Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 96

Excited mag-gym si Yoanna. Matapos ang isang buong araw na pagtatrabaho, iyon lang ang araw niya para mai-release ang tensiyon niya. Napakaraming kailangang gawin sa guesthouse at bilang manager, sa kanya bumabagsak ang mabibigat na trabaho. Mabusisi kasi siya. Gusto niya ay nasa ayos ang lahat. Terror nga daw siya sabi ng mga staff niya kapag may mga di nasusunod sa mga utos niya. Importante kasi sa kanila ang service sa mga guest.

Bumalik naman sa normal ang araw-araw niyang buhay. Di na kasi siya binubulabog ni Kester. At least he learned his lesson. Kaya naman nakakahinga na siya nang maluwag dahil di ito pumupunta sa isang lugar kapag alam nitong naroon siya. Di na niya kailangan pang umiwas dito.

“Ma’am Yoanna, alam mo ba na sunud-sunod ang nadidisgrasya ngayon sa riding club. Nitong linggo lang na ito.”

“What’s wrong?” tanong niya at nilingon si Maricon. Nasa treadmill sila pareho. Wala na kasi silang oras mag-exercise sa umaga kaya sa pagkalabas na lang ng trabaho sila nagwo-work out. “Hindi naman maulan ngayon. Hindi delikado mag-horseback riding. That’s weird.”

“Hindi lang iyon, Ma’am. Puro mga babae pa ang nadidisgrasya. Nahuhulog sa kabayo, nakakaladkad, nakakagat ng langgam. Punung-puno nga ang clinic.”

“Ano? Pati ba kagat ng langgam isinusugod na rin sa clinic? Ano naman ang problema ng mga babaeng iyon?”

Maricon let out a sigh. “Natural lang siguro na mag-acrobatics ang kahit sinong babae para lang makuha ang atensiyon ni Doc Kester. With that hunk of a doctor, kahit sino mai-in love,” kinikilig nitong sabi.

Umingos siya at binilisan ang speed ng treadmill. “How cheap! Kailangan mo ba talagang saktan ang sarili mo para lang mapansin ng isang lalaki?”

Kahit nang kasagsagan niya ng kabaliwan kay Kester, di naman niya naisip na saktan ang sarili niya para lang makuha ang atensiyon nito. Nakakakonsensiya. Maraming tao ang nangangailangan ng medikasyon at doktor na di naaabot ng tulong. Tapos ang iba ay nagpapanggap lang para magpa-cute.

“You are right. It is cheap,” sang-ayon nito.

“And I don’t think Kester is worth all the attention. Bago lang siya dito sa riding club kaya siya ang pinagkakaguluhan ng mga babaeng iyan. At ikaw, Maricon, huwag kang sasali sa kalokohan ng mga iyan. Magiging cheap ka rin…”

Subalit wala na sa kanya ang atensiyon nito. Nakatingin na ito sa entrance ng gym. Nang sundan niya ang tingin nito ay nakatitig ito kay Kester na kapapasok pa lang. He was not wearing his doctor’s coat. Naka-sports polo lang ito at jogging pants. Tapos na rin ang duty nito at mukhang balak lang mag-work out.

“Si Doc Kester, o!” anang si Maricon at di maitago ang matinding kilig. “Doc Kester! Doc Kester!” Kumaway ito at tumili. “Doc!”

Bumitiw ito sa pagkakahawak sa treadmill at bumagsak sa sahig. Mabilis niya itong dinaluhan. “Maricon, anong nangyari sa iyo?”

“Ah! Ah! Masakit!” sigaw nito na parang gusto pa yatang ipagsigawan sa buong riding club ang aksidenteng nangyari dito.

Naramdaman niyang umuklo si Kester sa tabi niya. “It’s okay. I am here. Ako na ang bahalang tumingin,” sabi nito.

“Thanks, Doc. Nandito na kayo,” malambing na sabi ni Maricon. “Nalaglag ako sa treadmill. Masyado kasing mabilis.”

