HINDI na nagkaroon ng pagkakataon si Ailyn na tanungin si Riki dahil nang puntahan niya sa living room ang binata ay naroon na si Jeremy. Parehong tahimik ang dalawang lalaki habang nakatingin sa center table kung saan may mga sulat na nakapatong.
“Ano’ng problema?” maagap na tanong ni Ailyn nang maramdaman niyang may hindi tama sa sitwasyon.
Sabay na napatingin sa kanya sina Riki at Jeremy. Pero mas natuon ang tingin niya kay Riki, lalo na nang mapansin niya ang pagkislap ng kung ano sa mga mata ng binata nang humagod ang tingin nito sa kabuuan niya. Nanuyo ang lalamunan ni Ailyn sa ginawa ni Riki. Nalito siya. Hindi ba at hindi siya gusto ng binata? Palagi siyang inaaway at iniinis ni Riki na hindi ito magkakainteres sa kanya kahit kailan pero bakit kung makatingin ngayon kay Ailyn ang binata ay tila nais siya nitong hubaran?
“Tinitingnan namin ang mga sulat na nakuha ng housekeeper ni Riki sa mailbox niya kaninang dumating siya rito. May nakita kaming mga pamilyar na anonymous letter na sa tingin ko ay dapat nating pagtuunan ng pansin,” sabi ni Jeremy na nagpabaling ng tingin ni Ailyn rito. May iminuwestra si Jeremy sa mga sulat kaya lumapit siya sa dalawang lalaki para makita ang tinutukoy nito.
Naging alerto si Ailyn nang mahagip ng tingin niya ang isang larawan ni Riki. Nakangiti sa larawan ang binata. Ngunit ang nakababahala ay may guhit ng tila ball pen na kulay pula ang mga labi at mga mata ni Riki sa larawan. Mariin ang pagkakaguhit doon na tila ba nais ng gumawa niyon na burahin ang masayang ekspresyon sa mukha ni Riki sa larawan. Halos mabutas na nga ang photo paper niyon.
“Basahin mo ang nakasulat sa likod niyan,” udyok ni Jeremy na iniabot sa kanya ang picture. Kinuha iyon ni Ailyn at tiningnan ang likod. Gamit ang mga letrang halatang ginupit mula sa mga diyaryo ay nakabuo ng maiksing mensahe ang kung sino mang nagpadala niyon kay Riki.
I want to make your eyes go blind so that you could no longer look at anyone else. I want to cut your lips from your face, so that you could no longer kiss anyone else.
Napasinghap si Ailyn. “Nakakatakot naman ang kung sino mang nagpadala nito.”
“Sa totoo lang, I think that’s no big deal. Hindi naman ito ang unang beses na nagpadala siya niyan. Wala namang nangyari sa `kin,” sabi ni Riki.
Napakunot-noong tumingin si Ailyn sa binata. “Gaano katagal na siyang nagpapadala nito?”
Tila naman nag-isip si Riki bago nagkibit-balikat. “Hindi ko sigurado. It’s been years, but I don’t remember how long exactly.”
Pinanlakihan niya ito ng mga mata. “Taon na siyang nagpapadala sa `yo ng mga ganito pero hindi ka gumawa ng paraan para matigil ito?” tanong ni Ailyn.
Nalukot ang mukha ni Riki. “As I said, wala namang nangyari sa akin na makapagsasabing ang nagpapadala niyan ang may kagagawan. It will just be a waste of time to look for whoever it he or she is.”
Napabuga ng hangin si Ailyn. “Hindi mo ba naisip na baka humahanap lang siya ng tiyempo? O may mga ginawa na siya pero akala mo lang hindi siya iyon? Halimbawa iyong nambato sa `yo kanina ng itlog, paano kung siya pala iyon? Pero dahil binale-wala mo kaya uulit-ulitin niya.”
Tumikhim si Jeremy upang marahil ay kunin ang atensiyon niya. “Tungkol sa nambato sa ibaba, nahuli siya ng mga security at sinabi niya na nadala lang siya ng inis kay Riki kaya niya nagawa iyon. Pero wala naman daw siyang mas matindi pang intensiyon. Just in case, ginawan ko na siya ng paraan. Mukhang hindi siya ang tipong gagawa ng anonymous letter nang ilang taon. Isa pa, ngayon ko lang siya nakita kaya malabong siya ang nagpapadala ng sulat na sa tingin ko ay palaging nakikita si Riki para magawa ang mga sulat na ito,” ani Jeremy, sabay turo sa mga sulat.
Napaisip naman si Ailyn at pinakatitigan ang larawan. Hindi niya alam kung bakit pero may hindi siya magandang pakiramdam doon. Sa tingin niya ay hindi iyon dapat bale-walain gaya ng sinasabi ni Riki.
Napaangat ang tingin ni Ailyn mula sa picture nang maramdaman niya ang pagdating ng housekeeper ni Riki. May bitbit na tray ng tatlong baso ng juice ang matandang babae. Inilapag nito iyon sa center table. “Uminom muna kayo,” sabi ni Bona na ngumiti pa kay Riki.
