PRESS conference. Iyon ang unang agenda nina Ailyn sa araw na iyon ayon kay Jeremy. Kailangan daw iyon para mabigyang linaw ang kumakalat na video ng away nila ni Riki. Hindi naman daw kailangang magsalita ni Ailyn dahil si Jeremy na ang bahala sa lahat. Ang kailangan lang niyang gawin ay umupo sa tabi ni Riki habang nasa press conference sila at umakto bilang bodyguard ng binata. Huwag lang daw kalilimutan ni Ailyn ang nabuo nilang kuwento tungkol sa engkuwentrong iyon.
Kanina, nang dumating si Jeremy sa pad ni Riki ay alam na ni Ailyn na napansin ng lalaki ang tensiyon sa pagitan nila ni Riki pero hindi ito nagkomento. Umakto pa ring propesyonal si Jeremy habang ipinapaliwanag ang lahat ng dapat niyang malaman. Iniabot nito kay Ailyn ang maliit na organizer kung saan nakalagay ang lahat ng schedule ni Riki. Pulos tango lang ang isinagot ni Ailyn kay Jeremy kanina dahil nanginginig pa rin ang mga kalamnan niya sa inis kay Riki at hindi siya sigurado na magiging kalmado siya kung magsasalita siya. Ayaw ni Ailyn na magpakita ng inis at bugso ng emosyon dahil ikatutuwa iyon ni Riki at matatalo siya.
Napakurap si Ailyn nang mag-flash ang mga camera. Alam niyang wala siyang dapat ipag-alala pero naiilang pa rin siya sa kislap ng mga camera at sa mga matang nakatutok sa kanila. Samantalang si Riki ay halatang sanay na sanay sa atensiyon at walang anumang sinasagot ang lahat ng ibinabatong tanong ng mga reporter.
“Why a female bodyguard?” tanong ng isang reporter na hindi matanaw ni Ailyn ang mukha dahil sa labis na liwanag.
“Because the last time I was with a male bodyguard I was accused of being gay. At least ngayon mas mukha na talagang security ang kasama ko at hindi ako mapagkakamalang nakikipagrelasyon sa kanya,” sabi ni Riki na ikinakuyom na naman ng mga kamay ni Ailyn lalo pa at nagtawanan ang mga naroon.
Sige, mang-insulto ka lang. Makakaganti rin ako sa `yo, gigil na sabi ni Ailyn sa sarili kahit pa kating-kati na siyang suntukin si Riki. Ilang minuto pa niyang tiniis ang press conference bago iyon natapos. Makakahinga na sana nang maluwag si Ailyn nang may isang reporter na biglang nagpahabol ng tanong sa kanya.
“How sure are you that you can really protect Riki, Miss? Kahit na babae ka?” tanong ng reporter sa kanya.
Bahagyang ngumiti si Ailyn dahil agad na gumana ang isip niya. “Sapat na ang video na napanood ninyong lahat para mapatunayang mas malakas ako kaysa kay Riki. Marami pa akong kayang gawin bukod sa magpatumba ng lalaking kasinlaki niya kaya nasisiguro kong kayang-kaya ko siyang protektahan,” sagot ni Ailyn.
Natawa ang mga reporter. Naramdaman naman ni Ailyn ang pagkainis ni Riki sa tabi niya, patunay na hindi gusto ng binata ang sinabi niya. Hindi tiningnan ni Ailyn si Riki dahil baka kapag nagtama ang mga mata nila ay mag-away sila sa harap ng press. Saglit pa ay tuluyan nang natapos ang press conference at magkasabay pa silang tumayo ni Riki. Kahit nang naglalakad na sila patungo sa backstage ay nararamdaman pa rin ni Ailyn ang tensiyon sa katawan ng binata. Kaya nang mawala sila sa paningin ng press ay agad siyang dumistansiya kay Riki. Pero mas mabilis ang kamay nito na nahablot kaagad ang braso ni Ailyn.
