THE PRINCE'S SCANDAL TRILOGY (Filipino) Chapter 16

“ATE,” GARALGAL na sabi ni Lorie nang buksan niya ang pinto at tumambad sa kanya ang ate Mary niya. Mas maganda si Mary kaysa noong huli itong nakita ni Lorie. Patunay na naging maganda ang buhay ng ate niya sa Japan kasama ang napangasawa nitong hapon.

Ngumiti si Mary kay Lorie at niyakap siya nang mahigpit. “Lorie, na-miss kita!” bulalas nito at tuluyan na siyang naluha.

Gumanti si Lorie ng mahigpit na yakap. “Ate, sabi ko na nga ba at babalikan mo kami,” naiiyak na sabi niya.

Nagtagal silang magkapatid sa posisyong iyon bago siya pinakawalan ng ate niya. Lumagpas kay Lorie ang tingin nito. “Ito na ba si Kai?” bulalas ni Mary na may himig ng pagkamangha.

Lumingon si Lorie kay Kai na nakatingin din sa panig nila. May bakas ng alinlangan sa mukha ng bata. Agad na lumapit si Lorie kay Kai at inakbayan ito. “Kai, siya ang mama mo,” malumanay na sabi niya rito. Nang tingnan ni Lorie ang ate niya ay nakita niyang namamasa na ang mga mata nito. Halatang na-miss din ni ate Mary ang anak at hindi totoo ang mga sinasabi ng mga kapitbahay at kakilala nila na wala itong pakialam kay Kai.

Lumapit si Mary at lumuhod sa harap ni Kai pagkatapos ay niyakap ang bata. Nakita ni Lorie nang tuluyan nang tumulo ang luha sa mga mata ng ate niya. “Anak, ang laki-laki mo na.”

Kapagkuwan ay saglit na niluwagan ni Mary ang yakap nito sa bata at paulit-ulit na hinalikan ang mukha ni Kai.

Nag-init ang mga mata ni Lorie sa eksenang iyon. Matagal na panahon niyang hinintay ang araw na iyon sa kabila ng mga sinasabi ng mga kakilala niya na katangahan ang hintayin ang pagbabalik ng ate niya. Ngunit naroon na si ate Mary at magkakasama-sama na silang muli.

“LORIE, salamat sa pag-aalaga mo kay Kai sa mahabang panahon. Masuwerte akong naging kapatid kita,” sabi ng ate Mary ni Lorie na ginagap pa ang mga kamay niya nang nakaupo na sila. Nasa tabi nito si Kai na kahit halatang nahihiya ay alam ni Lorie na nabagbag din ang damdamin sa pagdating ng tunay na ina.

Nakangiting umiling si Lorie at sumagot, “Ano ka ba, Ate, anak na rin ang turing ko kay Kai. Masaya akong naalagaan ko siya. Kung hindi dahil sa kanya, eh, di mag-isa lang ako rito. Mas malungkot iyon.”

Bahagyang nawala ang ngiti sa mga labi ni Mary at sumungaw ang guilt. Biglang kinabahan si Lorie sa naging reaksiyon ng ate niya, lalo na nang ibaling nito ang tingin kay Kai.

“Magkakasama na tayo, Kai. Kukunin na kita. Hindi na tayo magkakahiwalay pa. Dadalhin kita sa Japan kasama ang magiging daddy mo,” wika ni Mary kay Kai at saka tumingin uli sa kanya.

Sa isang iglap ay nakita ni Lorie sa kislap ng mga mata ng ate niya ang balitang hatid nito para sa kanya bago pa man ito magsalita. Nakaramdam si Lorie ng tila batong dumagan sa puso niya at parang may humalukay sa sikmura niya sa nabasa niya sa mga mata ni Mary. Ito na ang kinatatakutan niyang mangyari. “A-Ate,” mahinang usal ni Lorie.

Huminga nang malalim si Mary at hinawakan uli ang kamay niya. “Lorie, matagal bago ako nagkalakas ng loob at pagkakataon para masabi ko kay Akihito na may anak na ako. Natakot ako na baka sabihin niya sa akin na ayaw na niya sa akin. At hindi ako magsisinungaling, nang una kong sabihin sa kanya, nagalit siya sa akin. Hindi dahil may anak na ako kundi dahil nagsinungaling daw ako sa kanya at hindi ko sinabi kaagad na may anak ako. Akala ko talaga idi-divorce na niya ako at pababalikin sa Pilipinas. Pero hindi niya ginawa dahil sabi niya mahal daw talaga niya ako. Lately lang niya na-open sa akin na kung gusto ko raw puwede kong kunin ang anak ko para maging isang buong pamilya na kami,” paliwanag ni Mary sa malumanay na tinig.

