Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 84

Nagmamadaling lumabas ng Science Club Headquarters si Nicola. Ginabi siya dahil nag-meeting sila ng club members niya. Pagkatapos ay nag-meeting pa sila ng adviser ng club para plantsahin ang lahat ng plano para sa Science Fair. Wala nang mga estudyante sa paligid dahil nag-uwian na lahat.

“Hala! Baka iniwan na ako ni Carlo,” nag-aalala niyang sabi nang di ito nakita sa labas ng room. Magkasabay silang umuuwi dahil magkalapit lang ang bahay nila. Tiyak na pagagalitan siya ng mommy niya kapag di ito kasamang umuwi.

Naglakad-lakad pa siya at napansin ang isang lalaki na bahagyang nakauklo at nakadikit ang tainga sa pinto ng Speech and Debate Club. Na parang may sekreto itong pinakikinggan. Si Carlo ang tsismosong iyon.

Nilapitan niya ito at tinapik sa balikat. “Hoy! Anong ginagawa mo diyan?” Inilapat nito ang daliri sa labi at sumenyas sa pinto. “Ano ngang meron diyan?”

Ibinuka nito ang bibig. “Makinig ka na lang. Nandiyan si Crawford sa loob.”

Di naman siya tsismosa subalit nang marinig ang pangalan ni Crawford ay na-curious siya. Inilapat din niya ang tainga sa pinto. Basta si Crawford ang pinag-uusapan, willing siyang maki-tsismis.

“Bakit nagpaputol ka ng buhok?” parang galit na tanong ni Crawford.

“Naiinitan na ako dahil sobrang haba ng buhok ko. Alam mo naman kung gaano ako ka-busy, Crawford. Mas madaling I-manage ang buhok ko kung mas maikli siya. Saka lagi na lang mahaba ang buhok ko. I want a new look.”

Dati ay hanggang kalahati ng likod ang buhok ni Belle. Ngayon ay hanggang balikat na lang. Pero maganda pa rin si Belle kahit na mas maikli na ang buhok nito. Hindi niya alam kung bakit parang galit si Crawford.

“Mas gusto ko noong mahaba pa ang buhok mo. Kung magpapagupit ka ng buhok, sana nagpaalam ka muna sa akin,” mariing wika ni Crawford.

“You don’t have to make a big deal out of this. Buhok lang iyan. It will grow back. The length of my hair won’t change who I am,” halatang may galit na rin sa boses ni Belle. Ang naririnig niya ay ayaw nitong pinakikialaman ito. Bilang anak ng mayor nila, nakukuha nito at nagagawa ang anumang gustuhin ito. And she was expected to be accepted still. Kahit na ano pang gawin nito.

“Mas maganda pa rin sa babae kung mahaba ang buhok.”

Tumuwid siya ng tayo at hinila na si Carlo palayo. “This is not right,” nausal niya. “Di tayo dapat nakikinig sa usapan nila.” Baka mamaya ay may makahuli pa sa kanila na nakikinig sa usapan ng iba. Nakakahiya iyon kay Crawford.

“Teka, hindi pa natin naririnig kung nag-break na nga sila,” hirit pa nito.

“Sa tingin ko naman hindi ganoon kababaw si Crawford. Hindi sila magbe-break nang dahil lang nagpaputol ng buhok si Belle.”

“Ano ka ba? Tsansa mo na ito. Mapapansin ka na niya oras na break na sila ni Belle. At kahit hindi pa sila mag-break, mas gusto pa rin niya sa babae ang mahaba ang buhok. Tiyak na sa iyo na siya laging titingin.”

“Sana naman magustuhan ako ni Crawford kung ano ako at hindi dahil sa buhok ko lang.” Parang katulad ng tatay niya. Iniwan nito ang nanay niya dahil nakakita ito ng babaeng mas maganda. Ayaw niyang isipin na ganoon din kababaw si Crawford. “Dahil di naman nababago ng buhok lang ang laman ng puso ng tao.”

“Ay, naku! Nagseseryoso ka naman, mare. Huwag kang masyadong seryoso. Nakakatanda iyan. Ang point ko lang naman, dapat mas magpaganda ka. Saka mo na isipin ang puso-puso na iyan. Baka ma-heart attack ka kapag dinibdib mo. Ang importante sa ngayon mapansin ka. And later on, goodbye Belle na!”

Umabrisyete siya dito. “Grabe! Di ka talaga sumusuko.”

“Siyempre. Ginagawa ko ito para sa iyo.”

Yumakap siya dito. “Thanks, Carlo.”

Nagtitili ito. “Huwag mo nga akong yakapin. Nandidiri ako. Baka mamaya may makakita sa atin, baka akala bumigay na ako.”

