“IYAN na ba ang magiging bagong nobya mo? Paano naman iyong isang isinama mo noong nakaraan?” nanunuksong tanong ng kababata ni Arice na si Roger. Ito ang nagbabantay ng mga kubo sa tabi ng spring na isa sa tourist spot doon.
“Ikaw talaga. Paano ako sasagutan kung anu-ano naman ang paninira mo sa akin. Hindi naman ako nagsasama ng babae dito,” tatawa-tawang sabi ni Arice. “Ikaw kamo ang maraming babaeng idinadala dito.”
“Naku! Huwag kang maingay at baka makarating sa asawa ko. Pero Riva, mabait ‘yang si Arice. Saka wagas kapag nagmahal iyan,” sabi ni Roger.
“Oo. Kaya gayahin mo ako,” wika naman ni Arice.
Wagas kung magmahal? Parang napaka-ideal na pakinggan. Iyon ang pinapangarap ng kahit sinong tao – ang makatagpo ng magmamahal dito habambuhay. Why did she feel so empty just now? Dahil ba hindi pa niya iyon nararamdaman o dahil wala pa siyang natatagpuan na magmamahal sa kanya ng wagas. At di rin niya alam kung may dadating na ganoong lalaki sa buhay niya.
Funny. Dati ay allergic siya sa usapin ng pag-ibig. Dahil kay Arice ay napapaisip tuloy siya. Masyado ba siyang manhid kaya di niya maramdaman?
“Ang sarap talaga ng empanadang luto ng mahal ko,” sabi nito habang sunud-sunod ang kagat ng empanada. “Hindi pa rin niya nakakalimutan ang paborito ko. Gusto mo?”
Dumilim ang mukha niya at umiling. Nairita siya nang mabanggit nito ang tungkol kay Estrella at sa empanadang iyon. Naiinis siya. Parang gusto niyang isungalngal kay Arice ang empanada na luto ni Estrella. Di niya alam kung bakit.
Kumuha ito ng empanada at inilapit sa labi niya. “Naku! Huwag ka nang mahiya sa akin. Marami naman ‘to. Gusto mo ba subuan kita?”
“Ayoko,” aniya at iniwas ang mukha dito.
“Sige na. Isang kagat lang. Masarap ‘to.”
“Ayoko sabi!” Itinulak niya palayo ang kamay nito. “Ayoko sa empanada na ‘yan. Sa iyo na lang!”
Natigagal ito sa gulat sa inasal niya. “Cool ka lang. Kung ayaw mo ng empanada, wala namang problema. Di mo ako kailangang sigawan. Sungit!” anito at inabutan siya ng bottled juice. “O! Masyadong mainit ang ulo mo.”
Tinungga niya ang juice at mataman itong tinitigan. Bakit ba naninikip ang dibdib niya dahil sa empanada na iyon? Habang masayang-masaya naman siya at parang kinikiliti kapag sweet sa kanya si Arice. Naiinis na talaga siya. Hindi na niya maintindihan ang nangyayari sa sarili niya.
“I don’t think I can do this,” wika niya. “H-Hindi ko alam ang gagawin para ipakita na gusto rin kita.”
“Ha?”
“Hindi ako sweet. Hindi ko alam ‘yang pagseselos na ‘yan. Hindi ko alam kung paano kiligin. Wala akong idea kung paano umakto ang mga taong in love. Hindi ko alam kung paano mas mapagseselos si Estrella. Hindi naman pwedeng ikaw lang ang laging sweet sa akin. Dapat alam ko rin kung paano maging sweet sa iyo. At hindi naman ako ganoong tao. I am too cold, too mechanical.”
Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. “Relax. Nagpa-panic ka.”
“Paano ako hindi magpa-panic? What if I screw up? Paano kundi ko maipapakita na gusto rin kita? Hindi natin makukuha ang reaksiyon na kailangan natin. Ayokong pumalpak. Pwede bang si Renzie na lang ang i-flirt mo?”
Basta guwapo madaling pakiligin si Renzie. Hindi sila mahihirapan.
Marahan itong umiling. “Nope. I don’t want to risk it. Baka mamaya ma-in love pa sa akin iyon. Mas mahihirapan tayo. Ayokong maging mas komplikado ito.” Hinawakan nito ang dalawang kamay niya at pinisil-pisil nito na parang binibigyan siya ng moral support. “You are still the best option. Mas konti ang nakakaalam ng plano natin, mas maganda. Kaya mo ‘yan.”
Mariin siyang pumikit. Parang napakasimple lang ng task nila noong una pero hindi naman pala ganoon kasimple ang lahat.
Tinitigan niya ang magkahawak nilang kamay. Alam niyang unfair para dito dahil malaki ang tiwala nito sa plano nila. “Hindi ko alam ang gagawin ko.”
Ilang beses pa nitong pinisil ang kamay niya at di ito kumibo. “Iligpit natin ‘tong mga gamit. May alam na akong makakatulong sa atin.”
“Ano? Sino?” tanong niya.
Hindi nito sinagot ang tanong niya kaya tinulungan na lang niya itong magligpit ng mga gamit. Kahit sa sasakyan ay tahimik ito kaya wala siyang ideya kung ano ang pinaplano nito.
Makalipas ang kulang kalahating oras ay nakarating na sila sa bayan. BUmaba sila sa tapat ng bilihan ng mga school supplies. “Ate Caridad, may mga Tagalog pocketbooks pa kayo diyan?”
“Oo naman. May mga bagong dating kami galing Maynila. Mamili na kayo.” At saka inilapag sa harap nila ang mga pocketbooks. “Mamili lang kayo diyan, ha? At haharapin ko ang ibang mga customer ko.”
“Anong gagawin ko diyan? Hindi ako nagbabasa niyan,” mariin niyang bulong dito. Nako-kornihan nga siya sa mga nagbabasa ng pocketbooks. Pakiramdam kasi niya ay inuuto lang ng mga ito ang publiko.
“Mamili ka na lang diyan ng sa palagay mo mas corny. Mas corny ang isang istorya, mas maganda,” ngingiti-ngiti nitong sabi.
“Nang-aasar ka ba?” asik niya.
Tumawa lang ito at binasa ang mga teaser ng libro. Siya naman ay walang napili kaya hinayaan na lang niya ito. May sampung pocketbooks din ang napili nito. Nang makasakay na sila sa kotse nito ay ipinatong nito ang pocketbooks sa kandungan niya.
“Basahin mo lahat iyan. Pinili ko ‘yung mga cheezy at di masyadong madrama para ma-grasp mo agad ang concept,” sabi nito.
“Concept ng ano?”
“Ng pagiging in love. Kung gusto mong malaman kung ano ang nararamdaman ng mga taong in love, pag-aralan mo iyan. Iyan lang ang makakatulong sa iyo para malaman mo kung paano umakto ang mga in love.” Bubuka sana ang bibig niya para tumutol. “We are partners so I need your cooperation. Alam mo kung gaano ito kaimportante sa atin.”
Huminga siya ng malalim. “Fine. Kapag namatay ako sa kakornihan ng mga ito, kasalanan mo. At mumultuhin kita.”
Tumawa lang ito at pakanta-kanta ng love song habang nagmamaneho. Sana lang ay maging effective iyon.