“Ang kuko ko! Mamamatay na yata ang kuko ko!” mangiyak-ngiyak na sabi ni Nicola habang mariing nakapikit. Inaayos ng tauhan ni Carlo ang kuko niya na nabali habang nakabantay naman ang kaibigan niya sa likuran niya.
“Hindi pa dead iyan. Naghihingalo pa lang. Bakit mo naman kasi sinipa ang paa ng lamesa ninyo? Narra iyon. Hindi ka sasantuhin no’n. Tingnan mo ang toenails mo. Farewell ka na sa French tip mo.”
“Kasalanan iyon ng Crawford na iyon. Pagkaganda-ganda ng araw ko sukat sirain ba naman. Nakakaasar talaga!” gigil niyang sabi.
Twelve years na silang di nagkikita mula noong maka-graduate siya ng high school. Nag-aagahan siya ng paborito niyang tapsilog nang ang commercial ng TV program agad ni Crawford ang bumungad sa kanya. Isa na itong sikat na TV host. He was catering to controversial issues for a men’s talk show.
Mataas ang ratings ng show nito. Sa palagay nga niya ay siya lang ang nag-iisang babae sa Pilipinas na may ayaw dito. Kaya naman sirang-sira ang araw niya kapag nakikita ito sa TV. Pakiramdam niya ay sasabog ang mundo niya. Hindi pa rin niya ito napapatawad sa panlalait nito sa kanya noon.
“Huwag ka nang ma-high blood, okay? Ilang sandali na lang at wala na sa critical condition ang kuko mo. Makakapamuhay ka ulit ng normal,” anang si Carlo at tinapik ang braso niya. May-ari na ito ng isang malaking salon sa Manila bukod pa sa parlor nito sa bayan ng Geronimo. Asenso na rin ang kaibigan niya. “Sa uulitin kasi, huwag kang magpapadala sa bugso ng damdamin mo. Disgrasyada ka tuloy.”
“Virgin pa si Ate Cola. Ni hindi pa nga iyan nakakatikim kahit na halik. Paano magiging disgrasyada iyan?” tanong ng pinsan niyang si Mhelai na busy naman sa pagpapa-hotoil ng buhok. Sabado noon at wala silang pasok na magpinsan. Dapat ay sa bahay lang siya at itutuloy ang mga inuwing trabaho. Graphics artist siya para sa isang advertising company. Subalit dahil nabali ang kuko niya, napilitan siyang dalawin si Carlo kahit kadadalaw pa lang niya dito noong isang araw.
“Isa ka pang gaga!” bulyaw ni Carlo dito. “Di ko naman sinabi na dalagang-ina. Ibig kong sabihin laging naaaksidente.”
“Got it, Ate Carlo,” sabi ni Mhelai.
“Talagang ginagalit ako ng bruhitang ito.” Nakapamaywang na nilapitan ni Carlo si Mhelai. “Wala kang galang! Tinawag mo pa akong ate. Carlo din naman pala ang itatawag mo sa akin. My name is Carla!”
“Okay, Kuya Carla. Tatandaan ko iyan.”
“Naku!” Kinuyom ni Carlo ang palad at akmang sasabunutan si Mhelai. Sa huli ay napigil din nito ang sarili at binalikan siya. “Pagsabihan mo ang pinsan mo na iyan. Baka di ako makapagtimpi at makalbo ko ang kilay niya. Antipatika!”
“Hilig mo naman kasing patulan, eh! Hey, your wrinkles!”
Mabilis itong kumalma at binanat ang balat gamit ang mga daliri. “Oh, yes! Hindi ko pwedeng sirain ang araw ko. Dadating pa mandin ang boylet ko mamaya.”
“Bago na naman iyan, no?”
“Ganoon naman dapat, sister. Enjoy lang habang may guwapong boylet sa paligid. Kapag ayoko na sa kanila, hanap ulit ng bago." Walang tumatagal na lalaki dito. Parang pinagla-laruan lang nito ang mga nagiging boyfriend nito. Mautak nga itong bading. Di kasi ito pumapayag na magpauto sa mga lalaki.
“Naku! Mag-ingat ka pa rin. Maraming bayolenteng lalaki kapag hindi naibibigay ang gusto,” paalala niya. Napapraning siya sa mga lalaki na handang manakit o pumatay makakuha lang ng pera kapag di kusang binibigyan.
“Huwag na nga nating pag-usapan ang mga cheverlu na iyan.” Hinaplos nito ang buhok niya. “Sister, nagpapa-salon ka ba sa iba? Ganda pa rin ng buhok mo kahit na ilang buwan na nang huli nating I-hot oil.”
“Bakit naman ako magpapa-salon sa iba? Sa iyo ko lang naman ipinapagalaw ang buhok ko. Stallion Shampoo lang iyan. Nahiyang ako.”