“Hindi ba bumigay ka naman na talaga?”

“Gaga! Ayokong mag-transform back sa pagiging boylet. Panira sa beauty! Si Crawford na lang ang yakap-yakapin mo!”

“Sige na. Mas magpapaganda pa ako para kay Crawford.”

“MALAPIT na ang JS Prom natin. Sino ang napipili ninyo para ilaban nating Miss JS?” tanong ng adviser nilang si Mrs. Veleña.

Umugong ang bulung-bulungan subalit tahimik lang si Nicola. Kung usual competition siguro iyon tulad ng quiz bee at sportsfest, malamang ay siya pa ang magpiprisinta. Ngunit wala siyang kahilig-hilig sa mga pageant. Marami naman siyang kaklase na maganda kaya teritoryo na ng mga ito ang pageant.

“Yes, Crawford?” anang adviser nila.

“I vote for Nicola Tesorio.”

Nagulat ang lahat lalo na siya. Di kasi niya inaasahan na siya ang iboboto ni Crawford. Tumayo siya. “T-Teka lang. Bakit naman ako?”

Nakangiti ang mga mata ni Crawford nang titigan siya nang direkta. As if he was so confident about his vote. “You are beautiful, Nicola. Matangkad ka rin at smart kumilos. Saka lalong lumabas ang ganda mo nang humaba ang buhok mo. Hindi rin familiar ang mukha mo sa mga pageant kaya di ka pagsasawaan ng mga tao. You are perfect to be Miss JS. Right, classmates?”

“Oo!” halos iisang taong sagot ng lahat.

“May iba pa ba kayong ino-nominate?” tanong ni Mrs. Veleña.

“Wala na, Ma’am,” sabi ng kaklase niyang si Roseann.

“Oo nga. Basta si Crawford ang nagsabi, wala na kaming kontra,” wika naman ni Carlo. “Kapag sinabi niyang maganda, ibig sabihin maganda.”

“S-Sandali lang. I object! Ayokong lumaban sa pageant. Hindi naman kasi ako maganda. Mapapahiya lang ang klase natin kapag ako ang pinakapangit na contestant. Pumili na lang kayo ng iba,” angal niya.

“Sino ang may ayaw na si Nicola ang maging representative natin?” tanong ni Crawford. Subalit walang nagtaas ng kamay. “Sino ang susuporta kay Nicola?”

Nagtaasan ng kamay ang lahat. Basta si Crawford ang nagsalita, daig pa yata nito ang presidente ng Pilipinas ng sinusunod ang lahat ng sabihin. Animo’y ito ang hari sa classroom nila na lahat ng opinion nito at sabihin ay pinaniniwalaan. Kaya kapag sinabi ni Crawford na maganda siya, maniniwala ang lahat.

“So its decided,” wika ni Mrs. Veleña. “Si Nicola ang representative natin sa Miss JS. Suportahan ninyo siya.”

Nagpalakpakan ang lahat. Matalim naman ang tingin niya kay Crawford. Di kasi niya alam kung bakit siya nito isinusubo sa pageant. Subalit isang bahagi naman niya ang kinikilig dahil maganda siya sa paningin nito.

“Well, you can’t say no now,” wika ni Crawford nang lapitan siya matapos ang subject nila. “At di ka na rin pwedeng umurong.”

“Why are you doing this, Crawford? Wala akong hilig sa pageant.”

“Gusto ko lang ipagmalaki sa lahat na may maganda at matalino akong kaklase tulad mo,” kampante nitong sagot at pinisil ang pisngi niya. “And I am sure that you will win this pageant.”

“PARANG diyosa ka na rin ng kagandahan tulad ko! Si Crawford Oreña na pantasya ng mga kababaihan, ikaw ang pinili para ilaban na Miss JS. Ang taray!” sabi ni Carlo habang nagbe-break sila. Nakaupo sila sa may covered gymnasium habang nanonood ng mga nagpa-practice ng tango para sa P.E. Mamaya ay sila ang sasayaw ng swing. Subalit wala sa susunod na subject ang utak niya kundi kay Crawford.

“O, e ano ngayon?” walang interes niyang sabi at sumimsim ng orange juice para di nito makita ang pinipigil niyang ngiti.

“Kunyari ka pa na walang pakialam pero kinikilig ka naman,” anito at siniko siya. “Maugong na nga ang pangalan mo dito sa campus. Kumalat na kasi na si Crawford mismo ang nag-nominate sa iyo. Naku! Ako ang bahala sa pagpapaganda sa iyo. Pati na rin sa gown mo. Matutuwa si Mommy dito,” tukoy nito sa tatay nito.

