ANG MGA sumunod na araw ay magkahalong lungkot at saya para kay Lorie. Dahil bilang na lamang ang mga araw ng pagsasama nila ni Kai ay hinayaan siya ni Choi na huwag munang magpunta sa bahay nito. Si Choi na raw muna ang bahala kay Maja kahit na alam ni Lorie na siguradong mai-stress na naman ang binata sa pag-aalaga sa bata.
Nakilala ni Lorie si Akihito, ang asawa ng ate niya, at napagtanto niya na mabait naman ang hapon. Alam niya na maaalagaan nito ang ate niya at si Kai. Kahit ang bata na noong una ay takot kay Akihito ay napalagay rin ang loob dito sa loob lamang ng dalawang araw. Nalulungkot si Lorie na mawawalay na si Kai sa kanya at hindi niya alam kung kailan niya makikita uli ang bata pero ang kaalamang magkakaroon ito ng maayos na buhay sa piling ng ate niya at ni Akihito ay sapat nang pakonswelo sa kanya.
Hindi alam ni Lorie kung paano nagawa nina Akihito at Mary ngunit sa loob lamang ng isang linggo ay naayos na ng mag-asawa ang papeles ni Kai. Halatang naglabas talaga ng pera si Akihito para matapos kaagad ang mga iyon. Ang sabi ng ate ni Lorie ay kilalang negosyante raw ang asawa nito sa Japan at dati na itong nakikipagnegosyo sa Pilipinas kaya malamang ay ginamit ni Akihito ang koneksiyon nito para doon.
Hanggang sa dumating ang araw ng pag-alis ng mga ito. Si Lorie lang ang naghatid sa pamilya ng ate niya sa airport. Iyak nang iyak si Kai at mahigpit ang yakap sa kanya. Maging si Lorie ay hindi na napigilan ang mapaluha. Niyakap niya nang mahigpit si Kai.
“Mama, hindi ka ba talaga puwedeng sumama sa amin?” anito sa pagitan ng paghagulhol at mahigpit na yakap.
Nakagat ni Lorie ang ibabang labi upang pigilan ang pag-iyak. “Huwag kang mag-alala. Dadalawin kita balang-araw. O kaya dadalaw naman kayo rito. Magkikita pa tayo, anak,” alo niya kay Kai sa kabila ng mga luha niya. Matagal bago sila nagkalas ng yakap.
Sumunod na binalingan ni Lorie ang ate niya na mangiyak-ngiyak na rin. Ito naman ang yumakap sa kanya. “I’m so sorry, Lorie. Sorry,” paulit-ulit na usal ni ate Mary.
Umiling si Lorie. “Basta siguruhin mo lang na magiging masaya kayo, Ate. Mahalin ninyo lang siya at alagaan nang husto. Bigyan ninyo siya ng magandang at maayos na buhay. At… sana kahit minsan maisipan ninyo akong dalawin dito.”
Tumango si Mary at humigpit ang yakap bago siya pinakawalan. Hinalikan ni Lorie sa huling pagkakataon ang pisngi ni Kai. Umiiyak na pinagmasdan niya ang mga ito hanggang sa makapasok sa departure area ng airport.
Ilang minuto pang nanatiling nakatayo roon si Lorie bago siya humugot ng malalim na hininga at pinahid ang mga luha sa kanyang mga pisngi. Tumalikod at lulugo-lugong lumabas siya ng airport. Pagkatapak pa lamang ni Lorie sa labas ay may isang itim na pamilyar na Land Rover ang humimpil sa harap niya. Napamaang si Lorie nang bumukas ang pinto ng passenger seat niyon at masilip niya mula sa loob si Choi na tulad ng dati ay nakasuot ng dark shades at baseball cap na halos tumabing na sa buong mukha nito. “Get in.”
Mabilis na tumalima si Lorie. Pagkasara niya ng pinto ay saka lamang niya napansin si Maja na nakaupo sa likuran. Nang makita ng bata ang mukha ni Lorie ay mabilis itong tumayo at lumapit sa kanya. Dahil maliit pa si Maja ay nakalusot pa ito sa gitna. Inalalayan ni Lorie ang bata upang kumandong sa kanya.
“Mama, you’re crying again,” nag-aalalang bulalas ni Maja. Bago pa makahuma si Lorie ay ginawaran na naman siya ng bata ng matunog na halik sa mga labi. Pagkatapos ay bumaling ito kay Choi. “Daddy, give Mama a kiss, too. Para maging okay na uli siya,” inosenteng dugtong ni Maja na ikinainit ng mga pisngi niya.
