MAHIGIT tatlong oras pang nagpaikot-ikot sina Choi, Lorie at ang mga bata bago sa wakas ay nakaramdam ng pagod sina Kai at Maja. Magtatanghalian na rin naman kaya nagtungo na sila sa isang kainan na naroon sa loob ng amusement park. Halos puno na ng mga tao roon kaya sa pinakamalapit sa labas sila pumuwesto.
“Ano ang gusto ninyong kainin?” malambing na tanong ni Lorie sa mga bata na ikinatitig ni Choi sa babae. Ganoon palagi ang nangyayari sa kanya tuwing ginagamit ni Lorie ang tonong iyon. Well hell, kahit ano ang gawin ng babae ay napapatitig pa rin si Choi rito. O mas tamang sabihin, nakakapagpaalis sa lohika niya. Wasn’t it the only reason why he kissed her last night?
Maalala pa lamang iyon ni Choi ay nabubuhay na naman ang dugo niya. Malinaw pa rin niyang naaalala kung gaano kalambot at katamis ang mga labi ni Lorie. At kung hindi pa nagising si Kai ay hindi alam ni Choi kung ititigil niya ang paghalik dito. O kung titigil siya sa halik lang. Choi knew it was crazy but hell, he loved the way she felt in his arms last night and he was intoxicated by her lips.
Ngunit alam ni Choi na hindi na niya dapat gawin iyon. Unfair iyon para kay Lorie dahil alam niyang hindi niya maidya-justify rito kung bakit niya iyon ginawa dahil kahit siya ay hindi niya alam. Choi just felt the urge to get close to her and kiss her. At alam niyang hindi iyon magandang dahilan upang halikan si Lorie.
Pinagmasdan na lamang ni Choi ang mga kasama niya at pilit kinalimutan ang nangyari kagabi habang nagtuturo ang mga bata sa menu. Pagkatapos ay bumaling sa kanya si Lorie at ngumiti na tila nahihiya pa. “Ah… Okay lang ba na order-in ang lahat ng sinabi nila? Ikaw kasi ang magbabayad,” sabi ni Lorie.
Napansin ni Choi na nakatingin na rin sa kanya ang dalawang bata na parang nanghihingi ng candy tuwing Pasko. Kahit si Lorie ay ganoon ang hitsura. And Choi had realized once again that he could never win with that look on their faces. “Fine,” sagot niya.
Magkakapanabay pang gumuhit ang matatamis na ngiti sa mga labi ng tatlo na nagpainit sa dibdib ni Choi. Nagulat pa siya nang mabilis na bumaba sa upuan nito si Maja at biglang yumakap sa baywang niya. “Thank you, Daddy!” nakangising bulalas ng bata habang nakatingala sa kanya.
Choi then felt that familiar sweet pain in his chest again. Pakiramdam niya ay bumalik siya sa pagkabata noong napuri siya ng kanyang ama dahil sa isang bagay na nagawa niya nang mabuti. Ngumiti si Choi at wala sa loob na nahaplos ang buhok ni Maja. “You’re welcome, brat,” sagot niya rito.
Nawala ang ngiti ni Choi nang tila may narinig siyang tunog ng pag-click ng kung ano. Napatingala siya at iginala ang tingin sa paligid. Wala naman siyang nakitang kakaiba. Itinigil lang ni Choi ang pagmamasid nang lumapit na sa kanila ang waiter. Saglit pa ay kumakain na sila. Halos hindi makakain nang maayos si Lorie dahil inaasikaso pa nito ang pagkain ni Maja na kapag hinayaang mag-isa ay tiyak na magkakalat. Si Choi naman ay hindi maintindihan kung bakit aliw na aliw siyang pagmasdan lamang ang mga ito.
Tapos na silang kumain at nabayaran na rin ni Choi ang bill nang mapansin niyang nakatingin sa kung saan ang dalawang bata. Mukhang maging si Lorie ay napansin iyon dahil tinanong ng babae ang mga bata kung ano ang problema ngunit sa halip na sumagot ay nanatiling nakatingin lang sina Kai at Maja sa kung saan.
Halos magkapanabay pang napatingin sina Choi at Lorie sa tinitingnan ng mga ito. Napaderetso si Choi ng upo nang makita ang isang pamilya na nasa di-kalayuan. Karga-karga ng lalaki ang isang batang sa tingin niya ay isang taon lamang ang tanda kay Maja habang sa isang kamay ay hawak ng lalaki ang kamay ng isang babaeng siguradong asawa nito. They were the picture of a complete family.
