NAKAHINGA nang maluwag si Choi nang wala siyang napansing reporters na umaaligid sa condominium building niya. At least, wala siyang nakita habang tinatahak niya ang daan patungo sa unit niya. Nang makapasok si Choi sa unit niya ay napahinto siya sa katahimikang bumungad sa kanya. Huminga siya nang malalim dahil may nakapa siyang pagkadismaya dahil doon. Ayaw man aminin ni Choi ay mas ina-anticipate niya na sa pagpasok niya roon ay maririnig niya ang boses nina Maja at Lorie.
Nagawa lang kumilos ni Choi nang makarinig siya ng langitngit ng pinto. Tuluyan na siyang pumasok. Nakita niya ang paglabas ni Lorie mula sa guest room. Nang magsalubong ang mga mata nila ay ngumiti ang babae. “Welcome home, Sir. Maaga kayo kaysa sa inakala ko,” bati ni Lorie sa kanya.
Napatikhim si Choi dahil muntik na siyang gumanti ng ngiti. At ayaw niyang mangyari iyon dahil kapag ginawa niya iyon ay para na rin niyang inamin sa sarili niya na nadadala siya ng mga ngiti ni Lorie. “Masyado yatang tahimik,” sa halip ay puna ni Choi.
Tumingin sa guest room si Lorie. Lumambot ang ngiti sa mga labi ng babae. “Pinatulog ko na ang mga bata kasi hindi sila maalis-alis sa harap ng TV. May palabas kasi na tungkol sa Enchanted Kingdom at ayaw nila akong tigilan na dalhin ko sila roon kahit na lagi kong sinasabing masyadong malayo iyon dito. Kaysa daanin nila ako sa iyak, pinatulog ko na lang sila,” kuwento ni Lorie sa malambing na tinig.
Choi couldn’t help but stare at her. There really was something about Lorie’s homey smile and face that made him crazy, in a good and weird way that was so new to him. Paano nasabi ni Choi noon na masyadong plain si Lorie kung walang normal sa epektong idinudulot sa kanya ng ngiti nito? Bago pa tuloy mapagana ni Choi ang lohikal na bahagi ng isip niya ay bumuka na ang mga labi niya. “Then I’ll bring them to Enchanted Kingdom tomorrow.”
Namilog ang mga mata ni Lorie at umawang ang mga labi. “Talaga?”
Napalunok si Choi nang mapagtanto ang sinabi niya. Gusto niyang sabihing nagkamali lang ito ng dinig ngunit walang tinig na nais lumabas sa lalamunan niya. Sa huli ay bumuntong-hininga na lang si Choi at tumango.
Bumakas ang pag-aalangan sa mukha ni Lorie. “Ah… pero maraming tao ro’n. Siguradong may posibilidad na may makakilala sa `yo,” worried na sabi ng babae.
“I’ll put on a disguise if necessary,” simpleng sagot ni Choi na hindi pa rin maialis ang tingin sa mukha nito.
Nagliwanag ang mukha ni Lorie habang kumikislap ang mga mata. “Matutuwa sila! Teka, gigisingin ko na si Kai para makauwi na kami,” sabi pa ng babae. Bago pa uli makahuma si Choi ay nasa loob na ito ng guest room.
Nang mawala si Lorie sa paningin niya ay saka lang tila natauhan si Choi. Marahas siyang umiling bago sumunod dito sa guest room. Nakita ni Choi si Lorie na nakayuko sa kama kung saan masarap na natutulog si Maja at ang anak nito. Nabatubalani si Choi sa nakita. Masuyong hinaplos ni Lorie ang pisngi ng anak nito at binulungan. Parang may pumiga sa puso ni Choi na hindi niya maipaliwanag.
Bukod sa kanyang ina ay si Lorie pa lang ang tanging babaeng nakita niyang napakasuyo. In fact, kung pakakaisiping mabuti ni Choi, si Lorie pa lang ang babaeng nakilala niya na walang pakialam sa hitsura nito o sa suot nito o sa sarili nito in general. All her attention was focused on her daughter and now to his daughter as well.
“Kai, gising ka na, anak.” Umungot lang ang bata at hindi nagising. Bumuntong-hininga si Lorie at sinubukan uling gisingin ang bata ngunit nagpalit lang ito ng puwesto.
