The Amorous Intruder (Filipino) Chapter 3

Nilingon ni Riva ang lalaking nagtanong para sabihing kaya na niyang i-handle ang problemang iyon. Pero natigagal siya dahil makisig ang dating nito sa simpleng white t-shirt at maong na pantalon. Parang bigla siyang pinangapusan ng hininga nang alisin nito ang Oakley shades at tumitig sa kanya ang maitim nitong mga mata. Nakakahipnotismo iyon. Matangkad ito at maikli ang wavy na buhok. Matangos ang ilong nito at may nakahandang ngiti ang mga labi. Pakiramdam tuloy niya ay isa itong model. Tiningnan niya ito mula ulo hanggang paa. Hindi rin ito mukhang magbubukid. Base sa Ford Ranger na nakaparada sa kabilang parte ng kalsada, mukha namang hindi ito pipitsuging nilalang. May angas ang dating. At ayaw niyang makipag-usap sa mga guwapong lalaki na may angas. Gulo lang ang dala ng mga katulad nito at ang mga ito ang di niya gustong hingan ng pabor.

“We are fine, Mister. We can handle this,” she said in a business-like voice. Iyon ang tono na ginagamit niya kapag nakikipag-deal sa negosyo o kaya naman ay kausap ang mga tauhan.

“Anong fine? Wala nga tayong pambayad sa mga nasagasaan nating mga itik. Kapag hindi tayo nakapagbayad, ipapa-baranggay tayo,” singit naman ni Renzie. “Pagkahaba-haba ng ibiniyahe natin galing sa Manila tapos ganito pa ang mangyayari sa atin. Tapos ayaw mo pang humingi ng tulong? Ayokong makulong.”

“So you are from Manila,” anang lalaki.

“Oo. Galing kaming Manila.” Kiming ngumiti si Renzie at inilahad ang palad dito. “Hi! I’m Renzie.”

Gusto niya itong bigwasan dahil sa oras ng kagipitan ay nagawa pa nitong magpa-cute at mag-flirt. Bigla nitong nakalimutan ang crush nito na nililigawan nito sa Manila. Parang gusto niyang ipaalala dito.

“Arice,” anang lalaki at kinamayan si Renzie. Inilahad nito ang kamay sa kanya. “And you are…”

Humalukipkip siya at di nag-abalang kamayan ito. “Riva,” simpleng sagot niya. “Nasaan ang pinakamalapit na ATM dito?”

“Sa Kapitolyo pa, Miss. And that’s a couple of hours from here.”

“Riva, gusto ko na talagang magpahinga. Kung pupunta pa ng Kapitolyo para kumuha ng pera, masyado nang matatagalan. Pagod na pagod na ako. Na-trauma pa ako dahil muntik na tayong mabangga kanina,” angal ni Renzie. “Arice, baka pwede mo naman kaming tulungan. Hindi naman kasi namin alam na ganoon kamahal ang itik dito. Na babayaran pa namin pati ang kaapu-apuhan.”

Saka nito sinapo ang noo at akmang babagsak sa direksiyon ni Arice. Sinalo agad ito ni Arice. So theatrical. Parang gusto na niya itong itakwil na kaibigan nang mga oras na iyon. Di ba nito alam na matagal nang obsolete ang style nito sa pagpapa-cute sa lalaki?

“Renzie, bakit di muna kayo magpahinga ng kaibigan mo sa kotse ninyo. Ako na ang makikipag-usap kay Lolo Taboy,” sabi ni Arice.

“Talaga? Ang bait mo naman,” malambing na sabi ni Renzie at nagpaaalalay kay Arice hanggang sa kotse.

“Magpahinga ka rin muna. Sigurado ako na pagod na kayo,” sabi ni Arice. “Ako na ang kakausap sa kanila.”

“Hindi na. Si Renzie na lang dito. Gusto ko kasama ako kapag nakipag-usap ka sa kanila. It is my car, ako ang nasa manibela kaya responsibilidad ko ang mga itik na nasagasaan,” katwiran niya dito.

