“BINALAAN ko na kayo pero ito pa rin ang aabutan namin pag-uwi namin? Inuubos mo talaga ang pasensiya ko sa iyo Pocholo!”
Kahit hindi si Lorie ang sinisigawan ni Don Jaime Montemayor ay napangiwi pa rin siya at napakurap sa dagundong ng boses ng matandang lalaki. Hindi pa nakikita ni Lorie ang don dahil pinahinto siya ni Choi sa bukana ng pinto ng mansiyon habang karga niya si Maja. Si Choi raw muna ang papasok dahil ayaw ng binata na madamay sila ni Maja sa galit na alam nitong aanihin nito. Hayun nga at kakapasok pa lamang ni Choi ay umabot pa sa kanya ang boses ng ama nito.
“Jaime, ang puso mo. Ikaw naman kasi Pocholo. Bakit ba kailangan mo pang isangkot ang pangalan mo sa ganito katinding eskandalo? This is a big blow to our family,” narinig ni Lorie na sabi ni Edna Montemayor. Noon lamang niya narinig na nagalit ang matandang babae. Pero sabagay, isang beses pa lang naman talaga silang nagkita ni Doña Edna.
“Hindi lang isang eskandalo ang ginawa mo, dalawa pa! May anak ka na ay hinayaan mo pang maliitin ang pangalan mo sa pagbabahay sa katulong mo? How could you be so stupid?” sigaw pa rin ng matandang don na tumagos sa puso ni Lorie.
“Papa,” mariing saway ni Choi sa ama. Si Lorie naman ay napaatras at napasandal sa pader habang yakap pa rin si Maja na gaya niya ay halatang natatakot na rin. Hindi naman masisi ni Lorie ang mga magulang ni Choi kung magalit man ang mga ito. Talaga namang isang malaking kahihiyan ang kinasangkutan ngayon ng binata. Kanina, habang papunta sila sa mansiyon ng mga Montemayor ay ipinabasa sa kanila ng driver ang isang diyaryo kung saan sila ang headline. Halos nakikita pa ni Lorie sa isip ang artikulong iyon.
Choi Montemayor’s secret child confirmed! More shocking, the prince sleeping with his babysitter!
Maraming parte sa artikulo na eksaherasyon lamang ngunit eksakto ang ibang mga detalye roon, lalo na ang tungkol kay Maja na nanggaling daw sa isang reliable source na dati raw umanong karelasyon ni Choi at dumalaw sa bahay ng binata. Iyon pa lang ay nagkakutob na sila ni Choi na si Sheila ang nagbenta ng impormasyon na iyon kay Chavit Sotto. Nakumpirma iyon nang makatanggap si Choi ng isang maiksing text message sa isang numerong hindi pamilyar sa binata na ang tanging laman ay “A last gift before I go back to the States. That’s payback for humiliating me.” Lalo tuloy nagalit si Choi ngunit dahil mas mahalaga para sa binata ang kausapin ang mga magulang nito ay saka na daw nito iintindihin si Sheila.
“Alam ko na nagkamali ako. I know that I ruined our name by being in a scandal like this. Pero paninindigan ko ang lahat. Haharap ako sa madla para sabihin na, ‘Oo may anak ako and I will take full responsibility for her. At iyong tungkol kay Lorie, that’s an exagerration. We’re not doing anything indecent like that. But I want to marry her because I do love her,” determinadong pahayag ni Choi na kahit paano ay nakapagdulot ng mainit na haplos sa puso ni Lorie.
“Don’t be too full of yourself, Pocholo. Marahil, hindi namin magagawang itaboy ang bata dahil dugong Montemayor siya. Pero `wag mong isipin na basta na lang kami papayag na magpakasal ka sa kung sinong babae lang. Na ayon sa mga artikulong nakakalat na sa buong bansa ay inakit ka para sa pera mo at ginagamit ang anak mo para mapalapit sa `yo. I will not let you do that. Tama na ang eskandalong idinulot mo sa pamilyang ito,” galit na sikmat ni Don Jaime.
Tila punyal na isinaksak sa dibdib ni Lorie ang matalim na mga salitang iyon. Naramdaman niya ang pag-iinit ng mga mata niya at paghigpit ng yakap niya kay Maja.
“Mama, I can’t breathe,” reklamo ni Maja kaya agad na niluwagan ni Lorie ang yakap dito. Humarap sa kanya ang bata. Napaigtad si Lorie nang bigla siyang halikan ni Maja sa mga labi. “You’re crying again,” anito sa garalgal na tinig na tila maiiyak na rin. Kumurap si Lorie at noon lamang niya napagtanto na tama si Maja. Umiiyak siya.