Okay naman ito sa treadmill kanina. Di naman ito babagsak kundi ito nagtitili at nagkakaway kay Kester. Tumayo siya at mataman itong pinagmasdan. Parang naghihinala siya kung may masakit nga ba dito o nagsasakit-sakitan lang ito.

“Anong masakit sa iyo?” tanong ni Kester.

“I-Itong binti ko,” anitong hawak ang binti.

“Dito ba?” Pinisil ni Kester ang bahagi ng binti nito na maaring may diperensiya. “Dito?”

“Aray! Aray!” usal nito. Kahit saan yatang hawakan ni Kester ay umaaray ito. “Masakit talaga. Parang mababali ang binti ko.”

“Dito ba?” At hinaplos ni Kester ang unang sinabi nitong masakit.

“Oo. Diyan nga. Sige pa! Sige pa!” nakapikit na usal ni Maricon. Sa palagay nga niya ay di naman ito nasasaktan. Mukhang nag-e-enjoy pa ito.

“Feeling better?” tanong ni Kester.

“Sige pa, Doc. Sige pa. Nawawala ang sakit kapag ginagamot ninyo ako.”

Tumaas ang kilay niya at humalukipkip. Cheap pala, huh! Bakit ngayon ay nakikisali na ito sa mga babaeng nagpapanggap na naaksidente para mapalapit kay Kester? Masasabunutan talaga niya ang babaeng ito.

“Maricon, honey! Anong nangyari sa iyo?” tanong ni Damian, ang isa sa mga staff din niya at boyfriend ni Maricon.

Nawala ang ngiti sa labi ni Maricon nang makita ang nobyo. “Anong ginagawa mo dito? Di ba sabi mo wala kang balak mag-work out dahil maglalaba ka pa?”

“Tinawagan ako ng staff ng gym. Nadisgrasya ka daw. Anong masakit sa iyo? Ako na ang bahalang gumamot,” malambing na sabi ni Damien.

“Hindi na kailangan. Nagamot na ako ni Doc Kester.” Tumayo si Maricon na parang walang anumang nangyari. “Halika na nga! Umalis na nga tayo!”

“Maricon, kaya mo na ba?” tanong ni Kester.

Ngumisi lang si Maricon. Saka lang yata naalala na wala naman talagang masakit dito. “Y-Yes, Doc. I am okay now. Magaling po kasi kayong doktor.” Saka nito kinaladkad palayo si Damian. “Halika nga! Nakakainis ka talaga!” Tiyak na naiirita si Maricon dahil nawalan ito ng chance na magpa-cute kay Kester.

Inokupa niya ang treadmill na gamit kanina at nagpatuloy sa pagwo-work out. Habang si Kester ay sumampa naman sa treadmill na binakante ni Maricon. “Hello, Yoanna! Great shape,” he commented as he eyes her body.

“Thanks!” pormal niyang sabi. “Mabuti naman at may time kang mag-work out, Doc. Puro casualties ang inaasikaso mo.”

“Wala naman nang masyadong nadisgrasya ngayong araw na ito at hindi rin malala. Mabuti nga at napahinga naman ako. Pero kailangang lagi pa rin akong on call. Mabuti na lang nandito ako kanina nang maaksidente si Maricon.”

“Yes. Accidents, accidents everywhere. So how does it feel to be a doctor hunk? The girls are practically falling on their knees just to get your attention.”

Bigla itong lumingon sa kanya. “What?”

“You are a doctor. Alam mo kung kailangan orchestrated ang isang pangyayari, kung nasaktan nga ang pasyente mo o hindi.”

“Bakit ka nakasimangot? Nagseselos ka ba sa kanila?”

Humalakhak siya na may halong panunuya. “With those cheap tricks? Sa palagay mo ba magseselos ako sa ganoong klase ng cheap strategy. It is just a waste of time, Kester.” She stopped the treadmill and stepped down. Nakapamaywang niya itong pinagmasdan. “And you are just a waste of time. You are not even worth anybody’s attention.”

