Kusang dumilat ang mata ni Olympia na parang may nag-utos sa kanya. Nasa clinic na siya ni Doctor Agatha. Wala na ang mapanghalinang musika. Wala na siya sa Egypt bilang isang prinsesa. Bumalik na siya sa pagiging Olympia. O mas tamang sabihin na bumalik siya sa pagiging Florecina.
Nakaupo si Agatha sa tapat niya at may isinusulat sa chart nito. “Masarap ba ang tulog mo?” nakangiting tanong nito.
Tumango siya. “Para saan ba ang ginawa natin? Para malaman ko ba kung ano ako sa past life ko?”
“Past life? Bakit mo naman naisip iyan?”
“Kasi nanaginip ako na prinsesa daw ako sa Egypt.”
Baka regression session ang paraan ni Myco para malaman kung compatible sila sa isa’t isa. Baka nga naman sa past life nila, ito ang prinsipe niya. Pero wala naman siyang nakitang Myco o kahit sinong pwedeng mag-represent kay Myco sa panaginip niya.
“No. Hindi kita pinabalik sa past life mo. Panaginip mo lang iyon. Baka epekto lang iyon ng music na pinatugtog ko kanina kaya nagkaroon ng impression ang utak mo na nasa Egypt ka,” paliwanag ni Doctor Agatha. “Hindi rin ako naniniwala sa past life. Nakatulog ka lang.”
Bumangon siya ngunit nananatiling nakaupo sa inclined chair. “Sorry po. Hindi na ninyo nagawa ang test ninyo sa akin. Uulitin ba natin ang test?”
“Hindi. Tapos na ang session natin.”
“Pero nakatulog ako.”
Itinuktok nito ang dulo ng ballpen sa chart nito. “Yes. Nakatulog ka. But I had a chat with a very interesting woman.”
“Sino?”
“Olympia Montez.”
Natigagal siya. Paano nitong nalaman ang tungkol sa pagkatao niya? Doktor ba ito o manghuhula. Baka naman mangkukulam.
Sa pagkakataong iyon, pinili na lang niyang ipinid ang bibig niya. Hindi siya aamin. Hinding-hindi siya basta-basta aamin! Kung paano nito nalaman ang tungkol sa kanya, wala siyang pakialam. Ang alam lang niya ay nanganganib siya pati na rin ang estado niya sa Stallion Riding Club.
“Now tell me, sino ba ang kakausapin ko ngayon? Si Florecina o si Olympia?”
“Ano ang alam mo?” lakas-loob niyang tanong.
Binasa nito ang chart. “Olympia Montez. Twenty-four years old. You are a reporter for an international news agency. Your father is Eleuterio Montez, an influential publisher. And according to you, you speak several languages.”
“According to me? Bakit naman ako magsasabi sa iyo?” tanong niya sa mataas na tono. Nababaliw ba ito? Di niya ibubuko ang sarili niya.
“I entered your subconscious mind while your conscious mind is off. At ito ang resulta ng test,” anito at inabot ang chart sa kanya.
Nanlaki ang mata niya nang mabasa ang nakasulat. Katabi ng profile niya bilang Florecina ay ang mga sagot niya habang nasa ilalim siya ng hypnotic trance kanina. Nakuha nito ang lahat ng impormasyon bilang Olympia. Eksakto lahat. Pati ang di pa niya pagkakaroon ng boyfriend ay naroon din.
“Hypnosis is a hoax. It is not a science!” usal niya.
“Yes. Walang standard science sa hypnosis but it works. And Myco also believes it. Kaya nga nandito ka. Ngayon siguro ay may sense na ang lahat ng inconsistencies na napansin niya sa iyo.”
Stupid. She was really stupid. Matalino si Myco. Ang kaalaman niya sa first aid, ang talas ng memorya niya at ang alam niya sa chess pati na rin ang kakayahan niyang magsalita ng Korean ay hindi nakalagpas dito.
“Bakit di na lang siya gumamit ng lie detector test?” tanong niya.
“Dahil alam siguro niya na matalino ang mga katulad mo. You can pass the test with flying colors. At this point, ako lang ang pwede niyang pagkatiwalaan.”
It was clever. Kaya niyang lusutan ang lie detector test pero hindi ang hypnosis. As to be expected from the head security officer of Stallion Riding Club. Di dapat ina-underestimate si Myco Gosiaco. Katulad ito ni Red Panda, ang crime buster sa isang play sa Decoder Ring Theater na gumagamit ng hypnosis para magpaamin ng mga kriminal. At iyon ang pakiramdam niya ngayon. Nasukol na kriminal.
“A-Ano ang gagawin mo sa akin ngayon?” tanong niya.
