Taming the Brash Princess (Filipino) Chapter 30

"She is not herself,” usal niya.

Inilahad ng tiyahin ang palad "Huwag mo siyang pigilan na mag-perform. Everyone's enjoying her song."

"Nosi! Nosi balasi? Sino? Sino ba sila?" Kanta nito at tumuro sa audience hanggang tumigil ang daliri sa kanya. Nanlaki ang mga mata nito pero kalaunan ay namungay ang mga mata at ngumiti. "Miller! Miller, my love!" sigaw ng babae at kumaway sa kanya.

Nagtinginan ang lahat ng mga tao sa kanya at muntik na niyang takpan ang mukha niya. Lumapit ang babae sa kanya at hinatak ang kamay niya. "Palakpakan naman natin si Miller. Love na love ko siya kahit di niya ako mahal. Mahal ko pa rin siya kahit na dapat siya ang kasama ko dito. Pero kita n'yo naman ngayon lang siya dumating kasi inuna niya 'yung ex-girlfriend na nang-iwan sa kanya. Nakakapagod palang magmahal ng di ka naman mahal."

Lasing na nga ito. Namumungay ang mata nito at wala nang preno sa sinasabi. Ibinunyag na nito ang personal nilang isyu sa harap ng mga estranghero. Nanlisik ang mata ng mga ito. Kontrabida siyang bigla ngayon. Nililinaw nila dapat ni Nadine ang isyu nang silang dalawa lang, di sa harap ng ibang tao. Mabuti na lang at may palusot siya sa gulong iyon dahil lasing ang dalaga.

Hinawakan niya ang braso nito. "That's enough. You are drunk."

"Lasing ako pero masaya ako," nakangisi nitong sabi. "Kahit magbalikan pa kayo ng Chloe na iyon, lakompake! Kasi maraming nagmamahal sa akin dito. Nandito si Lewis. Di niya ako sasaktan."

A gigolo. Really? Sa isang iglap lang mas gusto na nitong makasama ang gigolo na iyon kaysa sa kanya? Kailangan na nga niya itong ilayo sa lugar na iyon. "Let's go home, Nadine.”

Pumiglas ito. "Ayoko. Kakanta pa ako. Kung gusto mo ikaw na lang."

"Ano ba? Nakakahiya na ang ginagawa mo,” pabulong na angil nito.

"Nakakahiya? Oo ganyan ka naman ikinahihiya mo ako lagi. Kahit naman anong gawin ko, lagi na lang mali. Kahit magpakatino ako at magpakahinhin at magpakasosyal, di mo naman ako mamahalin. Kahit maging mas maganda o mas mabait pa ako sa Chloe na iyon, siya pa rin ang pipiliin mo. Wala akong laban sa kanya."

Dinibdib nga nito ang biglang pagsulpot ni Chloe kanina. Nang di siya sumabay dito papunta sa party, iniisip nito na dahil iyon sa dating nobya.

Umiling siya. "Nadine, that is not true."

Pero di siya nito pinansin at nagpatuloy sa paglilitanya. Itinutok pa ang mikropono sa bibig. "Ako naman itong si tanga sunud-sunuran sa iyo. Ayoko na. Ayoko nang maging kahihiyan para sa iyo o para sa mga Baluarte. Ayoko na lang laging tinatrato na pagkakamali. Magwawalwal ako kung gusto ko at walang magsasabi sa akin na mali ako. Magsasayaw ako at maglalasing kung gusto ko at walang magsasabi sa akin na di bagay sa pagiging Baluarte ko o di bagay para sa babaeng nasa tabi mo. Gagawin ko kung ano ang magpapasaya sa akin kasama ang mga taong di ako ikakahiya. Doon sa mga taong tanggap ako.”

"Hindi kita ikinakahiya. Wala ka nga sa sarili mo..."