Ngunit sa halip na tingnan ng binata ang housekeeper ay bumaling ito kay Ailyn. “Why don’t you sit down, Ailyn?”
Nagitla siya hindi dahil inalok siya ni Riki na maupo kundi dahil iyon ang unang beses na narinig niyang tinawag siya ng binata sa pangalan niya. Nagtama ang mga mata nila at sa isang iglap ay sigurado si Ailyn na nabasa ni Riki ang iniisip niya dahil bigla itong nagmukhang defensive.
“Masakit sa leeg na tingalain ka. Upo,” ani Riki sa magaspang na paraan na mas pamilyar siyang ginagamit nito.
Umupo si Ailyn sa tabi ni Jeremy. Sumulyap siya kay Bona nang maramdaman niyang nakatingin sa kanya ang housekeeper. Bahagyang ngumiti ang matandang babae nang magtama ang mga mata nila, bago magalang na nagpaalam sa kanila at bumalik sa kusina. Ibinalik naman ni Ailyn ang tingin sa larawan. “Hindi pa rin maganda ang pakiramdam ko rito kaya ako na ang magtatabi nito. Nasaan ang mga dating anonymous letter na tulad nito?”
“Nasa akin. Dadalhin ko sa susunod para makita mo,” sagot ni Jeremy.
“I told you, wala lang `yan,” sabad ni Riki sa malakas na tinig. Tiningnan nila ni Jeremy ang binata. Napakunot-noo siya nang mapansing mukhang naiinis si Riki na hindi niya maintindihan.
“Mabuti na ang sigurado. Trabaho ko ito kaya pabayaan mo ako,” inis na sagot ni Ailyn.
Tumiim ang bagang ni Riki. Mukhang may sasabihin pa ang binata pero naunahan na ito ni Jeremy. “Anyway, we are done for today. Wala kang schedule bukas dahil may party ang Montemayor Communications na kailangan mong puntahan bukas ng gabi. Pupuntahan ka namin ni Ailyn dito dalawang oras bago ang party. Your mother told me to remind you to behave tomorrow night dahil mga importanteng tao ang mga bisita.” Pagkatapos ay tumingin kay Ailyn si Jeremy. “Ihahatid na kita sa apartment mo, Ailyn.”
Tumango si Ailyn at tumayo na rin. Tumingin siya kay Riki na mukhang may malalim na iniisip. “Isasauli ko na lang sa `yo bukas itong T-shirt na ipinahiram mo.”
Namilog ang mga mata ni Riki at tumayo. “Aalis ka na rin?” Nagulat si Ailyn sa tanong ng binata. Mukhang maging si Riki ay nagulat din dahil bigla itong tumikhim. “Never mind. Go. I’m already tired dahil sa mga nangyari sa araw na ito. And you don’t have to return that shirt. I’m not using that anymore kaya sa `yo na `yan. Do whatever you want with it.” Iyon lang at mabilis na nagtungo si Riki sa silid nito at pabagsak na isinara ang pinto.
“What’s happening to him?” nagtatakang tanong ni Jeremy.
“Ewan ko. Mukhang wala sa sarili. Hindi yata niya narinig kanina na ihahatid mo na ako,” sagot ni Ailyn, habang nakatingin pa rin sa pinto ng silid ni Riki.
“YOU ARE going to the party wearing that?” hindi napigilan ni Riki na sabihin ang pagkadisgusto pagkakita niya kay Ailyn. Tulad ng sinabi ni Jeremy ay dumating ang dalaga sa pad ni Riki dalawang oras bago ang party na pupuntahan nila sa gabing iyon. Sa isang sikat na hotel gaganapin iyon.
Umangat ang isang kilay ni Ailyn at saka niyuko ang sarili. Pagkatapos ay tumingin uli kay Riki ang dalaga na para bang wala itong nakitang mali sa hitsura nito. “Bakit?” tanong ni Ailyn.
Nalukot ang mukha ni Riki at pinasadahan uli ng tingin ang lady bodyguard niya. Oo nga at nakapormal si Ailyn. Pero puting polo, itim na blazer, at pormal na slacks ang suot ng dalaga. “Bow tie na lang ang kulang mukha ka nang waiter kaysa bodyguard. Sino ba ang ginagaya mo, si James Bond?” sarkastikong sabi ni Riki.
Sumimangot si Ailyn at bahagyang napanguso. Awtomatikong tumutok ang tingin ni Riki sa mga labi ng babae na kahit alam niyang walang bahid ng lipstick ay mapupula. Sa tingin niya kung hindi bilad sa araw si Ailyn ay mestiza ito. Patunay niyon ang kulay gatas na balat ng dalaga na nahagip ng tingin ni Riki kahapon nang makita niya si Ailyn sa akmang magtatanggal ng T-shirt nito. In fact, that view of her stomach kept him awake last night. Idagdag pa ang lasa ng mga labi ni Ailyn na hindi mawala-wala sa mga labi ni Riki. Just remembering it now made his throat dry. Damn! Kailan pa siya umaktong parang teenager na noon lang nakakita ng katawan ng babae?