Napansin niya si Crawford na parating at pasimple niyang hinaplos ang buhok niyang tinatangay ng malakas na hangin. “Naku! Baka gulo-gulo ang buhok ko kapag nakita niya ako. Bakit ba kasi mahangin ngayon?”

Natutuliro sa paghahanap ng suklay nang may tatlong estudyanteng lalaki na nagkukulitan at naghahabulan sa likuran niya. Naramdaman na lang niya na may tumama sa ulo niya na mukhang ibinato ng mga ito.

“Ano ba?” asik niya at matalim na tumingin. Nagtawanan lang ang mga ito at nagtakbuhan palayo. Mabuti na lang at hindi siya nasaktan sa kung anumang ibinato ng mga ito. Nag-concentrate na lang siya sa paghahanap ng suklay sa bag niya.

“Cola, anong nasa buhok mo?” tanong ni Carlo.

“Ha? Bakit?” aniya at hinawakan ang buhok niya. Malagkit iyon at parang nagdikit-dikit. Nag-panic siya. “Ano iyon, Carlo? Tanggalin mo.”

“Bubble gum! Mukhang bubblegum ang ibinato sa iyo ng kanina. Nagbuhol-buhol na ang buhok mo. Kailangan na natin itong gupitin.”

“AYAW mo nang sumali sa Miss JS?” bulalas ni Carlo nang sabihin niya ang plano. Papasok pa lang sila sa eskwelahan nang umagang iyon.

“Tingnan mo nga. Maikli na ang buhok ko. Sa tingin mo ba makakalaban pa ako sa pageant na iyon?” Pakiramdam kasi niya ay di na siya ganoon kaganda mula nang putulin ang buhok niya. Dahil dumikit ang bubble gum at nagkabuhol-buhol na ang buhok niya, sobrang ikli na ng buhok niya.

“Pinilit naman ni Mommy na maging stylish pa rin ang pagkakagupit sa iyo. Maganda ka pa rin kahit di na ganoon kahaba ang buhok mo. Ang pagiging feminine, di naman dahil sa haba ng buhok. Ikaw rin ang nagsabi noon, di ba? Saka matalino ka naman at confident. Kaya mong I-develop pa iyon. Mananalo ka pa rin.”

Malungkot siyang ngumiti. “Thank you, Carlo. Pero sasali lang ako sa pageant kung sa tingin ni Crawford maganda pa rin ako kahit maikli na ang buhok ko.”

Depress pa rin siya dahil sa pagkakagupit sa buhok niya. Hindi na kasi basta-basta maibabalik pa ang buhok na naputol. Pinahaba lang naman niya iyon dahil mas bagay daw sa kanya iyon ayon kay Crawford.

“Sige. Ikaw ang bahala. Anuman ang desisyon mo, nandito lang naman ako.”

Napansin niya si Crawford na pumasok sa orchard. Doon ito nagpupunta kapag breaktime o kaya ay bago magsimula ang klase nila kung gusto nitong mapag-isa. Iyon na ang pagkakataon para matanong niya ito nang sarilinan.

“Mauna ka na sa room. Kakausapin ko lang si Crawford,” wika niya.

Hindi na niya hinintay pa ang sagot nito at sumunod kay Crawford sa orchard. Dapat kasi ay ito ang unang makaalam na gusto na niyang mag-quit sa pageant. Pero kung sasabihin marahil nito na di na siya ganoon kaganda tulad ng dati, tiyak na masasaktan siya nang todo.

Sa palagay niya naman hindi ganoon kababaw si Crawford. Hindi lang naman buhok ang nagdidikta na maganda ang isang tao. Ito na ang nagsabi na gustong maging kaibigan siya. At di lang iyon dahil mahaba ang buhok niya. Gusto nito ang totoong personality niya.

Papasok sana siya sa orchard nang mapansin niyang kasama nito ang mga kabarkada nito. Aalis na sana siya dahil ayaw niyang makigulo sa usapan ng mga ito dahil mukhang seryoso ang mukha ng bawat isa nang marinig niya si Crawford.

“Guys, she’s not pretty at all. Pangit talaga siya,” sabi ni Crawford. “Ngayon ko lang na-realize na di naman siya ganoon kaganda. Iyon ang ayaw ko sa babae.”

Parang may isang malaking bato na dumagan sa dibdib niya. Sinabi nito dati kay Belle na mas gusto nito sa babae ang mahaba ang buhok. Siya ba ang tinutukoy nitong pangit dahil maikli na ulit ang buhok niya?

“Paano iyan? Di ba plano mong mag-suggest na ikaw ang escort niya sa Miss JS? Anong gagawin mo ngayon?” taong ng kabarkada nitong si Troy.