“Riki,” maawtoridad na tawag ng kung sino rito dahilan kaya hindi naituloy ng binata ang akmang sasabihin nito. Sabay pa silang napatingin sa nagsalita. Nawala ang inis ni Ailyn kay Riki nang makita ang lalaking nakatayo di-kalayuan sa kanila. Matangkad at maganda ang pangangatawan ng lalaking nakasuot ng three piece suit. Guwapo at mukhang misteryoso ito. May hawig ang lalaki kay Riki pero kung mukhang bad boy na gangster si Riki, mukhang seryoso at mature naman ang lalaking ito. Kahit walang ekspresyon ang mukha ng lalaki ay kay sarap nitong titigan.
“Raiven, what are you doing here?” tanong ni Riki at binitiwan ang braso niya. Sinamantala iyon ni Ailyn at mabilis na lumayo sa binata.
“Nasa opisina ko sina Papa at Mama. They want to see you and your bodyguard,” sabi ng lalaking nagngangalang Raiven at tumingin pa kay Ailyn. “I’m his brother,” pakilala ni Raiven sa sarili. Sa pagkamangha ni Ailyn ay lumapit ang lalaki sa kanya at inilahad ang isang kamay.
Sa sinabi nito ay nakilala niya kaagad ito na si Raiven Montemayor, ang kasalukuyang presidente ng Montemayor Communications. Bihirang magpakita sa madla si Raiven kaya hindi kaagad nakilala ni Ailyn ang panganay na Montemayor. Mukhang nakakatakot ang lalaki pero base sa paglahad nito ng kamay nito para makipagkamay ay di-hamak na mas gusto ni Ailyn si Raiven kaysa kay Riki na napakasama ng ugali.
Nakangiting tinanggap ni Ailyn ang pakikipagkamay ni Raiven. “I’m pleased to meet you, Sir. I’m Ailyn Salazar.”
Tumango si Raiven at umangat ang isang sulok ng mga labi. Kompara sa madalas makita ni Ailyn kay Riki, alam niyang ngiti iyon. “I know. At alam ko rin na hindi magiging madali sa `yo ang pakisamahan si Riki but please bear with it.”
Umismid si Riki ngunit hindi na lang niya iyon pinansin. May pakiramdam si Ailyn na hindi gagawa ang amo niya ng kahit na anong hindi magugustuhan ng kapatid nito. Ngumiti na lang si Ailyn kay Raiven. “Gagawin ko ho ang makakaya ko.”
Binitiwan ng lalaki ang kamay niya at tumango. “Now, follow me. Nasabi ko na kay Jeremy na sumunod na lang siya sa itaas pagkatapos niyang gawin ang dapat niyang gawin.” Iyon lang at tumalikod na si Raiven. Narinig ni Ailyn ang pagbuga ng hangin ni Riki.
Nang sulyapan niya ang binata ay bahagya pa nitong ginugulo ang buhok bago bumaling kay Ailyn. “I don’t like what you said to the press.”
Tumaas ang isang kilay ni Ailyn. “At lalong ayoko ng sinabi mo,” ganting sagot niya.
Naningkit ang mga mata ni Riki. “I expect you not to be that haughty when you meet my parents,” banta ng binata.
“Kung magiging mabait ka magiging mabait din ako sa `yo,” sabi ni Ailyn.
May sasabihin pa yata si Riki ngunit tinawag uli ito ni Raiven. Tinapunan si Ailyn ng binata ng matalim na tingin bago sumunod sa kapatid nito. Pasimpleng bumuntong-hininga siya bago sumunod kay Riki.
KULANG ang salitang nasorpresa para ilarawan ang reaksiyon ni Ailyn nang makapasok sila sa opisina ni Raiven na kasinglaki at kasinsosyal ng pad ni Riki. Mas propesyonal lang ang dating niyon. Sa guest area sila dinala ni Raiven kung saan narinig ni Ailyn ang hagikgik ng isang batang babae. Napahinto siya sa paglalakad dahil huminto rin sa bungad ng pinto si Riki.
