The Last Will Series 1 - 4 Chapter 2

Three Years Ago

HRM STUDENT at graduate si Emerald. Pero hindi iyon naging hadlang para hindi niya makilala si Attorney Christien de Guzman---ang pamangkin ni Judith de Guzman na siyang tumulong sa kanya. Isang CPA lawyer si Judith de Guzman at entrepreneur rin. Pagmamay-ari nito ang business na hinahawakan ng ilang mga pamangkin nito. Sa isang food restaurant ni Tita Judith siya naging part-time employee at makatapos ay naging regular employee na siya. Ang pamangkin nitong si Allain de Guzman ang namamahala sa food restaurant at siya rin na boss niya sa trabaho. Dahil roon, naging malapit rin sila sa isa’t isa. Sa pagiging malapit ni Emerald sa pamilya de Guzman kaya nakilala niya si Christien.

Una pa lamang na nakita ni Emerald si Christien ay gusto na niya ito. Sa tingin nga niya, lahat ng nakakasilay rito ay crush ito. Pampisikal pa lamang kasi ay kaya na itong bigyan ng iskor na perfect. Nakadagdag pa ang achievements na nakuha nito sa buhay. Sa edad na tatlumpu’t tatlo, masasabi na si Christien ang isa sa pinakamagaling na abogado sa Pilipinas. Wala pa itong naipapatalong kaso simula nang maging abogado ito.

Paminsan-minsan, kapag may okasyon sa pamilya de Guzman ay naisasama si Emerald. Naging ka-close niya kasi si Allain. Country manager ito ng chain of food restaurant na pagmamay-ari ni Tita Judith pero hilig nitong puntahan ang branch kung saan naman siya ang itinalaga na manager ng pamilya nito. Giliw rin sa kanya si Tita Judith dahil pinatunayan niya rito na tama ang pagtulong nito sa kanya. Ang branch ng restaurant kung saan kasi siya ang naging manager ng makatapos siya sa pag-aaral ang may pinakamalaking kita. Ginawa niya ang lahat para mabayaran ang pagiging mabait nito at ng pamilya nito.

Sa mga okasyon na iyon madalas na nakikita ni Emerald si Christien. Nagkakilala na rin sila at kapag nagtatagpo ay nakakatanguan naman niya ito. Pero hanggang doon lamang ang atensyon na nakukuha niya mula sa binata. Kapag kasi may mga okasyon ay palagi nitong kasama si Alexa Villanueva---isang local model at aspiring actress. Walong taon na rin ang relasyon ng mga ito kaya iniisip na ng lahat na sa kasalan matutuloy ang lahat.

Kapag nakikita niya si Christien na kasama si Alexa ay naiisip niya na bagay na bagay ang mga ito. Parehong galing sa may kayang pamilya, perpekto sa pisikal na katangian. Kaya naman nakontento na lamang si Emerald na tahimik na sinisinta ang lalaki.

Pero hindi pumayag ang tadhana na basta lang manahimik si Emerald. Ang akala ng lahat na perpektong pagsasama nina Christien at Alexa ay nauwi rin sa paghihiwalayan. At dalawang linggo pagkatapos pumutok noon ay binigyan siya ng atensyon ni Christien.

Dahil madalas na si Alexa nga ang palaging kasama ni Christien, hindi niya inaasahan na lalapitan siya nito sa isa sa mga party na ginanap sa bahay ng mga de Guzman. Tinabihan siya nito at niyaya pang sumayaw. Naging napakasaya ni Emerald noon. Sa wakas, binigyan rin siya ng atensyon ng lihim niyang sinisinta.

Ang buong akala ni Emerald pagkatapos noon ay iyon na lamang ang lahat. Hindi naman niya pinapangarap talaga nang husto si Christien. Gusto niya ito pero hindi siya ambisyosa. Hindi sila bagay. Simple lang siyang babae at hindi rin naman ganoon kagandahan kagaya ng dating nobya. Kaya naman laking gulat niya nang sumunod na araw ay dalawin siya nito sa restaurant.

