HINDI malaman ni Ailyn kung ano ang dapat na maging reaksiyon niya habang naglalakad siya patungo sa opisina ng tiyuhin niya. Biglang tumawag ang matandang lalaki kay Ailyn kanina at pinagre-report siya sa opisina nito. Hindi siya mapakali dahil may nahimigan si Ailyn na kaba sa tinig ng tiyuhin niya nang tawagan siya nito kanina.
Nang marating ni Ailyn ang pinto ng opisina ay huminga muna siya nang malalim bago kumatok. Pipihitin pa lang sana ni Ailyn ang seradura nang maunahan siya ng nasa loob ng opisina. Bumukas ang pinto at naharangan ng isang malaking bulto ang paningin niya. Tumingala si Ailyn at napaatras nang makita kung sino ang nagbukas ng pinto. Ang una niyang naisip gawin ay tumakbo. Pero patalikod pa lang siya ay nahawakan na nito ang isang braso niya.
“You’re not going to run away,” sabi ng lalaki. May himig ng panganib at tinitimping emosyon ang tinig nito na kahit si Ailyn ay alam na hindi niya dapat bale-walain ang nagsalita. Lalo pa at damang-dama niya ang higpit ng pagkakahawak ng lalaki sa braso niya.
Huminga si Ailyn nang malalim at dahan-dahang lumingon. Ngayong maliwanag na ang paligid at halos ilang hakbang lang ang layo nila sa isa’t isa ay mas malinaw na niyang nakikita ang mukha ni Riki Montemayor.
Hindi binigyan ng hustisya ng mga camera ang hitsura ni Riki dahil di-hamak na mas makapigil-hininga ang hitsura nito sa personal kaysa sa telebisyon. Mataas ang cheekbones at maganda ang kurba ng mga panga ng binata. Kung aalisin ang balbas na nakapalibot sa baba at mga panga ni Riki ay tila isang maamong kerubin ang binata. Makapal ang mga kilay na ipinares sa kulay kapeng mga mata na may malalantik na pilikmata. Aristokrato ang ilong ni Riki at makurba ang mapupulang mga labi na mas mukha pang malambot kaysa sa mga labi ni Ailyn. Kaya naman pala kahit na gaano kasama ang reputasyon ni Riki ay marami pa ring nababaliw rito.
Umangat ang mga kilay ng binata. “Cat got your tongue? Bakit natatakot ka na ba sa `kin? You should be because honestly, I’m on the verge of wringing your neck,” mapanganib na sabi ni Riki kasabay ng paghigpit ng hawak nito sa braso ni Ailyn na pumukaw sa isip niya.
Umatras siya at pumiglas sa hawak ni Riki pero hindi tuminag ang binata. Matalim niya itong tiningnan. “Bitawan mo nga ako,” asik ni Ailyn.
Umangat ang isang sulok ng mga labi ni Riki na tila ba iniinsulto siya nito. “At kung hindi, will you use your martial arts skill against me again? I’m sorry to disappoint you but I just wasn’t prepared then kaya nagawa mo `yon sa `kin. Pero hindi na ngayon,” mayabang na sabi ng binata. Mabilis na hinawakan ni Riki ang isa pang kamay ni Ailyn at marahas na inilagay ang mga kamay niya sa likuran niya.
Napaliyad at napangiwi si Ailyn sa sakit pero agad din iyong napalitan ng kakaibang pakiramdam nang tumama ang katawan niya sa matigas na katawan ni Riki. Hindi pinansin ni Ailyn ang sensasyong noon lamang niya naramdaman sa buong buhay niya. Sinalubong niya ng matalim na tingin ang naniningkit na mga mata ni Riki. Hindi itinago ng binata ang galit nito kay Ailyn. “I won’t allow you to manhandle me again. You will pay for the humiliation I’m suffering now, I swear,” gigil na sabi ni Riki.
May umusbong na inis sa dibdib ni Ailyn. Hindi siya papayag na takutin ng kung sino, lalo pa at kaya naman niyang makipagsabayan dito. Hindi siya ang tipo ng taong nagpapaapi, lalo na sa isang aroganteng lalaking gaya ni Riki. “Tingnan natin,” sabi ni Ailyn. Bago pa maisip ni Riki kung ano ang gagawin niya ay agad na niyang iniangat ang isang tuhod at walang pagdadalawang-isip na pinatama iyon sa pagitan ng mga hita nito. Napahiyaw si Riki sa sakit at nabitiwan si Ailyn. Napaluhod sa sahig ang binata.
