Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 284

“Ang bango naman ng pandan,” sabi ni Grasya at sininghot-singhot ang hawak na dahon ng pandan ni Olympia. Tapos na ang duty nito at pabalik na sa tinutuluyan nila. Siya naman ay may trabaho pa. “Gagawa ka bang buko pandan? Pahingi.”

“Hindi ako magluluto. Lilinisin ko ngayon ang kuwarto ng kapatid ni Sir Myco. Kailangan daw I-disinfect dahil malapit nang lumabas sa ospital. Masakit sa ulo ang disinfectant kaya lalagyan ko ng pandan para air freshener,” paliwanag niya.

“Dahon ng pandan na air freshener? Mabango nga kaso nakakagutom naman. Saan mo natutunan iyan?”

“Sa Thailand, ganito ang air freshener ng mga taxi driver nila.” Kaya nga gusto niyang sasakay sa mga taxi sa Thailand dahil sa pandan scent.

“Bakit? Nakapunta ka na ba sa Thailand?”

Muntik nang oo ang isagot niya. “Naikwento lang ng dati kong amo na nakapunta na sa Thailand. Sana makapunta din ako doon, no?”

“Talagang espesyal basta may kinalaman kay Sir Myco, no?” tukso nito. “Nagpapalakas ka sa magiging hipag mo.”

“Anong magiging hipag? Hindi, ha!”

“Usap-usapan dito sa riding club na boyfriend mo na si Sir Myco.”

“Naku! Sana nga!” usal niya. Pero di naman siya nililigawan ni Myco. Sadyang mabait lang ito sa kanya. Lalo tuloy silang tinutukso dahil mukhang sa kanya lang daw di suplado si Myco.

“Aba! Dapat lang maging boyfriend mo siya at nang matupad na ang pangarap nating makapag-asawa ng taga-riding club.”

Siya. Mapapangasawa ni Myco? Parang isang malayong pangarap iyon kahit na parang madali namang abutin. Alam niyang imposible. Sa ngayon ay ine-enjoy na lang niya ang pananatili niya sa riding club at ang atensiyon ni Myco.

Isang babae ang naabutan niyang nakaupo sa harap ng chessboard at may hawak na libro sa chess nang pumasok siya sa bahay ni Myco. “Good afternoon, Ma’am,” magalang niyang bati.

“Good afternoon!” Ngumiti ito. “Maglilinis ka ba?”

She was pretty. Parang nakatingin siya sa isang manyika. Tuwid na tuwid ang mahabang buhok nito. Matangos ang ilong nito at parang maliit na butones ang mata. Mukha ring napakabata nito. Pwedeng pumasang menor de edad dahil maliit ang mukha nito. May itinatago bang nobya si Myco?

“Opo. Pero iyon lang isang kuwarto na kailangan kong I-disinfect. Hindi ko po kayo aabalahin. Huwag kayong mag-alala.”

“Ah! Ipinapalinis pala ni Myco ang kuwarto ko.”

“Kayo po ang kapatid niya? Nakababatang kapatid niya?”

Tumawa ang babae. “No. Ako ang ate ni Myco.” Inilahad nito ang palad. “Sofiajade Gosiaco.”

“Ate niya?” Nagbibiro ba ito? Mukhang bata ito ng sampung taon kay Myco. Siguro dahil palangiti ito. Habang si Myco naman ay laging nakasimangot. Parang pasan nito ang problema sa mundo. Sa telepono lang sila nagkausap noon pero parang matured na ito. Iyon pala ay mukha pa itong bata.

Si Sofiajade na ang humawak sa kamay niya. “Kung ayaw mong maniwala, isipin mo na lang na si Myco ang kuya ko.”

“Ako po si Florecina. Hindi ko po alam na dadating na kayo.”

“Shhh..” anito at inilagay ang daliri sa labi.

Tumango siya. Mukhang ayaw nitong ipaalam sa iba na naroon ito. “Okay. Maglilinis na po ako ng kuwarto ninyo para magamit ninyo agad.”