May bumara sa lalamunan ni Lorie. “At… kaya ka bumalik ay para kunin si Kai. Hindi para… magkasama na tayong tatlo. Kukunin mo siya sa akin at iiwan mo akong mag-isa rito?” garalgal ang tinig na sagot ni Lorie rito.

Muling kumislap ang guilt sa mga mata ni Mary at niyakap siya. “Sorry, Lorie. Pero si Kai lang ang pinayagan niyang isama ko. Gusto rin kitang makasama, maniwala ka. Pero ayaw mo ba nito mas mapagtutuunan mo na ang sarili mo kapag nasa akin na si Kai? Dalaga ka, dapat humanap ka ng lalaking magmamahal sa `yo at hindi ka nag-aalaga ng bata. Papadalhan naman kita ng pera para makatulong sa `yo.”

Nakagat ni Lorie ang ibabang labi sa pagpipigil ng luha. “Hindi iyon ang punto, Ate. Kayo na lang ni Kai ang pamilya ko. Hindi ko kailangan ng pera. P-pamilya ang kailangan ko. At hindi ko alam kung makakaya kong mawala si Kai sa akin,” umiiyak na sagot ni Lorie.

Humigpit ang yakap ni Mary. “Sorry, Lorie. Pero wala akong choice. Ayoko nang magkaroon ng dahilan si Akihito na magalit sa akin. Mahal na mahal ko siya at sapat na sa akin na pumayag siyang makasama namin ang anak ko. Naiintindihan mo naman ako, hindi ba?”

Hindi nakasagot si Lorie at kinagat na lamang nang mariin ang ibabang labi. Dahil ang totoo, naiintindihan niya ito. Na sa tagong bahagi ng puso ni Lorie ay alam niyang mangyayari iyon. Na kukunin ni Mary si Kai at iiwan siya nitong mag-isa. Masakit lang na mangyari iyon mismo. “K-kailan kayo aalis?” mahinang tanong ni Lorie.

Humugot ng malalim na hininga ang ate niya at kumalas sa kanya. Nangingislap ang mga mata nito sa namumuong luha. “Sandali lang kami rito, Lorie. Aasikasuhin lang namin ang mga papeles ni Kai. Ipapa-rush na namin kahit daw gumastos kami nang malaki sabi ni Akihito. Nasa hotel siya ngayon. Gusto niya sanang isama ko si Kai para magkasama sila habang nandito kami. Isasama rin kita ngayon para magkakilala kayo.”

Napaawang ang mga labi ni Lorie. “N-ngayon na?” usal niya at sumulyap kay Kai na umiiyak na rin. Alam ni Lorie na naiintindihan ni Kai ang pinag-uusapan nila. Tumayo ang bata at mabilis na yumakap kay Lorie. “Mama, maghihiwalay ba tayo? Ayoko, Mama,” umiiyak na sabi nito.

Tuluyan na siyang napaiyak at gumanti ng yakap kay Kai. Ayoko rin na magkahiwalay tayo, anak. Pero alam ni Lorie na iyon ang mas mabuting mangyari. Ang ate niya ang tunay nitong ina at kapag sumama si Kai rito ay magkakaroon na ito ng buong pamilya. Tiyak din na mabibigyan si Kai ng magandang buhay ng asawa ng ate niya. “Magkikita pa naman tayo, Kai. Sigurado naman na ipapasyal ka ng totoong mama mo dito para makita kita uli. Hindi ba, Ate?” aniyang bumaling sa ate niya.

Alam ni Lorie sa kislap ng mga mata ni Mary na malabo ang sinasabi niya ngunit ngumiti ito at bumaling kay Kai. “Oo naman. Ngayon nga dalawa kayong isasama ko sa hotel kung saan kami tumutuloy ng magiging daddy mo, Kai.”

Nilunok ni Lorie ang bikig sa lalamunan niya. “Kayo na muna ang magpunta, Ate. Puwede bang bukas ko na lang kikilalanin ang asawa mo? Balikan mo na lang ako rito bukas. A-aayusin ko pa ang mga gamit ni Kai.”

Saglit na tila nag-isip si Mary bago bumuntong-hininga. “Sige,” sang-ayon nito at tumayo na. “Babalik ako bukas para sunduin ka. Para magka-bonding din tayo.”