“Hayaan mo na muna siyang matulog diyan. Maaga pa naman,” hindi nakatiis na sabi ni Choi sa babae.
Napalingon si Lorie sa kanya at dumeretso ng tayo. Alanganing ngumiti ang babae. “Sige na nga. Isang oras pa,” anito at pinagmasdan uli ang mga bata. Tinitigan niya ang anak ni Lorie.
“Your daughter looks so much like you,” puna ni Choi
Ngumiti si Lorie ngunit hindi inalis ang tingin sa mga bata. “Oo nga. Kamukha namin siya ni Ate. Malamang lalambot ang puso n’on kapag nakita niya si Kai.”
Kumunot ang noo ni Choi at wala sa loob na napalakad palapit kay Lorie. “You have a sister?”
Tumingin sa kanya si Lorie at tumango. “Actually, anak talaga ni Ate si Kai. Kaso kailangan niyang umalis. Iniwan niya sa akin ang bata. Hayan, pitong taon na siya sa akin hindi pa rin bumabalik si Ate.”
Tinitigan ni Choi si Lorie. Bigla niyang naalala ang pagtatalong nangyari sa kanila noong araw na nanggaling sila sa mall. Iyon ba ang dahilan kung bakit ganoon katindi ang intensidad sa mga mata ni Lorie nang sabihin ng babae sa kanya ang stand nito sa pagmamahal sa batang hindi nito anak? Choi suddenly felt sick to his stomach again because of that. Ganoon din ang naramdaman ni Choi nang araw na iyon kaya kahit hindi niya ginagawa ay kusa na lamang nanulas sa mga labi niya ang salitang “sorry.” Because somehow, it sicken him to know that he had hurt her in some way.
Remorse. Hindi makapaniwala si Choi na marunong pala siyang makaramdam ng ganoon. Sanay siyang gawin at sabihin ang lahat ng gusto niya na hindi inaalala ang mararamdaman ng iba. Choi believed that it came with the fact that he was born far well off than others. Na dahil mayaman siya at may mataas na katayuan sa lipunan ay hindi mahalaga sa kanya ang ibang tao, lalo na kung sa tingin niya ay wala namang silbi sa kanya. Yet, Choi felt sick at the thought of hurting her, his babysitter slash housekeeper for heaven’s sake!
Kumurap lang si Choi nang sa wakas ay lumingon si Lorie sa kanya. Pagkatapos ay ngumiti. “Kaya masuwerte si Maja dahil kahit paano ay kasama ka niya,” wika ni Lorie sa tinig na hindi alam ni Choi kung bakit nagpatayo sa mga balahibo niya. “Mahalaga sa isang bata na may magulang sa tabi niya. Sa tingin ko, mas tama lang na nasa poder mo siya. Mukha naman kasing mas masaya siya sa iyo kaysa sa mommy niya,” dugtong ng babae.
May bumara sa lalamunan ni Choi kaya iniiwas niya ang tingin kay Lorie. Itinutok niya ang tingin sa natutulog na mukha ni Maja. May naramdaman si Choi na sakit sa sikmura niya. Marahil dahil sa sinabi ni Lorie. Balak kasing ibalik ni Choi si Maja kay Sheila. Kapag nalaman ba ni Lorie ang desisyon niya, masasabi pa kaya nito iyon? Would she still smile sweetly at him like that? He doubted it. Ngunit kung magbabago ng desisyon si Choi dahil kay Lorie ay talagang ipapasok na niya ang sarili niya sa mental hospital dahil tiyak na nababaliw na talaga siya.
“Alam mo, kahit hindi mo pa napapansin, alam kong magiging mabuting ama ka,” sabi ni Lorie, saka niya ibinalik ang tingin sa mukha ng babae. Naroon na naman ang ngiti sa mga labi at kislap sa mga mata nito na nagpapasensitibo sa pandama ni Choi.
