“Ah, so this is the Stallion Riding Club. Tama nga ang kumpadre ko na nakapasok na dito. Nakakabata dahil puro bata rin ang mga members,” komento ni Gudofredo. Nasa Rider’s Verandah sila para at nagpapahinga muna bago umikot sa paligid ng riding club. Plano nito na mag-stay ng tatlong araw sa riding club para makumbinsi si Alastair na maging member doon.
“Tito, the riding club is designed that way. Lahat ng members dito stressed out sa trabaho nila. Ang iba naman po gusto ng privacy and that’s what the riding club offers. Ang iba nga po ayaw nang lumabas ng riding club. They have their own villa and even work and live here,” paliwanag niya.
“Perfect! Perfect! Bagay na bagay dito si Alastair.” Tumango-tango si Gudofredo. “Before we leave the riding club, we have to consult what type of villa Alastair prefers. At kung saang estate din. May nagustuhan ka na ba, Kester?”
“Yes, Pa. I’d love to get a track of land somewhere near the Mountain Trail. Pero ayaw pong I-develop ni Reid na residential area ang lugar na iyon. He wants to keep it that way. So I have to choose between the Woodridge Estate and the Lakeside Mansions,” kwento naman ni Kester. Mukhang desidido na itong mag-settle doon.
Humilig si Katalina sa kay Gudofredo. “And I think this place is romantic. Look at the couples out there.” Itinuro nito ang ilan sa mga members na naka-horseback kasama ang nobya o asawa ng mga ito. “Aren’t they sweet?”
“This place is romantic indeed, Tita. May mga romance novels pa nga po na na-publish na at di to sa riding club ang setting. And those stories are based on the member’s love stories. Kaya po mas marami ang gustong pumunta dito.” Pero mahigpit ang rules sa riding club. Di basta-basta makakapasok ang isang non-member nang walang permiso ng member. Salang-sala lang ang nakakapasok.
“Oh, I see! Sana dito matagpuan ng mga anak ko ang babaeng pakakasalan nila. Para naman maisulat din ang love story nila,” kinikilig na sabi ni Katalina na parang teenager. Hopeless romantic kasi ito.
Siniko siya ni Alastair. “This is your fault!”
“Ha? Anong kasalanan ko?” mahina niyang tanong.
“Stop feeding her any romantic notion. Baka ipagtulakan ako ni Mama sa kahit sinong babaeng available dito sa riding club.”
“Ma, I don’t think looking for a wife here at the riding club is a nice idea,” pormal na sabi ni Kester. “Most of the women I encounter are just looking for a prince here. They want rich and handsome men. They are not looking for real love.”
Iniwas niya ang tingin dito. Pinariringgan ba siya nito? Hindi naman prince ang tingin niya dito kundi palaka. “Baka naman mali ka lang ng babaeng nakikilala.”
“And you are a prince, Kester,” wika ni Katalina. “Mai-inlove ang kahit sinong babae sa iyo. But of course you have to choose well.”
“Alastair, hindi mo pa naiku-kwento sa akin ang business conference mo sa Batangas,” wika ni Gudofredo. “Any potential clients?”
Tumikhim si Alastair. “Marami, Pa. Before I left for vacation, I already delegated the task to my staff. Sila na po ang bahala.”
Subalit ibang business conference ang ginawa nito sa Batangas. He was at their friend’s ranch so he could learn the basic of horseback riding. Kailangan nitong matalo ang takot nito sa pagsakay ng kabayo kung ayaw nitong malaman ng pamilya nito ang sekreto nito kahit di pa tamang panahon.
At kung aatake pa rin ang takot nito, napagkasunduan nilang isang maamong kabayo ang pipiliin nila para hindi ito mahirapan. Nakausap na niya ang stable manager. Ito ang magre-recommend ng maamong kabayo.
Tinapik ni Gudofredo ang balikat ni Alastair. “That is my son! Ilang panahon pa at mahihigitan mo na ang mga accomplishments ko.”
Ngumiti si Alastair subalit malungkot ang mga mata nito. She knew that he was scared to disappoint his father down. Malaki kasi ang expectation dito bilang isang anak na lalaki.
“That’s enough, you two,” saway ni Katalina. “Wala na kayong pinag-usapan kundi negosyo. Relax. We came here to relax. Isa pa, ihahanap pa natin ng perfect girlfriend ang mga anak natin. I can’t wait to see them marry.”
“Where are the pretty girls here?” tanong ni Alastair sa lalaking-lalaking boses. “Gusto ko na silang makilala.”
“Maraming oras para sa mga babae, Al. Magsasawa ka mamaya,” sabi ni Kester. “But for now, let’s explore the place.” Masyado itong busy sa clinic at sa foundation kaya di ito nakakaikot ng riding club.
“Killjoy ka talaga pagdating sa mga babae, Kuya,” sabi ni Alastair. “Pumunta na lang tayo sa stable.”
“You don’t have to hurry, Al,” wika ni Gudofredo. “I asked for two of fiercest horses in the riding club just for you two.”