“Hindi na kailangan iyon, Maja. Okay na ako,” maagap na sabi ni Lorie sa bata.
“Are you sure?” naninigurong tanong ni Maja.
Tatango na sana si Lorie nang unahan siya ni Choi. “No, she’s not.” Napabaling siya rito at nanlaki ang mga mata niya nang bale-walang dumukwang si Choi at ginawaran siya ng mabilis na halik sa mga labi. Manghang napatitig si Lorie sa binata nang ilayo nito ang mukha sa kanya at ngumiti. “Now she will be okay,” sabi ni Choi at umayos na ng upo sa likod ng manibela at tila walang ginawang kapusukang pinaandar nito ang sasakyan. “Time to go home. Nasa compartment na ang mga gamit mo na tingin ko ay kapakipakinabang pa mula sa bahay mo.”
Noon natauhan si Lorie. “Ano? Inempake mo ang mga gamit ko nang hindi nagpapaalam sa akin? At paano ka nakapasok doon, eh, naka-lock `yon?” manghang bulalas niya.
Saglit na sumulyap kay Lorie si Choi at umismid. “Madali lang buksan ang pinto ng bahay mo. Don’t worry siniguro kong naka-lock iyon nang maayos pag-alis ko kanina. You will need your things because you’re going to stay with us, remember?” paliwanag ng binata na para bang napakasimple lamang ng ginawa nito.
Muling umawang ang mga labi ni Lorie para magsalita pero napagtanto niyang wala siyang maisip na sabihin. Sa totoo lang ay nawe-weird-an na siya kay Choi. Hindi alam ni Lorie kung kailan nangyari pero tila may nag-iba sa binata na hindi niya maipaliwanag. Hindi naman siya makapagtanong dahil hindi makapa ni Lorie ang tamang mga salita na kailangan niya para tanungin ito.
“We’re going to stay together forever na, Mama,” masayang sabi ni Maja na ikinabaling niya rito. “Me, Daddy, and Mama,” patuloy pa ng bata at ikinuskos pa ang mukha sa dibdib niya at yumakap nang mahigpit sa kanya. Gumanti ng yakap si Lorie dahil may bumikig sa lalamunan niya sa kasiyahan sa tinig ni Maja.
Kasabay niyon ang pag-iinit ng mukha ni Lorie sa implikasyon ng sinabi ng bata. Pasimple siyang sumulyap kay Choi. Bumilis ang tibok ng puso ni Lorie nang makitang nakatingin din sa kanya ang binata. At nang magtama ang mga mata nila ay ngumiti ito na nagpahigit sa hininga niya. “That’s her request, Mama,” sabi ni Choi na bakas ang panunudyo sa tinig.
Nag-init ang mukha ni Lorie. “Ano ba’ng nangyayari sa `yo?” hindi na nakatiis na tanong niya.
Umangat ang mga kilay ni Choi at ibinalik ang tingin sa daan. “Anong ibig mong sabihin?” painosenteng tanong nito.
“Ang… ang weird mo alam mo ba iyon? Bigla kang bumait at… at,” hindi maituloy ni Lorie ang sasabihin. At naging malambing at feeling close hanggang sa puntong hinahalikan mo ako na para bang matagal mo na iyong ginagawa!
Umangat ang isang sulok ng mga labi ni Choi na para bang nababasa nito ang iniisip niya. “Why don’t you figure it out yourself? At saka na natin pag-usapan iyan kapag tayong dalawa lang okay?” sabi ni Choi na sumulyap pa sa batang kandong niya na nang yukuin niya ay nakatingin na sa kanila.
Bumuntong-hininga si Lorie at mariing itinikom ang bibig kaysa magsalita pa. Napalingon lang uli siya kay Choi nang marinig niya ang tawa nito. Nakangising sumulyap uli kay Lorie ang binata. “Good girl.”
Naapaawang ang mga labi niya kasabay ng pagwawala ng mga paruparo sa sikmura niya. May realisasyong biglang rumagasa sa kabuuan ni Lorie. Natakot siya. Kung palagi siyang ngingitian ni Choi baka mahulog ang loob niya rito. Iyon ay kung hindi pa nga iyon nangyayari. Alam ni Lorie na hindi puwede dahil baka tawanan siya ni Choi. Sino lang ba siya kompara sa isang Montemayor na gaya nito? Isa lang siyang bayarang babysitter.
