"Thanks, Tita. Pero di pa naman po kami nagmamadali ni Arice. Ilang araw pa lang kaming magkakilala." Masyadong excited ang mga kamag-anak niya sa development sa love life niya. Paano ay nasa mansion na si Arice kahit di pa siya gumigising. Tiniyak nito na hindi niya magagamit ang na-sprain niyang kamay. Ito na ang nagpakain at kulang na lang ay ito pa ang magpaligo sa kanya.
"Does it matter? Hindi mahalaga kung gaano katagal na magkakilala ang dalawang tao. Ang importante nagkakaintindihan kayo. Saka mukhang matagal na kayong magkakilala. Parang kabisado na ninyo ang ugali ng isa't isa. Madalang kang makakatagpo ng ganyang lalaki."
"Aba! Di nga nagbibiro si Ernest. May love life na ang pamangkin ko," singit ng Tito Paul niya at humawak sa balikat ni Therese. "Sa wakas may love life ka na."
Sinimangutan niya ito dahil ugali nitong kantiyawan siya na tatandang dalaga daw siya. Ilang beses na rin kasi itong nagreto ng mga kakilala nito sa Amerika mula sa binata, matandang binata, biyudo at divorcee pero di siya nagpakita ng interes. Kaya tiyak daw na tatandang dalaga siya.
"Paano? Talo ka sa pustahan, honey. Sabi mo di na magkaka-boyfriend si Riva. Ikaw ang magbabayad sa Prada bag ko," sabi ng Tita Therese niya.
"That's fine. Ang importante makatagpo si Riva ng magpapasaya sa kanya."
"Pati ba love life ng anak ko pinagpupustahan ninyo?" nakaingos na sabi ng mama niya.
"Wag kang magtampo at may Chanel bag ka naman," sabi ni Therese at kumindat sa kanya.
Nag-freeze ang ngiti niya habang nagbibiruan ang mga ito. They were happy for them.Parang may tumusok na matalim na bagay sa dibdib niya. Hindi niya alam kung paano pipigilang umasam ang pamilya niya na magpapakasal sila ni Arice. At minsan din ay di niya maiwasang maniwala na totoo ang lahat ng ipinapakita nila sa mga tao. Na totoo ang mga ngiti nito, ang mga yakap at halik nito.
Nagpapanggap lang kami. Hindi ako dapat magpadala sa emosyon ko. Baka masyado lang akong in character kaya ako nagkakaganito. Mawawala din ito.
"Mukha ka na namang seryoso diyan," untag ni Arice nang lapitan siya.
"I am just thinking about..." You. Us. Huminga siya ng malalim. "Nothing important."
"Kailan ka pa nag-isip ng di importanteng bagay? You don't waste your time or your thoughts."
"Ang dami mong alam."
Napakadali para kay Arice na malaman ang takbo ng utak niya. Parang huling-huli na nito ang ugali niya. Iyon ang gusto niya kay Arice. Hindi na niya kailangan pang ipaliwanag ang sarili niya. He could read her like a book. And she liked that about him in a way. Walang lalaking nakakagawa noon. Kaya siguro madali para sa kanila na magkasundo dahil nararamdaman niya ang respeto nito sa kanya. But she also felt bare. Paano kung higit pa doon ang kaya nitong basahin sa kanya?
"Magugustuhan mo ba ako kung wala akong alam?" pabiro nitong tanong at pinisil ang ilong niya.
"Mas sweet pa kayo sa amin ni Ernest. Parang kayo ang ikakasal,” anang si Estrella na may maasim na ngiti sa labi. Bitterness ba ang nakikita niya sa mga mata nito. Hindi ito masaya na makita silang masaya?
"Sorry. Di namin gustong mang-agaw ng atensiyon." Hinawakan ni Arice ang kamay niya at ngumiti dito. “Of course you should be the sweetest couple.”
Tumawa lang si Ernest at hinawakan ang balikat ni Estrella. "I don't mind. Masaya si Riva. Lumalabas ang pagiging sweet niya na first time lang naming nakikita. Dahil diyan, nasa iyo ang boto ng buong pamilya namin.”
Kinintalan siya ng halik ni Arice sa noo. “Sweet naman talaga siya. Ayaw lang niyang ipakita sa lahat.”
“Yan ka na naman. Binabasa mo na naman ang laman ng utak ko.”
Tumalikod si Estrella. “Pumasok na tayo sa simbahan. Magsisimula na ang wedding rehearsal,” anito sa malamig na boses.
“Let’s go,” anang si Ernest na bakas ang excitement at sumunod kay Estrella. She felt bad for her cousin. Nasira ng sweetness nila ni Arice ang magandang mood ni Estrella at wala man lang ideya si Ernest sa nangyayari.
Bakas ang excitement sa mga participants lalo na sa ikakasal. Humawak siya sa braso ni Arice. "Pwede naman tayong maghintay sa labas. Wala naman tayong gagawin dito."
Ayaw niyang masaktan ito kapag nakita ang rehearsal nina Ernest at Estrella.
"Okay lang sa akin." Ngumiti ito. "Okay lang ako."
"Sigurado ka?"