Napasulyap uli si Choi sa tatlong babaeng kaharap niya sa mesa. Na-tense siya nang makitang nakatingin pa rin si Lorie sa pamilya at may malungkot na ekspresyon sa mukha habang may munting ngiti sa mga labi. Pagkatapos ay nakita ni Choi nang tila wala sa loob na ikinulong ni Lorie ang dalawang bata sa mga bisig nito.
“O tama na. Sasakay pa tayo sa rides,” malambing na sabi ni Lorie sa mga bata. Ngumiti ang babae at nakita ni Choi kung paano nito pilit itinago ang lungkot na nakita niya sa mga mata nito. “Tara na, ha?”
Hindi nakatiis si Choi. He cursed himself inside for being too soft when it came to them. Hindi lang sa mga bata kung hindi pati sa nag-aalaga. Tumayo si Choi at napatingin ang tatlo sa kanya. “Let’s go,” aniya at binuhat si Maja na agad na kumapit sa leeg niya. Pagkatapos ay niyuko ni Choi si Lorie na maang na nakatingala sa kanya. “What are you waiting for?”
Kumurap si Lorie at tumayo na rin. Hinawakan nito sa kamay si Kai at akmang magpapatiuna na sa paglakad nang masulyapan ni Choi ang malayang kamay ng babae at hinayaan ang sariling gawin ang kanina pa niya gustong gawin. Inabot niya ang kamay nito at ginagap iyon. Napaigtad si Lorie at gulat na napatingala sa kanya. Humigpit lang ang hawak ni Choi sa kamay ng babae at nagsimulang maglakad.
Kompara sa mga kamay na nahawakan na ni Choi sa buong buhay niya, hers was rough. Ngunit nakapagtatakang mas gusto ni Choi ang pakiramdam ng kamay ni Lorie. Marahil ay dahil alam niyang kaya iyon magaspang ay dahil sa kasipagan at pagsisikap nito na itaguyod si Kai. At ngayon ay dahil pinapanatili ni Lorie na maayos ang bahay niya at inaalagaan ang anak niya.
“A-ano ang ginagawa mo?” pabulong na tanong ni Lorie kay Choi.
Sinulyapan niya ito. “Making the kids happy,” tipid na sagot ni Choi. Nang bumakas ang pagkalito sa mukha ni Lorie ay tiningnan niya si Maja na nakangiti habang nakatingin sa kanilang dalawa at pagkatapos ay kay Kai na nakatingala rin at may ngiti sa mga labi. Dahil doon kaya tila wala nang masabi pa si Lorie at bumuntong-hininga na lang.
Choi smiled, satisfied.
“LORIE!”
Napahinto si Lorie sa akmang pagtungo sa sakayan. Papunta na siya sa unit ni Choi nang umagang iyon nang marinig niya ang pagtawag sa kanya nina Mocha mula sa bungad ng parlor ni Madam Tisay.
“O bakit?” tanong ni Lorie nang makitang nanlalaki ang mga mata nina Mocha.
“Halika bilis!”
Kunot-noong lumapit si Lorie. Sana lang ay hindi magtagal ang sasabihin nina Mocha dahil baka ma-late siya ng dating sa unit ni Choi. “Ano ba iyon? Papasok na ako sa trabaho.”
“Kung makakapasok ka pa sa building ni Choi Montemayor. Nasa balita, tabloid, broadsheet at TV siya, `teh! Actually, kayo!” patiling sabi ni Mocha sabay hatak sa kanya papasok sa parlor.
Tumambad kay Lorie ang mga kaibigan niyang nakanganga habang nakatingin sa telebisyon kung saan pinapakita ang larawan ni Choi habang nakayakap sa baywang nito si Maja at nakaupo sila sa mesa ng restaurant kung saan sila kumain kahapon. Nanlamig ang buong katawan ni Lorie at napaawang ang mga labi niya nang maging malinaw sa kanya ang boses ng reporter.
“Kailan lamang ay nagkaroon na ng blind item patungkol sa prinsipe ng high society na si Choi Montemayor na diumano ay may itinatagong secret illegitimate child. At kahapon, may isang showbiz photographer ang nakakuha ng larawang ito sa Enchanted Kingdom habang ipinapasyal diumano ni Choi ang nasabing anak. At ang isa pang pinakamatinding tanong ay sino ang babaeng kasama ni Choi sa larawan?”