“Teka. Bakit may dala kang dahon ng pandan?” tanong nito.

“Plano ko po sanang gamiting air freshener pagkatapos I-disinfect ang kuwarto ninyo. Gusto po ba ninyo ang amoy?”

Niyakap siya nito. “Thank you! You are an angel. Sawa na ako sa amoy ng disinfectant sa ospital. Nagugutom na tuloy ako sa amoy. Kain tayo,” yaya nito.

“Hindi na po. Magtatrabaho pa ako. Sige po.”

Sinimulan na niya ang pag-disinfect sa kuwarto ni Sofiajade. Ano nga ba ang sakit nito? Kung magaling na ito, ibig bang sabihin ay aalis na rin si Martin de Guia sa riding club? Paano pa siya makakapag-concentrate nito sa pagkuha ng impormasyon?

Madalang daw lumabas ng medical center ng riding club si Martin. At nang minsan niya itong nakita, kasama lang nito sina Emrei at Beiron. Ipinatanong niya iyon sa kapatid niya. Sa file daw ng source nito, nagkasabay lang ang mga ito sa golf cart.

Hindi pa siya nagtatagal sa paglilinis nang marinig niya ang boses ng isang lalaki sa labas. “Sino ang may sabi na pwede ka nang lumabas ng kuwarto?”

“Good afternoon, Doctor de Guia,” bati ni Sofiajade. “Lumabas lang ako para pag-aralan ang next move ko sa chess match namin ni Myco. Baka kinakalawang na ang utak ko sa tagal kong naka-quarantine.”

Tumigil siya sa paglilinis at sinilip ang dalawa. Nakasalampak pa rin sa harap ng chessboard si Sofiajade habang si Martin ay nakatayo sa harap nito. Ibig sabihin ay si Martin ang doctor ni Sofiajade kaya ito nasa riding club.

“Tinakasan mo ang security sa medical center para lang sa chess match? Alam mo ba kung gaano kadelikado ang ginawa mo?”

“Dito lang naman ako nagpunta.”

“Dito lang? Bawal ka ngang tumapak kahit saan sa labas ng intensive care section at sasabihin mo na dito ka lang nagpunta?”

“Wala namang ibang nakakita sa akin,” hirit pa ni Sofiajade. “Wala rin akong ibang nakasalubong nang lumabas ako. Promise!”

“Finally! Natagpuan mo na rin siya,” sabi ni Myco. “Kailangan pa ba nating magtulong para ibalik siya sa medical center?”

“It’s okay. May tranquilizer ako dito.” Inilahad ni Martin ang kamay. “So are you coming with me or we have to take you in a forceful way?”

Umiling si Sofiajade. “Sawa na ako sa injection.”

Hinawakan ni Martin ang braso nito. “Okay. Then let’s go!”

“S-Sandali!” Lumingon si Sofiajade sa kuwarto niya. “Magpapaalam lang ako kay Florecina.”

“Nandito si Florecina? Nagkita kayo?” bulalas ni Myco. Dali dali itong pumunta sa kuwarto ni Sofiajade at binuksan ang pinto. Namutla ito. “Oh, God!”

Nasapo ni Martin ang noo. “Damn it! We are in big trouble.” Matalim nitong tiningnan si Sofiajade. “Hey, you! Sabi mo walang ibang nakakita sa iyo.”

Nakagat ni Sofiajade ang labi. “Oo. Noong paglabas ko ng medical center. Di ninyo ako tinanong kung may nakakita na ako nang dumating ako dito. Sorry.”

“Sorry? Anong sorry?” bulyaw ni Myco dito. Galit na galit. Parang gusto na yata nitong sakalin ang kapatid pero nagtitimpi lang. “Alam mo ba ang ginawa mo?”

“May problema ba?” tanong niya. “Nag-usap lang naman kami sandali…”

Nag-dial si Martin sa cellphone. “This is Doctor Martin de Guia. Natagpuan ko na si Sofiajade. But we have a problem. There is a possibility of contagion. Yes.”

