PASADO ALAS KUWATRO pa lang ng madaling-araw ay gising na siya. Naghihilik pa ang mga kasama niya sa kuwarto ay bumaba na siya ng kusina para magtimpla ng gatas. Maaga pa lang pero abala na ang mga tao sa kusina para sa pagluluto ng agahan. Ganoon naman sa probinsiya. Gumigising yata ang mga tao doon kasabay ng pagtilaok ng manok.
“Good morning,” nakangiti niyang bati.
“Good morning po, Ma’am Riva. Maaga po yata kayong bumangon.”
“Oo. Magdya-jogging kasi kami ni Arice ngayon,” aniya at kumuha ng fresh milk sa refrigerator.
“Ay! Si Arice po? Kababata ko po siya. Nanliligaw po ba siya sa inyo, Ma’am? Maswerte po kayo kasi marami pong babaeng nagkakagusto sa kanya.”
Mahina siyang tumawa. “Magdya-jogging lang naman kami.”
“Sus! Dito sa amin, kapag niyaya ng lalaki ang babae na lumabas kahit jogging lang, nanliligaw na po iyon, Ma’am.” Mabilis ang rapido ng bibig nito kasabay ng mabilis na pagtatadtad ng sibuyas. “Kababata ko iyon at barkada pa po ng asawa ko kaya alam ko po ang likaw ng bituka niya. Pero wala naman po kayong pagsisisihan, Ma’am. Di lang guwapo ‘yang si Arice. Mabait din at masipag. Saka hindi lumalaki ang ulo. Di niya nakakalimutan ang kaming mga kababayan niyang nakasama niya noong mahirap pa siya.”
“Ano naman ang masasabi mo sa kanya pagdating sa babae?” tanong niya at tinungga ang gatas sa baso.
Pumalatak ito. “Grabe siyang magmahal, Ma’am. Ipinaglalaban talaga at hindi sumusuko. Saka di iyan basta-basta pumapatol sa babae kahit babae na mismo ang naghahabol sa kanya. Talagang maginoo. Alam ko po mahigit isang taon na rin siyang walang girlfriend. Asawa na nga lang ang kulang sa isang iyon. Sana nga po magkaroon na siya ng asawa at nang makumpleto na ang kaligayahan niya.”
Malungkot siyang ngumiti. “Sa dami ng pinagdaanan niya sa buhay, dapat lang na maging masaya siya. Kailangan niya ng isang babae na mag-aalaga at magmamahal sa kanya. ‘Yung kaya siyang ipaglaban kahit na kanino.”
“Korek kayo diyan, Ma’am. Mukhang malalim po ang pagkakakilala ninyo kay Arice. Naku! Mukhang iba na yata iyan,” tukso nito.
“Ito talaga,” natatawa na lang niyang sabi. Hindi niya alam kung bakit kinikiliti ang puso niya kapag tinutukso kay Arice. “Ano bang agahan natin?”
“Longganisa po. Paborito ni Arice ang longganisa na ipapalaman sa pandesal. Ipagluluto ko kayo ng ibabaon ninyo,” sabi nito.
Mahabang sandali siyang napatitig habang sinusundan ang kilos ni Daisy nang kunin ang longganisa sa refrigerator. “Daisy, ako na ang magluluto para sa kanya,” prisinta niya.
“Talaga?” nagniningning ang mata nitong sabi at ibinigay sa kanya ang supot ng longganisa. “Naku! Ang sweet naman ninyo, Ma’am. Ipagluluto pa ninyo siya.”
Nawala ang ngiti niya nang mapatitig sa longganisa saka lumingon dito. “Ah… hindi ko pala alam kung paano iluto ito.”
Hindi naman kasi siya talaga nagluluto. Hindi nga siya interesado sa kusina at sa pagluluto. Ang alam lang niya ay kumain. Kaya hindi niya alam kung anong pumasok sa kukote niya at ipagluluto niya si Arice. She just wanted to do it for him.
Kinuha nito ang kawali at inilagay sa ibabaw ng kalan. “Ipiprito lang po iyan, Ma’am. Hindi naman po mahirap iluto.”
“Lalagyan ko na ba ng mantika?” tanong niya at dinampot ang bote ng mantika.
“Hintayin po muna ninyong uminit ‘yung kawali.” Itinapat nito ang kamay sa kawali. “Malalaman po ninyong mainit kapag umuusok na. Tapos lalagyan po ninyo ng tubig para pakuluan muna ang longganisa.”