Noon naman nagpalit ng larawan at tumambad ang kuha na karga na ni Choi si Maja. Gilid lang ng mukha ni Choi ang kita dahil nasa likuran ang kumuha ng larawan at ang likod lang nina Lorie at Kai ang kita sa larawan. Ang nagpahigit ng hininga ni Lorie ay ang magkahugpong na mga kamay nila ni Choi.
“Iyan ang gusto naming itanong. Ano iyang holding hands na iyan, ha?” bulalas ni Mocha na sinegundahan naman nina Orlan.
Napangiwi si Lorie at inalis ang tingin sa telebisyon. Na agad niyang pinagsisihan dahil ang sunod na nakita niya ay ang ilang pares ng mga matang nakatitig sa kanya. Bumuntong-hininga si Lorie at napahawak sa batok. “Umaarte lang si Choi kasi nalungkot ang mga bata nang makakita sila ng buong pamilya.”
Tumaas ang mga kilay ng mga katrabaho ni Lorie na halatang hindi naniniwala. “Ows?”
Umingos si Lorie upang itago ang pag-iinit ng mukha niya. “Bahala nga kayo kung ayaw ninyong maniwala. Aalis na ako at tatanghaliin ako sa inyo,” aniya at saka naglakad palabas ng parlor.
“Teka pupunta ka pa rin do’n? Siguradong maraming press do’n,” pigil sa kanya ni Madam Tisay.
Huminga si Lorie nang malalim at sa kabila ng kabang pumuno sa dibdib niya ay nginitian niya sina Madam Tisay “Mas dapat akong pumunta roon. Kailangan ni Maja ng mag-aalaga sa kanya, lalo na kapag natataranta si Choi. Sige na babush,” paalam ni Lorie at mabilis ng umalis bago pa siya mapigilan ng mga ito.
“WHAT the hell is this all about, Choi?”
Napabuga ng hangin si Choi nang iyon ang ipambungad ni Raiven sa kanya nang sagutin niya ang tawag ng panganay na kapatid. Kanina pa rin nagpapalakad-lakad si Choi sa living room niya habang si Maja naman ay nakaupo sa sofa at sinusundan ng tingin ang bawat kilos niya.
“I was planning to talk to you about this, brother,” sagot ni Choi kay Raiven.
“Kailan? Kung kailan nasa balita ka na naman? I just hope hindi pa nagbubukas ng Internet sina Papa at Mama kung hindi ay mapapauwi sila nang wala sa oras kapag nakita nila ito,” sermon ni Raiven.
Naihilamos ni Choi ang kamay sa mukha niya. “I know, God, I know. I was stupid.” Kasunod niyon ay ipinaliwanag niya kay Raiven ang tunay na sitwasyon.
Ilang segundong natahimik ang kapatid niya bago nagsalita. “I’ll finish all my work as soon as possible pagkatapos ay pupunta ako diyan. Isasama ko na rin si Riki.”
“Maraming press people sa baba, Raiven.” Ilang beses nang tumawag kay Choi ang receptionist upang sabihin sa kanya ang sitwasyon.
“I know. Kami na ang bahala. We’ll fina a way to to go up there somehow. Siguruhin mo lang na hindi ka aalis diyan maliwanag?”
“Yeah. I’m sorry about this brother,” frustrated na sagot ni Choi.
“I know you are.” Iyon lang at pinutol na ni Raiven ang tawag.
Muling napabuga ng hangin si Choi at inihilamos ang dalawang kamay sa mukha niya. Alam ni Choi na sa pagkakataong iyon ay malilintikan siya kapag hindi pa siya humingi ng tulong kay Raiven. Choi was fully aware that he lost his mind and got careless yesterday. May naramdaman na siyang kakaiba, may narinig na siyang pamilyar na tunog ng pag-click ng camera pero binale-wala iyon ni Choi. Worst, para pa siyang nawalan ng logic na umakto pang ulirang “ama” para sa mga bata at higit sa lahat ay sinunod ni Choi ang udyok ng baliw na bahagi ng isip niya at hindi binitawan ang kamay ni Lorie hanggang sa magdesisyon silang umuwi.
Dammit! frustrated na sigaw ni Choi sa isip. Kahit kasi gustuhin niyang gawin iyon nang malakas ay hindi niya magawa dahil nakatingala pa rin sa kanya si Maja, inosente ang mga mata at walang kamalay-malay sa eskandalong kinakaharap niya na ito ang dahilan.
