“ANO? Sinabi mo na di mo lalagyan mo ng gayuma ang ipapakain niya? Baliw ka talaga.” Nakatirik ang mga matang sabi ni Tessa habang nag-I-inventory ng mga stocks nila sa shop. “Bad shot ka pa nga sa kanya dahil sa palpak mong date kay Christian Compostella, humirit ka pa ulit.”
“Kasi masyado siyang seryoso. Joke lang naman iyon. Pati ba iyon seseryosohin niya? Mukha ba akong desperada sa kanya?”
“Oo. At saka kahit sino namang lalaki matatakot sa iyo. Tapos sinabihan mo pang gagayumahin mo. Kahit naman ako didistansiya sa iyo.”
Itinapik niya ang ballpen sa record book nila. “Huwag ka namang ganyan. Alam mo naman na puro pagmamahal lang ang handa kong ibigay kay Miller.”
“Malay naman niya kung babaliin mo ang buto niya.”
“Tulungan mo na lang ako kung paano siya aakitin. Sige na,” ungot niya sa kaibigan.
“Sa palagay ko base sa mga naka-date niya dati, gusto niya ng mga babaeng mahinhin at classy kung kumilos. ‘Yung tipong prinsesa na kailangan mo laging alalayan at alagaan. Nagigising ang protective instinct nila sa ganoong babae.”
“E nandoon naman siya para protektahan pa rin ako. Kaso parang kahit ano namang gawin ko parang di siya maniniwala na classy ako at mahinhin. Saka instinct ko na talaga ang lumaban para sa sarili ko at sa ibang tao.”
At tumirik ang mga mata niya. Ayaw nga niya na maging mahinang babae. Mas gusto niya na ipakita na kaya rin niyang gawin ang ginagawa ng mga lalaki. Sa ganoong paraan siya pinalaki ng ina. Isinaksak nito sa utak niya na wala siyang ibang aasahan kundi ang sarili.
“Pwede ka namang magpanggap. Minsan lang. Dahil sa damsel in distress effect na iyan nakakuha ako ng machong boyfriend.”
“Naku! Ayoko ng mga ganyang gimmick.” May pride naman siya.
“Pwes! Di mo makukuha si Miller. Wala kang forever. Magtrabaho ka na nga lang nang may mai-ambag ka naman sa ekonomiya ng bansa.”
“Baliw na ‘to. Ikaw ang amo ko?” tanong niya at minulagatan ang kaibigan
“Sorry na po, Madam Amazona kaya di magka-boyfriend. Ubos na pala ang name headbands natin. Kailangan na nating umorder ng bago,” anito sa mas malumanay na boses.
“Mabuti iyan. Malapit na naman ang pasukan ng mga bata. Malaking tulong sa mga nanay kung maraming orders para sa mga bayarin nila. Sana may ganito ring program noong nabubuhay pa si Nanay. Mas madali siguro ang buhay para sa kanya.”
Kung anu-anong raket ang pinasok ng nanay niya noon para lang buhayin siya. Dahil di naman ito nakatapos ng pag-aaral, mahirap ang makahanap ng trabaho. Manikyurista ito at may paninda pa pero kulang pa rin. Kaya napilitan na rin siya na patagong magtinda-tinda noon. Nagalit ang nanay niya sa kanya nang malaman at umiyak dahil pakiramdam nito ay malaki ang kakulangan nito bilang nanay sa kanya. Kung ito ang masusunod, gusto nito na bigyan siya ng maalwang buhay.
Kaya nauunawaan niya ang pinagdadaanan ng mga nanay. Nang magbukas siya ng online shop para ibenta ang mga damit na di na niya kailangan, nagbigay-daan din iyon para maisip niyang kumuha ng produkto mula sa maliit na komunidad gaya ng pinanggalingang squatter’s area. Isang asosasyon ng mga kababaihan ang nabuo sa tulong ng professor niya noong college at nakipag-coordinate din sila sa ibang women’s group para makapaglagak ng produkto ng mga ito at maibenta sa internet. Unti-unti nang nakikilala ang online store nila. Di nga lang milyon ang kikitain nila pero alam niyang malaking tulong iyon sa mga mahihirap na nanay.
“Hello, Mrs. Mendez! Ipapa-pick up na po ba ang in-order ninyong yema spread para sa mga amiga ninyo?” malambing na tanong ng kaibigan. Napansin ni Nadine na namutla si Tessa habang kausap ang customer. “I-Ika-cancel na po ninyo. May problema po ba?” Lumunok ang kaibigan at lumingon sa kanya. “Video po? Baka naman pwedeng pag-usapan ito, Ma’am. Hindi naman po siguro…” Ngumiwi ang kaibigan at inilayo ang awditibo sa tainga.
“Anong problema? Bakit daw nag-cancel ng order si Mrs. Mendez?” tanong niya. Isa ang babae sa mga bagong patron nila at marami kung kumuha ng order.
“Napanood daw nila ang video mo nang muntik mong ihulog sa bangin si Christian.”
“May naglabas ng video?” tanong niya.
“May guest na kumuha ng video at in-upload sa internet. Tapos may nagsalita na staff niya na nagwala ka daw nang malaman mong nagwala ka daw nang malaman mong may anak siya sa ibang lalaki at di ka daw pumayag na makausap.”
“Ampotah! Sinungaling siya!” Baka inutusan lang ang staff na iyon para palabasin na masama siya.
“Lumalabas na di naman alam ang buong kwento at ginawan ng sariling conclusion. May mga nagcomment kasi na kilala ka daw basagulera at palaaway. Kung umasta ka daw akala mo malinis ka pero taga-squatter’s ka naman talaga. Ilang taon ka na daw mayaman pero squatter ka pa rin.”
“Ako?” tanong ni Nadine at itinuro ang sarili. “Squatter talaga ako. Di ko naman ikinakaila iyon. Ano naman ang kinalaman no’n sa products natin?”
“Iyon ang sabi. Di ka daw magandang impluwensiya sa mga kababaihan.” Pilit na ngumiti ang kaibigan. “Di bale. Isang customer lang naman iyon.” At muling nag-ring ang telepono para sagutin nito.
Nag-ring din ang cellphone niya. “Hello, Krishna!” bati niya sa customer na madalas umorder ng herbs sa kanila at organic products.
“I saw your video. Is that really you? I can’t believe you did that to Christian. He is a nice guy. I met him during a gala. How could you?”
Sinapo na lang ni Nadine ang noo. Mukhang di madaling magpaliwanag lalo na’t mukhang mas maganda ang reputasyon ni Christian sa kanya. Magiging mahaba ang araw na ito para sa kanya.
“WALA DAW akong class. Galing ako sa squatter at mababang klaseng babae ang nanay ko. Iba daw ang women empowerment sa nananakit ng lalaki. Mga sira ulo. So pag binastos ka, dapat ba umiyak na lang ako. Women empowerment ba iyon? Dapat ba mag-iiyak na lang ako at di ko ipaglaban ang sarili ko? Kapag ba galing sa squatter at ipinaglaban ang sarili niya, di ba pwedeng lumaban. Anong gusto nilang gawin ko? Umiyak na lang sa isang tabi?”