Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 89

“I just want to clear that I am not pregnant. Kung anuman po ang kumalat na bali-balita, hindi po iyon totoo,” lakas-loob na sabi ni Nicola sa interview niya. Sa isang morning program iyon isinagawa at hinayaan niya si Crawford na mag-ayos ng lahat. Kinakabahan siya pero nilakasan niya ang loob niya. Gusto na niyang tuldukan ang isyu at malinis ang pangalan nila ni Crawford. At iyon na ang una at huling interview sa kanya.

“Pero nakita kang nagsusuka sa restroom. Hindi ba parte lang iyon ng paglilihi mo?” tanong sa kanya ng showbiz host ng morning program.

Umiling siya. “Of course not. Imposible pong buntis ako. I had a gastro-enteritis and my doctor can certify that. Parte lang po ng sakit ko ang pagsusuka ko. Malayo po iyon sa paglilihi,” paglilinaw niya. “At ang sinasabi po sa video na gamot, hindi po iyon para sa abortion. Gamot po iyon para sa sikmura ko. Ang totoo, hanggang ngayon po nanghihina pa ako.”

“That’s clear now. But what’s really between you and Crawford? Iyon yata ang gustong malaman ng buong sambayanang Pilipino.”

Hinagilap ng mata niya si Crawford na nasa likuran ng cameraman sa harap niya. May pag-aalala sa mata nito kung paano niya sasagutin ang tanong na iyon. Ano ba talaga ang mayroon sa kanila? He kissed her the other day. May kahulugan ba iyon? O dapat na lang niyang balewalain?

“Nicola,” untag sa kanya ng host.

Ibinalik niya ang tingin sa host. “There is nothing between me and him.” Iyon naman talaga ang totoo. “We are old friends. We haven’t seen each other for a long time. Bati ko lang sa kanya ang sampal. Things just blew out of proportion. Kung sinu-sino nang walang kinalaman sa amin ang nasangkot sa issue. Kaya gusto ko pong linawin na wala talaga kaming relasyon.”

“Pero ang sabi ng mga witness at sa mga nakanood ng video, may kasama daw na galit ang pagkakasampal mo sa kanya.”

Napalunok siya. Handa na ba siyang isiwalat ang galit niya kay Crawford? Hindi kaya lalo lang iyong magpapalala sa isyu? You are a private person, Nicola. Hindi mo naman kailangang sabihin lahat sa kanila. Just get over it.

Pilit siyang ngumiti. “Kung anuman ang dahilan ko, sa amin na lang iyong dalawa ni Crawford. Gusto ko pang mag-apologize sa mga nasaktan dahil sa nangyari at sa mga nakisimpatya. Hindi ko naman po alam na lalaki nang ganito ang gulo. Sana po hayaan na lang ninyo kami ni Crawford na umayos sa gulo namin.”

“Any message for Crawford.”

She was suddenly nervous. NI hindi niya masalubong ang tingin ni Crawford. Ano ba ang dapat niyang sabihin dito nang di mabibigyan pa ng kahulugan ng ibang tao? Sa inaakto kasi nito nang mga huling araw na magkasama sila, daig pa nito ang boyfriend. Lalo na nang halikan siya nito.

“For Crawford…” She smiled tentatively. “Mas gusto ko yata na amin na lang ni Crawford kung anuman ang sasabihin ko sa kanya.” At baka di rin naman niya masabi dito kung ano ang totoong gusto niyang sabihin.

Dahil nang mga panahong pinoprotektahan siya nito at inaalagaan, di siya makaramdam ng kahit anong galit dito. Hindi ito ang Crawford na kinamuhian niya. He was the Crawford she fell in love with as a young lady.

“Thank you for the trust, Nicola,” anang host at kinamayan siya. Nag-commercial break na matapos iyon. “Akala ko naman plano mo lang mag-artista kaya gumagawa ka ng isyu. Na ginagamit mo lang si Crawford. Pwede ka kasing maging model. O kaya susunod na drama star.”

Umiling siya. “Wala sa linya ko ang mag-artista.”

“Thanks for the help, Olga,” wika ni Crawford at kinamayan ang host.

“Talaga bang wala kayong relasyon na dalawa?” urirat pa rin ni Olga. “Mukha kasing bagay kayong dalawa. Sweet pa kayo doon sa video nang yakapin mo siya.”