Nabaling sa front door ang mga mata ni Choi nang marinig niya ang pagbukas niyon. Nakaramdam siya ng relief nang hindi pa man niya nakikita ay alam na niyang si Lorie iyon. Ngunit agad din iyong nawala nang sumungaw si Lorie at makitang magulo ang buhok nito na mukhang h-in-arass.
“What happened to you?” gulat na bulalas ni Choi, sabay lapit kay Lorie.
“Mama!” tili naman ni Maja na mabilis ding lumapit kay Lorie.
“Okay lang ako,” agad na sagot nito. “Medyo noong papasok na kasi ako sa elevator may mga press na tinangkang makisiksik. Para rin kasing namukhaan ako noong reporter na nakita namin ni Maja sa mall. `Buti na lang napigilan sila ng security,” paliwanag ni Lorie.
Napabuga si Choi ng hangin at marahas na ginulo ang buhok. “God, what a mess! Hindi na sana ako lumabas kahapon kung alam ko lang na mangyayari ito!”
Naramdaman niya ang pagka-tense ni Lorie. Nang mapatingin si Choi sa mukha nito ay lalo lang siyang na-frustrate nang makita ang saglit na pagsungaw ng kislap ng hinanakit at disappointment sa mga mata ni Lorie bago niya na-realize na may mali sa sinabi niya.
“Lo—”
Hindi na natapos ni Choi ang akmang pagtawag sa babae dahil yumuko na ito kay Maja at ngumiti. “Kumain ka na ba, Maja? Gusto mo ng cereal?”
“Yes, Mama!” matinis na sagot ng anak niya na mabilis na kumapit sa kamay ni Lorie. Hindi pa rin tumitingin kay Choi na inakay ni Lorie si Maja patungo sa kusina. Napasunod na lang si Choi ng tingin sa dalawa bago muling inihilamos ang kamay sa mukha at malutong na napamura.
“MAMA, what’s wrong?”
Napahinto sa mariing pagkukuskos ng kaldero si Lorie nang marinig niya ang tinig ni Maja. Lumingon siya sa batang nakaupo sa high stool ilang metro lamang ang layo sa kanya. Nasa kusina sila dahil doon dinala ni Lorie si Maja kanina pagdating niya at kung saan siya naglungga dahil bigla ay ayaw niyang makita ang mukha ni Choi kung hindi ay baka kung ano ang masabi niya.
Nginitian ni Lorie si Maja. “Wala, Maja. Hintayin mo lang na matapos ko ito, ha? `Tapos maglalaro tayo sa kuwarto mo.”
Gumanti ng ngiti si Maja at tumango. Pagkatapos ay nagpatuloy ang bata sa pagtingin kay Lorie habang kumukuyakoy pa ang mga binti nito sa kinauupuan. Binalikan uli ni Lorie ang mariing pagkukuskos sa kaldero.
Wala naman talagang problema maliban lang sa dismayado siya. Sobrang dismayado at medyo nasaktan si Lorie sa sinabi ni Choi kanina. Na nagsisisi ang binata sa ginawa nitong pagdala sa mga bata sa amusement park kahapon. Oo nga at iyon ang dahilan kung bakit laman ng mga balita si Choi at kung bakit napakaraming reporters sa labas ng condominium building. Ngunit sa tingin ni Lorie ay iyon ang pinakamagandang desisyong ginawa ni Choi mula nang makilala niya ito. At malamang sa buong buhay pa ng binata. Subalit lumabas lang sa madla ang larawan ni Choi kasama ang anak ay natataranta na ito. At ngayon ay nagsisising nagpakaama ito kay Maja sa loob ng isang araw.
O baka naman kaya ka naiinis ng ganyan ay dahil alam mong isa sa pinagsisisihan niya ay ang sobrang atensiyong ibinigay rin niya sa iyo kahapon at ang paghawak niya sa kamay mo na parang may relasyon kayo?
Marahas na umiling si Lorie upang pawiin ang tinig na iyon sa isip niya. Hindi siya dapat nag-iisip ng ganoon. Wala siyang karapatan. Napahinto si Lorie at nakaramdam ng pinong kirot sa dibdib niya na iba sa pagkadismayang nadama niya kanina.
Napaderetso ng tayo si Lorie at bumalik sa kasalukuyan ang isip niya nang marinig niya ang tunog ng doorbell. Agad na iniwan niya ang ginagawa at nagpunas ng kamay bago bumaling kay Maja. “Dito ka lang, ha? Titingnan ko kung sino ang nasa labas,” kausap ni Lorie sa bata na tumango naman.