Inagaw ni Myco ang cellphone. “Drat! Magpadala na kayo ng tao dito. This is an emergency!” Siya ba ang tinutukoy ng mga ito na na-contaminate? Bakit? Ano ba ang sakit ni Sofiajade? Kahit iyon ay di tinukoy sa mga impormasyong ipinadala sa kanya ng kapatid niya. Ano ba ang mangyayari sa kanya kung saka-sakali?

Hinila ni Martin si Sofiajade. Ngayon ay parang maamong tupa nang sumunod ang huli. “Siguro naman hindi ka na kailangang makipag-tug of war sa akin ngayon.”

Mangiyak-ngiyak si Sofiajade nang lumingon sa kanila. “I am sorry.”

Iniwas lang ni Myco ang tingin. “You are so hard-headed. Kailangan pang may ibang taong mapahamak bago ka matauhan.”

“The medical team will take you in, Miss,” sabi ni Martin. “Kontakin mo na ang kasamahan mo na pwedeng magdala ng gamit mo sa medical center. We have to take you in for several days for examination.”

“Doc, ano po ba ang problema?” tanong niya.

“You might have the Amazon virus right now. Maswerte ka na kung mabubuhay ka pa ng tatlong araw.”

KAGAT NI Olympia ang labi habang kinukunan siya ng blood sample para sa examination. “Steady,” sabi ni Martin at pinahiran nito ng bulak na may alcohol ang pinagkunan ng dugo. “Ilang araw ka naming oobserbahan, Miss Malaybalay. Hindi biro-biro ang sakit mo kung magagaya ka kay Sofiajade. Papagaling na siya pero iyon ang mas mabilis na makahawa.”

Ngayon niya natuklasan kung para saan ang restricted area sa riding club. Para iyon sa mga pasyente na may nakakahawang sakit pero gustong manatili sa riding club. Kumpleto ang facilities doon. Sa kaso niya, kailangan niyang huwag munang lumabas doon para di na kumalat pa ang virus kung sakali.

“Doc, totoo bang tatlong araw na lang ang natitira sa akin para mabuhay?” tanong niya. Di siya makapaniwala na ganoon kabilis siya mawawala sa mundo. Kailangan na ba niyang magkumpisal ng kasalanan? Mag-draw ng last will and testament habang may hininga pa siya?

“Are you a virgin?” tanong nito.

Saglit siyang napipilan. “Dapat po ba malaman din ninyo iyan?”

“I am afraid I have to. Diyan natin malalaman kung hanggang kailan pa ang itatagal mo.”

Nag-V sign siya. “Opo. Ano po ang kinalaman noon sa virus?”

Humugot ito ng malalim na hininga. “Mas mabilis pumatay ang virus. Oras na lagnatin ka, twenty-four hours na lang ang itatagal ng buhay mo.”

“P-Po?” Nangatal ang katawan niya. Mas malala pa pala ang mangyayari sa kanya. “Ano po ang gamot? Mabubuhay pa naman po ako tulad ni Miss Sofiajade.”

“We are still working on the medicine. Florecina, di lahat ng gamot ay nakakatulong. Minsan, ang side effect pa ang pwedeng pumatay sa iyo nang mas mabilis. Wala ka pa namang lagnat. Normal ang temperature mo. Hangga’t di ka nilalagnat, wala kang dapat ipag-alala.”

“Pero paano kung lagnatin na ako?” Tiningnan niya ang nanginginig niyang kamay. “Isang araw na lang mamamatay na ako.” Manhid ang pakiramdam. Parang hindi kasi totoo. “Pero may paraan pa, di ba?”

Marahan itong umiling. “Yes. But I don’t want to go through that again. It would change your life forever.”

Twenty-four hours. Gaano lang ba kaikli ang oras na iyon? Paano ang mga taong nagmamahal at umaasa sa kanya? Paano ang mga pangarap niya? Marami pa siyang gustong gawin. Nagsisimula pa lang ang magandang buhay niya.

“Hi!” bati ni Myco nang pumasok ng kuwarto. Nakasuot ito ng scrub suit. Hinawakan nito ang kamay niyang kinunan ng dugo. “Masakit ba?”