“What did you say? I am worth anyone’s attention?”

Umangat ang gilid ng labi niya. “Because you are made of stone.”

Saka siya tumalikod. Naiwan niya itong nakatulala. It must be like a slap on his face. Pero ano ba ang dapat niyang ipag-alala. Bato naman ito. Wala itong nararamdaman. At kung wala pang nagsasabi dito na manhid ito at walang pakiramdam, she was glad that she did the honor.

YOANNA was enjoying the silent lap of waves at the banks of Taal Lake. Nasa outdoor porch siya dahil gusto niya ang view doon kapag gabi. The popular crater was just a shadow. Doon niya gustong mag-dinner. Tahimik. Walang magulo. Walang nangungulit at nakakapag-relax siya.

“Finally! Nakita rin kita, Yoanna,” sabi ni Rupert, ang anak ng senador na sunod nang sunod sa kanya. “Kanina pa kita hinahanap. Sa guesthouse, sa gym, sa stable, sa arena…”

“Ano naman ang gagawin ko sa stable at sa arena. Gabi na. Wala nang game ngayon. Saka bakit naman hinahanap mo ako?” iritado niyang tanong. Ito kasi ang major na panira sa araw niya. Minsan kasi kung magsalita ito ay parang kayang ibigay sa kanya ang buong Pilipinas. May kayabangan.

“Yayayain sana kita na makipag-date.”

She sipped her tea. “I told you I am busy. Wala akong oras sa mga ganyang klaseng kalokohan.”

“Lagi ka namang busy. Sige ka, malapit na rin akong maging busy. Baka mapagod na ako sa kayayayang makipag-date sa iyo. Malapit na ang eleksiyon. Plano kong tumakbo na governor sa province namin.”

“Eh, di maging busy ka at tumakbo kang governor.” Mas okay nga iyon sa kanya dahil kapag busy na ito, wala na itong pagkakataon para bulabugin siya.

“I also want to marry you.”

Nasamid siya at napaubo sa sinabi nito. “Rupert, hindi ka ba kinikilabutan sa mga sinasabi mo? Kung makipag-date sa iyo, ayokong pumayag. Mas lalo namang wala sa hinagap ko, kahit pa sa bangungot, na pakakasalan kita.”

Kaawa-awa naman ang probinsiyang tatakbuhan nito oras na manalo ito. They would elect a first-rate loser. Sayang lang ang kaban ng bayan. Alam naman niya kung bakit siya ang kinukulit nito. Sikat kasi ang nasira niyang lolo sa probinsiya nito dahil dating mayor doon ang lolo niya.

Natigilan ito. Di inaasahan ang rejection niya. Samantalang sanay na sanay naman itong I-reject niya. “Ayaw mong makipag-date sa akin? Ayaw mo rin akong pakasalan? I will buy you a nice engagement ring. Iyong kaiinggitan ng lahat ng babae. Gaano ba kalaking diamond ang gusto mo.”

Malungkot siyang ngumiti. “I-donate mo na lang sa mga nangangailangan ang ipambibili mo ng engagement ring. Mas makakatulong pa iyon sa reputasyon mo para manalo ka sa eleksiyon. Good luck!”

Tumiim ang anyo nito. Sobrang tinapak-tapakan na kasi niya ang pride nito. “You will regret this, Yoanna. Hahanap ako ng mas maganda sa iyo. Iyong sikat. At kapag gusto mo na ako, baka ikaw naman ang hindi ko na pansinin. Hahabul-habulin mo tiyak ako. It will be your loss, not mine.”

Kumaway pa siya dito habang paalis ito. “Good luck din sa love life mo!”

She went back to leisurely sipping her tea. Subalit tuluyan nang nawala sa isip niya ang pagre-relax nang makita si Kester na palapit sa kanya. Mukhang tapos na itong mag-work out and he was wearing a casual polo and slacks. At katulad niya, mukhang ready na rin ito para mag-relax mula sa mahabang trabaho.