“Ha?” sabay nilang bulalas ni Alastair. “Akala ko kami ang pipili, Pa. I want to choose my own horse.” Halos histerikal na ito. Maisip lang nito na ang pinaka-mabalasik na kabayo ang sasakyan nito, mas gusto pa nitong kumaripas ng takbo.
Tinapik ni Gudofredo ang balikat nito. “I know that you want to choose your own horse, hijo. Pero parang ikaw na rin ang pumili dahil ako naman ang nag-recommend. If you can handle a fierce horse, you can handle almost everything.”
“Baka naman delikado iyon,” sabi ni Katalina. Masyado kasi itong malambot pagdating sa mga anak. Parang bata pa rin kung tratuhin nito minsan.
“Don’t worry about us, Ma. Macho kami ni Kuya Kester,” malakas ang loob na sabi ni Alastair kahit pa nga parang marshmallow na ang tuhod nito. “Wala kaming kinatatakutan. Kabayo lang iyan.”
Humalakhak si Gudofredo. “That is my son! That is my son!”
Nagkatinginan sila ni Alastair. They knew the truth. He was in jeopardy.
HARD LUCK looked like a mean horse indeed. He was red chestnut stallion with a mean streak, according to his handlers. Lalapitan pa lang ni Alastair ang kabayo ay nag-buck na si Hard Luck. Parang ayaw nitong magpahawak. Mabuti na lang at hindi nangibabaw ang kaba ni Alastair.
“Slowly approach him and touch his neck,” bulong niya dito.
Napalunok si Alastair at sinunod siya. The horse didn’t buck anymore. Mukhang nasasanay na ito sa presensiya ni Alastair. Inamoy-amoy nito ang kamay ni Alastair at hinayaan na itong magpahawak. “Good horse. Makisama ka. Parang awa mo na,” pakiusap nito sa kabayo.
“Is he hard to tame?” tanong ni Kester na kampanteng-kampante na sa pagkakaupo sa kabayong para dito. Kung tutuusin nga ay mas matindi ang temper ng kabayo nito kaysa kay Hard Luck. Pero walang kahirap-hirap itong nakasakay.
“You call it bonding, bro,” sabi ni Alastair at sumampa na kay Hard Luck. Nakaalalay na ito sa rein ng kabayo. He already showed who the master is. “Hindi naman pala mahirap pakisamahan si Hard Luck.”
Mukhang nakinig ang kabayo sa pakiusap nito. Saka lang siya pumunta sa mare na napili niya para sa sarili. Nanlalambot pa ang tuhod niya dahil dito.
“Yoanna, you need help with riding your horse?” tanong ni Kester at bumaba ng kabayo. “Baka gusto mong tulungan kita.”
Iningusan niya ito. “I can do it myself. Thank you.” Di naman siya lampa. Ilang beses na rin naman siyang nakasakay ng kabayo.
Subalit parang wala itong narinig. Sinambilat nito ang baywang niya at binuhat. She just found her self mounted on the horse. “You’re welcome,” nakangiting sabi nito at sumampa na sa sariling kabayo.
“My son is really sweet, isn’t he?” Katalina asked.
“Yes, he is.” Kapag siguro may topak ito. Baka sinapian na naman ng mabuting espiritu kaya mabait sa kanya. Baka pakitang-gilas lang ito sa magulang nito. Gusto lang magpa-impress.
She was not impressed. Subalit nanginginig ang kamay niyang nakahawak sa renda. Yes, she could repel his charms now. Pero bakit di pa rin nawawala ang epekto nito sa kanya? He could still make her tremble like no other man could.
“NAPAKABILIS lumipas ng panahon. Dati teenager pa lang ang dalawang anak ko. Alastair even hated wearing coat and tie. But look at him now. He is every inch a gentleman. Lahat halos ng babae, kinikilig sa kanya,” anang si Katalina na nakaguhit ang ngiti sa labi habang pinagmamasdan ang mga anak na nagkakarera kay Gudofredo. Nahuli si Alastair at kasalukuyang sinesermunan ng ama.
She also wore a satisfied smile. “Yes. I can see that, Tita.”
Alastair was doing great on horseback. Wala na marahil ang kaba na nararamdaman nito kanina. Kahit sinong makakita dito, iisipin na lalaking-lalaki ito habang nakasakay sa mabalasik na kabayo. Kahit pa nga huli ito sa karera, mas mabuti na iyon dahil napapasunod pa rin nito ang kabayo.
Bumakas ang lungkot sa mga mata ni Katalina pagkuwan. “I am worried about Kester. Narinig mo ba ang sinabi niya kanina? Cynic siya sa mga babae dito sa riding club. Mahigit isang buwan na siya dito pero wala ka pa rin bang nababalitaan na nagugustuhan niya?”
“Marami pong may gusto sa kanya. Pero sa palagay ko po masyado siyang busy para intindihin pa ang mga babae na nakapaligid sa kanya.”
Katalina let out a sigh. “Puro na lang siya trabaho. How about you, hija? Wala ka bang nagugustuhan sa mga anak ko?”