Hindi mapigilang umiyak ni Lorie dahil sa narinig niyang pag-uusap ng mag-ama sa loob. Ano ba ang dapat niyang maging reaksiyon sa kaalamang hindi pumayag ang mga magulang ni Choi na makasama siya? Paano kakalmahin ni Lorie ang damdamin niya kung alam niyang malalayo siya kina Choi at Maja dahil isa lang siyang simpleng babaeng hindi nararapat para sa pamilya nito?
“Lorie, right? What are you doing out here?”
Napalingon si Lorie sa tinig na iyon. Napaderetso siya ng tayo at mabilis na pinahid ang mga luha sa mga pisngi niya nang makita si Raiven na naglalakad palapit sa kanila. Masyadong nakatutok ang atensiyon ni Lorie sa pakikipag-argumento ni Choi sa mga magulang nito na hindi niya napansin ang pagdating ni Raiven. Umawang ang mga labi ni Lorie para sagutin ang lalaki pero hindi niya nagawang magsalita.
“You can’t stop me, Papa! I will keep them with me forever and that’s final. Hindi ko sila basta-basta iiwan dahil lang hindi kayo pumayag,” mariin at malakas na sabi ni Choi na narinig din ni Raiven.
Nakita ni Lorie na naging mataman ang pagkakatitig ni Raiven sa mukha niya. “Oh, so the storm is happening already,” kaswal na sabi ng lalaki at tuluyan nang lumapit sa kanila. Napasinghap si Lorie ng hawakan siya ni Raiven sa braso. “Let’s go inside.” Bago pa siya makatanggi ay nahila na sila ng lalaki papasok.
Huminto sa pagsasalita ang tatlong taong nasa living room at sabay-sabay na lumingon sa kanila. Lalong tinakasan ng kulay si Lorie nang makita niya ang mataman at galit na titig ng mga magulang ni Choi. Halos gusto na niyang tumakbo palayo roon dahil sa nakikita ni Lorie sa mga mata ng mag-asawa ngunit hindi naman niya magawang igalaw ang mga binti niya. Nang magtama ang mga mata nila ni Choi ay agad na lumapit sa kanila ang binata. Napakurap si Lorie ng gagapin ni Choi ang isang kamay niya at bumaling uli sa mga magulang nito.
“Papa, Mama, this is my daughter Maja,” ani Choi.
Ilang segundong katahimikan ang lumipas sa pagitan nilang lahat. Nakatuon ang tingin ng mga magulang ni Choi kay Maja. Base sa ekspresyon sa mukha ng mag-asawa ay nakumpirma ng mga ito sa isang tingin lang na anak talaga ni Choi si Maja.
“C-can you come here little girl?” bulalas ni Ma’am Edna sa mas mababang tinig kaysa kanina.
Humigpit ang yakap ni Maja at tumingin sa kanya. Nginitian ni Lorie ang bata. “Sila ang lolo at lola mo, Maja. Lumapit ka sa kanila at bigyan sila ng hug at kiss, okay?” masuyong sabi niya rito at ibinaba ito. Bantulot na bumitaw si Maja kay Lorie at alanganing tumingin sa mag-asawa. Si Choi naman ang sunod na tiningala ng bata. Tinapik ng binata ang ulo ni Maja at bahagyang ngumiti rito. “Go on, brat. Give them a hug.” Noon lamang tumalima si Maja at lumapit sa mga magulang ni Choi.
Sa isang iglap ay nakita uli ni Lorie ang mabait na ekspresyon ni Edna Montemayor nang abutin nito si Maja at yakapin. Maging si Don Jaime ay lumambot ang ekspresyon ng mukha habang nakatingin kay Maja na tila ba nais din nitong yakapin ang bata ngunit nagpigil sa huling sandali. Nakahinga nang maluwag si Lorie dahil alam niyang hindi itatakwil ng mag-asawa ang bata.
“And this woman is Lorie. She’s the one I want to marry,” pinal na pakilala ni Choi sa mga magulang nito.
Muling bumalik ang tingin ng mag-asawa sa kanila. Bumalik ang pagka-tense ni Lorie nang makitang tumiim uli ang mukha ng mga ito, lalo na si Don Jaime. “At sa tingin mo ay papayag ako?” mataginting na tanong ng don.
Nakita ni Lorie sa gilid ng mata niya ang pagtiim ng mga bagang ni Choi. “I’m not asking for your permission, Papa. I’m informing you.”
Naningkit ang mga mata ng don at tumingin kay Lorie na para siyang inaarok. “Paano ka naman nakakasigurong hindi pera mo lang ang habol ng babaeng `yan? What made you think that the rumor about her seducing you by using your child is not true?”