Kanina ay nagawa niya itong takasan sa gym. At sa pagkakataong ito, kailangan ulit niya itong takasan. She wanted to relax. Wala na siyang lakas para sa isa pang head on collision sa pagitan nila. Naubos na ang powers niya kay Rupert kanina. Tama na siguro iyon para sa isang gabi.

Hinarangan nito ang dadaanan niya at pinigilan siya sa braso nang tangkang lalagpasan niya ito. “The night is still young, Yoanna. Huwag mong sabihin na aalis ka na agad.”

Humikab siya. “The tea I drank a while ago made me sleepy. Good night.”

“As if I will easily let you get away after what you said a while ago. Nakatakas ka siguro sa gym pero hindi na ngayon. We need to talk.”

“Ano naman ang gusto mong pag-usapan? Ang tungkol sa pagiging bato mo? Totoo naman, hindi ba? You are made of stone. Kahit kasi anong gawin sa iyo, wala kang pakialam. Manhid ka!”

“I am made of stone? But it didn’t stop you from wanting me.”

She rolled her eyes. “You are really so full of your self, Doctor Mondragon. Oh, yes! I am attracted to you. I want you. Pero hindi naman ako in love sa iyo. There is a big difference between the two. At bakit naman ako mai-in love sa isang tulad mo na bato? Maybe you don’t even know how to kiss. And that would be boring. No fun at all.”

He gently pulled her arm and their bodies touched. “I am boring? I don’t even know how to kiss? And you even insinuated before that I am a virgin. Are you really trying to provoke me?”

Lakas-loob niyang sinalubong ang tingin nito. Kahit na nanghihina siya dahil nararamdaman niya ang init ng katawan nito. If only she was like the other girls who wanted him. She would willingly succumb to his charms. At hindi na siya papayag na makita pa nito ang kahinaan niya. Kundi ay tatapakan na naman siya nito.

“Provoke you by what? Telling you the truth? Totoo naman, hindi ba? Daig mo pa ang estatwa kapag may babae sa paligid mo.”

“Hindi dahil gustong-gusto kang I-date ng ibang lalaki, ganoon na rin ako. Not all men will ask you out on a date. I am not like that sorry guy you rejected. Maybe you also enticed him with your charm. At kapag nakuha mo na ang atensiyon niya, you will just drop him. Ganoon din ba ang gagawin mo sa akin? You will tempt me to go out with you. And it is like a trap. Once I am caught, you will dump me. I will never fall for that kind of trap.”

Dinuro niya ang dulo ng ilong nito. “Listen to your self, Doc! Kasi hindi ko alam kung ako ba ang kinukumbinsi mo o ang sarili mo. I told you that I am not interested with you anymore. Kung nasaktan man ang pride mo, problema mo na iyon. At mas lalong wala akong balak na makipag-date sa iyo.”

“That is nice to hear. But I want you to take back what you said a while ago.”

“Alin sa sinabi ko? Na bato ka?”

“No.” Inilapit nito ang mukha sa kanya. “That I am not a good kisser.”

“I said maybe. Hindi ko pa naman alam. Kaya nga baka lang.”

“That’s the point. Hindi mo pa nga alam kaya bawiin mo na.”

“Okay. Maybe you are a good kisser.” Hindi naman niya pwedeng sabihing good kisser nga ito dahil di pa naman siya nito nahahalikan.

“That word maybe is pissing me off. I guess it is high time that you put the word ‘maybe’ out of your dictionary.”

He cupped her face and fiercely claimed her lips for a kiss. Nag-aapoy ang labi nito na dahan-dahang tumutupok sa pagkatao niya. It wasn’t gentle but he took her lips with care. Ni hindi niya alam kung paano sasagutin ang halik nito. It was so sudden, her brain stopped functioning. Ang alam na lang yata niyang gawin ay tanggapin ang lahat ng sensasyong ibinibigay at ipinadarama ng halik nito.

So this is what a kiss should feel.

