Chapter 6
Sister
Flashback
I'm lost.
Hindi ko alam kung paano na ako makakauwi papunta sa amin. Iniwan ako ni Ate sa playground dahil tinawag siya ni Mama. Paulit-ulit kong sinisigaw ang pangalan niya, pero parang bingi si Ate at nagpatuloy pa rin siya sa pagtakbo. Hindi siguro naglinis ng tenga si Ate, tsk.
Wala naman akong magawa kasi maiksi lang ang biyas ko, ayun hindi ko tuloy siya mahabol. Masyadong mabilis si Ate Erin tumakbo. Hindi kaya kamag-anak ni Petrang Kabayo si Ate?
Napanguso na lamang ako at pasalampak na umupo sa swing. Kamuntikan pa akong mapaupo pabaliktad kung hindi lang ako nahawakan ng batang nasa harapan ko.
Agad umangat ang aking paningin habang nakatingin sa batang tumulong sa akin. Napapikit ako dahil sa tindi ng sikat ng araw, para akong sinampal sa sobrang tirik. Napakurap ang aking mga mata bago ko tuluyang nakita ang nasa harapan ko.
Parang biglang bumagal ang takbo ng paligid habang nakatingin ako sa kanya. Hindi ko alam kung ano ba 'tong nangyayari. Bakit parang ang bilis bilis ng tibok ng puso ko? Mamamatay na ba ko? Ano ba 'to? Naiiyak ako habang hinahawakan ang aking dibdib at pinapakiramdaman ang mabilis na tibok nito.
"Bata, ayos ka lang ba?" sabi ng lalaking nasa harapan ko. Hindi siya palangiti. Seryoso ang kanyang mga mata habang nakatingin sa akin. Hindi ko alam pero parang bigla akong naubusan ng hininga habang nakatitig sa kanya. Patusok pa ang buhok niya. Hindi ko alam kung nadilaan ba iyon ng baka o pinaglaruan lang ng Mama niya.
Bigla na lang akong napahikbi sa sobrang pagkataranta. Mabilis na nagbago ang ekspresiyon ng mukha niya. Mula sa pagiging seryoso niya ay bigla iyong napalitan ng pagkataranta. Hindi siya magkandaugaga sa paglapit sa akin.
"A-Ano ba bata, bakit ka ba umiiyak?" He even rubbed my back with his hand. Ngunit imbis na tumahan ay mas umiyak pa ako. Bumilis kasi lalo ang tibok ng puso ko. Baka naman mamatay na ako agad-agad nito?!
Hindi ko maintindihan kung bakit ako nagkakaganito. Kahapon lang, may namatay na matabang tindera malapit sa amin dahil inatake sa puso, hindi kaya susunod na ako?
Ayoko pang mamatay! Kawawa naman sila Mama kapag namatay ako. Ang alam ko pa naman, mahal ang kabaong. Laruang barbie nga hindi nila ako mabilhan e! Baka maghirap sila!
"K-Kasi..." rinig ko ang boses kong medyo sinisinok-sinok pa. "Mamamatay na ko e." Sabay na tumulo ang luha mula sa magkabila kong mga mata. Napahagulhol ako pagkatapos. Ramdam ko pa ang sipon ko kaya sininghot ko iyon. Nanlaki naman ang mga mata niya.
"Ha?!" Malakas niyang sigaw. "Ano raw bang sakit mo, bata? May cancer ka ba? Sabi ni Daddy, yun daw ang pinakamalalang sakit e. Ganoon ba yung sakit mo kaya ka mamamatay?" natataranta niyang tanong sa akin.
Kumunot ang noo ko sa tanong niya at tumitig sa mga mata niya. Napanguso ako. "Kailangan ba noon? Kailangan bang may sakit bago mamatay?" naguguluhan kong tanong. Bahagya akong napatigil sa pag-iyak dahil sa sinabi niya.
Nagsalubong ang kanyang kilay habang nakatitig sa akin. "Oo naman! O kaya maaaksidente ka. Ganon! Teka nga bata, ang gulo mo e. Pa'no mo nasabing mamamatay ka na kung wala ka palang sakit?" Hindi pa rin natanggal ang gusot sa kanyang mukha.