Sinasabi na nga ba ni Lorie at ganoon ang mangyayari. Alam na niya iyon pero sumama pa rin siya, umasa na baka sa kabila ng yaman at kapangyarihan ng pamilya Montemayor ay hindi papansinin ng mga magulang ni Choi ang malaking pagkakaiba ng katayuan nila sa buhay. Na hahayaan ng mag-asawa na maging masaya sila ni Choi. Subalit mali si Lorie.
“I told you that was an exaggeration,” ani Choi.
“Pero hindi iyan ang nakikita ko ngayon, Pocholo. You look so smitten with her. What’s so good about her anyway?” tanong ng don.
Hindi na nakatiis si Lorie na manahimik lang sa sinabi ni Don Jaime. Buong tapang na sinalubong niya ang tingin ng don at saka nagsalita. “Mawalang galang na ho pero hindi ko kailangan ang pera ni Choi o ng pamilya ninyo. Katunayan kasama ang mga iyon sa dahilan kung bakit hindi ko siya gusto noong una kaming nagkita. Pero minahal ko siya dahil nakita ko na sa kabila ng akala kong pagiging spoiled at iresponsable niya ay kaya niyang manindigan para sa taong mahalaga sa kanya—para kay Maja. Na kahit sinasabi niya na hindi siya magiging mabuting ama at mas gusto niya ang buhay niya bago ko siya makilala, pinatunayan niya na alam niya kung ano ang mas importante sa kanya. Nakita ng dalawang mata ko kung paano lumabas ang pagiging responsible at maalaga niya. Lumabas ang tunay na ugali niya na alam kong namana niya sa mga magulang niyang kilalang mabubuting tao,” mahabang pahayag ni Lorie.
Walang nagsalita sa mga Montemayor. Huminga nang malalim si Lorie at pilit pinakalma ang sarili at bahagyang ngumiti. “Alam ko na mahal ninyo si Choi at alam ko rin na inaalala ninyo lang siya kaya kayo nagagalit ng ganyan. Hindi ko kayo masisisi kung ayaw ninyo sa akin para sa anak ninyo. N-naiintindihan ko.” Napahinto na si Lorie sa pagsasalita dahil may bumikig sa lalamunan niya.
“I don’t like what you are getting at, Lorie,” mariing usal ni Choi kasabay ng paghigpit ng hawak ng binata sa kamay niya. Napatingala si Lorie rito. Seryoso ang mukha nito. “I’m not planning to give you up and I will not let you do it either,” matatag sa sabi ni Choi sa kanya. Bumaling uli ang binata sa mga magulang nito. “And if you think she seduced me then yes, she did. Kung ganoon ang tingin ninyo.”
Nanlaki ang mga mata ni Lorie. “Choi, ano’ng sinasabi mo? Hindi kita inakit, alam mo `yan,” manghang bulalas niya sa binata.
Tumingin uli si Choi kay Lorie at bahagyang lumambot ang mga mata nito. “Well, you did,” giit pa rin ng binata.
“Aber kailan?” hindi na naitago ni Lorie ang pagbalong ng inis sa sinasabi ni Choi. Para nang sinabi ng binata na tama ang mga magulang nito at ang mga artikulong lumabas tungkol sa kanya.
Ikinulong ni Choi sa dalawang kamay nito ang mukha ni Lorie. “Everyday. Sa umaga, whenever you smile warmly at me as you say good morning. Tuwing nakikita ko kung gaano ka kamaalaga kay Maja at kahit na sa akin. Then whenever I try to seduce you and you don’t even get the hint, you look so innocent and desirable at the same time that I could not help to ask for more of you. Tuwing umuuwi ako at naaabutan kitang natutulog sa sofa habang bukas ang TV katabi ang anak ko o kahit kapag gising ka at naroon ka palagi para i-welcome ang pagbabalik ko. Every time you smile, every time you speak, hell just you being there, I’m seduced by you, Lorie.”
Nakagat ni Lorie ang ibabang labi. “C-Choi.”
“That’s why I want to marry you. Gusto kong manatili ka sa tabi ko habang-buhay. Maybe deep inside, I’m still that selfish ass you first met. Alam ko rin na hindi magiging madali para sa akin ang baguhin ang lahat ng nakasanayan ko but I swear I will.”
“Hindi ganoon kadali ang binabalak mo, Choi. The people in our circle will not easily approve of letting someone like you marry a simple woman like her. Hindi man nila siya masasaktan physically, but in some way they will emotionally,” sabad na naman ng ama ni Choi.
“Though I don’t care about the people you are talking about, Papa, I will protect her. Sila ni Maja. I’m not a Montemayor for nothing,” hindi inaalis ang tingin kay Lorie na sagot ni Choi.