Dumistansiya siya rito at mayabang na namaywang. “Kung akala mo kaya mong gawin ang lahat ng gusto mo sa akin, nagkakamali ka. Dahil hindi ako nagpapatalo kahit kanino. Kahit sa `yo pa,” sabi ni Ailyn.
Nanlilisik ang mga matang tiningala siya ni Riki. “Bitch!” gigil na usal ng binata. Patayo na ito para abutin si Ailyn nang may tumawag sa pangalan nito. Napahinto si Riki at sabay pa nilang nilingon ang tumawag sa binata.
Nanlalaki ang mga mata ng nakatayong tiyuhin ni Ailyn. Katabi ng matandang lalaki ay ang isang nakababatang lalaki na nakasuot ng business suit at blangko ang ekspresyong nakatingin kay Riki. “Pinag-usapan na natin ito, hindi ba?” malamig na tanong ng lalaking nakasuot ng business suit.
Napaderetso ng tayo si Riki at marahas na napamura. “Do you really intend to entrust my safety to this amazon? She will be the first one to kill me!” protesta ng binata.
Napakunot-noo si Ailyn at nalilitong napatingin sa tiyuhin niya. “Ano’ng ibig sabihin nito, Uncle?”
Tumikhim ang tiyuhin ni Ailyn at pilit na nagpakakaswal. “Pumasok ka muna sa opisina ko, Ailyn.” Pagkapasok niya sa opisina ng tiyuhin niya ay binalingan siya ng matandang lalaki. “They are offering you a job and I won’t allow you to refuse it.”
“GUSTO ninyong bantayan ko ang lalaking ito? Bakit?” nakakunot-noong tanong ni Ailyn sa lalaking nagpakilalang manager diumano ni Riki Montemayor na Jeremy ang pangalan habang nakaupo sa isang silya sa loob ng opisina ng tiyuhin niya.
Umismid si Riki na nakaupo sa mahabang sofa na katapat ng sofa na kinauupuan ni Ailyn at ng tiyuhin niya. Katabi ni Riki si Jeremy. “My sentiments, exactly,” sabi pa ng binata na mukhang gaya niya ay hindi pabor sa ideyang iyon.
Tumikhim si Jeremy. “May kinalaman ito sa kumakalat na video ninyong dalawa. It’s very bad publicity para kay Riki at gusto naming matapos na kaagad ang isyung ito. He has a full schedule in the next three months bago ang Australian Open at hindi makakatulong sa kanya ang balitang ito. So, we came up with a story behind that video. Palalabasin natin na talagang kinuha ka na namin bilang bodyguard niya at ang nangyari ay isa lamang simulation ng kaya mong gawin para protektahan si Riki. After all, alam ng media na nakakatanggap siya ng death threats at anonymous letters mula sa kung sino-sino. Kahit harmless pa ang mga iyon hindi natin alam kung kailan mas magiging agresibo ang nagpapadala niyon,” paliwanang ng lalaki.
Tumaas ang isang kilay ni Ailyn. Hindi na siya nagulat na may gustong pumatay kay Riki. Kahit kasi siya ay nasa bingit na ng pagnanais na gawin iyon. “Sino namang matinong tao ang kakagat sa palusot na `yan?” tanong ni Ailyn.
Hindi nagbago ang ekspresyon ni Jeremy. “They will. Dahil talagang tatayo kang bodyguard ni Riki. You will be with him most of the time. Ikaw rin ang tatayong personal assistant niya dahil hindi ko naman siya masasamahan palagi. He’s going to have a busy schedule starting next week at kailangang i-assist mo siya.”
“In short, you will be my slave,” mayabang na sabad ni Riki.
“No, Riki, she will be your protector,” sabi naman ni Jeremy. “Also, we are giving you the freedom to do whatever you think is necessary for his safety and image. Binibigyan ka namin ng permisong hindi siya payagan sa kung ano man ang gusto niyang gawin kung sa tingin mo ay hindi iyon makabubuti sa kanya,” paliwanag pa ni Jeremy.
“What?! Hindi ko alam ang tungkol diyan, ah!” reklamo ni Riki.
Hindi pa rin pinansin ni Jeremy ang binata. May kinuha si Jeremy sa attache case nito. Tiningnan ni Ailyn si Riki. Nakabusangot ang mukha ng binata gaya ng isang spoiled na batang kulang sa pansin.
“Hindi namin sinabi sa `yo dahil alam naming magrereklamo ka ng ganyan, Riki.” Bumaling kay Ailyn si Jeremy. “The contract has already been prepared. Kailangan mo na lang itong pirmahan, Miss Salazar. Then you can start tomorrow,” sabi pa ng manager ni Riki, saka inilapag sa mesa ang kontrata.