Nakatulala na lang siya matapos nitong halikan. He was not a good kisser. He was an excellent kisser. Pakiramdam niya, lahat ng cells niya sa katawan ay nayanig sa halik na iyon. Drat! Pinag-aralan din ba nito sa medical school kung paano humalik nang halos mapapasabog na ang utak ng isang babae?

“So much for telling me that I am not a good kisser.” He touched the corner of her lips. “You don’t know how to kiss yourself. How ironic!”

Nang matauhan siya ay naglalakad na ito palayo sa kanya. He kissed her and she had no comeback from the snide remark. He was right. Di nga siya marunong humalik. Drat him! Did he really have to do that just to make a point?

At ang masama ay pinagtatawanan pa siya ng walanghiya. Sinabihan pa siyang di marunong humalik. Gusto sana niyang pangibabawin ang inis dito pero parang hinigop na nito ang lahat ng lakas niya. Bukas na lang siya magagalit. For now, she would just dream. Because that kiss was something to dream about.

But just for tonight.

ALAS nuwebe na ng gabi nang dumating si Yoanna sa condo ni Alastair sa Makati. Day off niya kinabukasan kaya pagkatapos ng duty sa guesthouse ay lumuwas na siya sa Manila dahil na rin sa pakiusap ng kaibigan. Kapag kailangan siya nitong palabasin ng riding club para lang makausap, isa lang ang ibig sabihin. May malaki itong problema.

“Good evening, Ma’am,” bati ng butler nito.

“Good evening. Nasaan si Alastair?” tanong niya.

“Nasa mini-bar, Ma’am.” Then she was led to the mini-bar.

Hangos niyang nilapitan si Alastair nang makitang namumungay na ang mata nito dahil mukhang kanina pa nito nilulunod sarili sa alak. “Al, what are you doing? Di ba usapan natin hindi ka na maglalasing kahit pa may problema ka?”

“Natatakot na ako, Yoanna. Pine-pressure ako ni Papa na sumali sa riding club.” Umiling ito. “I don’t want to. Wala namang babaeng member ng riding club, di ba? Saka ayoko sa mga kabayo.”

“Then tell him that you are too busy to join that riding club. O kaya magdahilan ka nang kung anu-ano.”

Malaking problema nga naman kapag pumasok ito sa riding club. Minsan na niya itong nakasamang mag-horseback riding nang dalawin nila ang isang kaibigan noong college sa rancho nito sa Batangas. Nagtitili lang nang nagtitili si Alastair nang magwala ang kabayo. Kung mangyayari iyon sa riding club, tiyak na isang malaking gulo iyon. Malalaman ng lahat ang tunay nitong pagkatao.

“Pero sabi ni Papa, totoong lalaki daw ang ako kapag naging member ng club. And a real man should be great with riding a horse,” anito at nagbuhos ulit ng brandy sa baso.

“Pretend that you are sick that day.”

“Ang tunay na lalaki, kaya pa ring harapin ang kahit anong pagsubok kahit na may sakit. Iyon ang sasabihin sa akin ni Papa. What will be my excuse?”

Mukhang wala na itong takas pa. Gudofredo Mondragon was raised by his father who was a military man. At titiyakin nitong maipapasa nito ang sukatan ng pagiging tunay na lalaki sa mga anak. Malas lang ni Alastair dahil isa itong Darna.

Tinapik niya ang balikat nito. “Pagbigyan mo lang sila na susubukan mo ang riding club. Ipapakita muna natin sa kanila kung paano maging isang tunay na lalaki. Until you are ready to tell them the truth.”

“Just a couple of months more. Kapag successful na ang malaking deal na maiko-close ko sa isang Japanese company, masasabi ko na sa kanila ang totoo. Masasabi ko na rin sa kanila ang tungkol sa amin ni Burke. Pero sa ngayon, kailangan ko munang gawin ito.”

Niyakap niya ito nang mahigpit. Sa pinagdadaanan kasi nito, siya lang ang karamay nito. Kaya susuportahan niya ito kahit na anong mangyari.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.