NAPUNO ng tao ang Manila Cathedral. Sa araw na iyon gaganapin ang pag-iisang dibdib nina Pocholo Montemayor at Lorie Robles, isang buwan matapos pumutok ang balita tungkol sa anak ni Choi at ang pagkahulog ng loob niya sa babysitter ni Maja. Mula sa headline na scandal of the year ay naging wedding of the year ang mga balita tungkol sa kanila.
Magkahalong opinyon ang lumabas tungkol sa pag-iisang dibdib nila ni Lorie. Para sa ibang mga tagaalta-sosyedad ay isang malaking kalokohan ang pagpapakasal ng prinsipe ng alta-sosyedad sa isang simple at ordinaryong mamamayan na tulad ni Lorie. Sa kabila ng video na ipinalabas sa halos lahat ng istasyon ay mayroon pa ring hindi pabor sa pagpayag ng pamilya ni Choi sa isang tulad ni Lorie na mapabilang sa pamilya nila.
Ngunit para sa karamihan ay tila isang fairy tale ang nangyari. Marami ang natuwa sa whirlwind romance sa pagitan nina Choi at Lorie. Kaya naman maraming tao ang nagtungo sa simbahan para ipakita ang pagsuporta ng mga ito sa pag-iisang dibdib ng dalawa.
Natahimik ang lahat, maging ang mga hindi pabor sa kasal nina Choi at Lorie nang maglakad na ang bride sa aisle. She was too beautiful to be called ordinary. Nakita ni Choi na proud na proud sina Madam Tisay, Mocha, at Orlan dahil ang tatlo ang nag-ayos kay Lorie para sa okasyong iyon.
Bukod doon ay lalong tumitingkad ang kagandahan ni Lorie dahil sa labis na kasiyahan sa mga mata nito. Napakaganda rin ng ngiti ng babae para sa kanya. At alam ni Choi na ganoon din ang nakikitang ekspresyon sa mukha niya habang nakatitig kay Lorie. Kitang-kita ang pagmamahalan sa pagitan nila.
Sentro din ng atensiyon ang tatlong taong gulang na anak ni Choi na si Maja Montemayor na tumayong isa sa mga flower girl. Nasa pagtitipon din si Kai na isa rin sa mga flower girl at ang ate ni Lorie na siyang tumatayong matron of honor nito. Agaw pansin din ang mga kapatid ni Choi na sina Raiven at Riki na tumatayong best men niya.
“Hindi ako makapaniwalang darating agad ang araw na magbe-best man ako para sa isa sa inyo,” mahinang usal ni Riki.
Napangiti si Choi.
“Don’t worry this will be the last,” sagot naman ni Raiven sa kaparehong tinig.
“Why?” tanong ni Riki.
“Because I will not get married. It’s too much responsibility,” bale-walang sagot ni Raiven.
Mukhang may sasabihin pa si Riki pero agad niya itong sinaway habang titig na titig pa rin sa kanyang bride. Natahimik naman ang dalawa. Inabot ni Choi ang kamay ni Lorie at hinalikan iyon. Pagkatapos ay masuyo siyang ngumiti. “Are you ready to be tied to me forever, my lovely bride?”
Ngumiti si Lorie. “Ikaw dapat ang tinatanong ko niyan. Ikaw ang takot matali, hindi ba?” pabirong sagot nito. Umangat ang mga kilay ni Choi at hinalikan uli ang kamay ni Lorie. “Noon iyon. Before I met you.” Tumamis ang ngiti ni Lorie at saglit na nagkatitigan sila. “Let’s go, lovely,” nakangiting bulong ni Choi. Tumango si Lorie at inalalayan ni Choi ang kaniyang bride hanggang sa makarating sila sa harap ng altar. Saglit pa ay nagsimula na ang seremonyang lalo pang magpapatibay sa pagsasama nila. And like a typical fairytale, they lived happily ever after.
•••WAKAS•••
Next book is about Riki :) Please keep on reading~