“Oh, so the brat is also here,” wika ng binata.
Natigilan si Ailyn sa pag-iiba ng tono ni Riki. Mas naging malambot at mainit iyon, bagay na noon lang niya narinig mula sa binata. Nagkaroon tuloy siya ng matinding kagustuhan na makita kung ano ang ekspresyon ng mukha ni Riki nang mga sandaling iyon.
“Riki!” tili ng batang babae.
Sa lalong pagkamangha ni Ailyn ay narinig niya ang naaaliw na tawa ni Riki bago tuluyang pumasok sa loob ng silid. Tumingkayad ang binata para buhatin ang batang babae. “It’s uncle, brat,” sabi ni Riki bago nakita ni Ailyn nang lumingkis ang maiiksing braso ng isang bata sa leeg nito.
“Alam mong nahihirapan siyang sabihin ang uncle. Mas nadadalian siya kung Riki lang ang tawag niya sa `yo,” narinig ni Ailyn na sabi ng isang tinig ng lalaki ngunit hindi siya lumingon para alamin kung sino iyon.
Hindi kasi maialis ni Ailyn ang tingin kay Riki habang gumaganti ito ng yakap sa bata. Nawala lahat ng inis niya para sa binata. Paanong ang isang lalaking sobrang basag-ulero at masama ng ugali ay ganoon kaamo ang mukha habang may yakap na bata?
“You must be Ailyn Salazar,” anang malamyos na tinig ng isang babae.
Napakurap si Ailyn at inalis ang tingin kay Riki. Alam niyang wala naman siyang dapat ikahiya, pero nang makita niya na may apat pang taong naroon maliban kina Riki, Raiven at sa bata ay iyon ang naramdaman niya. Hindi dahil sa kung ano pa man, kundi dahil hindi kaagad napansin ni Ailyn ang presensiya ng mga tao roon dahil ang buong atensiyon niya ay nakatuon kay Riki. Na isang malaking kabaliwan.
Isang may-edad na lalaki na may maawtoridad na aura ang nakaupo sa mahabang sofa. Katabi nito ang may-edad ding babae na may maamong mukha at nakangiti sa kanya. Ang may-edad na babae ang tumawag kay Ailyn. Naroon din ang isang guwapong lalaki na nakilala niyang si Choi Montemayor. Sa tabi ni Choi ay may isang babaeng hindi man sobrang ganda ngunit may mabait na aura. Ang babae marahil ang kontrobersiyal na asawa ni Choi. Nagulat pa si Ailyn dahil malayo sa pagiging sopistikada ang hitsura ng babae. Simple lamang ang asawa ni Choi at homey ang dating kompara sa mga dating napapabalitang karelasyon ni Choi.
“Hello, hija. I’m Edna and this is my husband Jaime,” sabi ng may-edad na babae. “This man is my youngest son, Choi and this is his wife Lorie,” pakilala rin ni Edna sa pareha. Nakita ni Ailyn si Raiven na lumapit na rin sa apat at umupo sa isang one seater couch.
Sila ang pamilya ni Riki. Ang sinasabing isa sa mga pinakamayaman at makapangyarihang pamilya sa bansa. Ngunit nakapagtatakang hindi nakaramdam ng pagkailang si Ailyn habang nakatingin sa mga ito. Marahil dahil sa palakaibigang ngiti ng may-edad na babae. O sa ngiti rin sa mga labi nina Choi, Lorie, at Don Jaime. Nakapagtatakang ibang-iba si Riki sa pamilya nito.
Tumayo ang may edad na babaeng nagpakilalang Edna. Napakurap si Ailyn nang abutin ni Doña Edna ang mga kamay niya at gagapin ang mga iyon. “When Riki described you the last time we saw him, akala ko naman ay nakakatakot ang hitsura mo. But it turns out you’re a beautiful woman,” sabi ng may-edad na babae na ikinaawang ng mga labi ni Ailyn. Ako maganda?