Iniiwas ni Lorie ang tingin sa binata at mariing pumikit dahil bigla ay parang maiiyak na naman siya. Ngunit sa pagkakataong iyon ay iba na ang dahilan.
“GRABE naman!” hindi makapaniwalang bulalas ni Lorie nang pagtingin niya sa mga tabloid kinabukasan ay nasa balita na naman si Choi. Ngunit sa pagkakataong iyon ay hindi isyu ng secret child nito kundi ang balitang nahuli ito ng reporter na si Chavit Sotto sa airport na may sinundong babae.
Diumano ay kakababa pa lamang ni Chavit sa taxi nang matanaw nito ang pamilyar na pigura ni Choi na kahit na naka-disguise ay kapansin-pansin at may hinahalikang babae sa loob ng sasakyan nito. Sa gilid ng artikulo ay isang malabong larawan na mukhang sa malayo at cell phone lamang kinunan. Nag-init ang mga pisngi ni Lorie nang makitang ang larawang iyon ay walang iba kundi ang larawan nila ni Choi nang bigla siyang halikan ng binata alinsunod sa sinabi ni Maja rito noong nasa airport sila.
“Lorie, saan mo inilagay ang puting coat ko?” narinig niyang tanong ni Choi. Awtomatiko siyang napatingala at bumaling sa binata. Bale-walang lumabas si Choi nang nakaroba sa kuwarto nito.
Nanlaki ang mga mata ni Lorie. “Ilang beses ko bang sasabihin sa `yong huwag kang lalabas ng kuwarto mo na ganyan ang hitsura mo?” mabilis ang tibok ng pusong bulalas niya. Dalawang araw pa lamang nananatili roon si Lorie at sa tuwina ay umaakto si Choi na tila pamilyar na pamilyar na ito sa kanya. Na para bang si Lorie lamang ang naiilang na nakatira siya sa iisang bahay kasama ang binata.
Nagtama ang mga mata nila. May kumislap na kapilyuhan sa mga mata ni Choi. “Why?” tanong nito sa mas mababang tinig na alam na alam ni Lorie na tinutudyo siya.
“H-hindi magandang tingnan,” aniya, saka nag-iwas na ng tingin. Napatingin si Lorie sa tabloid na hawak niya at lalong nag-init ang mga pisngi niya. “At huwag mo nang gagawin uli ito. Tingnan mo nga nasa tabloid ka na naman. Nadadamay pa ako. Mabuti na lang malabo ang kuha niya. Akala ko ba ayaw mong maeskandalo?”
“Let him write whatever he wants because honestly, I don’t care anymore,” sagot ni Choi.
Nahigit ni Lorie ang kanyang hininga at awtomatikong napatingala dahil sa isang iglap lang ay nasa tabi na niya si Choi. Bagong ligo ang binata at nanunuot sa ilong ni Lorie ang mabangong amoy ng sabong pampaligo, shampoo, aftershave, at ang natural na amoy nito na sa loob lang ng ilang linggo ay naging pamilyar na sa kanya.
“Now let’s go back to a more interesting topic. Bakit nga ayaw mo akong nakikitang ganito?” tanong na naman ni Choi na halatang natutuwa sa pagkailang niya.
Nag-iwas ng tingin si Lorie. “Hindi magandang tingnan, lalo na para kay Maja.”
“She’s sleeping, Lorie. At nakita mo na ba akong nagpakita sa kanya ng ganito bukod noong unang beses na dumating siya rito?” tanong ni Choi. Hindi siya sumagot at napasinghap siya nang umangat ang isang kamay ng binata at iangat ang baba niya upang magtama ang mga paningin nila. “Talaga bang si Maja ang inaalala mo?”
Nakaramdam si Lorie ng kakaibang kilabot sa tono ng boses ni Choi. Idagdag pa ang kamay nito sa baba niya habang ang isang kamay ay nakalapat sa sandalan ng sofa na nasa gilid ng mukha niya at ang matiim na titig ni Choi na halos magpatayo ng balahibo ni Lorie sa katawan. “B-bakit ka ba ganyan? Mula nang magpakita ka uli sa amin sa bahay ko, para kang…”
“Parang?” udyok ni Choi kay Lorie nang hindi niya matapos ang nais niyang sabihin. Mariin siyang napapikit. “Say it Lorie,” bulong nito. Naramdaman niya ang mainit na hininga ni Choi sa mukha niya.