Namula siya nang maalala ang eksena na iyon. Di siya umimik. Pahamak kasi itong si Crawford. Yayakapin lang ako, ipapakuha pa sa camera.

“Olga, tapos na ang issue. Huwag mo nang dagdagan,” saway ni Crawford. Maya maya pa ay nakasakay na siya sa kotse nito. “How about coffee before I drop you off the office?”

“Babalik na ako sa opisina, Crawford. Ayokong ma-late.” Gusto na niyang tuluyang bumalik sa normal ang buhay niya.

“Next time maybe,” he said and shrugged his shoulder.

Iniwas niya ang tingin dito. Parang masarap kasing umasa na magkikita pa sila at lalabas. And then what? Di na naman niya mapipigilan ang sarili na pangarapin ito. That they could be more than friends. She was twenty-eight now. Ito lang ang lalaki na nakakuha ng interes niya. Pero mas gusto na lang niyang mag-isa sa buhay kaysa naman umasa lang at walang mapala sa huli.

“There will be no next time, Crawford,” she said in a cold voice.

“Masyado ka na bang magiging busy?”

Nilingon niya ito. “I don’t think seeing you again is a good idea. Mas mabuti siguro kung hindi na lang siguro tayo magkita at magkausap.”

“Dahil ba galit ka sa akin?” His eyes softened. “Kung anuman ang kasalanan ko, babawi ako sa iyo.”

“Crawford, just leave it. Gusto ko nang matahimik. At hindi ako matatahimik kung nandiyan ka lang. Mabuti nang nalusutan na natin ang issue na ito. You don’t have to make up with me or anything. Just… Just get out of my life.”

Tahimik na ito habang bumibiyahe sila. Di rin niya mabasa kung ano ang iniisip nito. Maaring nasaktan ang ego nito. But he would survive. Wala naman siyang halaga dito. While she would be tormented by his memories. And she was wondering how she would survive without longing for him.

NAKATITIG si Nicola sa article sa diyaryo kung saan may hawak na trophy si Crawford dahil sa pagkakapanalo nito sa Asian TV Awards bilang Best Presenter o host. Ilang linggo na ba niya itong hindi nakita? Dalawa? Tatlo?

Sa loob ng mga panahong iyon, bumalik sa normal ang buhay niya. Naka-focus na lang siya sa trabaho. Pero kahit na bumalik na siya sa dating gawi, di kumpleto ang araw niya nang di naiisip si Crawford.

Napabuntong hininga siya. “Bakit ba iniisip ko pa ang lalaking iyon?”

Nilapitan siya ni Joanna Grace. “Nicola, sabihin mo naman sa boyfriend mo, congrats! You must be proud of Crawford. Sayang di ka nakasama sa Singapore.” Sa Singapore kasi ginanap ang awarding ng naturang competition.

“Hindi ko siya boyfriend at hindi na rin kami nag-uusap.”

Kinalabit pa siya nito sa braso. “Sayang naman. Kung boyfriend mo siya, malamang expose na ang beauty mo sa buong Asia. Kung ako sa iyo, dapat pinilit ko na lang si Crawford na maging boyfriend ko. Ihi-hypnotize ko siya para magustuhan niya ako sabay mapikot. Huwag ka nang puro kiyeme. Huwag kang tumulad sa akin na thirty-two na nang mag-asawa. Twenty eight ka na.”

Bumuntong-hininga siya. “Di naman lahat ng tao swerte sa love. Natagpuan mo ang sa iyo at ako wala.” Pilit siyang ngumiti. “Di bale, may career naman.”

Umingos ito. “Di ka man lang ba kikiligin kahit minsan kapag pinag-uusapan ang guwapong Crawford na iyan? Pumunta ka na nga sa office ni Sir Arman. Malamang pagagalitan ka niya dahil late ka nang pupunta sa kanya. Kanina ka pa kasi niya ipinapatawag.”

“Ano?” She bolted from her seat. “Bakit mo pa ako dinaldal?”

Pinagtawanan lang siya nito. “Well, good luck sa iyo.”

Puno ng pag-aalala ang mukha ng boss niya nang pumasok siya sa opisina nito. “Nicola, pasok ka.”

“May problema po ba, Sir?” nag-aalala niyang tanong. May mali ba sa performance niya na pwedeng ipag-aalala nito?

Umiling ito. “I am just worried about you. Ni hindi ka man lang nagpapahinga sa trabaho mo. Hindi mo pala ginagamit ang mga leave mo. Bakit hindi ka muna magbakasyon muna? Wala ka na kasing ginawa kundi ang magtrabaho.”

