Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 209

Parang isang diyosa ang pakiramdam ni Rei habang pinagkukulumpunan at pinag-aagawan siya ng mga nagguguwapuhang lalaki ng Stallion Riding Club.

“Boys, isa-isa lang. Hindi ko kayo kaya lahat,” ungol niya nang maramdaman niyang may malaking kamay na yumugyog sa balikat niya at naglayo sa kanya sa mga nagguguwapuhang kalalakihan.

“Rei, gising!” anang boses ni Edmarie. Ito rin ang nabungaran niya pagmulat ng mata niya. “Aba! Tatanghaliin ka kung di ka babangon.”

Kinapa-kapa niya ang kama habang iniikot ang tingin sa paligid. “Edmarie, nasaan na ang mga Stallion boys ko? Saan na sila nagpunta?”

“Andoon sa Stallion Riding Club. Saan pa? Nananaginip ka pa ata.” Tinapik-tapik nito ang pisngi niya. “Gumising ka na nga diyan.”

“Anong araw na ba ngayon?”

“Hindi mo ba natatandaan? Today is S day! The Stallion Day!”

Nilingon niya ang kalendaryo. Nakita niya ang markang S doon. “Gosh! Ngayon na ang araw ng katuparan ng mga pangarap ko. Sa wakas, makakatapak na na rin ako sa Stallion Riding Club.

Stallion Riding Club. Ang paraiso para sa sinumang ng kababaihan na naghahanap ng guwapo at mayamang lalaki. Exclusive club kasi iyon at di basta-basta makakapasok kung walang formal invitation. Matatagpuan din doon ang mamahaling mga kabayo na nagsisilbing status symbol ng mga member.

Sa araw na iyon ay naka-schedule ang pagpunta niya sa riding club bilang junior designer ng DMC Designs. Siya ang nagsisilbing assistant ng isa sa mga senior partners na si Dafhny. May project sila sa pagre-renovate ng Lakeside Café and Restaurant na matatagpuan sa Stallion Riding Club.

Para sa isang ordinaryong babaeng tulad niya, isang malaking prebilehiyo na ang makapasok sa riding club. At kung dati ay isa lang iyong ambisyon para sa tulad niya, magkakaroon na ng katuparan ang kagustuhan niyang makakita ng mga guwapong lalaki at makapasok sa pamosong club.

“Ang swerte mo talaga, mare. Isipin mo, one week ka pa lang sa trabaho mo pero Stallion Riding Club agad ang papasukan mo. Taray!” sabi ni Edmarie.

Magkahiwalay sila ng kompanyang pinapasukan ni Edmarie. Di na niya ni-renew ang kontrata sa dating pinapasukan kasama ito. Parang di kasi siya umuunlad. Pero magka-share pa rin sila nito sa apartment na inuupahan.

“Naka-ready na ba ang damit ko?” tanong niya. Kailangan ay makagawa agad siya ng impression para makasilo naman ng guwapo ang kagandahan niya.

“Oo naman. Pati ang hot bath mo, ihinanda ko na rin po. At siyempre huwag kalimutan ang Stallion Shampoo and Conditioner. Hindi ka papasukin sa Stallion Riding Club kung hindi iyan ang shampoo mo.”

It was the shampoo that started it all. Sumikat ang Stallion Riding Club nang doon I-shoot ang commercial ng Stallion Shampoo and Conditioner. At kasama rin sa mga model ang nagguguwapuhang members ng riding club.

“Iyan talaga ang shampoo ko. Ang shampoo ng magaganda.”

Feel na feel pa niya ang pagsa-shampoo habang ini-imagine ang nagguguwapuhang members ng riding club. Baka naroon ang kapalaran niya. Yes! It would be her time to shine. Maakit ang mga ito sa kagandahan niya.

Di pa siya nagkaka-boyfriend. Dahil matangkad siya at sporty, natatakot ang mga lalaki na lapitan siya. Naiinip na rin naman siya na walang boyfriend. Pero siguro naman ay matatapos na ang paghihintay niya sa tamang lalaki para sa kanya.

Sa sobrang excitement ay nasa opisina na siya alas siyete pa lang ng umaga. Binibilang niya ang bawat minuto hanggang dumating ang boss niyang si Dafhny.

“Good morning, Ma’am!” nakangiti niyang bati dito.

“Napag-aralan mo na ba ang mga notes ko?” tanong nito. “Gusto ko makapagbigay ka rin ng mga suggestion kapag kausap na natin ang furniture designer at ang mga client natin. Medyo mabusisi kasi ang project.”