Nagkibit-balikat ito. “Suit yourself.”

Taas-noo siyang naglakad kasabay nito nang pabalik kay Lolo Taboy. Hindi naman siya papayag na makuha nito ang lahat ng credit sa pagtulong. Responsibilidad pa rin niya na ayusin ang gulong iyon.

“Lolo Taboy, natatandaan po ba ninyo ako? Ako po si Arice,” pakilala nito sa matanda. “Ako po ‘yung anak ni Selda. ‘Yung taga-Pulong Manggahan.”

Pinakatitigan ito ni Lolo Taboy. “Arice? Ikaw ba ‘yung nangunguha dati ng mga itlog ko? Aba’y mukhang asensado ka na.”

“Asensado na po talaga iyan, Tatang,” sabi ni Aling Ibyang. “Siya ang nagpadala ng mga bagong itik nang bahain tayo noong isang taon.”

Humalakhak si Lolo Taboy at tinapik ito sa balikat. “Ah! Ikaw nga! Salamat sa mga padala mo at bumalik ang sigla ng itikan namin. Kundangan nga lang at sinagasaan ng buhong na dayong iyan ang mga itik ko.” Saka siya dinuro ng pambambo nitong kawayan. Napaurong siya sa takot.

Humarang agad si Arice para protektahan siya. “Lolo, mga kaibigan ko po sila galing Maynila. Pwede po bang palitan ko na lang ng itik ‘yung mga itik na nasagasaan nila? Para na lang po sa akin. Mga bisita po natin sila dito kaya dapat po maganda po ang pagtanggap natin.”

Nagpapalit-palit ang tingin sa kanila ni Lolo Taboy. “May tama ka lang ata dito sa magandang dayo na ‘to kaya gusto mong tulungan.”

Humalakhak si Arice. “Si Lolo talaga. Paano po ako sasagutin niyan kundi ninyo ako mapagbibigyan sa simpleng pabor na hinihingi ko?”

Tumawa rin si Lolo Taboy at tinapik sa balikat si Arice. “Sige. Para sa iyo papayag akong palitan na lang ng itik ang mga nasagasaan nila. Basta gusto ko magagandang klase rin tulad ng mga itik na bigay mo nang nakaraang taon.”

“Ako po ang bahala, Lolo. Bukas na bukas din po dadating na ‘yung kapalit. Dadagdagan ko pa po ng sampu at malakas po kayo sa akin,” pang-aayo ni Arice at saka nag-thumbs up sa kanya. Ayos na. Abswelto na siya.

Kinamayan siya ni Lolo Taboy. “Sagutin mo itong batang ito, Ineng. Napakabait na at guwapo pang tulad ko. Hinding-hindi ka magsisisi. At mag-iingat ka sa pagmamaneho.”

“Opo, Lolo. Maraming salamat po.” Ihinatid pa nila si Lolo Taboy at ang pamilya nito sa bahay ng mga ito. Nanatili silang nakatayo sa tabi ng daan habang hinihintay ang pagdaan ng mga rumaragasang sasakyan. “Thanks for the help,” sabi niya. “Malaking bagay ang naitulong mo sa akin.”

“Wala iyon. Mukhang na-shock kayo dahil iba ang tradisyon dito sa baryo. Galing pa ang tradisyon na iyon sa mga ninuno namin bago dumating ang mga Kastila. Kaya nagpasa-pasa hanggang sa mga matatanda.”

Marahan siyang tumango. “Pero salamat pa rin. Magkano pala ang babayaran ko? Siyempre nakadisgrasya pa rin ako ng mga itik dito. If you’ll give me your address and your number, I can send the money.”

“Hindi mo na kailangang bayaran. Mga bisita naman kayo sa Villa del Carmen, hindi ba? Gusto ko maging at home ang mga bisita namin dito sa baryo at wala na kayong dapat alalahanin. Take it as a sign of our hospitality.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.