Bago pa niya napigilan ang sarili ay malalaki ang hakbang na lumapit siya kay Lorie. Nang ilang pulgada na lang ang lapit nila sa isa’t isa ay nakita ni Choi ang panlalaki ng mga mata nito na marahil ay dahil sa pagtataka. Biglang tila tumalas ang lahat ng senses niya. Choi could hear Lorie’s breathing, could smell her extraordinarily natural fresh scent without any hint of perfume, and could see every little detail of her face. Mula sa kulay-kapeng mga mata ni Lorie, sa makinis na pisngi nito, sa katamtamang tangos na ilong at sa mga labi nitong bahagyang nakaawang. Huminto roon ang mga mata ni Choi at kahit anong gawin niya ay hindi niya maalis ang tingin doon. He was itching to kiss her. Choi hated the feeling but damn he wanted to.
“Sir?” untag ni Lorie sa kanya.
He gritted his teeth. “Don’t call me that,” wika ni Choi bago pa niya napigilan ang sarili.
“Ha?”
Noon umangat ang tingin ni Choi sa mga mata ni Lorie na titig na titig sa kanya. Parang may humalukay sa sikmura niya. “Stop calling me that. You can call me by my name. I think it’s too formal for the secret that we share.” Gusto nang murahin ni Choi ang sarili sa mga pinagsasabi niya at sa matinding pagnanais na hawakan ito at higit pa.
Kumislap ang mga mata ni Lorie. “Okay, C-Choi,” mahinang usal nito.
Nang marinig ni Choi ang pangalan niyang namutawi sa mga labi ni Lorie ay nakalimutan na niya ang lohika. Sinunod niya ang kanina pa gustong gawin ng baliw na bahagi ng sarili niya. Choi reached to touch her cheek and claimed her lips. Then he was lost.
NANLAKI ang mga mata ni Lorie sa magkahalong pagkagulat at sa biglaang pagragasa ng kakaibang koryente sa buong katawan niya nang bigla na lamang siyang halikan ni Choi. Alam ni Lorie na dapat ay itulak niya palayo ang binata. Iyon ang una niyang halik! Ni hindi nga niya maintindihan kung bakit siya hinahalikan ni Choi. Ngunit hindi iyon ang ginawa ni Lorie. Paano niya iyon gagawin kung nagdudulot ng masarap na pakiramdam ang mainit at malambot na mga labi ni Choi sa mga labi niya?
Napasinghap si Lorie at tuluyan nang nawalan ng pagkakataong mag-analisa ang isip niya nang magsimulang gumalaw ang mga labi ni Choi. Nagliparan ang mga paruparo sa sikmura ni Lorie nang maramdaman ang marahan ngunit mainit na paghagod ng mga labi ni Choi sa bibig niya. Tila hinihigop ng hangin ang lakas niya. Napapikit si Lorie at wala sa loob na sumandig sa katawan ng binata.
Narinig niyang umungol si Choi. Lalong tumindi ang masarap na sensasyong lumulukob sa katawan ni Lorie nang pumaikot ang mga braso ni Choi sa katawan niya at higitin siya palapit sa katawan nito. Kumabog nang malakas ang dibdib niya na halos ikabingi niya.
Lumalim ang halik at parang mawawalan ng lakas si Lorie nang makaramdam siya ng pag-ingit mula sa kama. Awtomatiko siyang napadilat at napalayo kay Choi. Mabilis na lumingon si Lorie sa kama at noon lamang niya naalala na natutulog doon ang mga bata. Nakita niyang nagpalit ng puwesto sa pagtulog si Kai at malamang dito nanggaling ang narinig niyang tunog na nagpagising sa kanya mula sa halik ni Choi.
Biglang nilukob ng matinding pagkapahiya si Lorie. Nag-init ang buong mukha niya at habol pa rin ang hiningang lakas-loob siyang lumingon kay Choi. Gaya ni Lorie ay humihingal din ang binata at may bakas ng pagkamangha sa mga mata nito habang nakatingin sa kanya na para bang kahit ito ay nagulat sa nangyari. Matagal na nagtititigan lang sila. Si Choi ang unang kumilos.
Bumuntong-hininga ito at sinuklay ng mga daliri ang buhok bago nagsalita. “I’m sorry I didn’t know what I was doing. I… I just did it impulsively. I—”
“Mama?” inaantok na tawag ni Kai na nagpatigil sa mga sasabihin pa ni Choi.