“Nothing. Ang tanong, ano ang gagawin sa iyo ni Myco.” Tipid itong ngumiti. “Alam mo na siguro kung ano ang gagawin niya.”
“Please! Huwag mong ibigay iyan. Paaalisin niya ako sa riding club oras na malaman niya ang tungkol diyan.”
“Na dapat naman talagang mangyari. You are a reporter, Miss Montez. At trabaho ni Myco na pangalagaan ang mga members sa katulad mo. Anumang impormasyon sa riding club na makuha mo, si Myco ang mananagot.”
Nakagat niya ang labi. “Wala akong masamang intensiyon.”
“What? You want to be popular at the expense of other people? Marami pang balita sa Pilipinas, Miss. Leave those members alone.”
“Hindi ako pumasok sa riding club para pakialaman ang mga members.”
Naroon siya para sa kinabukasan ng kapatid niya. Kailangan niyang mailabas ang importanteng balita para na rin sa bayan. Paano kung totoong isang terorista ang pinangangalagaan ng mga ito? Paano na ang bayan at ang buong mundo? They deserve to know the truth.
Kung walang terorista sa loob ng riding club at bansa sa seguridad ng nakararami, walang impormasyong lalabas sa riding club. Pero hangga’t di pa niya nakokompirma iyon, kailangan niyang manatili sa loob.
Humalukipkip si Agatha. “Alright. Bakit ka pumasok sa riding club?”
“For Myco. I am in love with him.”
“With Myco?”
Marahan siyang tumango. “Nagustuhan ko siya bago pa man siya maging security head ng Stallion Riding Club. Hindi ba sumikat siya nang I-retrieve niya sa isang rebel zone sa Colombia ang isang foreign diplomat? Member pa siya noon ng elite group ng security agency ng family niya.”
Salamat sa mga scanned clippings na ipinadala sa kanya ng kapatid niya. Marami siyang nalaman tungkol kay Myco. Nang panahong sumikat ito ay nasa isang lugar siya na di basta-basta naaabot ng sibilisasyon at gumagawa ng documentary.
“Oh, yes! Myco was crazy that time. Pakiramdam niya invincible siya. At hindi lang ikaw ang nag-iisang babaeng nabaliw sa kanya dahil doon.”
“Noong una, akala ko crush lang iyon. Na lilipas din. Nang makita ko ulit siya sa isang magazine bilang bagong security head ng riding club, bumalik na naman ang nararamdaman ko sa kanya. Naiintindihan mo ba ako, Doc Agatha? Hindi na ako teenager. Hindi rin ako basta-basta nagkakagusto sa isang lalaki. At hindi ako matatahimik hangga’t hindi ko siya nakikita sa personal at nakikilala.”
“And since he hates reporters, you decided to meet him under unusual circumstances. As a housekeeper. Bakit di mo na lang sabihin sa kanya ang totoo?”
“Na gusto ko siya?” bulalas niya. “Nakakahiya iyon! Babae ako tapos basta na lang akong aamin sa kanya.”
“Malalaman din naman niya ang totoo.”
“Problema ko na siguro iyon kapag nalaman niya ang totoo.”
“Mukhang importante nga ito sa iyo, Miss Montez. Iniwan mo pa ang trabaho mo para lang sa kanya. At kung ano ang kahihinatnan nito, ikaw ang bahalang humarap sa consequences. But for now, I won’t turn this over to Myco.”
Sa wakas ay nagawa niyang ngumiti. “Really?Di mo sasabihin kung sino ako?”
“You don’t mean any harm, right? Importante sa iyo si Myco. Walang kinalaman doon ang pagiging reporter mo.”
Niyakap niya ito nang mahigpit. “Oh, thank you! You are such a big help.”
“Myco is hard to deal with. It takes a lot of courage to love him. But Olympia, huwag mong sasaktan si Myco. Kilala ko silang magkapatid. Mahirap ang pinagdaanan nila sa buhay. Di madali para sa kanila ang magmahal. At alam ko kapag nagmahal sila, ibibigay nila ang lahat. Mabuti silang tao. Oras na saktan mo si Myco, hindi na niya bibigyan ang kahit sino ng pangalawang pagkakataon.”
“Hindi ko siya sasaktan.”
Sana lang ay matupad niya ang pangako niya kay Agatha. Sa lahat ng kasinungalingang sinabi niya sa araw na iyon, ang nararamdaman lang niya para kay Myco ang totoo. Mamahalin niya ito nagkita man sila ilang taon na ang nakakaraan o kahit na ngayon lang.