Mahabang katahimikan ang lumipas bago nagsalita uli si Don Jaime. “Very well. Raiven, okay na ba ang lahat?”
“Kanina pa actually. I guess you heard everything, Mr. Sotto?” sagot ni Raiven.
“Yes, everything,” tuwang-tuwang sabi ni Chavit. “And in all fairness, nagbago na ang tingin ko sa `yo, Choi, dahil sa mga sinabi mo.”
Parehong nanlaki ang mga mata nina Lorie at Choi. Napabaling sila sa pinanggalingan ng tinig. Nakita nila sa bukana ng pinto ang may-edad na reporter at isang cameraman! May kumukuha ng video sa kanila at hindi alam ni Lorie kung kailan pa naroon ang dalawa. Sinadya ng mga magulang ni Choi na makapasok ang mga reporter doon at kunan sila.
“Great. Then I guess we don’t need to have a press conference with that? May mas mahalaga pang dapat gawin ang pamilya namin kaysa humarap sa press at sumagot ng mga tanong na alam na natin ang sagot,” sabi ni Doña Edna sa normal ng tinig nito.
Tiningnan ni Lorie si Doña Edna. Nalito siya nang makitang wala na ang bahid ng galit sa mga mata ng may edad na babae bagkus ay ngiting-ngiti ito habang karga si Maja. “Hindi ako nagkamali ng pagpili sa `yo, Lorie. I knew this will happen,” naaaliw na sabi ni Doña Edna.
“A-ano hong ibig ninyong sabihin?” nalilito pa ring tanong ni Lorie.
Tumingala si Doña Edna kay Don Jaime na tulad ng asawa ay wala nang bahid ng galit sa mukha. Nagkibit-balikat ang matandang don at bumaling sa kanila. Sa pagkamangha ni Lorie ay bigla itong ngumiti. “Well, gusto lang naming malaman kung ano ang magiging reaksiyon ni Choi kapag nagalit kami sa kanya. We want to know if he already found someone na ipaglalaban niya kahit sa amin.”
“And he already found them, darling, isn’t that great?” ani Doña Edna na sinang-ayunan naman ng matandang don.
“Wait. Ibig ninyong sabihin hindi talaga kayo galit sa akin?” manghang bulalas ni Choi.
Kumunot ang noo ng ama ng binata. “Are you kidding? Of course we are angry. Masyadong malaking ingay ang ginawa mong ito. Kaya nga kailangan natin ang tulong ni Mr. Sotto at ng news department ng TV network natin para mabigyang linaw ang lahat ng tungkol sa mga nangyari. But it doesn’t mean we will not approve of Lorie for you since we could see how much the two of you care for each other.”
“Pero kailangan pa rin nilang humarap sa press, Papa, Mama. Mas maganda pa rin kung mag-conduct tayo ng press conference,” sabad ni Raiven sa usapan. Kalmado pa rin ang lalaki sa kabila ng mga nangyayari.
“Oh, we will but not now,” pinal na sabi ni Doña Edna. Nang magtama ang mga mata nila ay ngumiti uli ito. “After we plan their wedding. How about over lunch? We’re hungry,” sabi ni Doña Edna na karga pa rin si Maja na iniwan sila sa sala.
Nagkibit-balikat uli ang don. “Escort Mr. Sotto and the crew to the gate, Raiven. Pagkatapos ay saluhan mo na rin kaming kumain. Ah, call Riki, too. We’ll have a family lunch with our new members,” sabi nitong ngumiti kay Lorie bago sumunod sa asawa.
Si Raiven naman ay sumunod sa utos ng ama nito. Sa isang iglap ay silang dalawa na lamang ni Choi ang nakatayo roon. Napatingala si Lorie sa binata. Nagtama ang mga mata nila. “Nalilito pa rin ako sa mga nangyayari,” aniya.
“Ako rin actually,” sagot ni Choi. Ilang segundo ang lumipas bago hinawakan ng binata ang kamay ni Lorie at pinisil iyon. “Pero ang importante, magpapakasal tayo at hindi sila kokontra. We will be together from now on as planned,” nakangiting sabi ni Choi.
Napangiti na rin si Lorie at sumandig sa dibdib nito. “Oo nga, Choi.”
“Hmm?”
“Salamat sa pagmamahal mo sa akin,” bulong niya.
Naramdaman ni Lorie ang pagdampi ng halik ni Choi sa tuktok ng ulo niya. “Same here, lovely. Now, sumunod na tayo sa dining room para maiplano na ang kasal.”
Natawa si Lorie. Nang hatakin siya ni Choi patungo sa direksiyong tinungo ng mga magulang nito ay buong puso siyang nagpaubaya.