Inalis ni Lorie ang tingin sa binata at mabilis na lumapit kay Kai na pupungas-pungas na bumangon. Nagpasalamat siya na nagising na si Kai dahil sa totoo lang, hindi gusto ni Lorie ang mga sinasabi ni Choi. Nagso-sorry ito. Nagsisisi si Choi na hinalikan siya nito. Sa tingin ba nito basta na lang mababalik kay Lorie ang unang halik niya kung magso-sorry ito? Pagkatapos iparamdam ni Choi sa kanya ang masarap at nakakakiliting pakiramdam na iyon ay sasabihin nitong hindi nito alam ang ginagawa nito?
Ibang klase talaga.
“Gising ka na, anak. Mabuti naman at kailangan na nating umuwi,” kausap ni Lorie kay Kai. Pinagalitan niya ang sarili dahil halata ang tensiyon sa boses niya.
Tumango ang bata at inaantok pa ring umalis sa kama. Noon ito napatingin kay Choi. “Gigisingin ko rin ba si Maja?” tanong ni Kai.
“No. Sinasabi ko sa mama mo na isasama ko kayo ni Maja sa Enchanted Kingdom bukas,” sagot ni Choi na ikinalingon uli ni Lorie rito. Balik na sa normal ang ekspresyon sa mukha ni Choi. Na para bang wala itong ginawang kapangahasan sa kanya kanina. Pero hindi ito makatingin sa kanya. Nakaramdam si Lorie ng kurot sa dibdib na agad niyang pinalis.
“Wow, talaga po? Yehey!” masayang bulalas ni Kai na mabilis namang tinakpan ang bibig. “Ay, baka magising si Maja.” Bumaling si Kai kay Lorie at ngumisi. “Mama, pupunta tayong Enchanted.”
Nabagbag naman ang puso niya sa kasiyahan sa mukha ni Kai. Kaya kahit sa totoo lang ay ayaw niyang makasama si Choi bukas ay walang nagawa si Lorie kundi pilit na ngumiti at tumango. Muli siyang sumulyap kay Choi at kumabog uli ang dibdib niya nang makitang nakatitig ito sa kanya. May kung ano-anong emosyon sa mga mata ni Choi na hindi niya mawawaan. Nalilito si Lorie ngunit hindi niya kayang magtanong kay Choi, lalo pa at kaharap ang anak niya. Sa huli ay nag-iwas na lang ng tingin si Lorie at ginaya si Choi—ang magkunwaring parang walang nangyari. Kahit ang isip, puso at mga labi niya ay hindi makalimutan ang ginawa nito.
NAPANGITI si Lorie nang magkapanabay pang masayang tumili sina Kai at Maja pagkatapak pa lamang nila sa loob ng Enchanted Kingdom. Ang akala niya ay nabigla lamang si Choi nang sabihin nito kagabi na dadalhin nito roon ang mga bata. Ngunit kagigising pa lamang ni Lorie kaninang umaga ay tumawag na si Choi sa kanya para sabihing agahan niya ang pagpunta sa bahay nito dahil aalis sila. Ngayon ay nasa Enchanted Kingdom na sila. At dahil umaakto si Choi na parang walang nangyari nang nagdaang gabi ay ganoon na lang din ang ginawa niya. Hindi kasi alam ni Lorie kung paano aakto sa harap ni Choi kung iisipin niya palagi ang tungkol sa nangyari sa pagitan nila.
Saglit siyang sumulyap kay Choi na nakatayo sa tabi niya at simpleng maong na pantalon, plain T-shirt, baseball cap, at dark shades ang suot. Ayon sa binata ay disguise daw nito iyon ngunit kahit ganoon ang ayos nito ay kanina pa napapansin ni Lorie na halos lahat ng mga tao sa paligid nila ay napapatingin dito. Kahit yata kasi sako ang isuot ni Choi ay hindi ito magmumukhang ordinaryong tao.
Yumuko si Choi sa kanya at alam ni Lorie na sa kabila ng shades nito ay nagtama ang mga mata nila. “What?” tanong nito sa kanya at noon lamang napagtanto ni Lorie na pigil pala niya ang hininga habang nakatingala kay Choi.
Kumurap si Lorie at idinaan na lang sa ngiti ang nangyari sa kanya. “Hindi lang ako makapaniwala na talagang dinala mo sila rito. Salamat, Sir.”