Pakiramdam ni Lorie ay tumalon na palabas ang puso niya sa kanyang dibdib. Pinilit niyang dumilat para lang higitin ang hininga nang makitang ilang pulgada lamang ang layo ng mukha ni Choi sa mukha niya. Nagsalubong ang mga mata nila. “Para kang nang-aakit. Ano ba talagang balak mong gawin?”
Ngumiti si Choi. “Right answer. At para sa pangalawang tanong mo. Ito ang balak kong gawin,” sagot nito, pagkatapos ay walang sabi-sabing tinawid ang pagitan ng mga labi nila.
Hindi nakakilos si Lorie dahil biglang kumalat ang mainit at masarap na sensasyon mula sa mga labi niya hanggang sa anit at dulo ng mga daliri niya. Ang halik ni Choi sa pagkakataong iyon ay mas mapusok sa mga nauna, mas mapuwersa, mas mapaghanap na sa hindi niya maipaliwanag na dahilan ay awtomatikong naibuka ni Lorie ang kanyang mga labi. Umungol si Choi. Lalo pa nitong inilapit ang katawan sa kanya at mas pinalalim ang halik. Napasinghap si Lorie sa bawat galaw ng mga labi ni Choi na tila tumutunaw sa kanyang katinuan.
Tumunog nang malakas ang ring tone ng cell phone ni Choi. Noong una, hindi iyon pinansin ng binata. Humaplos pa ang kamay nito sa pisngi ni Lorie pababa sa leeg niya ngunit hindi tumigil ang tunog at lalo pa nga iyong lumalakas.
Tila napipilitang kumalas si Choi at isinubsob ang noo sa leeg ni Lorie bago malutong na napamura habang habol ang hininga. Maging siya ay hinihingal din at nawindang. Bakit ba halik nang halik ang lalaking ito? At higit sa lahat, bakit niya ito pinapayagang gawin iyon?
Patuloy sa pagtunog ang cell phone ni Choi. Mabilis na hinalikan siya ng binata sa leeg bago ito kumalas. Tumayo si Choi at akmang magtutungo na sa silid nito nang mapatingin ito sa mukha ni Lorie at magtama uli ang mga mata nila. Nagulat si Lorie nang biglang hinawakan ni Choi ang kamay niya at hinatak siya patayo. Pinisil ng binata ang kamay niya at inakay siya patungo sa silid nito kung saan naroon ang cell phone nito. Tila ba ayaw ni Choi na malayo kay Lorie kaya kailangan pa siya nitong bitbitin.
Marahas na hinablot ni Choi ang cell phone nito na nakapatong sa bedside table at kunot-noong sinagot iyon. “What the hell, JT? Ang aga-aga,” naiinis na sabi ng binata sa tumatawag.
Nakinig si Choi sa kausap nito kaya nagkaroon si Lorie nang pagkakataong titigan ang mukha ng binata. Nakita niyang napalitan ang inis ni Choi ng pagkamangha. Pagkatapos ay sumulyap ito sa kanya. Biglang kinabahan si Lorie sa nakikita niya sa mga mata ng binata.
“Okay. Thanks, man,” iyon lang at tinapos na ni Choi ang tawag.
Ilang segundo silang nanatiling nakatayo roon bago hindi nakatiis si Lorie at nagtanong. “Bakit?”
Tumingin sa kanya si Choi at pinisil uli ang kamay niyang hawak nito. “Nasa Pilipinas si Sheila. And she wants to see me and Maja,” balita nito.
Napaawang ang mga labi ni Lorie kasabay ng tila mabigat na bagay na dumagan sa dibdib niya. Mawawala rin ba sina Choi at Maja gaya ni Kai? Pero hindi dapat nag-iisip nang ganoon si Lorie. Hindi naman sa kanya si Maja at lalong hindi kanya si Choi.
Yumuko si Lorie at akmang kakalas kay Choi para lumabas sa silid nang pigilan siya nito. Napatingala si Lorie sa binata. Ginawaran siya nito ng masuyong halik sa mga labi. “Easy. Everything will be fine,” bulong ni Choi na para bang nabasa ang iniisip niya.
Napabuntong-hininga si Lorie at napatango kahit sa totoo lang ay hindi siya sigurado kung totoo ang sinabi ni Choi.