“Hindi ko naman po kailangan ng bakasyon.” Mas kailangan niyang magtrabaho. Kapag stagnant lang siya sa isang tabi, lalo lang niyang naiisip si Crawford. And it wasn’t healthy. “Saka marami pong trabaho dito sa opisina.”

“Wala ka na rin namang aasikasuhin dahil malayo pa sa deadline, natatapos mo na ang trabaho mo. Balita ko nga pati mga kasamahan mo inaako mo na ang trabaho. You are pushing yourself too hard. Bumabagsak na ang katawan mo. Kaya mas mabuti kung magpapahinga ka muna kahit isang linggo lang. It is a vacation with pay so you don’t have to worry.”

“Kailangan ko ba talagang gawin ito, Sir?”

Pinagsalikop nito ang kamay. “Of course. You are one of my best employees. Pero hindi ko naman kailangan ng makina. Tao ka lang. At kung papasok ka dito sa Lunes para magtrabaho, sususpindihin kita at wala iyong bayad.”

Mabigat na mabigat ang pakiramdam niya nang umuwi sa bahay. Naabutan niya si Carlo na kakwentuhan ang mommy niya. “Oy, bakla!” tili nito nang makita siya. “Hindi ka na dumadalaw sa parlor ko kaya ako na ang dumalaw sa iyo.”

“Sorry, ha? Sobrang dami kasi ng trabaho,” aniya at umupo sa sofa.

“Anak, may problema ba?” tanong ni Aling Emma.

“Gusto daw po ng boss ko na magbakasyon ako ng isang linggo. Di ko na daw po kasi nagagamit ang vacation leave ko. Magpahinga daw po muna ako.”

“Eh, di mabuti, bakla. May vacation house ang boyfriend ko sa Batangas. Magbabakasyon na nga kami doon. Bukas ng gabi ang alis namin. I am sure magugustuhan mo iyon,” suhestiyon ni Carlo.

“Ayoko ngang magbakasyon. Gusto kong magtrabaho,” sabi niya.

“Ibang klase ka rin, Ate. Ikaw na nga ang pinagbabakasyon ng boss mo, ikaw pa ang umaayaw,” sabi naman ni Mhelai.

“Baka naman kami lang ni Mhelai ang iniisip mo, anak,” anang si Aling Emma. “Okay lang kami ni Mhelai dito. Nangako naman ako sa iyo na di na ako maglalabas ng bahay, hindi ba? Babantayan ko si Mhelai. Wala na rin akong pakialam kay Mark. Puro ka na lang trabaho para sa amin. Isipin mo naman ang sarili mo. Magi-guilty talaga ako kung hindi man lang kita makitang ine-enjoy ang buhay mo.”

Nakita niya ang lungkot sa mata ng mommy niya. Dahil sa eskandalo sa kanila ni Crawford, nakipag-break ito sa boyfriend nito kaedad lang ni Mhelai. Di na rin ito umaalis ng bahay at nakikisaya sa mga kaibigan. Tiyak na magtatampo ito sa kanya kung di niya ito pagbibigyan.

“Sige po. Sasama po ako kay Carlo.”

“Ayan! Tatawagan ko na si boyfriend!” excited na wika ni Carlo. “Sasabihin ko na sasama ka sa bakasyon namin.”

PUPUNGAS-PUNGAS na bumaba ng kotse si Nicola. Natulog siya sa buong biyahe nila pa-Batangas. Alas otso dapat ang alis nila sa Manila pero alas diyes na dumating ang nobyo ni Carlo na si Steve. Tinulugan tuloy niya ang mga ito sa biyahe.

“Tuloy kayo,” ngiting-ngiting paanyaya ni Steve.

Namangha siya nang makapasok sa bahay. Masyado iyong magarbo. Alam niyang may kaya si Steve pero di niya alam na ganoon ito kayaman. “S-Sa inyo ba talaga ang bahay na ito?” tanong niya at kinusot ang mata. Mamahalin ang mga kasangkapan. Pati ang interior ng bahay ay sosyal na sosyal. Parang panaginip lang.

“Nag-Japan kasi ang ate ko kaya naipagpatayo niya ang magulang ko ng ganito kalaking bahay. Bukas makikilala mo rin ang pamilya ko kapag nag-almusal tayo. Ito ang magiging kuwarto mo,” sabi ni Steve. “Kung may kailangan ka, nandoon lang kami ni Steve sa kabilang kuwarto.”