“Po?” bulalas niya at di alam kung ano ang isasagot. Mas madali sanang sumagot na lang ng hindi. Pero bakit parang di naman siya sigurado kahit hindi pa ang sabihin niya. Is she still harboring some special feelings for Kester?
“Ma, Yoanna, what’s taking you so long?” pasigaw na tawag sa kanila ni Alastair at kumaway. “Hurry up! Pupunta daw tayo sa waterfalls sabi ni Kuya.”
Pinabilis niya ang pagpapatakbo sa kabayo. “You are doing great, Al!” wika niya at bumuntot ang kabayo niya sa likuran ng kabayo nito.
Sabay silang napasigaw ni Alastair nang biglang sumipa ang likurang paa ng kabayong si Hard Luck. Mabilis na umurong ang kabayo niya. She tugged its rein and let it step back at a safe distance. Iyong di na siya maaabot pa ng kabayo ni Alastair.
Patuloy pa rin sa pagtili si Alastair. “Al, shut up!” saway niya dito nang mamataang papalapit ang mga magulang nito at si Kester. Saka lang ito kumalma at mabilis na pinakalma ang kabayo.
Siya agad ang nilapitan ni Kester at inalalayang bumaba ng kabayo. “Are you okay? Hindi ka ba nasaktan?” He touched her face, her shoulder and her waist. It was an impersonal touch. Pero pakiramdam niya ay libu-libong boltahe ng kuryente ang dumaloy sa katawan niya sa bawat pagdampi ng kamay nito. Nang walang marinig na pag-angal sa kanya ay binalingan nito si Alastair. “Ano bang ginawa mo at bigla na lang sumipa ang kabayo mo? Muntik nang masaktan si Yoanna.”
“Hindi ko alam, Kuya,” sagot ni Alastair at bumaba ng kabayo. Namumutla ito at pinagpapawisan. “Nakasunod lang naman si Yoanna sa likuran ko tapos bigla na lang sumipa ang kabayo ko. I am sorry.”
Hinawakan niya ang kamay ni Alastair. “It is okay. It is not your fault. Siguro territorial lang ang kabayo na ito. Ayaw niyang may lumalapit na kabayo sa teritoryo niya. Dapat siguro walang susunod sa kanya sa likuran.”
“Gudofredo, di mo dapat pinili ang mga kabayo na iyan!” nagpupuyos na wika ni Katalina. “Look what you’ve done! You put our children’s lives in jeopardy. Pati si Yoanna madadamay pa. Ibalik mo na ang mga kabayo na iyan.”
“I am sorry, hija,” anang si Gudofredo na bakas ang pagsisisi at maging ang takot sa asawa. Isa marahil iyon sa mga pagkakataon na nakita niya itong tumiklop sa babae. Kapag kasi kapakanan ng mga anak ang pinag-uusapan, parang inahing manok si Katalina na lalaban kahit pa sa tandang. “Babalik na tayo sa stable. Papalitan na natin ang kabayo nina Kester at Alastair.”
Alastair smiled as a sign of relief. “Thank God! Everything is okay now.”
“Baka natatakot ka pang sumakay ng kabayo, Yoanna. Pwedeng doon ka na lang sumakay sa kabayo ko para maalalayan kita,” alok sa kanya ni Kester.
ILing agad ang sinagot niya. “Hindi na kailangan. Kabayo naman ni Alastair ang nagwala at hindi ang kabayo ko. I will be fine.” Mas gusto pa niyang sumakay sa nagwawalang kabayo kaysa makasama sa isang kabayo si Kester. Baka kung anu-ano lang ang maisip niya. Ipinangako pa mandin niya sa sarili na hindi na niya ito pagpapantasyahan pa. Better safe than sorry.
“If that is what you want,” Kester said in half-whisper. Madilim ang mukha nito nang sumampa sa kabayo nito. Di niya alam kung bakit.
Hinaplos niya ang noo ni Alastair. “Okay ka lang? Di ka ba natakot?”
“Konti lang naman. Basta huwag ka na lang sumunod sa likuran ko. And thank you for saving me a while ago.”
Hinaplos ng daliri niya ang dulo ng ilong nito. “Tandaan mo na may utang ka sa akin, okay?” aniya at nagkatawanan na lang sila.
“If you two are okay, let’s get moving,” Kester ordered and maneuvered his horse. “Malapit na ang lunch time. Di na tayo pwedeng mang-abala ng tao sa stable para papalitan ang mga kabayo natin kapag lunch time na.”
“Anong problema ng kuya mo?” tanong niya at nagtatakang sinundan ng tingin si Kester habang humahagibis ng takbo palayo ang kabayo nito. Kanina lang ay mabait ito sa kanya. Alalang-alala pa ito na baka nasaktan siya sa pagkakasipa ng kabayo ni Alastair. Ngayon naman ay nagsusungit ito.
“Ewan ko. Baka naman may dalaw,” hula ni Alastair.
Humalakhak siya. “May tama ka!”
Sayang! Nawawala pa mandin ang inis niya dito kapag nag-aalala ito sa kanya. Kaso binabawi na niya. Prinsipe pa rin ito ng kasungitan at mood swing. Kahit kailan ay hindi niya ito maiintindihan.