TAHIMIK si Olympia habang kumakain ng tanghalian kasama si Myco. Ngayon nito tutuparin ang pangako na ipasyal siya sa riding club. Hindi na siya excited sa bagay na iyon. Alam na kasi niya na di naman siya totoong gusto ni Myco.
“Florecina, kung hindi ka kakaing mabuti paano tayo pupunta sa caldera ng Taal Volcano? Mas masarap mag-horseback riding doon,” sabi nito.
“Hindi mo na ako kailangang ipasyal.”
“Dahil ba kay Doc Agatha at sa test? Galit ka sa akin? Ano ang inaalala mo? Pumasa ka naman sa test, hindi ba?”
Huminga siya nang malalim. “Ganito pala ang pakiramdam kapag walang tiwala sa iyo ang isang tao. Ganyan ka ba sa lahat?”
Tumigil ito sa paghiwa ng steak. “Florecina, hindi mo ako masisisi. Hindi mo katulad ang karaniwang housekeeper na kilala ko.”
“Ano ngayon kung marunong akong mag-Korean? Ano ngayon kung matandain ako at may alam ako sa chess. Hindi ako nakatapos ng college, Sir. Pero di dahil housekeeper na lang ako, gusto kong magmistulang housekeeper na lang habambuhay. Gusto ko ring higitan ang sarili ko. Dahil ba doon masama na akong tao?”
“Don’t make such a big deal about it. Ginagawa ko lang ang trabaho ko. I have people to protect. At maraming tao ang gustong manakit sa kanila.”
“Oo. Dahil mayayaman sila at sikat.”
“Di lang iyon ang dahilan kung bakit gusto ko silang protektahan. Di lang sila basta kliyente dito. Mga kaibigan ko rin sila at itinuring na kapamilya. Ipinagkatiwala nila sa akin ang buhay nila. Gagawin ko ang lahat para protektahan sila.”
Kaya naman dedicated ito sa trabaho. Malaki ang responsibilidad nito at importante para dito ang mga taong nakapaligid dito. Maybe that was the essence of the riding club. Hindi lang tungkol sa pera at kasikatan. Naroon din ang magandang samahan. Nalulungkot lang siya na lumalabas na kalaban siya ng mga ito.
“Gagawin ko ang trabaho ko, Sir Myco. Hindi ko sasayangin ang pagkakataong ibinigay ninyo sa akin.” At titiyakin niyang tama ang gagawin niya. Alam naman niyang maiintindihan din siya nito balang-araw.
“I am glad that you are a part of the riding club, Florecina. Huwag kang titigil na higitan ang sarili mo.”
Puno ng emosyon at sinseridad ang mga mata ni Myco nang sabihin iyon. It touched her heart. Akala niya ay wala naman itong pakialam sa kanya. Na puro trabaho lang ang iniisip nito. But now, she felt that he was accepting her in his circle. Parang kasama na siya sa mga taong itinuturing nitong malalapit dito.
“Ang tindi ng titigan, ah! Nakakatunaw!” tukso ng head chef ng Rider’s Verandah na si Gino. “Pasali naman sa titigan ninyo.”
Mabilis niyang binawi ang tingin kay Myco at tahimik na ipinagpatuloy ang pagkain. Nagtititigan ba sila? Di niya napansin. O baka siya lang ang titig nang titig dito. Marami bang nakapansin? Baka biglang may magsabi na gusto niya si Myco.
Matalim itong tiningnan ni Myco. “Alam mo bang nakakaabala ka?”
“Yes, Sir. Sadyang inabala ko ang titigan ninyo para I-serve ang special dessert na ginawa ng pinakamamahal kong si Miles. Lover’s delight.”
Isang maliit na cake na hugis puso ang inilapag ni Gino sa harap nila. “Lover’s delight?” usal ni Myco.
“Yes. A special cake for lovers like you.”
“Hindi naman po kami lovers, Chef Gino,” kontra niya.
“Hindi pa ba?” Pumalakpak si Gino at nakuha ang atensiyon ng mga guest. “Hey! Hindi pa ba lovers kapag matindi kung magtitigan?”
“Sino ba iyan?” tanong ng kadarating pa lang na si Yuan.
“Ang totoy ng riding club na si Myco, sino pa?” sabi ni Hayden.
Tumayo si Myco. “Hindi na ako totoy!”
Inakbayan ito ng resident veteran ng riding club na si Johann. “Tama. Binata ka na nga kasi may girlfriend ka na.”
“Totoo pala ang tsismis!” tatawa-tawang sigaw ni PJ.
“Matagal na pala itong nangyayari? Bakit wala akong alam?”anang si Danrick.
“Dahil wala talagang nangyayari,” depensa ni Myco. “Nagpapapaniwala kayo dito kay Gino. Hindi ko girlfriend si Florecina.”