“B-bakit?” medyo nautal pa si Emerald. Gusto naman niya ang ginawa nito, ang makita ito. Sino bang babae ang hindi gustong bigyan ng atensyon ng ultimate crush ng mga ito? Pero dahil sa magkalayong katayuan sa buhay, naging malaki ang kanyang pagtataka.

“Gusto lang kitang bisitahin at makita.”

“Oh...” Bakit? Tanong muli ni Emerald pero hindi na niya isinantinig pa. Ayaw na niyang maging paulit-ulit. Isa pa, uunahin niya pa ba ang pagtataka kaysa sa pag-appreciate? Masaya siya sa ibinibigay na atensyon sa kanya ni Christien.

“Can I invite you for dinner?”

“H-ha? Hanggang nine pm pa ang shift ko at---“

“I can wait. I didn’t mind for a late dinner.”

Alas sais pa lamang nang pumunta si Christien noon sa restaurant. Tahimik na nag-antay ito hanggang sa matapos ang shift niya. Pero dahil sa restaurant lamang mismo nag-antay si Christien, hindi tuloy nakapag-concentrate ng ayos si Emerald. Sobra siyang nasabik, isama pa na nakadagdag ang pangangantiyaw ng mga crew sa kanya. Gusto na rin tuloy niyang maniwala sa mga panloloko nito na kaya ganoon ang lalaki sa kanya ay gusto siya nito.

Ang dinner ay nasundan pa ng ilan. Nakita na lamang ni Emerald na nasasanay na siya na makasama si Christien. Naging constant being na ito sa buhay niya. Nagkalapit sila nang husto. Sinimulan na rin siyang isama ni Christien sa iba’t ibang okasyon. Dinadala siya nito bilang date. Alam na rin ng pamilya nito kung ano ang ginagawa nito sa kanya kahit na ba hindi niya pa sigurado kung ano na nga ba talaga ang nangyayari sa kanila ng lalaki. Boto ang mga ito sa kanya, lalong-lalo na si Tita Judith at si Allain. Bagay raw siya para sa kapatid ng mga ito.

Noong una ay hinayaan na lang muna ni Emerald ang lahat. Ilang buwan rin siyang nagtiis na hindi alam kung ano nga ba ang relasyon nila ni Christien. Hanggang sa nag-umpisa na siyang tanungin ng ilang kaibigan at ng ama kung ano nga ba iyon. Sinubukan niyang tanungin si Christien.

Kumunot pa ang noo ng lalaki nang tanungin niya ito. “Ano bang klaseng tanong `yan?”

“Seryoso ako, Christien. Kailangan ko ng kasiguraduhan.”

“Pinaparada kita sa lahat. Hinahayaan mo ako na lumapit sa `yo, hawakan ang kamay mo at paminsan-minsan ay halikan ka. Ano ba sa tingin mo ang lahat ng iyon? Naturally, you are my girlfriend.”

Sa kabila ng feeling ni Emerald na ganoon ay hindi siya makapaniwala. Nanlaki ang mga mata niya. Lalo lang kumunot ang noo ni Christien.

“Hindi ba iyon ang naiisip mo?”

“G-ganoon ang nararamdaman ko. Pero---“

“What? `Wag mong sabihin na kailangan ko pang ligawan ka?”

Hindi na makalumang babae si Emerald. Para sa kanya ay hindi na kailangan ang bagay na iyon. Isa pa, pakiramdam niya, sa saya pa lang na dinadala sa kanya ni Christien ay araw-araw na siya nitong nililigawan.

Umiling si Emerald. “Hindi na kailangan. You already got my heart just by being with you. Sa tingin ko ay nahulog na ang loob ko sa `yo.”

Matamang tinitigan siya ni Christien. “You love me.”