Pilit na ngumiti si Lorie. Pagkatapos niyon ay matinding pilitan pa bago nila napapayag ng ate niya si Kai na sumama rito. Pigil ni Lorie ang kanyang mga luha hanggang sa ihatid niya ng tingin ang mag-ina. Hindi nakaligtas sa kanya ang tingin ng mga kapitbahay nila. Nang mawala sa paningin ni Lorie ang mag-ina ay agad niyang isinara ang pinto bago pa siya mabato ng sangkaterbang tanong ng mga taong nakakita sa pagdating ng ate niya. Kapagkuwan ay noon lamang niya hinayaang tumulo ang mga luha niya.

Napaigtad si Lorie nang maramdaman ang mainit na kamay sa likod niya. Nang lumingon siya ay nakita niya si Choi na nakalimutan niyang nasa bahay pa pala niya. Magkahalong iritasyon, simpatya at iba pang emosyon ang nakita ni Lorie sa mga mata ng binata. Humugot si Choi ng malalim na hininga at saka siya hinarap nito. Napakurap si Lorie nang umangat ang isang kamay ni Choi at marahang pinahid ng mga daliri nito ang mga luha sa mga pisngi niya.

“Pasensiya ka na, nakalimutan kong ipakilala kayo ni Maja kay Ate,” wika ni Lorie na pilit ginawang normal ang tinig.

Humugot si Choi ng hininga bago siya hinalikan sa tuktok ng ulo niya. “You are too kind, Lorie. Puwedeng hindi ka pumayag sa gusto niya. Dapat nagalit ka na pagkatapos ng mahabang panahon ay bigla na lang siyang susulpot para kunin sa `yo si Kai. You can argue with her and tell her she can’t have the child dahil ikaw ang nagpalaki sa kanya. But what did you do? Pumayag kang kunin niya sa `yo ang bata. Mahal mo si Kai, hindi ba? Anak na ang turing mo sa kanya,” sermon ni Choi kay Lorie pero napansin din niya ang lumanay ng mga salita nito. Na para bang inaalo siya nito.

Iyon ang unang beses na naringgan ni Lorie ng ganoong tono si Choi. Lalo lamang kumirot ang puso niya hanggang sa mapaiyak na siya nang todo. “Hindi ko puwedeng gawin iyon. Si Ate pa rin ang tunay na ina ni Kai at alam kong mabibigyan niya si Kai ng buong pamilya at magandang buhay. Hindi ko iyon maaaring ipagkait sa bata.”

Naramdaman ni Lorie ang paghagod ng isang kamay ni Choi sa likod niya. “Huwag mo na akong aluin lalo lang akong naiiyak sa ginagawa mo. Dahil sa simpatya mo na alam kong hindi madaling lumabas, lalo ko lang nararamdaman na napakamiserable ko na pala para kaawaan mo ako ng ganyan,” saway ni Lorie sa binata. Ngunit sa halip na tumigil si Choi sa pag-alo sa kanya ay hinigit pa siya nito palapit sa katawan nito. Ikinulong ng mga kamay ni Choi ang mukha ni Lorie para iangat at titigan siya.

“You are right. I don’t symphatize with people easily. But you are different. Because I don’t want to see you crying like that. I hate to see you in pain. At ang pinakaayaw ko sa lahat ay ang wala akong magawa para hindi ka masaktan ng ganyan,” pabulong na sabi ni Choi na tumagos sa puso ni Lorie at tila mainit na kamay na humahaplos doon, pinakakalma ang bugso ng mga emosyong nagsasalimbayan sa dibdib niya.

“M-maiiwan akong mag-isa kapag wala na si Kai. Hindi ko alam kung makakaya ko na wala siya sa tabi ko,” pag-amin ni Lorie. Alam niyang nagiging emosyonal na siya. Hindi naman talaga iyakin si Lorie pero hayun siya at hindi niya maintindihan kung bakit siya umiiyak sa harap ng huling taong naisip niyang pagsasabihan niya ng mga takot at kahinaan niya.

May kumislap na kung ano sa mga mata ni Choi. Niyakap siya nito. “That will never happen,” bulong nito. Kapagkuwan ay napasinghap si Lorie nang bigla ay tawirin ni Choi ang pagitan ng mga labi nila at ginawaran siya nito ng masuyong halik na lalo lamang nagpabalong ng mga luha niya. Napapikit si Lorie sa sensasyong dulot ng halik ni Choi. Kakaiba iyon sa unang halik na ginawa nito noon. Ang halik ni Choi ngayon ay para bang inaalo siya na umeepekto naman.