“Florecina?” Tinapik ni Gianpaolo ang mesa. “Hindi niya tinawag ng pormal na Miss Surname tulad ng tawag niya sa ibang babae dito. Ibig sabihin close na sila. Kakaibang closeness siguro iyon.”
“Children, huwag nang magulo! Date nila ito!” saway ni Crawford.
“Dito lang ba sila magde-date?” tanong ni Rolf.
“Hindi. Doon daw sila magho-horseback riding sa may caldera ng bulkan. Solo nga naman nila ang lugar na iyon,” sabi ni Thyago na akala niya kanina ay walang pakialam sa tuksuhan dahil abala sa pagbabasa ng polo magazine.
Kumunot ang noo ni Myco. “Kailan ka pa naging tsismoso, Thyago Palacios?”
“Ako?” Isinara ni Thyago ang magazine. “Alam na alam ng lahat sa main stable. Kahit tanungin mo pa si Keira.” At itinuro ang nobya ni Eiji na horse trainer.
“Hindi ba totoo naman? Isasakay na nga sa barge ang mga kabayo mo oras na matapos na kayong mag-lunch,” anang si Keira na di yata takot kay Myco. Palibhasa ay nobyo ito ng isa sa maimpluwensiyang member.
“Sasama ako!” anang si Eizhiro at itinaas pa ang camera. “Events like this are really rare. Dapat maitatak sa memories ng riding club.”
“Hindi na ako maghihintay ng mamaya. Ngayon na lang,” sabi ni Quincy na official photographer ng riding club at itinutok sa kanila ang camera.
“Quincy, don’t!” saway ni Myco dito. Ngunit di mapipigilan si Quincy. Nagsunud-sunod ang kislap ng camera. Mabilis ang naging kilos ni Myco. Itinakip nito sa ulo niya ang jacket nito at saka hinila siya palabas ng Rider’s Verandah. “Florecina, bilisan mo!”
Habol pa rin sila ng mga members hanggang paglabas ng Rider’s Verandah. Mabilis na pinara ni Myco ang dumadaang service bus ng riding club na walang laman. “Manong Bert, bilisan po ninyong magpatakbo!” utos ni Myco. “Hinahabol nila kami.”
Pareho silang hinihingal ni Myco nang umupo sa bus. Kinabig nito ang ulo niya at ihinilig sa dibdib nito. “Are you okay?”
Tumango siya.“Ganyan ba talaga sila manukso?Ipa-publish ba nila ang pictures?”
“Yes, they are lunatics. And no, I won’t allow them to publish those pictures. I am sorry kung pati ikaw napagkatuwaan nila.”
“Na-excite lang yata sila na magka-girlfriend ka.”
“Sa palagay ba nila matutuwa akong magka-girlfriend kung maya’t maya silang nanunukso? Sino kaya ang una kong sasakalin sa kanila? Ah! Si Gino siguro.”
Humagikgik siya. “At least hindi ka na nila tatawaging totoy.”
“Kahit kailan, hindi ako naging totoy!” sigaw nito. Pagkuwan ay kumalma din. “At mas gusto ko nang tawaging totoy kaysa naman guluhin nila ang privacy mo.” Tinanggal nito ang jacket na nakatakip sa ulo niya. “Tongues will wag after that. May mga taong malisyoso at makikitid ang utak dito. They will call you names. Huhusgahan ka nila kahit di ka pa nila kilala.”
“At sasabihan akong mukhang pera dahil na-link ako sa iyo?”
“Yes. Hindi ko alam kung paano ka poprotektahan sa kanilang lahat.” Hinaplos nito ang buhok niya. “Ayokong may kahit sino na mananakit sa iyo.”
“Thank you.” Pinrotektahan siya nito. Sinong lalaki ang gagawa niyon? Sa palagay niya ay si Myco lang. Isinaalang-alang nito ang mararamdaman niya. “Okay lang sa akin kung di na tayo mag-horseback riding ngayon.”
“Bakit naman? Nangako ako na ipapasyal kita.”
“Ayoko na tuksuhin ka rin nila. Masisira lang tiyak ang mood mo.”
“Pero…”
Tumayo siya at pinindot ang buzzer ng bus. Tumigil iyon. “Salamat sa lunch, Sir Myco. Saka na tayo mag-horseback riding. May ibang pagkakataon pa naman.”
At saka siya bumaba ng bus sa tapat ng worker’s lodge. Gusto man niyang maging mas malapit kay Myco, panganib ang idudulot niyon sa kanya.
Bago nito malaman ang tunay niyang pagkatao, kailangan muna niyang magawa ang misyon niya. Sapat na sa kanyang malaman na inaalala siya ni Myco.