"I will make an exemption. Ikaw na ang pumigil sa kasal nila. Please?"
"Tigilan mo na nga 'yan. Sarili mo na lang ang isipin mo."
"Pero..."
"Oy, Riva. Baka nakakalimutan mo kung nasaan tayo. Teritoryo ito ng pakakasalan ng kuya mo. Isang mali mo lang dito, kukuyugin ka ng mga tao. Kung may plano ka, wag mo akong idamay. Gusto ko pang mabuhay ng matagal."
"Anong klase kong bestfriend? Ni hindi mo ako matulungan."
"Wala na sa lugar 'yang pag-aalala mo sa kay Ernest. Hindi na siya menor de edad."
"So hahayaan ko na lang siya na magpakasal sa bampirang iyon? That woman will suck him dry. Kailangang makagawa ako ng paraan para lumabas ang tunay na kulay ng babaeng iyon bago pa man matuloy ang kasal."
"Kalimutan mo na 'yan. Tingnan mo ang magandang tanawin. Ang mga bukirin at mga kakahuyan. Appreciate the beauty around you. Nasa Rosario na tayo. Mukhang di kalayuan dito ang Villa del Carmen."
Saka lang niya napansin ang berdeng tanawin na nadadaanan nila. Maulan kasi kanina kaya maulap pero ngayon ay nagsisimula nang sumilay ang araw. Ilang beses niyang pinangarap na magbakasyon at mag-relax sa ganoong lugar. Kundi lang dahil sa bruhang Estrella na iyon ay matatahimik sana ang isip niya.
Diniinan niya ang gas at pinaspasan ang takbo. "Malayo kasi 'to sa sibilisasyon. Di ako magtataka kung may lahing mangkukulam ang Estrella na iyon at ginayuma si Kuya Ernest."
Paano ba niya mapipigilan ang kasal? Wala na siya halos tulog sa kaiisip. At di siya mapapahinga hangga’t di niya napipigil ang kasal.
"Riva, dahan-dahan lang!" tili ni Renzie at napahawak sa sandalan ng upuan. Nanlalaki ang mata nito at parang takot na takot.
Nang makita niya ang daan sa harap niya ay isang pulutong ng itik ang tumatawid sa kalsada. Mukhang hindi pansin ng nagpapastol ang paparating nilang sasakyan. "Tabi!" sigaw niya at diniinan ang busina. Diniinan din niya ang preno pero dahil madulas ang kalsada ay hindi iyon kumagat agad. Nanlaki ang mata niya dahil masasapol nila ang matandang nagpapastol ng itik. Ipinaling niya ang manibela at nakita niyang pabulusok sila sa palayan. Katapusan na yata niya.
HUMIHINGAL si Riva habang habol ang hininga niya at nakatitig sa palayan sa harap niya. Malakas na malakas ang tibok ng puso niya. Hindi pa siya patay. Hindi pa siya patay.
"Diyos ko! Huwag po Ninyo akong kunin. Hindi pa po ako sinasagot ng crush ko. Gusto ko pa pong magka-boyfriend. Ayoko pang mamatay!" palahaw ni Renzie na nakayakap sa sandalan ng kotse na parang doon nakadepende ang buhay nito.
"Renzie, buhay pa tayo," untag niya dito.
"Huwag po ninyong kunin pati ang kaibigan ko. Virgin pa po 'yan. Kahit halik di pa niya natitikman!"
Niyugyog niya ang balikat nito. "Renzie, manahimik ka nga! Mabibingi ang Diyos sa sigaw mo. At malamang alam na rin ng buong bayan ang tungkol sa akin. So manahimik ka o patatahimikin kita." Ipininid nito ang bibig at tumango-tango."May masakit ba sa iyo?"
Puro iling ang isinagot nito. Saka ito humawak sa ulo at bahagyang ipinilig. "Medyo nahilo lang ako."
"Good. Okay lang din ako." Sobrang bilis lang ng tibok ng puso niya dahil akala niya ay kamatayan na niya.
Mabuti at nakasuot sila ng seatbelt kaya ligtas sila. Lumabas siya ng kotse at tiningnan kung may damage. Mukhang wala naman sira. Lumihis lang sila ng lane at tumigil na ang kotse bago pa man malaglag sa palayan.
Nilingon niya ang mga itik na iniwasan niya kanina. Nilapitan niya ang batang nagpapastol sa mga ito. “Bata, ayos ka lang ba?” tanong niya sa batang bahagya pang nahintatakutan.
Tumango ito. “O-Opo. Ayos lang po ako. Pero ang mga alaga ko po…” At tiningnan nito ang ilang itik na duguan at walang buhay. Ang ilan naman ay pipilay-pilay pa at mukhang naghihingalo na rin.