Hindi iyon kinuha ni Ailyn. “Pasensiya na, pero ayokong tanggapin ang alok mo. Hindi ko kayang pakisamahan ang lalaking `yan,” tanggi niya.
“Ailyn!” saway sa kanya ng tiyuhin niya.
“Ha! Lalo na ako. I would prefer to be with a beautiful woman than an amazon like you,” sikmat sa kanya ni Riki. Tinapunan ni Ailyn ng matalim na tingin ang binata.
“I forgot to tell you that you will be greatly compensated, Miss Salazar,” sabi ni Jeremy na may itinuro sa kontrata. Tiningnan niya iyon. Napaderetso ng upo si Ailyn at namilog ang mga mata nang makita kung gaano kalaking halaga ang handang ibayad sa kanya para bantayan si Riki Montemayor. Kahit alam ni Ailyn na mahihirapan siyang pakisamahan si Riki ay hindi birong halaga iyon.
Tiningnan niya si Jeremy na naghihintay ng sagot niya. “Okay,” pagpayag ni Ailyn sa alok ng manager ni Riki. Nakita niyang nakahinga nang maluwag ang tiyuhin niya. Bahagya namang ngumiti si Jeremy.
“Dahil sa pera nagbago agad ang isip mo?” sarkastikong tanong ni Riki na halatang nais lang siyang inisin.
Tiningnan ni Ailyn si Riki sa mga mata. “Siyempre naman. Mahirap kumita ng pera. Pero malamang hindi mo `yon alam dahil ipinanganak kang mayaman,” sarkastikong sagot niya.
Nagdilim ang mukha ni Riki. Hindi pinansin ni Ailyn ang binata at binalingan ang kontrata. Pagkatapos niyang basahin iyon ay agad din siyang pumirma. Iniabot ni Ailyn ang pirmadong kontrata kay Jeremy.
“Well then, I’ll give you Riki’s address. Doon tayo magkikita bukas. Bukas ko na rin sasabihin sa `yo ang lahat ng kailangan mong malaman tungkol sa trabaho mo,” sabi ni Jeremy, saka tumayo na.
Tumayo na rin sina Ailyn, ang tiyuhin niya at si Riki. Inilahad ni Jeremy ang kamay nito sa kanya na agad naman niyang tinanggap. Nang tingnan ni Ailyn si Riki ay may kakaibang kislap ang mga mata ng binata na tila hinahamon siya nito.
“I won’t make things easy for you. May atraso ka pa sa akin,” banta ni Riki.
Nang-iinis na nginitian ni Ailyn si Riki. “Alam ko. Huwag kang mag-alala, iyan din ang plano ko sa `yo.” Ilang segundo silang nagtitigan ni Riki bago sabay na inismiran ang isa’t isa.
NAPAAGA ng dating si Ailyn sa pad ni Riki. Ang akala kasi niya ay mata-traffic siya kaya maaga siyang umalis sa apartment niya, hindi pala. Tatlumpung minutong mas maaga si Ailyn sa napagkasunduan nilang oras ni Jeremy.
Mabuti nang maaga kaysa late, sa loob-loob niya, bago pinindot ang doorbell. Naghintay si Ailyn ng ilang minuto pero wala siyang naramdamang pagkilos mula sa loob kaya pinindot uli niya ang doorbell. “Natutulog pa ba siya?” ani Ailyn sa sarili habang paulit-ulit na pinindot ang doorbell.
Napaigtad siya nang biglang bumukas ang pinto. “What the hell do you think you’re doing?” sigaw ni Riki.
Sasagot na sana si Ailyn pero tila bumikig sa lalamunan niya ang mga salita nang makita niya ang hitsura ni Riki. Walang kahit na anong saplot ang binata maliban sa tuwalyang nakatapi sa baywang nito. Mukhang kaya hindi nabuksan agad ni Riki ang pinto ay dahil naliligo ito. Hayun nga at basang-basa pa ang buhok ng binata at may mga patak pa ng tubig sa katawan nito. Napalunok si Ailyn sa kakaibang pakiramdam na gumapang sa katawan niya.
“Damn, it’s just you,” naiinis na sabi ni Riki na nagpaangat ng tingin ni Ailyn sa mukha nito. Nakabusangot ang mukha ng binata at kitang-kita ang disgusto sa mga mata nito habang nakatingin sa kanya. “Ang aga pa, ah.”
Natauhan si Ailyn at dumeretso ng tayo. “Akala ko mata-traffic ako kaya maaga akong bumiyahe. Talaga bang nagbubukas ka ng pinto nang ganyan ang hitsura?” paninita niya rito.