“Yes, Ma’am,” aniya at binuklat-buklat ang notes nito pagsakay ng kotse. Subalit lumilipad naman ang utak niya. Hanggang ngayon kasi ay naiisip pa rin niya ang mga Stallion boys.

“Rei, may dadaanan muna tayo, ha?”

“Saan po, Ma’am? Di tayo agad tutuloy sa riding club?”

Bahagya itong tumawa nang lingunin siya. “Relax. Pupunta din tayo doon. Pero sa ngayon, kakausapin ko muna ang furniture designer natin. Kailangan din kasi namin na mag-usap bago kami humarap sa clients.”

Di niya ipinalahata ang pagkadismaya niya. Professional pa rin siya. Higit sa Stallion Riding Club, importante ang trabaho niya.

Tumigil tila sa tapat ng Ilano International, isang sikat na furniture company. Nanigas ang paa niya nang tumigil ang sasakyan ng boss niya at bumaba na ito.

Isang Ilano ang agad na pumasok sa utak niya. Hayden Anthony Ilano. Ito ang CEO at General Manager ng naturang kompanya. Doon sila pupunta?

Di siya makagalaw habang nakatitig sa logo ng kompanya. Sinilip siya ni Dafhny. “Hindi ka pa ba bababa, Rei?”

“Susunod na po, Ma’am,” aniya at binuksan ang pinto ng sasakyan.

Nakayuko siya habang naglalakad. Kinakabahan siya na baka masalubong niya si Hayden, ang nag-iisang lalaking iniyakan niya. Hangga’t maari nga ay umiiwas siya sa mga balita tungkol dito. Hangga’t maari ay umiiwas siya sa mga balita tungkol dito. Ayaw na niyang makaalala ng kahit ano.

Nang malaman niyang nagsisimula na itong gumawa ng pangalan sa mundo ng furniture design, iniiwasan niyang sulyapan man lang ang mga design nito. Mabuti na lang at di ito naging supplier sa dati niyang pinapasukan. Sa pagkakataong ito kaya ay makakaiwas pa siya na mag-krus ang landas nila?

“I would like to visit Mr. Ilano. Tell him it’s Dafhny Gamboa,” wika nito.

“For a moment, Ma’am,” wika nito.

Naalarma siya. Magkikita sila ni Hayden? Hindi pa siya handa. Anong gagawin niya? “Ma’am, okay lang po ba na tingnan ko ang showroom nila?”

“Ayaw mo bang makilala si Hayden Ilano? Magandang makabuo ka na ng rapport sa furniture designers, Rei. Importante iyon.”

“Pasensiya na po, Ma’am. Naisip ko po kasi ang sinabi ninyo na pag-aralan ang project. Baka po makapagbigay pa ako ng suggestion kung makikita ko pa ang ibang creations ng company nila.”

Tumango-tango ito. “O, sige. Mabuti pa nga siguro. Babalikan na lang kita mamaya,” anito at pinasamahan siya sa staff sa showroom.

Nakahinga siya nang maluwag dahil nakatakas siya kahit na pansamantala lang. Kung bakit sa dinami-dami naman ng designer ay si Hayden pa ang kinuha ng boss niya. Parang sinisilaban tuloy siya habang nasa teritoryo nito. Gusto niya ng lalaki mula sa riding club. Hindi iyong multo ng nakaraan niya.

Inaliw na lang niya ang sarili sa pagtingin sa mga furniture at accessories na naka-display sa showroom. Hangang-hanga siya sa kakaiba at indigenous designs na naroon. Ang iba ay nakita na niya sa mga Hollywood series, MTVs and movies. Mukhang malayo na ang narrating ng kompanya ni Hayden.

Napansin niya ang isang fainting couch na kulay red na may eleganteng print. Parang napakasarap higaan. Red kasi ang paborito niyang kulay.

Hinaplos niya ang upholstery niyon na malambot sa hipo. “Can I try this one?” tanong niya sa staff.

“Sure, Ma’am,” nakangiti nitong sagot.

Nang lumapat ang likod niya ay parang ipinaghehele siya. It was a bit nostalgic. Nang pumikit kasi siya ay nakita niya ang mukha ni Hayden na nakatunghay siya. Bakit ba bigla niyang naisip si Hayden? Dahil ba nasa loob siya ng teritoryo nito? Ano bang nangyayari sa kanya? Bakit bigla itong sumagi sa isip niya?

“That is Rei’s fainting couch.”

Bumalikwas siya ng bangon nang marinig ang pamilyar na boses. Ang boses ni Hayden. Muntik nang malaglag ang puso niya nang makitang nakatanghod ito sa tabi ng fainting couch at pinagmamasdan siya. “Oh, no!”