“Ako rin, gumagamit ng Stallion Shampoo,” anang si Mhelai at itinaas ang kamay. “Para kapag nagkita kami ng mahal kong si Crawford.”
“Ingudngod pa kita sa Crawford mo kung gusto mo,” usal niya.
Sa gulat niya ay nagtitili si Mhelai nang makita ang commercial ng Stallion Shampoo promo sa TV. “Crawford! I love you, Crawford!”
“Nakakahiya ka, Mhelai! Umayos ka nga!” utos niya dito. Nagtitinginan na kasi ang ibang customer dito. “Crawford Oreña lang naman ang nakita mo. Wala namang espesyal sa lalaking iyan.”
Sinapo ni Mhelai ang dibdib. “Di ko mapigil ang nag-uumapaw na pag-ibig sa puso ko tuwing makikita ko siya. Oh, Crawford! Aking iniirog!”
Napangiwi siya dahil sa totoo lang ay naiirita siya sa pinagsasasabi ni Mhelai. “Nakakadiri! Pasensiya sa kabaduyan ng pinsan ko, ha?”
“May pagmamanahan naman kasi, no?” pagpaparinig ni Carlo sa kanya.
“Excuse me lang! Hindi ako baduy.”
“Hindi naman kabaduyan ang sinasabi ko. Pareho kayo ng type na lalaki. Once in your life, gaga-gagahan ka rin kay Crawford, no?”
“Well, that’s a part of the past. Tama ka, gaga-gagahan days ko pa iyon. But not anymore. I am older and wiser at di na ako maa-attract ng simpleng kaguwapuhan ng Crawford na iyon. I hate him!”
Ayaw na rin niyang makita ang mukha ni Crawford kung saka-sakali. Kaya nga kapag may gathering silang magkakakaklase, di siya pumupunta lalo na’t naroon si Crawford. Baka kasi masuntok o masampal lang niya ito kapag nakita niya. Hanggang ngayon ay di pa rin humuhupa ang galit niya.
“Kung hindi ka nagalit sa kanya, baka patay na patay ka pa rin sa kanya hanggang ngayon. At malamang, wala kang ipinagkaiba kay Mhelai. O baka nga mas malala ka pa sa pinsan mong baduy.”
“Thank God, hindi na ako ganoon. Mabuti na lang nakita ko kung ano ang tunay niyang kulay. He is just like my dad. Puro physical lang ang nakikita niya sa tao. Kapag di pumasa sa standard niya ng kagandahan, wala nang kwenta. Di nila alam kung ano ang mas importante sa isang tao.”
“Dear, natural naman iyon sa mga guys. Kahit naman sa mga babae, basta guwapo gusto agad nila. Kaya nga dapat magpaganda ka.”
Ngumiti siya. ‘”Hindi ko naman kailangang magpaganda para I-please lang ang mga lalaking iyan. I choose to be beautiful to please myself. Wala akong pakialam sa mga lalaking iyan pangit man ang tingin nila sa akin o hindi.”
“Ay! Ang taray-taray ng lola koi!”
“Dapat lang naman akong magtaray, no?”
“Paano ka pa mag-aasawa kung di ka naman interesado sa mga lalaki? Paano ka magkakaroon ng magagandang mga anak at kakalat ang lahi mo?” tanong nito.
“Sa ngayon, wala pa akong plano. Walang-wala iyan sa bokabularyo ko.”
Maganda ang takbo ng career niya at wala siyang balak na magpa-distract. Isa siya sa mga candidate para maging head ng graphics and art department. Ilang beses na siyang naging employee of the month dahil sa galing at sipag niya. Masaya na siya na mapuri sa mga trabaho niya. At least she could get satisfaction out of her job. Di tulad kapag hinayaan niyang I-intrude ng lalaki ang buhay niya. Daig pa siguro niya ang kumuha ng batong ipupukpok sa ulo niya.
“Ineng, malapit ka nang mag-twenty eight. Alalahanin mo ang mga sakit ng mga kababaihang virgin pa. Mahirap ka nang mapabilang sa kanila.”
Gumuhit ang ngiti sa labi niya. “Tayo na lang ang magpakasal. Tutal wala ka rin namang planong magpakasal, hindi ba?”
“Yuck!” anito at nagtawanan na lang sila. She didn’t want Crawford or any other man ruining her peaceful life. Masaya na siya kung ano mayroon siya. Di na niya kailangan ng pampagulo sa buhay niya o mananakit sa kanya.
“ATE NICOLA, natanggap mo ba ang text ko sa iyo?” tanong ni Mhelai nang tawagan siya sa opisina. Paalis na siya noon. Holiday noon kaya half day lang siya sa trabaho. Plano niyang mag-window shopping. Iyon na lang ang pakonswelo niya sa sarili niya para mag-relax. Matapos iyon ay manonood siya ng sine.