“Hindi ba prito lang? Bakit pakukuluan?” tanong niya.
Ipinaliwanag nito kung bakit. Kailangan pala ng mahabang pasensiya sa pagluluto. Parang napakatagal naman kasi ng paghihintay para mailuto ng tama ang pagkain. Sanay kasi siya ng isang kumpas lang ay napapalabas na niya ang mga letra at numero sa computer niya. She could easily relay what’s on her mind and she could easily make it happen. Pero hindi ganoon sa pagluluto.
Matapos mapakuluan ang longganisa at matanggalan ng tubig ay saka lang inilagay ang mantika. Nataranta siya nang magtalsikan iyon. Bigla siyang nagtago sa likuran ni Daisy. “Hala! Anong gagawin ko diyan?”
“Hihintayin po ninyong mamula at maluto saka babaligtarin. Easy lang kayo, Ma’am. Mantika lang naman ang kalaban ninyo.”
Pero hindi madaling makibaka sa mantika. Ilang beses din siyang natalsikan sa kamay at sa braso. She was not used to this kind of battle. Hindi niya magamit ang matalas niyang dila sa kalaban niya.
“Ma’am, luto na po iyan. Pwede nang iahon,” untag sa kanya ni Daisy.
“Talaga? Luto na ito?” di makapaniwala niyang usal. “Nakapagluto ako ng longganisa?” Pakiramdam niya ay may na-solve siyang misteryo ng mundo. Gusto niyang humalakhak ng malakas. “Okay na ito? Hindi sunog at hindi rin hilaw?”
Nag-thumbs up si Daisy. “Perfect na po iyan, Ma’am. Nakahanda na rin po ‘yung baunan na paglalagyan niyan. Patitiktikan na lang po natin ang mantika.”
Nakaramdam siya ng pagmamalaki sa sarili habang inilalagay sa baunan ang longganisang luto niya. Hindi niya sukat-akalain na maipagmamalaki niya ang ganitong accomplishment. Siguro dahil sumumpa siya kahit noong bata-bata pa siya na hindi siya magluluto para sa kahit na sinong lalaki. Pakiramdam kasi niya ay alipin ang mga babae na nagsisilbi sa asawa ng mga ito noon. Na dapat ay may iba pang propesyon ang isang babae bukod sa pagiging plain housewife at paggawa ng mga gawaing-bahay.
But she realized that it wasn’t so bad. Hindi rin naman pala nakakatakot na magluto. Akala lang niya na makakasunog siya ng kusina o bahay. Maliban sa ilang talsik ng mantika sa kamay niya at sa nakakainip na paghihintay ay masaya naman palang magluto.
“Riva, anong ginagawa mo dito sa kusina?” gulat na tanong ni Estrella na kasunod ang Kuya Ernest niya.
“Senorita, nagluto po siyang longganisa para kay Arice. Magdya-jogging po kasi sila ngayon,” kinikilig na kwento ni Daisy.
“Aba! Nagdadalaga ka na pala. Nagluluto ka na para sa lalaki. Patikim naman ng luto mo,” ungot ng pinsan niya at akmang kukuha ng longganisang luto niya.
Iniiwas niya dito ang plastic food case na may nakasuson na aluminum foil. “Kuya, kay Arice ito. Ipagluluto naman kayo ni Daisy ng breakfast.”
Lumungkot ang anyo nito at bumagsak ang balikat. “Ganoon? Si Arice lang pala ang ipagluluto mo?”
Tinapik niya ang pisngi nito. “At baka hindi na ako magluto ulit oras na bumula ang bibig niya dito. So wish me luck.”
Humalakhak ito. “Magdadasal akong mabuti para masiguro na hindi mo mapapabula ang bibig ni Arice. I don’t want to see you in jail.”
“Sir Ernest, nandiyan na po si Arice sa labas at sinusundo si Ma’am Riva,” anang asawa ni Daisy na si Vergel.
Bigla siyang nakadama ng excitement. “Nandiyan na si Arice.”
Nagtatakbo siya palabas ng bahay. Gusto na niyang makita si Arice sa di niya malamang dahilan. Matapos niya itong di makita kagabi habang kausap ito sa phone ay hindi na siya makapaghintay na makita itong muli.
She didn’t know why she had this weird excitement. Parang bata siya. She didn’t care why. She just wanted to see him. Hindi na nga niya pinansin ang pagtawag ni Ernest sa kanya na hintayin niya ito.
Natigilan siya sa pagtakbo nang makita si Arice na kausap si Estrella.