo?”
“Meron. Si Hayden Anthony Ilano.”
Kinatok nito ang noo niya. “Haller! May sanib ka ba? Bakit naman napasok sa usapan ang first love mong mas maganda pa sa iyo?”
“Nandoon si Hayden, Edmarie. Kasama ko siya sa project ng Lakeside Café and Restaurant. Member din siya ng Stallion Riding Club. At alam mo ba na ang guwapo-guwapo niya kanina,” aniya at dahan-dahang sumilay ang ngiti sa labi. “Tapos ang lapit-lapit ng mukha niya sa akin.”
“Tapos hinalikan ka niya?”
Ipinitik niya ang daliri. “Sayang nga hindi natuloy.”
“Ano ka ba? Bakit bumalik ka na naman sa ilusyon mo sa kanya?”
“Hindi ako nag-iilusyon. I can feel it. Gusto talaga niya akong akitin.”
“At bakit naman niya iyon gagawin? He was supposedly a full-pledged gay. Nag-come out na dapat siya. Nagtatago ba siya at nagkukunwaring lalaki?”
“Ewan ko. Parang lalaking-lalaki siya kanina. Saka kung tumitig siya, nanginginig agad ang tuhod ko. Balita pa nga sa riding club, playboy siya. Hindi kaya lalaki talaga siya? Napansin ko na mas komportable siyang kumilos bilang lalaki. Saka hindi nga siya marunong mag-make up dati. Saka kung narinig mo ang boses niya kanina, I assure you that he isn’t faking it. Lalaking-lalaki.”
Humalukipkip ito. “Huwag ka ngang hibang. Ang higad ay higad. Keep that in mind. Wala ka nang maasahan sa Hayden na iyon. Kaya huwag mong sayangin ang pagkakataon. Maraming guwapo sa riding club. Doon ka na lang.”
Hindi siya nakakibo. Kahit sabihin nito na may iba pang lalaki, si Hayden pa rin ang nakikita ng mga mata niya.
Nakulam nga yata siya ni Hayden at di na siya makakawala pa.
NAKAPANGALUMBABA si Rei habang pinagmamasdan ang product catalogue ng Ilano International. Titig na titig siya sa Rei’s fainting couch. Kasabay niyon ay bumalik ang alaala nang una silang magkita ni Hayden.
Bumabalik na naman siya sa dati. Gusto pa rin niya ito kahit na berde ang dugo nito. Ano bang klase ang taste niya at si Hayden pa ang nagustuhan niya?
At dahil sa fainting couch na ipinangalan nito para sa kanya, parang nabubuhay ang pag-asa niya noon na espesyal siya para dito.
“Rei, may nagpapabigay sa iyo,” sabi ni Dafhny at inilapag sa harap niya ang isang malaking bar ng Cadbury milk chocolate at Gatorade.
Nagulat siya. “Sino po ang nagpapabigay?”
“Si Hayden. Natanaw ka niya kaninang sumilip siya. Mukha ka daw matamlay. Bumaba pa siya may convenience store para lang bumili niyan.”
“Nandito si Hayden?” bulalas niya at tumayo.
“Oo. Aba! First name basis na lang pala kayo ngayon,” tukso nito.
“Pwede ko po ba siyang makausap, Ma’am?” tanong niya. Biglang nabuhay ang dugo niya dahil naalala pa niya ang mga panahon na nireregaluhan siya nito ng Gatorade at chocolates. Iyon lang ang gumawa niyon para sa kanya.
“Kausap pa niya si Mae. Pero nagbilin siya sa akin na magkita kayo sa lobby mamayang lunch. It’s a date daw. Kaya inumin mo na iyang Gatorade at kainin mo ang chocolate para mabawi mo ang energy mo, ha?”
Pinag-iisipan niya kung makikipagkita pa siya dito mamayang lunch. Ayaw naman niyang tumagal pa ang pag-uusap nila. Konti lang naman ang sasabihin niya. Gusto na niyang huwag itong makita kung di rin naman tungkol sa trabaho. Hindi na iyon kailangan pang pag-usapan over lunch.