Tumango si Emerald. Mahal na talaga niya ang lalaki. Sa kaunting sandali na pagsasama nila ay naging madali lang iyon. Lumalim ang nararamdaman niyang pagkagusto kay Christien sa pagkakalapit nila. Pinapatunayan rin ng mga eratikong pagtibok ng puso niya kapag nagkakalapit sila, magkahawak kamay at naghahalikan ang lahat ng iyon. Sa tuwing hinahawakan rin siya nito ay nakakaramdam siya ng mga kuryente na tila kumikiliti sa kanyang katawan.

Malalim ng nahulog si Emerald kay Christien. Hindi rin naman siya masisisi. He had this overpowering charms that even she can’t handle. Tila bumigay na ang buong pagkatao niya rito.

Umaasa si Emerald na sagutin rin ni Christien ang pag-amin niya. Pero sa halip ay ngumiti lamang ito at hinalikan siya.

Nagustuhan ni Emerald ang halik ni Christien pero hindi iyon lubos. Hindi kasi siya nagkaroon ng kasiguraduhan kung pareho rin ba sila ng nararamdaman. Kailangan niya ng mga salita nito. Iyon nga lamang, ayaw naman bigyan ni Emerald si Christien na demanding siya para pilitin ito tungkol roon. Pagkatapos ng lahat, nararamdaman rin naman niya na may matinding damdamin sa kanya si Christien. Makikita iyon sa mga kilos nito.

Pero bukod sa hindi bukal na pagsasalita ni Christien na mahal siya nito, may mga ibang bagay pa rin na gumugulo kay Emerald. Naiisip kasi niya na parang ipinatakip butas lamang siya ni Christien sa dating nobya nito. Nang maghiwalay ang mga ito, sandaling panahon lamang at nilapitan na siya nito. May posibilidad nga na ganoon.

Ilang buwan pa ang lumipas at sumikat si Alexa Villanueva. Nagkaroon ito ng break sa isang TV show. Nakaramdam siya ng insecurity kahit hindi naman dapat. Napansin iyon ni Christien.

“Why bother with it? Matagal na kaming tapos.”

“Alam ko pero---“

“I’m with you now, Babe. We’re good together. Masaya tayo. `Wag mo ng bigyan ng pagpapahalaga ang sa nangyari noon.”

“Pero mahal mo pa ba siya?”

Natigilan si Christien. Hindi ito nakapagsalita.

“Hindi mo ako masisisi kung naggawa kong tanungin ang mga ito sa `yo ngayon. You had me after your relationship with her. Matagal ko ng ipinagtataka iyon pero ginusto ko na lang na isipin na masaya tayo. But the feeling, it bothers me. Ang tagal ng naging relasyon niyo ni Alexa. For sure, hindi naman ganoon basta-basta malilimutan iyon.

“Maraming nangyari sa inyo. You have done many things for her. Ang tagal ng pinagsamahan niyo at---“

Natigil lamang si Emerald sa pagsasalita ng hawakan ni Christien ang kamay niya. “Nai-insecure ka sa mga bagay na iyon? You don’t have to be. Dahil may mas higit pa akong kayang gawin sa `yo kaysa sa naggawa ko kay Alexa.”

Pagkasabi ng mga salitang iyon ay nagulat si Emerald nang lumuhod sa harap niya si Christien.

“A-anong ginagawa mo?”

“I may have done many things to Alexa. But not the most important of all which is giving my name which I want to do with you. Will you marry me, Emerald Jacinto? Will you be Mrs. Christien de Guzman?”

Natunaw ang puso ni Emerald. Hindi niya inaasahan iyon. Pero dahil sa sobrang saya ay nawala lahat ng insecurities niya. Wala ng kahit anong gulo sa isip niya tungkol kay Christien. Hindi na niya pinagdudahan ang pagmamahal nito.

Dalawang buwan pagkatapos ng proposal ni Christien kay Emerald ay nagpakasal na sila. Simple lamang ang seremonyas sa isang private chapel sa Batangas. Lahat ay masaya para sa kanilang dalawa.