“Ngayong nakita ko kung gaano talaga siya kapangit, sa palagay mo ba magugustuhan ko pa siya,” sagot ni Crawford. “Natural, hindi na. Managinip na lang siya ng gising pero ayoko na sa kanya.”

Masamang-masama ang loob niya na tumakbo palayo. Nakayuko siya sa sinumang makakasalubong dahil ayaw niyang makita ng mga ito ang pinipigil niyang luha. Walang kwenta si Crawford. Mas gusto nitong tumingin sa panlabas na anyo lang ng isang lalaki. Hindi ito ang lalaki na madalas niyang pinapangarap. Hindi rin ito ang lalaking nagbigay ng lakas ng loob sa kanya para mas pagandahin ang personality niya at maging mas mabuti ang pakiramdam niya sa sarili niya.

Nakuyom niya ang palad. “Wala siyang ipinagkaiba kay Daddy. Hindi siya ang lalaki na dapat mahalin.” At mula sa araw na iyon, ayaw na niya kay Crawford. For her, he was the lowest life form on earth. A scum.

“LIZZY, galingan mo na lang, ha? Sa tingin ko naman talaga mas bagay kang lumaban na Miss JS kaysa sa akin,” wika ni Nicola dito. Ito na kasi ang pinili ng klase nila bilang bagong representative ng klase nila. Matagal na itong sumasali sa mga beauty pageant kaya malakas ang bentahe nitong manalo.

“Ikaw pa rin ang gusto naming lumaban na Miss JS,” sabi nito. “Maganda ka pa rin naman kahit na maikli ang buhok mo.”

Umiling siya. Nakita kasi niya ang suporta ng mga kaklase niya kahit na nag-backout na siya. Subalit di na siya napilit pa ng mga ito kahit na nagkaisa na si Crawford at ang mga kaklase niya na igiit na siya pa rin ang representative.

“Sorry, ha? Pero sa palagay ko kasi hindi naman talaga itong pageant ang forte ko. Napilitan lang akong pumayag noong una.”

“Nanghihinayang talaga ako sa iyo,” wika ni Crawford nang matapos niyang kausapin si Lizzy. Nagulat siya nang makitang nasa likuran lang ito at mukhang kanina pa nakikinig sa usapan nila.

Matinding iritasyon ang naramdaman niya nang makita ito. Umaalingawngaw sa isip niya kung paano nito sabihing pangit siya. “Sinabi ko nang hindi ko talaga hilig ang pageant na iyan,” walang kangiti-ngiti niyang sabi.

“Hindi na kita pipilitin. Pero may ka-partner ka na ba JS Prom?”

Kumunot ang noo niya. “Bakit mo naman naitanong?”

“Kung pwede sana ako na lang ang ka-partner mo.”

She wanted to laugh out loud. How ironic! Matagal na niyang pangarap na sabihin iyon ni Crawford sa kanya. Na parang siya ang pinakamagandang babae para dito at siya ang pipiliin nitong makasama para sa isang memorableng okasyon. But she didn’t feel a bit happy at the moment. Lalo lang siyang nairita. Di niya alam kung anong nakain nito para magprisintang escort niya sa pageant samantalang pangit nga ang tingin nito sa kanya. Nang-iinsulto ba ito o naaawa? O akala nito ay magtatatalon siya sa tuwa dahil isang pangit na tulad niya ang napili nito.

She smiled grimly. “Crawford, I’m sorry. Marami na kasing nagyayaya sa akin na maging escort ko sa JS Prom. Masyado nang magulo ang utak ko para mamili pa sa kanila. Huwag ka nang dumagdag.”

“M-Marami nang nagyayaya sa iyo?” anitong nagulat pa sa sinabi niya.

“Oo naman.” Nag-unahan pa sa pagyayaya ang mga kaklase niya nang pumasok siya sa classroom kanina. Walang pakialam ang mga iyon kung anuman ang haba ng buhok niya. They simply took her for what she was. “Mabuti pa si Belle na lang ang yayain mo. Bagay na bagay kayong dalawa.”

“Ikaw nga ang gusto kong ka-partner,” giit nito. “Saka di ka pa naman nagde-decide kung sino ang gusto mong escort, di ba? You can consider me.”

Tumaas ang kilay niya at sinuyod ito ng tingin mula ulo hanggang paa. “Well, I am really sorry. Kasi hindi naman kita type,” aniya at tinalikuran ito.

Naiwan niya itong tulala at nakasunod lang ng tingin sa kanya. Di marahil inaasahan na ire-reject niya ito. Nakadama siya ng tagumpay. Eh, di nakita mo rin ang hinahanap mo. Dapat lang iyan sa iyo. Di ka naman ganoon kaguwapo, Crawford. Di kita dapat isipin. For me, you are a monster. I hate you!

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.