“Bakit nandito ka sa loob? Baka mahawa ka.”

“May immunity ang mga lalaki sa sakit. Mukhang mga babae lang ang gustong gawing target ng virus.”

Malungkot niya itong pinagmasdan. “Bye, Sir Myco and thank you.”

“Huwag kang ganyan. Di ka pa mamamatay.”

“Paano kung mamatay na ako? Di man lang ako makakapagpasalamat.”

“Be strong. May ilang araw pa para malaman kung nakuha mo ang virus o hindi. Kung malakas ang immune system mo, di ka tatablan. Naka-isolate ka lang ngayon para hindi ka makahawa kung sakali. But you will be fine.”

“Paano ito nakuha ng kapatid mo?” tanong niya. Ano naman ang gagawin ng isang gadget inventor sa Amazon jungle?

“Matigas ang ulo niya kaya siya napadpad doon. Katulad kanina. Pinairal na naman niya ang katigasan ng ulo niya. Tumakas siya sa dito dahil lang gusto niyang maalala ang pwesto ng mga chess pieces nang iwan namin ang game. Kung alam ko lang na tatakas siya, di sana kita pinaglinis doon.” Yumukyok ito at sinabunutan ang sarili. “I am sorry. It was my fault.”

Hinaplos niya ang buhok nito. “Hindi mo kasalanan iyon. Di mo naman gusto ang mga nangyari.” Ayaw na niyang maging mahina. Ayaw niyang nakikitang nahihirapan si Myco. It was out of his character to be so down. At tatatak sa pagkatao nito kung mamamatay siya at sarili nito ang sisisihin.

“Natatakot ka ba?” tanong nito.

Tumango siya at pilit na ngumiti. “Pero kaya ko ‘to! Mas mahirap pa dito ang pinagdaanan ko dati kaya huwag kang ma-guilty.”

Ilang beses na niyang hinarap si Kamatayan sa trabaho niya. She was used to it. Kung mamatay man siya, walang ibang sisisihin kundi sarili lang niya. Pero ngayon ay nababagbag ang damdamin niya dahil sinisisi ni Myco ang sarili.

Inabot nito ang cellphone. “Tawagan mo ang pamilya mo. O gusto mo bang papuntahin na lang natin sila dito?”

Marahan siyang umiling. “Hindi na. Tatawagan ko na lang sila. Ayokong mag-alala pa sila sa akin. Ito na lang cellphone ko ang gagamitin ko. May load pa naman ako dahil lagi ko talaga silang tinatawagan sa probinsiya.”

“Sige. Tawagin mo lang ako sa labas kapag kailangan mo.”

Nag-ipon pa siya ng lakas ng loob bago tawagan ang cellphone ng daddy niya. “Pa, hello!”

“Olympia, nag-enjoy ka ba sa bakasyon mo? Madaya ka. Hanggang ngayon di mo pa rin sinasabi kung nasaan ka. Di naman kita aabalahin.”

“I am having a great time, Pa. Sana nga po kasama ko kayo dito.” Sana ay makasama niya ito sa mga huling sandali niya.

“Hija, may problema ba?” nag-aalalang tanong nito. Kahit ano kasing gawin niya para maging normal ang pagsasalita niya ay nanginginig ang boses niya.

“I-I just miss you.” Kung mayayakap lang sana niya ito. Pero wala siyang lakas ng loob na sabihin dito ang pinagdadaanan niya. O kung nasaan siya.

“Pupuntahan kita diyan.”

Pilit siyang tumawa. “Pa, I have to go. May date pa po ako.”

“So tinawagan mo ako para lang magpaalam na magde-date ka. Baka mamaya paiyakin ka lang ng lalaking iyan. Bitbitin mo iyan sa Pilipinas.”

Tumawa siya ng pagak. “I love you, Pa.”

“I love you, too! Come home to me. Baka di ka na umuwi dahil sa lalaki ng iyan.”