"Hayaan mo siyang mag-enjoy kung gusto niya," sabi ng lalaki na mahaba ang buhok at nakasuot lang ng floral pants. Tumayo ang lalaki sa likod ni Nadine. "Masaya kaming lahat na nag-e-enjoy si Miss Nadine."

Ah! The gigolo to the rescue. Ito naman ang hinarap niya. "Masaya kayo na mukha siyang tanga sa harap ng lahat? She’s not your entertainment.”

Itinaas ng dalaga ang mga kamay. "Masaya ako kahit mukhang tanga ngayon. Lakompake! Mukha nga akong tanga sa pagmamahal sa iyo pero masaya ka ba? Na-appreciate mo ba ako? Umalis ka na nga. Bawal ang killjoy dito." At itinulak siya ni Nadine sa dibdib at nangilid ang luha sa mga mata. "Umalis ka na. Masaya na nga ako nang wala ka. Heto ka na naman. Nananakit ka na naman."

Parang sinampal siya nang makita ang sakit sa mukha ng dalaga. Siya ang nagdala ng lungkot sa mga mata nito. Siya ang dahilan kung bakit ito umiiyak. He felt like a jerk. Lalapitan sana niya ito pero naestatwa siya sa kinatatayuan.

"Halika na. Naghihintay na ang mga fans mo," pang-aayo ni Lewis at inakay ito.

Akmang pipigilan niya ang babae nang humarang si Tita Monina. "Let her be. Let her enjoy this day. As you can see she is safe.”

Safe? She would be safe away from that gigolo. Pero wala siyang nagawa kundi lumayo na lang sa stage at hayaang kumanta-slash-magwala si Nadine. Tumalikod siya at frustrated na ihinilamos ang palad sa mukha habang naglalakad palayo. Lumabas siya ng music lounge at hinayaan si Karim na magbantay.

"Mag-usap tayo, Miller," anang tiyahin na nakasunod sa kanya.

Tumigil siya sa paglalakad at hinarap ang tiyahin. "This is all your fault. Hinayaan mong makasama niya ang gigolo na iyon. He puts ideas inside her head."

"What? Anong ginawa ni Lewis sa kanya? Pinasaya lang naman niya si Nadine. Masama bang maging masaya? At paanong kasalanan ko ang lahat? Ang pagkakatanda ko, dumating siya dito nang malungkot, miserable. Do you know why? Because of you. Di ko kasalanan na malungkot siya. Gumawa lang ako ng paraan para maging masaya siya. You made her miserable, Miller. Kung may problema ka sa akin at di mo gustong pumunta sa birthday ko, di ka na sana nangako kay Nadine. Kung may isyu ka sa akin, di mo na sana siya idinamay. Kailangan pa talagang iparada sa harap niya ang ex-girlfriend mo. How could you be so cruel?”

“That was unintentional,” depensa ng binata. “Wala po akong plano na saktan siya. It is just…” Paano ba siya magpapaliwanag sa tiyahin?

Dinuro nito ang dibdib niya. “Huwag mong ipasa sa akin ang kasalanan mo. Ngayon, kung sisisihin mo lang ako sa pagpapasaya kay Nadine, makakaalis ka na sa resort ko. Masaya si Nadine bago ka dumating. You are ruining her night.”

"Di po ako aalis nang di kasama si Nadine," matapang niyang sabi. Kahit kaladkarin pa siya ng guards palabas ng resort, lalaban siya. Di niya iiwan mag-isa ang dalaga doon kahit pa may bodyguards, kahit pa kinamumuhian siya nito.

Matamis na ngumiti si Tita Monina. "I know. Kaya dito ka lang. Enjoy my birthday. Help yourself with the food. Tingnan mo rin kung paano i-entertain ni Lewis si Nadine. You might learn a thing or two. Dapat siguro maging klaro sa iyo ang policy dito sa resort ko, Miller - men must do everything to make women happy. Mga babae ang masusunod dito. Matuto kang sumunod sa patakaran.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.