Pero nasimot na niya ang chocolate, naubos ang Gatorade at tumuntong na ng alas dose ng tanghali ay di pa rin niya makumbinsi ang sarili na huwag mag-lunch kasama ito. Kaya nag-retouch na lang siya at tiniyak na maganda siya bago bumaba sa lobby upang sumamang mag-lunch dito.
“You look better now. Di tulad kanina na namumutla ka. Wala ka naman sigurong sakit,” wika nito nang salubungin siya.
“Look! Di dahil pumayag akong mag-lunch tayo, patay na patay pa rin ako sa iyo. Gusto ko lang I-inform ka na ito na ang huli.”
“Okay. Whatever you say.” At iginiya siya papasok sa kotse nito.
Sa isang mamahaling seafood restaurant siya nito idinala. Di niya ito halos kinikibo at tinitingnan habang kumakain sila. “How are you, Rei? Hindi tayo nakapag-kwentuhan nang nakaraang araw nang magkita tayo.”
“Sa tingin ko di mo ako idinala dito para kumustahin lang ako.”
“Galit ka pa rin ba sa akin?”
“Bakit? Dahil hindi mo ako gusto? No. Naalala ko lang na nangako ako sa iyo na iiwasan na kita. Kaya nananadya ka ba? Bakit nagpapakita ka pa sa akin?”
Alam ba nito na di madali sa kanya na sungit-sungitan ito? Di naman kasi niya magawang magalit dito o magtanim ng sama ng loob. Mas naiinis siya sa sarili niya. Di niya mapalagpas ang pagkakataon na makasama ito.
“I want to start anew. Maganda ang samahan natin dati. Ibalik natin.”
Umiling siya. “No! Hayden, it’s over. Kinalimutan ko na ang nararamdaman ko para sa iyo. Madali para sa iyo na sabihin na ibalik natin ang samahan natin. Hindi naman kasi ikaw ang nagmahal. Ako lang. Hindi rin ikaw ang nasaktan. Ako lang din. Kaya hangga’t maari, gusto ko nang putulin ang koneksiyon natin.”
“Hindi ganoon kadali iyon. Marami pa akong ipapaliwanag sa iyo…”
Kaswal siyang sumubo ng lemon marinated shrimp. “Natatakot ka ba na sasabihin ko ang tungkol sa pagkatao mo? I will keep my word that I won’t spill it out. Mahirap para sa iyo na pangalagaan ang reputasyon mo. Poprotektahan ko iyon hanggang sa kamatayan ko. Your secret is safe with me.”
“Rei, ayoko nang magkalayo tayo. Pinagbigyan na kita dati dahil iwas ka nang iwas sa akin. This time its inevitable. Magkikita at magkikita tayo dahil sa trabaho.”
“I am a professional. Hindi madadamay ang trabaho natin.”
He looked at her intently. “No! I don’t want plain professionalism from you. Hindi lang tungkol sa trabaho ang pinag-uusapan dito. It’s about us.”
Mariin siyang pumikit. “Hayden, what do you really want from me?”
Ginagap nito ang kamay niya. “I want you to open your eyes. I want you to see the real me.”
Dahan-dahan niyang idinilat ang mga mata. Hindi pa rin niya maintindihan ang ibig nitong sabihin. At the corner of her heart, she was scared to give him a chance. Dahil baka muling mahulog ang puso niya dito.
PAULIT-ULIT na pinag-aaralan ni Rei ang floor plan para sa Lakeside Café and Restaurant habang kumakain ng chocolate mousse at buko shake. Siya ang magte-take over sa project dahil kailangang pumunta ni Dafhny sa Bicol para sa isang malaking reconstruction project doon.
Sa isang araw na ang simula ng renovation ng restaurant. Kaya kailangan niyang I-confirm ang detalye ng ide-deliver na item kay Hayden. Alas onse ang usapan nila at bago pa ang alas onse ay naroon na siya.