“Hindi ko pinagsisihan ang pagsuporta sa `yo, Emerald. Hindi lang ako ang pinasaya mo sa tagumpay mo. Pati ang pamilya ko ay ganoon rin. Christien looked very happy being with you.” Bati pa kay Emerald ni Tita Judith pagkatapos ng kasal.

“Masaya po ako na ginagawa ko iyon, Tita.”

Niyakap siya nito. “Welcome to the family. I expect a grandchild soon, okay?”

Ngumiti si Emerald. Bata pa siya na maituturing pero ang isipin na magkakaanak ay masaya siya. Gusto niyang bumuo na kaagad ng pamilya kasama si Christien. “Susubukan ko po na hindi kayo biguin.”

“Alam kong hindi mo gagawin,” malaki ang ngiti ni Tita Judith sa kanya, tanda lamang na matinding umaasa ito na magkakaroon na ng masasabing apo. Sabik ang matanda sa bata. Paano kasi ay kahit may apo na ito kay Blaise ay hindi naman nito makasama iyon. Hindi kasi makuha-kuha ni Blaise ang custody ng anak sa dating karelasyon nito na naanakan nito.

Naging madali lang para kayna Christien at Emerald ang makabuo. Dalawang buwan pagkatapos ng kasal, nalaman nila na nagdadalang tao siya. Iyon na yata ang pinakamasayang araw ni Emerald bukod sa kasal nila ng asawa. Halos maiyak pa siya nang makumpirma ang pagbubuntis niya.

Masaya si Christien. Niyakap pa siya nito nang mahigpit at hinalikan nang mariin nang malaman ang balita. “I’m so lucky to have you.”

“Ito na ang pagsisimula ng bagong buhay sa atin.”

“The good relationship and its happiness, it wouldn’t change. I believe that this news, it would just makes us better. Ipinapangako ko na magiging mabuti akong ama sa baby natin.” Hinawakan pa nito ang walang umbok na tiyan niya at pagkatapos ay iyon naman ang hinalikan. “Thank you for bearing my child. I love you...”

Iyon ang unang beses na narinig ni Emerald na sabihan siya ni Christien ng mga ganoong salita. Nag-uumapaw ang saya sa puso niya. Wala na siyang kahit anong pagdududa na naramdaman rito dahil roon. Hindi na rin nagduda pa si Emerald sa sinabi ni Christien. Naniniwala siya na magiging mabuting ama ito kung gaano ito naging mabuti na asawa sa kanya. Pinapasaya siya nito sa lahat ng araw na magkasama sila. Masaya sila sa relasyon nila. Mahal nila ang isa’t isa.

Pero hindi akalain ni Emerald na magagawa niyang pagsisihan ang lahat ng paniniwala niya nang dumating ang isang malaking trahedya sa buhay nilang mag-asawa.

Emerald lost her baby as well as Christien, in her life.

Present Time

HINDI mapakali si Christien habang nasa trabaho siya. Naalala niya si Emerald at ang sagot nito sa mga pinag-usapan nila kagabi. Para sa sake nito ang naging usapan nila pero alam niya na magiging mahirap pa rin na makumbinsi niya ito. Isa sa mga patunay roon na humingi pa ito ng panahon para pag-isipan ang lahat.

Hindi naman niya masisisi si Emerald kung naging mahirap rito ang lahat. Hindi naging maganda ang relasyon nila. Sinaktan rin niya ito sa paraan na kahit hindi naman niya gusto at intensyon ay hindi niya mapigilan.

Mahirap para kay Emerald ang magtiwala sa kanya at mahirap rin para kay Christien ang isipin na iyon. Pakiramdam niya ay isa siyang malaking failure. Hindi siya magaling sa pagkatalo. Ni wala pa siyang kaso na naipapatalo. Mahirap para sa kanya na tanggapin na ang babaeng ipinangako niyang iingatan niya habang buhay ay siya pa ang naggawa niyang saktan at ipatalo.