“Paano namang mauubos ang grocery natin? Kabibili ko lang ng grocery noong isang araw, ah!”
“Ibinigay kasi ni Tita Emma sa boyfriend niya.”
“Ano?” bulalas niya at napatayo. Parang sumakit ang ulo niya nang maisip na ang lahat ng pinaghirapan niya ay nauwi lang sa boyfriend ng Mommy niya. “Anong palagay ni Mommy sa atin? Charity organization? O gusto niyang palamunin ko rin walang kwentang lalaking iyon.”
Mula nang magkatrabaho siya ay unti-unti na silang nakaluwag sa buhay. Naghirap sila nang tuluyan nang maghiwalay ang magulang niya at wala na silang communication sa daddy niya. Pinilit nilang mabuhay nang wala ito.
In-encourage niya na lumabas-labas ang mommy niya kasama ang mga kaibigan nito para naman makapag-relax ito. Kaysa naman lagi nitong isipin at sisihin ang sarili kung bakit iniwan ito ng walang kwenta niyang daddy.
Nakilala nito ang bagong boyfriend nito sa bar. Muntik na siyang himatayin noong ipakilala sa kanya. Akala pa nga niya ay sa kanya irereto ng mommy niya. Iyon pala ay boyfriend na nito. Kaedad lang ni Mhelai ang lalaki. Halata naman na pineperahan lang nito ang mommy niya at di siya naniniwalang mahal nito ang mommy niya. At dahil di na niya masyadong binibigyan ng pera ang mommy niya, pati ang grocery niya ay pinagdiskitahan na nito.
“Sinabi ko na nga kay Tita na baka magalit ka. Kaso sabi niya okay lang daw iyon dahil maiintindihan mo na may sakit ang nanay niya.”
“Nanay niya? Akala ko ba patay na ang nanay niya at ulilang lubos na siya? Ano iyon? Nakatagpo na naman siya ng bagong nanay? Baka sugar mommy din niya iyon!” Gusto na niyang maghurumentado sa inis. “Bantayan mo iyang si Mommy. Baka sa susunod pati bahay natin ibigay na niya sa lalaking iyan.”
Hindi niya maintindihan kung bakit nagkakagusto ang mommy niya sa mga walang kwentang lalaki. Mas malala pa nga ang boyfriend ng mommy niya sa palikero niyang daddy.
“Sige. Babantayan ko si Tita Emma. Tapos bili ka rin ng Stallion Shampoo.”
“Aba’y bakit? Pati ba shampoo natin ininom na rin ng lalaking iyon?”
“Hindi. May promo kasi ang Stallion Shampoo. Baka matiyempuhan kang bumibili. Mananalo ka ng ten thousand pesos. Saka paubos na rin shampoo natin.”
“Ah, oo nga pala!” aniya at tumango. “Teka, di ba si Crawford Oreña ang host ng contest na iyon?”
“Oo. Siya nga ang real prize, Ate. Isipin mo, makikita mo ang isa sa mga Stallion boys sa personal. Nakakakilig, di ba?” anito at impit na tumili. Kilalang miyembro ng prestihiyosong Stallion Riding Club si Crawford. Ang naturang riding club na exclusive para sa mga guwapo at mayayamang lalaki ng bansa ang pinapangarap na mapuntahan ng kahit sinong kababaihan. It was like a paradise.
Di nito alam na dati niyang kaklase si Crawford noong high school pa siya. Hangga’t maari, burado na si Crawford sa nakaraan niya. Saka kapag nalaman nito na may koneksiyon siya kay Crawford, kukulitin siya nito na makita sa personal ang binata. Kahit pa siguro sabihin niya dito na masama ang ugali ni Crawford, si Crawford pa rin ang kakampihan nito. At iisipin pa nito na bitter lang siya dahil hindi siya gusto ni Crawford.
“Basta bibili ako ng Shampoo. At bantayan mo si Mommy.” Gustuhin man niyang manalo ng sampung libong piso, ayaw naman niyang makita si Crawford.
“Ate, ihalik mo ako kay Crawford kapag nakita mo. Tapos kunan mo rin siya ng picture para sa akin, ha? Kung wala ka lang inuutos sa akin, ako mismo ang magpupunta sa mall para makita siya.”
“Oo na. Oo na,” aniya para matapos na ang usapan. Saka niya ibinaba ang awditibo ng telepono. “Sasapakin ko pa ang Crawford na iyon para sa iyo.”
Dapat talaga ay pinagbubuhol-buhol na lang ang mga walang kwentang lalaki sa mundo. Mas gusto pa niyang kasama si Carlo at ang mga bading. At least alam niyang di nananakit ang mga ito ng mga babae.