Hindi ko alam kung bakit pero hindi ko maialis ang pagkakatitig ko sa kabuuan ng mukha niya. Maya-maya pa'y bumilis na naman ang tibok ng puso ko. Nanlaki ang mga mata ko. Nagu-unahang tumulo ang mga luha mula sa aking mga mata habang may bahid naman ng pagkataranta ang mga kilos niya.
"Hoy, bata! Ano ba talagang nangyayari sayo?" Napapakamot na lang siya ng ulo habang nakatingin sa akin. Sa kawalan ng abilidad na magsalita ay hinila ko siya papalapit sa akin. Parehas na nanlaki ang mga mata namin dahil sa lakas ng pagkakatahak ko sa kanya.
Ang huli ko na lang na naramdaman ay ang labi niyang nakapatong sa labi ko at ang kanang kamay niyang nakapatong sa aking dibdib.
---
"Ayun na 'yon?" Halos mapatayo na sa upuan niya si Damon habang nakatingin sa akin. Nasa playground pa rin kami, pero nasa bandang puno na kami kung saan may lilim. Tumitirik na kasi ang araw at masakit na ang sinag nito sa balat.
Kanina, pagkatapos ang aksidenteng pagdikit ng labi niya sa akin ay natulala ako. Napaiyak ako pagkatapos ng ilang minuto, pero hindi ko alam ang dahilan. Hinatak niya ako palapit sa tindero ng ice cream pagkatapos ay nilibre para tumahan ako.
Damon daw ang pangalan niya at bagong lipat lang sila. Sinabihan siya ng Mama niya na magpunta sa playground at baka sakaling may maging kaibigan siya. Napakunot pa nga ang noo ko nang sabihin niya iyon e. Paanong may bata ng alas onse ng umaga? Ang sakit kaya sa balat ng araw! Pasalamat siya napadaan ako doon, kung hindi baka sobrang tustado na niya sa init.
I licked my ice cream before looking at him. "Oo. Hindi ko rin alam kung bakit e. Ang bilis talaga, akala ko tuloy mamamatay na ko." Napalabi na lang ako nang maramdaman kong may naiwang ice cream sa ibabang labi ko. Masyado iyong malagkit at nakakaasiwa kapag natuyo.
Napabuntong hininga na lang si Damon sa akin. Nang mapansin niya ang ginagawa ko ay nagsalita siya. "Ang gulo mo! Akala mo mamamatay ka na kasi bumilis yung tibok ng puso mo?" Nang mapansin niya ang ginagawa ko ay nagsalita siya, "Wala ka bang tissue? Ang liit kasi ng dila mo! Hindi mo tuloy abot." Umiling lamang ako bilang sagot.
Kinapa niya ang bulsa niya. Nang may makita siyang panyo ay agad niya iyong inilabas. Mabilis siyang lumuhod sa harapan ko.
Namilog ang mga mata ko at hindi magkandaugagang nagsalita ng "Yes!" Halos isigaw ko iyon habang nakatingin sa kanya. Tumutulo na ang ice cream mula sa cone paibaba sa kamay ko. Hindi ko ininda ang lagkit nito.
Damon looked at me confusingly. Para akong alien kung tingnan niya. "Ano bang isinisigaw mo diyan? Anong yes?!"
Inosente ko siyang tiningnan. "'Diba gan'on sa mga palabas? Kapag luluhod yung lalaki, dapat sasagot ka ng yes?"
Napakamot na lang sa ulo si Damon habang nakatingin sa akin. Pati ang kilay niya ay hinawakan niya habang nakatitig sa akin. Tinuloy niya ang pagluhod at pinunasan ang natitirang ice cream sa labi at kamay ko. "Ano ba 'yang mga pinapanood mo? Ang bata bata mo pa. Hindi 'yon pwede sayo. Naiintindihan mo ba ko? Simula ngayon, hindi mo na papanoorin yung mga gan'on," sermon niya sa akin. Pero sa halip na pumasok sa utak ko ang mga salitang iyon, I found myself staring at him.
Maamo ang kanyang mga mata habang patuloy na nililipad ng hangin ang kanyang patusok na buhok. Kamukha niya iyong nagsusuper-sayan sa tv pero mas pogi siya doon. He looked so serene and attractive at the same time. I was still young. Bata pa ako. I am seven years old, and he is twelve. But why... Hindi pa ako mamamatay. Wala akong sakit. Pero bakit? Bakit tumitibok ng mabilis ang puso ko?