His deep-set eyes found hers. Parang ayaw siyang hiwalayan ng tingin nito. Kinakabisa ang mukha niya. Na-conscious tuloy siya at pasimpleng hinaplos ang buhok na bahagyang nagulo nang humiga siya.

“Aha! You found her first, Hayden,” wika ni Dafhny na kasunod ito. “This is Carmina Gabrielle Ongcuangco. She’s our new junior designer. Rei, this is Hayden Anthony Ilano. The CEO and General Manager of Ilano International.”

Inilahad agad niya ang kamay. “It is a pleasure to meet you, Sir.”

Bago pa may masabi si Hayden na di niya magugustuhan. Ayaw niyang malaman ng iba na matagal na silang magkakilala.

Napilitan si Hayden na kamayan siya subalit nakatitig pa rin ito sa kanya. “I feel like I’ve met you before.”

“Maybe in another lifetime,” aniya at iniwas ang tingin at binawi ang kamay.

“What is the name of this fainting couch again?” tanong ni Dafhny.

“Rei’s fainting couch,” sagot ni Hayden.

Kumunot ang noo ni Dafhny at nagpapalit-palit ang tingin sa kanila. “How odd. Her nickname is Rei.”

Bumuntong-hininga si Hayden at ipinamulsa ang kamay nang tumayo. “Maybe that’s why I feel a bit nostalgic when I saw her lying there.”

“Is there a story behind the fainting couch, Hayden?” tanong ni Dafhny.

Naramdaman niyang itinuon ni Hayden ang tingin sa kanya. “I know a girl in another lifetime whose name is Rei.” Ipinagdiinan pa nito ang salitang another lifetime. “She fainted the first time I met her. So I design it for her.”

She gritted her teeth. Siya nga ang tinutukoy ito. At ang tinutukoy nito ay ang pagkakatama ng bola ng volleyball sa mukha niya dahil sa kasusunod ng tingin niya dito. At isa iyon sa mga sandaling ayaw na niyang alalahanin pa.

“Rei, alam mo bang ipinapangalan ni Hayden ang mga design niya sa bawat babaeng nagiging parte ng buhay niya?” anang si Dafhny.

“Dafhny, baka isipin ni Rei na playboy ako,” sabi ni Hayden.

“Wala naman sa itsura ninyo, Sir,” aniya at umismid.

“Iyan ang panlaban ni Hayden. Mukha kasing maamo ang mukha. Kaya marami nang naloko ang mukhang iyan,” kantiyaw ni Dafhny.

Marami na talaga itong naloko. Dahil kahit siya ay naakit dito. Kahit na alam pa niya ang totoo nitong pagkatao.

Ang ipinagtataka lang niya ay kung bakit napaka-masculine pa rin nito. Sa kilos at maging sa pananalita. Parang may mali.

“I would really love to stay here and chat some more but I have a meeting in a minute,” wika ni Hayden.

“Magkita na lang tayo sa riding club mamaya,” anang si Dafhny.

“N-Nice meeting you, Sir,” aniya sa nanginginig na boses. Bakit di niya kayang maging normal sa harap nito? It was just Hayden. Ano ngayon kung mas guwapo pa ito kaysa dati? May pader na sa pagitan nila.

Ginagap nito ang kamay niya habang direktang nakatingin sa mata niya. “It is a pleasure to see you again, Rei.”

“Again? Hindi ba ngayon lang kayo nagkakilala?” tanong ni Dafhny.

“Nagkakilala na kami. In another lifetime, remember?” Then Hayden let out a masculine laugh. “See you later, Rei!”

She lost it. Sa pagkikita nila ni Hayden, siya ang napipi. Habang ito naman ay tuwang-tuwa na paglaruan siya. Bakit? Iniisip ba nito na patay na patay pa rin siya hanggang ngayon? Na siya ang babaeng tatanga-tanga na magkagusto dito samantalang ang alam niya ay mas maganda pa ito sa kanya?

“What do you think of Ilano International’s design, Rei?” tanong ni Dafhny nang bumibiyahe na sila patungo sa riding club.

“Superb craftsmanship. Karamihan indigenous materials ang ginamit. Kaya siguro nakilala siya agad sa ibang bansa dahil kakaiba ang design.”

“And what do you think of Hayden Ilano? Guwapo, hindi ba?”

“Guwapo po?” Baka maganda! Mas maganda pa sa kanya!

“Umamin ka na. Kahit ako guwapong-guwapo kay Hayden nang una kaming magkita. Well, natural na siguro iyon sa member ng Stallion Riding Club.”

Muntik na siyang himatayin. Si Hayden? Member ng Stallion Riding Club? Pati ang lupain ng mga fafaness ay na-invade na rin nito? Oh, no!