Maging ang silid niya ay nadodominahan ng dilaw. May isang malaking kama na kasya yata ang tatlong tao. Nag-aalangan siyang umupo sa kama. “Salamat nga pala sa pagpapatuloy ninyo sa akin.”

“Basta magpahinga ka lang, bakla!” sabi ni Carlo at yumakap sa baywang ni Steve. “At magpapahinga na rin kami.”

Pagsara ng pinto ay humiga siya sa kama. Di niya alam kung magandang ideya nga ang bakasyo na iyon. Ipinikit niya ang mga mata. Bagong lugar. Maaring may bagong tao rin siyang makikilala. Baka doon din niya makikilala ang magpapalimot sa kanya kay Crawford. Sana nga ito.

NANG magising si Nicola ay di agad siya bumangon. Parang masarap pa kasing humiga sa kama dahil malambot na malambot. Masarap matulog. Mula sa kuwarto niya ay tanaw pa niya sa French door ang magandang Taal Lake.

Masarap pa sanang tumunganga pero naalala niya na mag-aagahan siya at makikilala ang magulang ni Steve. Pagkahilamos niya ay narinig niyang may kumatok sa pinto. “Pasok!” aniya sa pag-aakalang iyon si Carlo

Paglabas niya ay isang lalaki ang nakatayo sa paanan ng kama niya. It was neither Carlo nor Steve. It was Crawford. “Good morning, Nicola!” he greeted with a smile. That smile was as fresh as the morning breeze coming from the lake.

Tumili siya sa sobrang shock lalo na’t nakasuot pa siya ng pantulog niya. Isa iyong manipis na nightdress at bakas na bakas ang katawan niya. Mabilis niyang hinablot ang tuwalya at binalot ang sarili. “Anong ginagawa mo dito? Rapist ka! Trespasser? Kidnapper?” Niyakap niya ang sarili at may takot itong pinagmasdan. “Anong ginawa mo sa akin?”

He gave her an amused look. “Anong gagawin ko? Kadarating ko lang…”

“Pero anong ginagawa mo dito? Nasaan si Carlo? Nasaan si Steve?” Lumabas siya ng kuwarto at tinawag ang dalawa. “Carlo! Steve! Nasaan kayo? Tao po? Ah… pamilya ni Steve? Nasaan na kayo?” Nanginginig na ang boses niya. Bakit walang tao? Bakit walang sumasagot sa pagtawag niya. Naipadyak niya ang paa nang di lumabas kahit si Carlo man lang. “Carlo, nasaan ka na?” pabulong ngunit mariin niyang tanong. “Marami kang ipapaliwanag sa akin bakla ka. Kapag nakita kita, kakalbuhin ko ang buhok mo… sa baba. Ipapa-rape kita sa sampung babae.”

“Ah, Nicola…” anang si Crawford na nakasunod sa kanya.

Hinarap niya ito. “Nasaan si Carlo, Steve at ang pamilya ni Steve? Bakit wala sila dito?” tanong niya na parang ipinakidnap nito o pinalayas ang mga iyon.

“Umalis na sina Carlo at Steve kaninang madaling-araw. Dinalaw nila ang mga magulang ni Steve sa Sorsogon.”

Napanganga siya. “Sorsogon?” bulalas niya. “Hindi ba ito ang bahay nila na ipinatayo ng ate ni Steve na galing Japan?” Nakakadama na siya ng panic sa bawat sandali na naroon siya. “Wala namang ganyan, Crawford. Joke lang ‘yan, no? Nagtatampo ka siguro sa akin dahil sabi ko ayaw na kitang makita.”

Habang sinasabi iyon ay dahan-dahan siyang lumalayo dito. Napunta siya sa bintana kung saan tanaw na tanaw ang malawak na berdeng damuhan. Parang wala iyong katapusan. Di niya iyon nakita kagabi dahil madilim at natulog pa siya. At lalo siyang namangha nang makita ang maraming kabayo na tumatakbo kung di sa pathway ay sa mismong damuhan. Di niya alam ang lugar na iyon pero parang nakita na niya iyon sa kung saan.

Nasapo niya ang dibdib. “Oh, no! Nasaan ako?”

“Welcome to Stallion Riding Club, Nicola!”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.