Umangat ang isang kilay ni Riki at umismid. “At sino ba ang halos sumira sa doorbell ko sa kapipindot?” sikmat ng binata at umalis sa pintuan. “Pasok.” Hindi man lang nagpakita ng pagkailang si Riki na naabutan niya itong halos hubad na. Napabuga si Ailyn ng hangin at sumunod sa binata.
Hindi na nagtaka si Ailyn nang makita kung gaano karangya ang bahay ni Riki. Kaunti lang ang gamit doon pero halatang mamahalin ang mga iyon. Naglalakihang mga picture ni Riki habang nasa tennis court at endorsements ang nakasabit sa mga pader ng bahay nito. Mas mukhang exhibit room iyon ng mga larawan ng binata kaysa tirahan. Napailing si Ailyn.
“Sit,” utos ni Riki sa kanya.
Naiinis si Ailyn sa kaarogantehan ng binata pero pinalampas na lang niya iyon dahil masyado pang maaga para makipagtalo rito. Umupo siya sa itim na sofa na naroon. Napakunot-noo si Ailyn nang mapansin niyang palakad-lakad pa rin si Riki roon nang nakatapi lang ng tuwalya. “Hindi ka pa ba magbibihis?” hindi na nakatiis na puna ni Ailyn sa binata.
Nakangising tiningnan siya ni Riki na tila may kapilyuhang naisip. “Why? Are you affected by my nudity?”
Napatiim-bagang siya. “Hindi, `no,” mariing tanggi ni Ailyn.
Umismid si Riki. “Of course not. You look like you would prefer a woman, right?” pang-iinis nito na pinasadahan pa siya ng tingin.
Napaderetso ng upo si Ailyn at nagtitimping ikinuyom ang mga kamay. Hanggang ngayon pala ay lalaki o tibo pa rin ang tingin ni Riki sa kanya. Sanay naman si Ailyn na mapagkamalan ng ganoon, pero bakit kapag si Riki na ang nagsabi niyon ay nagpapanting talaga ang mga tainga niya? “Kung ikaw at isang babae na lang ang maaari kong pagpilian, kahit babae talaga ako, mas pipiliin ko na ang babae kaysa sa `yo,” wika ni Ailyn.
“Oh really?” nanghahamong sabi ni Riki. Bago pa maisip ni Ailyn ang gagawin ng binata ay tinawid na nito ang ilang hakbang na nakapagitan sa kanila. Nahigit niya ang kanyang hininga ng biglang itukod ni Riki ang mga kamay sa magkabilang gilid niya sa sandalan ng sofa. Nakulong si Ailyn sa pagitan ng mga bisig nito. Pagkatapos ay yumukod si Riki hanggang sa magkapantay ang mga mukha nila. Amoy na amoy ni Ailyn ang sabong ginamit ng binata at ramdam din niya ang init na nanggagaling dito. Tila may humalukay sa sikmura ni Ailyn at naging abnormal ang pintig ng pulso niya. Ano na naman ba ang nangyayari sa kanya at naapektuhan siya ng ganoon ng lalaking ito?
“Now tell me you are not feeling anything right now?” mahinang usal ni Riki. Tumatama ang hininga nito sa mukha ni Ailyn na nagdulot ng kakaibang kilabot sa katawan niya mula sa mukha pababa sa katawan, partikular sa pagitan ng mga hita niya. Wala sa loob na pinagdikit ni Ailyn ang kanyang mga hita.
Bumaba ang tingin ni Riki roon bago tumingin uli sa mga mata niya. Ngumiti ito nang nakaloloko. “See? You are affected,” proud na sabi ni Riki. Lumayo kay Ailyn ang binata at tiningnan siya na tila isa siyang mababang uri ng nilalang. “However, I’m the one who isn’t affected by you. And I will never be. Kaya kung mangyayari man ang sitwasyong sinabi mo, ibang babae rin ang pipiliin ko kaysa sa `yo.”
Nag-init ang mga pisngi ni Ailyn at akmang sisigawan si Riki nang tumunog ang doorbell.
Napalingon roon ang binata. “That must be Jeremy. Buksan mo ang pinto dahil magbibihis na ako.” Iyon lang at parang hari na pumasok na si Riki sa isang silid.
Naiwan si Ailyn na nanggagalaiti. Gusto niyang sabihin kay Riki na kakainin nito ang mga sinabi nito ngunit alam naman ni Ailyn na tama ang binata. Hindi siya magiging kaakit-akit na babae kahit kailan. Matagal na iyong alam ni Ailyn at hindi naman siya apektado noon. Kaya bakit may kung anong tila sumuntok sa sikmura niya nang kay Riki na iyon nanggaling?