“THIS is hagabii. It serves as a status symbol for the rich class of Bontoc tribes. It is like a sofa. Maganda itong gamitin para sa Cordilleran room,” suhestiyon ni Hayden habang isa-isang ipinapakita ang mga suggestions nito.

Tahimik lang si Rei habang hangang-hanga sa mga suhestiyon nito. Di lang ito basta magaling sa mismong disenyo. Malawak din ang kaalaman nito sa iba’t ibang aspeto ng iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Dahil Filipiniana theme ang magiging bagong Lakeside Café and Restaurant, maipi-feature din ang iba’t ibang authentic na kagamitan na makikita sa bawat lugar. And Hayden was very well-educated when it comes to different culture and tradition in the country.

“I like that! I like that! Mas mararamdaman ng mga customer na parang royalty sila kapag umupo sa hagabii na iyan,” sabi ni Richard Don, ang isa sa may-ari ng Lakeside Café and Restaurant.

“Baka naman masyadong mahal iyan,” nakataas ang kilay na kontra ni Danzelle Ann, ang kapatid ng business partner ni Richard Don.

“Yes. It is expensive. Pero authentic naman ang makukuha namin niyan. Di ka na basta-basta makakakuha ng hagabii ngayon,” wika ni Dafhny.

“Ano ba ang mas mura? Iyong antique o gagawa na lang si Hayden ng bagong hagabii inspired na sofa?” anang si Danzelle Ann.

“Basta gusto ko iyong mahal,” wika agad ni Richard Don.

“Doon tayo sa mas mura,” kontra naman ni Danzelle Ann.

“Rei, gusto mo bang mamasyal muna dito sa riding club? Iyon kasi ang ginagawa ko kapag gusto kong ma-inspired sa bagong design. Nakakasira kasi sa mood ko kapag may nag-aaway,” sabi ni Hayden sa kanya.

“HA? Mamamasyal tayo. Di pwede. Di pa tapos ang meeting.”

Ano naman ang pumasok sa isip nito at isasama pa siyang mamasyal? Paano pa siya makakahanap ng fafaness kung kasama niya ito?

“Mabuti pa sumama ka na kay Hayden, Rei. Baka masira din ang mood mo sa argument ng dalawang ito. Ako na ang bahala,” sabi ni Dafhny.

Di na niya magawang tumanggi. Ang boss niya ang bahala at siya naman ang kawawa. Akala yata nito ay ginagawan siya nito ng pabor sa pagpapasama sa kanya kay Hayden. Dahil silang dalawa na lang ay di na siya makakaiwas kay Hayden.

“Saan mo gustong pumunta? May practice ng dressage ngayon sa arena,” suhestiyon ni Hayden habang naglalakad sila sa tabi ng lake.

“Ayokong lumayo dito. Nahihiya ako kay Ma’am Dafhny dahil iniwan ko siyang mag-isa sa meeting,” sabi niya.

“Dafhny doesn’t mind. Siya lang naman ang nakakatagal sa pakikipag-usap sa dalawang iyon. Sasakit lang ang ulo natin kapag nasa gitna ng warzone. Sayang naman ang ganda ng riding club kung hindi kita maipapasyal.”

“Ang galing! Tinanggap ka nilang member dito.”

Nawala ang ngiti sa labi nito. “That’s a bit sarcastic.”

Tumigil siya sa paglalakad at hinarap nito. “Alam natin kung ano ka talaga.”

Humawak ito sa railing at binakuran siya. “Ano ba ang mayroon sa totoong ako na dahilan para di ako tanggapin dito sa riding club?”

“Hindi mga babae ang type mo kundi…”

Inilapit nito ang mukha sa kanya. “Kundi ano?”

Napalunok siya dahil napakalapit ng mukha nito sa kanya. Dapat ay matakot siya. He was trying to intimidate her. Pero bakit sa halip na ma-intimidate ay parang naaakit pa siyang halikan ang labi nito. Labi na walang bakas ng lipstick. Kung bakit kasi nuknukan pa rin ito ng guwapo hanggang ngayon?

“O sige. Hindi ko na lang sasabihin ang you know…”

Ngumisi ito. “Okay lang sa akin. Sige. Ituloy mo.”

“Hayden, ang alam ba nila dito lalaki ka?” pabulong niyang tanong.

“Bakit? Lalaki naman talaga ako, ah!”

“Ha?” bulalas niya nang biglang matigilan dahil nagsalubong ang kilay nito. “Okay lang ba na humalakhak ako nang malakas?”

“Sige. Tumawa ka nang makita mo ang hinahanap mo.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.