“I wish I could still come home to you, Pa,” bulong niya nang matapos ang pag-uusap nilang mag-ama. Tuluyan na siyang napahagulgol ng iyak.

“Florecina,” tawag ni Myco sa pangalan niya nang pumasok ito sa kuwarto.

Nagpatuloy lang siya sa pag-iyak. Ngayon na lang niya unti-unting nararamdaman na ilang oras na lang ang nalalabi sa kanya at mamamatay siya sa piling ng mga taong di kilala ang tunay niyang pagkatao.

Myco took her in his arms. “Florecina, alam kong natatakot ka. But you have to be brave. Sinabi mo na ba sa kanila?”

Gusto niyang maging malakas. Ipakita dito na di niya kailangan ng yakap nito at itaboy ito. Pero lalo lang siyang nanghina nang maramdaman ang init ng yakap nito. “Hindi ko kaya. Hindi ko pa matanggap na baka mamamatay ako bukas. Madami pa akong pangarap. Marami pa akong gustong gawin. Di pa ako pwedeng mamatay. Kailangan pa ako ng pamilya ko.”

Pinahid nito ang luha sa pisngi niya. “Hindi pa naman sigurado. They still have to run a series of tests.”

“Paano kung oras ko na? Paano ang mga taong umaasa sa akin? Ayokong mamatay nang walang iniiwang marka sa mundo.” Hindi pa niya naaabot ang tugatog ng tagumpay. Malayo pa ang mararating niya.

“And you are a great person.”

“Pero bakit kailangan kong mawala sa mundo nang di ko man lang nakikita ang lalaking totoong magmamahal sa akin.” Dati ay wala siyang pakialam sa bagay na iyon. Pero ngayong may nagbabanta sa buhay niya, ngayon niya naramdaman ang malaking kakulangan sa buhay niya. Ngayon niya naisip na gusto rin niya ng asawa at anak. NG isang masayang pamilya. “Ni wala akong first kiss.”

“Iyon ba ang problema mo? Wala kang first kiss?”

“Iyon ba ang pinanghihinayangan mo?”

Napahagulgol siya. “Oo! At naaawa ako sa sarili ko. Hindi ito patas! Sa palagay mo ba makatarungan kung wala ka pang first kiss, tatabunan ka na ng lupa?”

Ikinulong nito ang mukha niya sa mga palad nito at walang sabi-sabing sinelyuhan ang labi niya. Natigil siya sa pag-iyak. Kahit ang mga luha niya ay tumigil na rin sa pagpatak. Tuluyang tumigil ang mundo niya. Ano ba ang nangyayari? Hinahalikan siya ni Myco, ang lalaking ilang araw na niyang pinapangarap.

Oo nga at bumibilis ang tibok ng puso niya tuwing nakikita si Myco pero di niya inaasahan na hahalikan siya nito. Napahawak siya ng mahigpit sa braso nito at unti-unting ipinikit ang mata. Kung mamamatay siya matapos ang halik na iyon ay maluwag niyang tatanggapin. Parang nakarating na rin siya sa langit.

Binitiwan siya nito nang maghiwalay ang labi nila. Dahan-dahan siyang dumilat. Nang magsalubong ang mga mata nila ay agad nilang iniwas ang mata sa isa’t isa.

Sapo niya ang pisngi. “H-Hinalikan mo ako?”

“Oo. Ayoko namang kapag namatay ka, multuhin mo na lang ako dahil di mo naranasang magka-first kiss.” Tumayo ito. “Sige. Itatanong ko kay Doctor de Guia kung ano ang pwede mong kainin. Gutom ka na siguro.”

“Myco, thank you,” nakangiti niyang usal.

“Are you crazy? Wala naman akong magandang nagawa sa iyo,” asik nito at saka padabog na lumabas ng pinto.

Baliw nga siguro siya. Nagagawa pa niyang ngumiti samantalang mamamatay na siya. Myco’s kiss did something to her. It made her feel alive and happy.

Kung babawiin man ang tibok ng puso niya, wala siyang masyadong pagsisisihan. Myco’s kiss was a prelude to heaven.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.