“Wala pa rin ba ang ka-date mo?” tukso ni Briscea, ang manager ng Lakeside Café and Restaurant. Nakasundo niya ito sa madalas na pagdalaw niya sa café.
Tiningnan niya ang wristwatch. “Eleven-fifteen na pala. Late na naman iyon.”
“Hindi naman nale-late sa mga business meeting si Hayden maliban na lang kung may emergency.”
“Believe me! Noong first date namin, ilang oras siyang na-late. Oo nga emergency iyon. Pero nakakainis pa rin dahil naghintay ako sa kanya nang matagal. Tapos di naman siya sumipot noong birthday ko. Nakakainis din, di ba? Tapos ipinagpalit niya ako sa.. sa mga higad!” nanggagalaiti niyang wika.
“So you had a thing for him before?” anang si Brescia na pinipigil ang ngiti. Sa sobrang gigil niya kay Hayden ay nabuko ang sekreto niya.
Alanganin siyang ngumiti. “Well, it’s not really a thing. It’s nothing! Wala naman talaga iyon.” Dahil di naman talaga sila nagkaroon ng relasyon. Siya lang naman ang umasa sa wala.
“Ah! Now I know a piece of story about Rei’s fainting couch.”
“Ay! Hindi ako ang Rei na iyon! Ibang Rei iyon,” kaila agad niya.
Tinapik nito ang kamay niya. “Huwag ka nang mag-deny. Your secret is perfectly safe with me. Kasama iyon sa rules dito sa riding club.”
“Ah, Brescia, baka naman alam mo kung nasaan si Hayden ngayon.”
“I am sure nandoon pa siya sa pool party ni Mark Ashley sa guesthouse. Di pa siguro siya mapaalis ng mga girls niya sa party.”
Nagsalubong ang kilay niya. “Girls?”
“Yep! Plenty of them. Kahit saan pumunta si Hayden, pinaliligiran siya ng mga babae. Sa palagay mo ba saan niya nakukuha ang pangalan para sa mga creation niya. Hindi ba galing sa mga babae niya?”
“Saan nga pala iyong guesthouse?” tanong niya.
Giyera mode na siya nang puntahan ang guesthouse. At umabot na siya sa boiling point nang makita si Hayden na pinagkukulumpunan ng mga babae.
He was wearing a Hawaiian shorts. Wala itong suot na pang-itaas kaya kitang-kita ang matipuno nitong pangangatawan. Habang puro mga babaeng naka-bikini naman ang nakapaikot dito.
“Hayden, please name a loveseat for me,” anang babaeng naka-red bikini.
“Make mine a sofa bed,” anang naka-floral two piece suit na nakalingkis na kay Hayden at halos lamunin na ito ng buo.
“Marry me, Hayden!” wika naman ng naka-blue bikini.
Pinaghihintay siya nito sa Lakeside Café and Restaurant habang enjoy na itong pangatawanan ang pagiging playboy nito!
How could these women become so bold? Even bolder than her. At nararamdaman niya ang puso niya na nginangatngat ng selos.
Malalaki ang hakbang niya nang lumapit dito. Handa na talaga siyang magwasiwas ng tabak tulad ni Gabriella Silang para tadtarin ang mga hitad na nakapaligid kay Hayden. Matapos ang mga higad ay mga hitad naman. Pero pareho pa rin ang nararamdaman niya tulad ng dati. Gusto niyang paghahawiin ang mga ito palayo kay Hayden. Siya lang ang may karapatang dumikit kay Hayden.
“Excuse me! Pwede bang mamaya na lang kayo mag-propose kay Hayden? Late na kasi siya sa meeting namin,” nakataas ang kilay niyang sabi habang ang mga mata niya ay nasa kay Hayden lang.
Nanlaki ang mata nito at muntik nang ibagsak ang hawak na punch glass. Parang nakakita ito ng multo. “Rei!”