Habang nasa supermarket ay iniisip niya kung paano kokomprontahin ang mommy niya. “Kung kailan tumanda, walang pinagkatandaan.” At di siya papayag na matulad sa mommy niya na nauuto ng lalaki.
Nabili na niya ang lahat ng kailangan niya nang maalala niyang nagpapabili pa ng Stallion Shampoo si Mhelai. Pinili niya ang pinakamalaking variant ng Stallion Shampoo at papunta sa counter nang makita si Crawford na nakangiti sa kanya at nakatitig. May hawak itong white na rose.
“For you,” anito at inabot ang rose sa kanya. “And for you beautiful hair.”
Natulala na lang siya nang tanggapin ang rose. Hindi niya maialis ang tingin kay Crawford. He was a different from the Crawford she knew before. He was taller, and his gorgeous features more defined. She hadn’t met him for twelve years. He was twelve folds more gorgeous. Parang wala siyang ipinagkaiba sa teenager na minsang nagkagusto dito. Nanginginig ang kamay niyang may hawak ng rose at gayundin ang tuhod niya. Narinig niyang bumagsak ang pinamili niya sa sahig. And she didn’t pay attention at all.
Anong ginagawa ni Crawford doon at bakit siya nito binibigyan ng rose? Nakilala ba siya nito? Binabawi na ba nito ang sinabi nito noon na pangit siya? Sasabihin ba nito na gusto na siya nito ngayon?
Once in her life, he had been her world. Buo na ang araw niya kapag nakikita niya itong ngumiti. At ngayong nakikita na niya ito, parang wala na siyang pakialam sa labingdalawang taon na nagtanim siya ng galit dito.
“You are right on the spot, Miss!” bigla nitong sabi.
“M-Miss?” usal niya. Miss lang ang tawag nito sa kanya. Hindi siya nito tinawag na Nicola.
“What is your name?” tanong ni Crawford at inilapit sa kanya ang mic.
“N-Nicola,” nasagot na lang niya.
“Well, Nicola! You are right on the spot! You have a gorgeous hair. At bumili ka ng Stallion Shampoo kaya nanalo ka ng five thousand pesos!” anito at napansin niya ang cameraman at crew na nakapaligid sa kanila. Nakatutok na rin ang camera sa kanya. Nagsisimula na ring mag-ipon-ipon ang mga tao sa paligid.
“Nanalo ako?” Tigagal pa rin siya nang iabot sa kanya at bilangin sa harap niya ang perang napanalunan niya.
“Yes. And you also have a chance to double your prize. Basta sagutin mo lang ang tanong ko. Bakit gumagamit ka ng Stallion Shampoo?”
“Because it makes me beautiful.” And once in her life, she wanted to be beautiful to please him. But he called her ugly.
“And because of that, you will get additional ten thousand pesos.” Nahigit niya ang hininga nang akbayan siya nito. “Anong masasabi mo?”
She trembled when she felt his warm body against her. Gusto na yata niyang himatayin nang mga oras na iyon. Ang bango niya! Parang masarap yakapin!
Natigilan siya sa tinatakbo ng isip niya. Bakit pagpapantasyahan niya ito? Dati tinawag siya nitong pangit. At ngayong mahaba na naman ang buhok niya at mukha siyang diyosa, sasabihan na naman siya nitong maganda. Akala nito ay mauuto pa siya nito.
Bumangon ang galit niya dito. Inaalala niya ang mga pagkukunwari nito sa kanya. At kung gaano ito kababaw. Kung paanong di nito pinahalagahan ang tunay niyang pagkatao at panlabas na anyo lang niya ang nakikita nito. Ito ang huling tao na pagtatapunan niya ng atensiyon at affection. At ang dapat sa katulad nito ay tinuturuan ng leksiyon. Dapat nitong makita na hindi siya katulad ng ibang babae na nagkakandarapa dito.
“Gusto kong magpasalamat sa Stallion Shampoo and Conditioner,” nakangiti niyang sabi subalit sa loob niya ay nagngingitngit siya. “Salamat sa prize at sa pagpapaganda sa akin. At para sa lahat ng mga girls, gumamit kayo ng Stallion Shampoo and Conditioner. Para maging maganda kayo. At kapag nakita kayo ulit ng lalaking nagsabi na pangit kayo at sinabing maganda na kayo¸ ito lang ang gawin ninyo sa kanya.” At saka niya sinampal si Crawford. “Bagay lang iyan sa iyo.”
Inilagay niya sa kamay nito ang pera at saka niya iniwan ni Crawford na natulala sa pagkakasampal niya. She wore a satisfied smile. Sa wakas, naipaghiganti ko niya ang kaapihan niya. Tama si Mhelai. Si Crawford nga ang real prize. But it won’t be a kiss. Sampal ang para dito.