Dumilat si Lorie nang pakawalan ng binata ang mga labi niya. Nagsalubong ang mga mata nila. “You can stay with us. Maja needs you. I need you, Lorie. Hindi totoong maiiwan kang mag-isa. You have us, remember that,” seryosong sabi ni Choi.

Tinitigan ni Lorie ang binata dahil baka nagkamali lang siya ng dinig. Ngunit nakita niya sa mga mata nito na tama ang dinig niya. “Kailangan mo ng babysitter at housekeeper. Iba iyon kaysa sa kung ano ang relasyong mayroon ako kay Kai. Pamilya ko siya.”

Huminga nang malalim si Choi. “Then treat us as a family. Mahirap bang gawin `yon?” Nang hindi pa rin nagsalita si Lorie ay naramdaman niyang pinisil ni Choi ang pisngi niya. “Look, Lorie, will you stop looking at me like that na para bang naging dalawa ang ulo ko? Masyado bang imposible para sa `yo na magpakita ako ng kabaitan? I want you to live with us. Puwede mong gamitin ang guest room kasama ni Maja. Mas mabuti rin iyon para palagi mong nababantayan si Maja at hindi ka masyadong malulungkot dahil hindi ka na magkakaroon ng oras para isipin palagi si Kai,” paliwanag ni Choi.

Kumurap si Lorie nang unti-unting luminaw sa isip niya ang nais nitong mangyari. “Gusto mong maging stay in babysitter at housekeeper ako?”

Lalong kumunot ang noo ni Choi na para bang hindi nito nagustuhan ang sinabi niya ngunit sa huli ay marahas din itong nagbuga ng hangin at bantulot na pinakawalan siya. “Yeah, that’s what I’m talking about,” sagot ng binata na may bahid ng disgusto na hindi mawari ni Lorie.

“Pero baka malaman na naman ng media ang tungkol kay Maja. Mababalita ka na naman. At baka bigyan nila ng kulay kung titira ako doon kasama ninyo,” sabi ni Lorie.

“They could all go to hell for all I care.”

Tumitig si Lorie sa binata. “Hindi iyan totoo. Alam ko na mahalaga sa iyo ang reputasyon mo, Choi.”

Tumingin sa kanya si Choi, saka humugot ng malalim na hininga. Kapagkuwan ay sinuklay nito ng mga daliri ang buhok at tumitig sa kanya. “Lorie, I will think about that later. Kapag nakausap ko na ang mga magulang ko, saka ko iisipin kung ano ang susunod na hakbang na gagawin ko. But one thing is for sure, I will keep Maja. I will keep you,” seryosong pahayag nito.

Nahigit ni Lorie ang hininga sa sinabi ni Choi at matagal bago niya nahamig ang sarili. Magtatanong pa sana si Lorie nang mahagip ng mga mata niya si Maja na nakasilip mula sa kusina. “Mama, are you crying?” nag-aalalang tanong ni Maja.

Mabilis na hinamig ni Lorie ang sarili at pilit na ngumiti. “Hindi. Napuwing lang ako. Halika rito,” aniya sa bata.

Agad namang tumalima si Maja at yumakap sa mga binti niya. Yumuko si Lorie at binuhat ito. Yumakap ang mga braso ng bata sa leeg niya at ginawaran siya ng malutong na halik sa mga labi na ikinabigla ni Lorie. “Don’t cry na, Mama. There I kissed you, too, like Daddy para um-okay ka na,” inosenteng sabi ni Maja na ikinainit ng mukha niya. Nakita nitong hinalikan siya ni Choi. Mainit pa rin ang mukhang sumulyap si Lorie kay Choi na nakamasid sa kanila ni Maja.

Nang magtama ang mga mata nila ay biglang ngumisi ang binata na nagpalipad sa mga paruparo sa sikmura niya. Iyon din ang ngiting nakita ni Lorie rito nang pumayag siyang alagaan si Maja. “Nakalimutan kong ginagaya niya nga pala lahat ng nakikita at naririnig niya. I will remember that next time,” sabi ni Choi na may bahid ng panunudyo ang tinig.

Sumikdo ang puso ni Lorie at mabilis na inalis ang tingin dito. Ano ba ang nangyayari kay Choi? Pero hindi rin nagtagal ay napagtanto ni Lorie na dahil kina Choi at Maja ay gumaan na ang pakiramdam niya kahit paano. Tipid siyang ngumiti.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.