"B-Bakit naman bawal manood n'on, Damon?" wala sa sarili kong tanong habang nakatitig sa kanya.
Agad niya akong sinaway. "Ssh! Damon ka diyan. It's Kuya Damon for you. Bawal ka manood ng gan'on kasi baby ka pa. Bata ka pa. Hangga't nandito ako, hindi ka pwedeng manood ng mga gan'on. Okay?" Wala sa loob akong tumango.
But at that time, I can hear and feel my heart protesting once Damon's words started to register.
Kuya.
And I am his sister.
I don't want him to be just my "Kuya."
At kung baby man ako, then I want to be his baby.
And so, after that time, mas napadalas ang pag-uusap namin ni Damon. Mas naging close kami sa isa't-isa. Lumipas ang mga araw, nakilala na rin ni Ate si Damon. Hula ko nga may crush si Ate kay Damon e. Panay kasi ang pagkurap-kurap at pagpapacute ng mga mata niya tuwing nasa tabi si Damon. Napapanguso na lang ako at minsa'y napapatawa dahil hindi naman siya pinapansin ni Damon. Bleh, buti nga!
Lumipas ang isang buwan ay ganoon pa rin ang routine ko. Papasok ako sa school, pagkatapos ay uuwi at makikipagkita kay Damon sa playground kung saan una kaming nagkakilala.
Pero nang araw na iyon ay nagbago ang lahat.
Uwian noon. Masaya ako habang naglalakad. Tumingala ako at nakita ang asul na kalangitan. Napakaganda niyong tingnan. Sinamahan pa ng sariwang hangin na patuloy na umiihip sa buong paligid. Napapikit na lang ako.
Pagpasok ko ng bahay ay mabilis akong nagpalit at nagsuot ng bestida. Excited na akong makita si Damon! Ngiting-ngiti ako habang lumalabas ng bahay.
"Mama! Sa playground lang po ako!" agad kong sabi kay Mama habang naghahanda siya ng meryenda sa lamesa.
"Paano 'tong tinapay mo? Kain ka muna, Ella."
"Mamaya na, Mama. Laro lang po kami ni Dam---este Kuya Damon." Baka kasi sabihin ni Mama hindi ako marunong gumalang.
Ngumiti lang si Mama at tumango. I happily walked to the playground, only to see no one playing. Agad kumunot ang aking noo. Saan na kaya si Damon?
Nakanguso akong nagpunta sa swing kung saan una ko siyang nakita. Nagpalinga-linga ako, pero wala pa rin akong nakitang Damon. Iiling-iling na lang akong tumayo.
"Ang duga naman n'on. Sabi niya magkikita kami ngayon e." Nakaupo ako sa ibaba ng swing. Kasalukuyan kong binubunot ang mga damong patuloy na lumalago sa playground. Nang mabagot ako ay nakabusangot akong umalis sa playground at naglakad pauwi.
Hindi pa rin maalis ang gusot sa mukha ko nang sinadya kong daanan ang bahay nila Damon kahit na ibang daanan ang madalas kong nilalakaran. Ganon na lang ang pagtataka ko nang makita ko ang mga kasambahay nila na nagkakagulo. Sa kuryosidad ay hindi ko napigilang tawagin si Manang Celia, ang mayordoma ng mansiyon nila.
"Manang Celia, ano pong nangyayari? Bakit po kayo nagmamadali?" Agad namang tumigil si Manang Celia sa akin at huminto. Pinunasan pa niya ang pawis niya sa noo gamit ang likod ng kanyang palad.
"O ikaw pala, iha. Ano kasi..." malungkot na sabi ni Manang. "Naaksidente sila Senyorito. Nasa kritikal na lagay si Damon at namatay ang Mama niya. Kailangan nilang magpunta ng ibang bansa para mas magamot pa si Damon."
Hindi pumasok sa utak ko lahat ng sinabi ni Manang. Ang tanging naisip ko lang ay nasa malalang kalagayan si Damon at namatay ang Mama niya.
Kailangan ako ni Damon. Kailangan niya ako.