Tatlong taon na silang hindi nagsasama ni Emerald. Tatlong taon na rin na hindi nasa maayos na kalagayan si Christien. Pakiramdam niya ay may kulang sa kanya at nasimulan lamang siyang makaramdam ng ganoon sa buhay niya nang iwanan siya ni Emerald. Kahit noong iwanan siya ng mga magulang ay hindi niya naramdaman ang ganoong kakulangan. Nandoon naman kasi si Tita Judith. Ito ang nagsilbing magulang nilang lima na magkakapatid.

Pero si Emerald...may pakiramdam siya na hindi ito basta-basta mapapalitan ng kahit sino. May mga damdamin na tanging sa asawa lamang niya naramdaman. Iyon nga lamang, dala ng isang matinding damdamin ay nahirapan si Christien sa mga sitwasyon. Naging duwag siya kaya humantong ang relasyon nila sa ganito.

May kulang, aminado na siya roon. Naging duwag siya sa mga nakalipas na taon. Naisip niya na ngayong binigyan na siya ng paninibagong pagkakataon, bakit hindi niya naisin na gamitin na iyon?

Kung papayag si Emerald.

Paulit-ulit na pumapasok sa isip ni Christien ang mga nangyari sa nakalipas na araw. Hindi siya mapakali at naapektuhan na ang kanyang trabaho. Dahil sa tingin niya ay hindi talaga niya magagawang makapag-concentrate, nagdesisyon na lamang siyang hindi na tapusin ang trabaho. Mag-overtime sana siya para pag-aralan pa ang isang kaso na may hearing next week pero hindi na niya tinuloy. Hindi niya naggawa ang ilang paper works sa trabaho kaya naisip niya kung susubukan niya pa na gawin iyon ay lalong hindi rin niya magagawa. Umuwi siya ng mas maaga kaysa sa dati. Simula kasi nang maghiwalay sila ni Emerald, mas pinili na lang niya na isubsob ang sarili sa trabaho. Iyon ang paraan niya ng paglimot.

Dahil sa sobrang gulo yata ng isipan ay dinala si Christien ng mga paa niya sa dating bahay nila ni Emerald. Day-off ng driver niya kaya siya mismo ang nag-drive. Sinubukan niyang pumasok. May pakiramdam siya na mali iyon dahil lalo lamang siyang magugulo. Ibabalik lamang niya ang mga alaala. Bagaman kahapon ay tumuntong muli siya roon dahil na rin sa pagbabaka-sakali niya na mapilit niya si Emerald pero iilan lamang iyon sa mga araw na dinalaw niya ang bahay makatapos nilang maghiwalay.

Conjugal property nila ni Emerald ang bahay. Si Emerald ang pumili ng bahay na iyon na medyo pina-renovate nila ng nilapitan na nila. Pero sa kabila ng parehong ari-arian, walang sino man ang naglakas loob sa kanilang dalawa na tumira muli roon. Tumira si Emerald kasama ang ama nito at siya naman ay sa mansion muli ni Tita Judith kasama ito at ang ilan sa mga kapatid.

Pero sa tatlong taon, hindi niya masasabi na ang mansion muli ang kanyang tirahan. Tila ba hindi iyon appropriate na tawaging “home”.

Tuluyan nang pumasok si Christien sa bahay. Nagulat pa siya nang hindi na niya kailangang susian pa ang pinto dahil bukas na iyon. Kumunot ang noo niya. Siya ang huling umalis kagabi at sigurado siya na kinando niya ang bahay. Isa pa, tanging siya lamang at si Emerald ang may susi sa bahay...

Hindi kaya...

Lumakas ang tibok ng puso ni Christien. Agad na sinuri niya ang bahay. Dinala siya ng mga paa niya sa kusina---ang lugar kung saan palagi niyang nakikita si Emerald tuwing umuuwi siya. Hilig nito ang pagluluto.