"I am always in control of my emotions. Hindi ako gagawa ng eksena. Ano bang akala mo? Mag-iiiyak ako dito?"
Tinapik niya ang sariling balikat. "You always have a shoulder to cry on."
"Thank you. Pero hindi mo ako kailangang alalahanin. I am tough.”
Kahit na sabihin nitong matatag ito at sanay nang masaktan, di pa rin niya maiwasang mag-alala para dito. Naiintindihan na niya kung gaano kasakit na magmahal pero wala sa iyo ang taong mahal mo.
Umupo sila sa aisle sa bandang likuran. Tumugtog ang wedding march song at naglakad na sa aisle ang mga kasali sa entourage. Sa halip na sa mga nagre-rehearsal nakatingin ay nahuli niya si Arice na nakatitig sa kanya. “Bakit?”
Ayaw ba nitong makita ang wedding rehearsal kaya siya na lang ang pinagtitiyagaan nitong titigan? Her pride suffered a bit. Pero kaya niyang tiisin iyon kung iyon lang ang paraan ni Arice para maka-cope sa wedding rehearsal na iyon.
"May ibibigay ako sa iyo.” May dinukot ito sa bulsa ng pantalon. Dalawang parang maliit na singsing na hinabi sa makulay na pisi. Masyadong maliit iyon para maging bracelet. “Sabi ng mga bata isuot ko daw sa singsing mo kapag ikinasal tayo."
Ang mga makukulit na bata sa simbahan. Talagang mahal ng mga ito si Arice dahil inintindi agad ng mga ito na ikakasal sila. That was thoughtful. Pero nalungkot siya dahil pati mga bata ay nadadamay sa pagpapanggap nila.
"Hindi naman tayo ikakasal,” paglilinaw niya.
"I still want you to wear it. Gusto kong maalala mo kami. Ako.” Isinuot nito ang pising singsing sa daliri niya at hinila para humigpit. “Thank you. Sandali lang kitang nakasama pero naging parte ka ng importanteng bagay sa buhay ko."
Parang itinali din nito ang puso niya nang ibuhol nito ang singsing. Her breast heaved. She suddenly felt emotional. Pakiramdam niya ay sasabog ang puso niya. Pakiramdam niya nang mga oras na iyon ay ikinakasal siya dito. She had never pictured herself married to any man. Pero bakit habang isinusuot ni Arice ang pising singsing sa kanya ay parang nakaharap sila sa altar at suot ang wedding gown. As if they were exchanging their wedding vows.
Inilagay nito ang isa pang singsing sa kamay niya. "It is your turn."
Parang may bikig sa lalamunan niya nang isuot ang singsing sa kamay nito. Nanginginig siya nang ibuhol ang singsing. "Thank you." Saka niya ito niyakap nang mahigpit. Naramdaman na lang niya na naiiyak. Hindi kasi niya masabi dito kung ano ang totoong nasa puso niya.
Hindi nito alam kung gaano karami ang nabago niya sa sarili niya dahil dito. Mas naging mapagpakumbaba siya at naging mas considerate sa iba. She was touched by his humble begginings. Higit sa lahat ay naniwala siya na pwede siyang mahalin. Na pwede rin siyang magmahal at maging masaya. Kahit na pagpapanggap lang ang lahat, totoo naman ang naramdaman niya. She would lose Arice anytime but he would always be a part of her.
"Masyado naman yata kayong nadala ng wedding rehearsal,” untag ni Renzie sa kanila na may nanunuksong ngiti sa labi. “Tissue?”
"Sorry." Pinahid niya ang luha sa mata. "Mukha akong tanga. Super sweet kasi ng mga bata. Ginawan kami ng singsing." At natatawa niyang ipinakita ang pising singsing na nakasuot sa kamay niya.
“Nag-wedding rehearsal din kayo?” nakangiting tanong ni Ernest. “Ibig bang sabihin niyan… kayo na ang susunod na ikakasal?”
“Of course not!” kontra ni Estrella at natuon dito ang mata ng lahat. Humawak ito sa braso ni Ernest. Nakakunot din ang noo ng pinsan niya dito. “I…I mean bawal ang sukob. Malas daw iyon.”
“We are just enjoying our time together.” Natawa siya. “Masyado ka namang seryoso, Estrella.”
Tumikhim si Doña Guada. “Nakahanda na ang lahat para sa sayawan. Mag-dinner muna tayo sa bahay bago tumuloy doon. Let’s go.”
“Ngayon lang ako a-attend ng sayawan sa probinsiya,” excited na sabi ni Emarie. Maging si Renzie ay ganoon din. Come to think of it. Ngayon lang din siya a-attend ng party na di iniisip ang trabaho.
"Hindi ka pwedeng makipagsayaw sa iba," babala ni Arice at di binitiwan ang kamay niya habang palabas ng simbahan.
"Possessive?"
"Just remember that you're mine tonight."
Hindi niya alam kung seryoso iyon o palabas lang ni Arice. But that was promising. Iyon na ang huling gabi na makakasama niya ito. Gaya ng pekeng singsing na iyon, kailangan nilang magpanggap sa huling pagkakataon.