“Sino ba ang may-ari ng itik na iyan? Ako ang makikipag-usap,” pormal niyang sabi.
“Sandali po. Pupuntahan ko po si Lolo Taboy,” sabi ng bata at tinaboy ang iba pang itik na nasa kabilang gilid ng daan para makabalik sa bahay kubo sa kabilang kalsada. Mukhang nandoon ang may-ari ng itik.
Binalikan sa kotse ang bag niya at saka niya napansin na nanginginig pa rin siya. Parang bad omen yata ang mga nangyayari. Mukhang pati siya ay ipinakulam ng bruhang Estrella na iyon. Nase-sense siguro nito na ayaw niyang pakasalan nito ang Kuya Ernest niya kaya kinokontra ng kapangyarihan nito na makarating siya.
“Sino? Sino ang damokles na sumagasa sa itik ko?” anang isang matandang lalaki na tumatawid ng kalsada at may hawak na pambambo. “Mga damokles kayo! Bakit pinatay ninyo ang mga itik ko?”
Nagtago sa likuran niya si Renzie at nahintatakutan. “Naku! Mukhang di yata tayo makakaligtas diyan kay Lolo. Mukhang member pa yata iyan ng Katipunan.”
Pumiksi siya. “Lolo, pasensiya na po kayo sa abala,” mahinahon niyang sabi at sinalubong ang matanda. “Hindi naman po namin sinasadya ang nangyari sa itik ninyo. Aksidente lang po ang nangyari. Babayaran ko na lang po pati po ang mga itik na nasaktan. Pasensiya na po talaga. Magkano po ba?”
Sinenyasan nito ang babaeng nakaalalay dito na sa palagay niya ay anak nito. “Ibyang, ilan ang mga itik na napinsala? Kwentahin mo nga.”
“Pasensiya na po talaga,” sabi ni Renzie. “Nagmamadali po kami dahil papunta kami sa Villa del Carmen. Bisita po kami sa kasalan doon. Alam naman po namin na mababait ang mga tao dito sa inyo. Laking probinsiya din po ako…”
“Sampung itik ang nasagaan ninyo kaya sampung libo lahat,” anang si Ibyang.
Napanganga siya at parang nabingi sa presyong ibinigay nito. “S-Sampung libo? M-Masyado naman po yatang mahal. Sampung itik lang naman iyan.” Isang libo ang isang itik? Nakaka-order nga siya ng isang buong Peking duck sa restaurant sa Manila pero hindi umabot ng five hundred pesos ang bill niya.
“Inahin kasi ang nasagaan mo, ineng. Kasama sa babayaran mo ang iiitlog pa sana ng mga iyan at mga kiti na mapipisa. Pati ang iaanak at magiging anak pa sana ng mga kiti na iyan. Aba’y mura pa nga iyang babayaran mo,” paliwanag ni Ibyang.
Bumagsak ang panga niya. “S-Sandali po. Bakit naman po ganoon?” Kailan pa nagkaroon ng ganoong patakaran sa Pilipinas? “Saka wala po kaming ganoon kalaking pera.”
“Kung ayaw ninyong magbayad, ipapa-baranggay ko kayo. Hindi ako papayag na hindi ninyo ako mabayaran. Mga tinamaan kayo ng lintik!” sabi ni Lolo Taboy at itinaas pa ang baston.
“Grabe naman po iyan,” sabi ni Renzie. Kinalabit siya nito. “Girl, anong gagawin natin? Mukhang walang ATM dito. Wala tayong ganoon kalaking cash. Ayoko ring makaladkad sa baranggay. Tawagan mo na kaya ang Kuya Ernest mo para tulungan tayo dito?”
It was too much. She felt like she was being robbed on broad daylight. Ano ba naman itong lugar na nasuutan nila?
Maaring matulungan sila ng Kuya Ernest niya pero tiyak na kasama nito si Estrella. Baka si Estrella pa ang makipag-usap sa mga opisyales ng baranggay at sa pamilya ni Lolo Taboy. Magkakaroon pa siya ng utang na loob dito.
“Hindi. Maiwan ka dito. Hahanap ako ng ATM,” sabi niya.
Nagpapadyak ito at kumapit sa braso niya. “Huwag mo akong iwan dito. Baka iihaw nila ako ng buhay. Bakit naman kasi pagkamahal-mahal ng mga itik dito,” angal nito. “Kung may tutulong lang sa atin na makaalis dito ngayon, ibibigay ko ang buong puso’t kaluluwa ko.”
“Miss, may problema ba dito?”