Napakurap pa si Christien nang makitang naroroon nga si Emerald at nagluluto. Dahil ba sa sobrang gulo ng isip niya ay ibinalik siya sa nakaraan? O hindi kaya ay nag-i-imagine lang siya?

Matagal-tagal rin na nasa ganoong puwesto si Christien hanggang sa humarap na ng tuluyan sa kanya ang babaeng tinitignan. Napakasimple lamang ng ayos si Emerald. Nakataas ang may kahabaang buhok nito at may mga butil pa ng pawis sa may bilugang mukha nito. Wala rin kahit anong make-up si Emerald---isa sa mga bagay na nagustuhan niya rito. Natural na natural palagi ang dating nito. Refreshing ang kagandahan nito. Noong una ay naisip niya na baka kaya nagustuhan niya ito ay dahil bago para sa kanya ang lahat. Pero sa mga nagdaang linggo, buwan at kahit ngayong taon na lumipas na nagkahiwalay pa sila, tila hindi niya yata ito pagsasawaang tignan.

“H-hey. Nakarating ka na pala,” bahagya pang namumula ang pisngi ni Emerald. Hindi niya sigurado kung dahil ba iyon sa mainit sa kusina o dahil sa nakita siya. Pero naalala niyang tuwing darating siya noon ay palaging ganoon ang itsura ni Emerald. Sa mga pagkakataon nga lamang dati ay inamin nito sa kanya na kaya ganoon ay dahil sa kinikilig ito na makita siya.

“Kung ganoon ay inaasahan mo ako.”

“Y-yes.”

“Pero bakit hindi mo man lang inimporma sa akin na mukhang nakapagdesisyon ka na?”

“I texted you.”

Kumunot ang noo ni Christien. Hanggang sa maalala niya na nagpalit na nga pala siya ng number sa dating ginagamit niya noong nagsasama pa sila ni Emerald. Malamang ay iyon ang ginamit nito.

See? Dahil sa kaduwagan mo noon, muntik mo pa na ma-miss ang pagkakataong ito! Magkakaroon ka na naman ng pagsisi.

“Okay, I’m sorry. Hindi na kasi ganoon ang number ko kaysa sa dati.”

Lumapit si Christien kay Emerald. “Its a yes? We’re going to make this marriage work?”

Nailang si Emerald. “Hindi sa paraan na iniisip mo...”

Kumunot ang noo ni Christien. Sinagot naman kaagad siya ni Emerald.

“Sinabi ko na sa `yo kagabi na hindi ko kayang gampanan ang papel sa provision sa `yo ni Tita Judith. Pumayag ka rin kahapon. You are even the one who suggested it. Pumayag ako ng dahil roon. Pero sa kondisyon na hindi tayo magiging isang normal na mag-asawa. Ang gusto ko lang sana ay magsama tayo sa iisang bahay at wala ng iba pang magaganap bukod roon. Uuwi ako rito at ganoon ka rin. Pananatilihin natin ang kasal natin na ganoon lamang ang set-up.”

Hindi nagustuhan ni Christien ang sinabi ng asawa. Pero bahagyang inaasahan na niya iyon. Ramdam na ramdam niya na hindi talaga nito nagustuhan ang mga nalaman. Hindi na nito gustong bumalik muli sa piling niya.

“I see. Nirerespeto ko ang desisyon mo.”

Matamang tinignan ni Emerald si Christien. Mababasa rin niya ang bahagyang pagkagulat sa mukha nito sa sinabi niya. Pero pinilit ni Christien na itago ang lahat ng sakit, kagaya ng ginawa niya noon.

Ngumiti si Christien. Hinawakan rin niya sa balikat si Emerald. “Anyway, welcome home.”

Sinalubong ni Emerald ang tingin niya. Tumango ito sa kanya. “Welcome home,”

Pormal ang paraan ng pagkakabigkas ni Emerald ng mga salita. Tila napilitan lang rin ito. Pero sa kabila ng lahat, ang makita at makasama lamang si Emerald sa iisang bahay, is a home indeed.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.