“You must be kidding, Mother,” sabi ni Riki, saka sarkastikong tumawa.
Matalim na tiningnan ni Ailyn ang binata. Pero unti-unti rin iyong nawala nang makita niyang karga-karga pa rin ni Riki ang cute na batang kahawig ni Choi. Ang batang iyon marahil ang napabalitang anak ng huli sa pagkabinata.
“Don’t be so rude, Enrique,” saway rito ni Doña Edna. Hindi nakaligtas sa pandinig ni Ailyn ang pagtawag ng may-edad na babae sa tunay na pangalan ni Riki na noon lang niya nalaman. “Sa kanya nakasalalay ang kaligtasan mo mula sa araw na ito.”
Umismid lang si Riki.
Pinaningkitan ni Ailyn ng mga mata ang binata. “Tama ang mama mo kaya dapat maging mabait ka sa `kin,” hindi nakatiis na sabi niya rito.
Pinaningkitan din siya ni Riki ng mga mata. “I will never do that to someone who has added more fuel to the fire and ruined my reputation even further. Baka nakakalimutan mo na ikaw ang nagsimula ng lahat ng gulong ito?”
Alam iyon ni Ailyn pero dahil ayaw niyang mapahiya sa harap ng pamilya ni Riki ay taas-noo niyang sinalubong ang tingin ng binata. “Pero ikaw ang dahilan kaya lumaki `yon dahil sa ugali mong `yan.”
Tumiim ang mga bagang ni Riki.
“Hep, may bata rito, Riki,” saway ni Choi kay Riki hindi pa man ito nakakapagsalita. Sa halip na magsalita ay tinapunan si Ailyn ng binata ng nagbabantang tingin. Pero dahil alam ni Ailyn na hindi makakaganti sa kanya si Riki ay nakaloloko niya itong nginitian.
Tumikhim si Don Jaime at tumayo, saka lumapit kay Ailyn. Nang magtama ang mga mata nila ay ngumiti ang matandang don. May kislap ng kung ano sa mga mata ni Don Jaime na hindi mabigyan ni Ailyn ng kahulugan. “I see,” mahinang usal ng matandang don na tila sarili lang ang kausap. Pinakatitigan si Ailyn ni Don Jaime na para bang may binubuo ang matanda kung anong plano sa isip nito. Pagkatapos ay ngumiti ang matandang don at inilahad din ang kamay kay Ailyn. Agad niyang tinanggap iyon. Bihirang pagkakataon ang makadaupang-palad si Don Jaime Montemayor.
“I think something good will come out of all this chaos because we found you, Miss Salazar. From now on, I’m personally handing my son over to your care,” sabi pa ni Don Jaime.
“Papa!” gilalas na sabi ni Riki.
Hindi inalis ng matandang don ang tingin kay Ailyn. Napaigtad siya nang ilapit nito ang mukha sa kanya at bumulong. “I want you to not only protect him but also to tame him. I believe you can do it.”
Napaawang ang mga labi ni Ailyn, lalo na nang mahagip ng mga mata niya ang ngiti ni Doña Edna Montemayor na halatang narinig din ang ibinulong ng asawa nito sa kanya.
“Papa, ano’ng sinasabi niyo sa kanya?” naiinis na tanong ni Riki.
“Nothing important,” sagot ni Doña Edna.
Nginitian uli siya ni Don Jaime. “Could you do that for us?”
Naguguluhan pa rin si Ailyn sa mga nangyayari pero tumango rin siya. Sana nga lamang, madaling gawin ang hinihiling ni Don Jaime. Paano niya paaamuhin si Riki kung tuwing nagkikita sila ng binata ay nagtatalo sila? Paano mapapatino ni Ailyn si Riki kung ang pamilya nga nito ay hindi iyon nagawa? Pero dahil nangako siya, gagawin niya ang lahat ng makakaya niya para tuparin iyon. Mukhang mula sa araw na iyon ay kailangan na ni Ailyn na habaan pa ang mahaba na niyang pasensiya.