Kumunot ang noo ni Choi. “Stop that,” sikmat nito.
“Ang alin?” gulat na tanong ni Lorie.
“Calling me ‘sir.’ Sinabi ko na sa `yo kagabi, hindi ba?”
Napamaang si Lorie kay Choi. At nakita rin niyang natigilan ito. Alam ni Lorie na iisa ang nasa isip nila—ang ginawang paghalik ni Choi sa kanya pagkatapos sumang-ayon ni Lorie sa utos ng binata na tawagin niya ito sa pangalan nito.
Tumikhim si Choi. “Anyway, stop calling me that already. Lalo na ngayon na umaakto akong ordinaryong tao. I’m on a disguise, remember that,” aroganteng utos nito.
Nakagat ni Lorie ang ibabang labi at marahang tumango. “Okay. C-Choi.”
Gusto mapailing ni Lorie dahil sa pangalawang pagkakataon ay parang may kung ano sa pangalan ni Choi na nagpapakaba sa kanya tuwing babanggitin niya. Hndi niya maipaliwanag ang tila koryenteng dumadaloy sa katawan niya dahil lang nanulas sa mga labi niya ang pangalan nito. Nag-init ang mukha ni Lorie. Dumeretso ng tayo si Choi at tinitigan lang siya. Nanatili lamang sila roon, magkaharap at magkasalubong ang mga mata. Biglang bumilis ang tibok ng puso ni Lorie nang maalalang ganoon din ang nangyari sa kanya bago siya halikan ni Choi kagabi.
“Mama!” tawag kay Lorie ng dalawang pamilyar na tinig na pumutol sa kung ano mang namagitan sa kanila ni Choi. Napalingon siya at nakita niya sina Kai at Maja na nakatayo na malapit sa merry-go-round at kumakaway sa kanila.
“Horse, Mama!” tili ni Maja.
“Gusto po naming sumakay rito, Mama,” sabi naman ni Kai.
Ngumiti si Lorie at mabilis na lumapit sa dalawang bata. Naramdaman niyang nakasunod lang ng tingin sa kanya si Choi. “O sige, diyan kayo unang sasakay,” sagot ni Lorie kina Kai at Maja na halatang ikinatuwa ng mga ito. Saglit niyang binalingan si Choi upang magpaalam na isasakay lang niya ang mga bata roon. Tango lang ang isinagot ni Choi. Pagkatapos kumuha ng ticket ni Lorie at maisakay sa isang kabayo ang dalawa ay saka siya bumalik sa tabi ni Choi na hindi umalis sa kinatatayuan nito.
“She called you ‘mama,’” kapagkuwan ay sabi ni Choi.
Saglit na napatingin si Lorie sa binata bago niya naramdaman ang pag-iinit ng mga pisngi niya sa pagkapahiya. “Pasensiya ka na, nasa edad kasi si Maja na ginagaya niya ang lahat ng mga salitang naririnig niya. Madalas niyang marinig si Kai kahapon na tinatawag akong mama kaya bigla na lang niyang ginaya. Kahit sinasabi ko sa kanya na Lorie ang itawag niya sa akin ayaw niya,” paliwanag ni Lorie.
“It’s okay. Kung tutuusin ikaw naman talaga ang tumatayong ina niya ngayon. It doesn’t really bother me,” sagot ni Choi.
Hindi na nagsalita si Lorie at pinagmasdan na lamang sina Kai at Maja na ngayon ay enjoy na enjoy na sa umiikot na merry-go-round. Kumakaway pa ang dalawa sa gawi nila ni Choi at sa tuwina ay ngumingiti siya at gumaganti ng kaway sa mga ito.
“You’re a really good mother.”
Natigilan si Lorie at napatingala sa komentong iyon ni Choi. Kumabog ang dibdib niya nang makitang nakatingin ito sa kanya. Hindi alam ni Lorie kung paano ba maayos na magre-react sa sinabi ni Choi kaya ngumiti na lang siya at nagtangkang magbiro. “Ikaw ba talaga iyan?”
Umismid ang binata at nag-iwas na ng tingin. “Whatever.”
Bahagya na lang natawa si Lorie sa inakto ni Choi ngunit sa loob-loob niya ay halos hindi na bumalik sa normal ang tibok ng puso niya.