“Ang sabi ni Jeremy pormal daw ang party kaya nagsuot ako ng mas pormal,” paliwanag ni Ailyn.
Umiling si Riki. “It is a formal party, all right. Hindi mo ba naisip mag-dress?”
“Hindi ako makakakilos nang maayos kung nakabestida ako. Hindi ko magagawa nang maayos ang trabaho ko. Isa pa, hindi `yon bagay sa `kin,” nakaismid na sagot ni Ailyn.
“How would you know? Nasubukan mo na ba? Babae ka, imposibleng wala kang bestidang hindi babagay sa `yo,” aniya. Sa likod kasi ng isip ni Riki ay hindi niya maiwasang isipin kung ano ang hitsura ng dalaga kapag nakasuot ng bestida.
Tumalim ang tingin ni Ailyn sa kanya at nagsalita, “`Sabi ng taong napagkamalan akong lalaki sa una naming pagkikita.”
Natigilan si Riki. Tama si Ailyn. Totoo ring palagi niyang sinasabi noon sa babae na mukha itong lalaki. Pagkatapos ngayon ay para siyang hayok na teenager na ultimo tiyan lang ni Ailyn ay hindi na siya makatulog sa gabi. Shit! Na-realize ni Riki na ilang linggo pa lang sila nagkakilala ay kinakain na niya ang mga sinabi niya noon. Marahas niyang tinalikuran si Ailyn. “Bahala ka kung iyan ang gusto mong isuot. Nasaan na ba si Jeremy?” naiinip na tanong ni Riki.
“Parating na rin `yon. Katatawag lang sa `kin bago ako umakyat dito.”
Nakakunot-noong tiningnan uli niya si Ailyn. “What are you, phone pals?” sarkastikong tanong ni Riki bago pa niya napigilan ang sarili.
Umismid si Ailyn. “Oo. Siyempre magkatrabaho kami, eh,” sikmat ng dalaga.
Hindi alam ni Riki kung bakit pero lalo siyang nainis sa sagot ni Ailyn. Hindi na niya aalamin ang sagot sa tanong niyang iyon dahil baka lalo lang mag-init ang ulo niya at hindi puwedeng mangyari iyon. Nangako si Riki sa mga magulang niya na magpapakabait siya sa party. Importante para sa kompanya ng Montemayor ang pagtitipong iyon at ayaw na ni Riki madagdagan pa ang dungis sa pangalan niya pagkatapos ng ilang masasamang balita tungkol sa kanya nitong mga nakaraan.
Ang tunog ng doorbell ang nakapagpabalik sa kanya sa kasalukuyan. Napabuga si Riki ng hangin at mabilis na lumapit sa pinto. Tama siya ng hinala na si Jeremy na iyon. As always, his manager slash best friend saved him again.
NALULULA si Ailyn sa karangyaan at mga kilalang personalidad na naroon sa pagtitipong iyon. Ngunit pilit niyang hinamig ang sarili at nagpakapropesyonal. Hindi siya lumalayo nang lampas isang metro kay Riki na tinatapunan lang siya ng kung hindi naku-curious ay nanunuyang tingin. Nasanay na si Ailyn na hindi pansinin ang mapanuring tingin ng mga miyembro ng alta-sosyedad dahil ilang taon na rin naman niyang trabahong pakisamahan ang mga mayayaman.
Napahinto si Ailyn sa paglalakad nang huminto si Riki sa grupo ng mga babaeng matamis na nakangiti sa binata. Gumanti ng ngiti si Riki sa mga babae. Hindi niya naiwasang mapaismid. Masama pa rin ang tingin ni Ailyn sa mga babae nang biglang sumulyap sa kanya si Riki. Nanlaki ang mga mata niya at halos mapaatras nang magtama ang mga mata nila. May kakaibang kislap ang mga mata ni Riki na tila may naisip na kalokohan. Bumuka ang bibig ng binata at walang tunog na nagsalita, Go away.
Napakurap si Ailyn. Iisipin sana niya na mali ang pagkakaintindi niya sa buka ng mga labi ni Riki nang lumapat ang isang kamay ng binata sa baywang ng babaeng katabi nito at inakay ang babae palayo kay Ailyn. Lumingon uli si Riki at iwinagayway ang malayang kamay na para bang itinataboy siya ng binata. Napasimangot si Ailyn. Akala ba ni Riki ay mapapaalis siya nito ng ganoon na lang?
Mabilis siyang kumilos at sumunod sa binata. Ngunit nakailang hakbang pa lang si Ailyn ay nabunggo na siya sa isang naglalakad na waiter na may bitbit na tray ng mga inumin. Napaawang ang mga labi ni Ailyn nang tumapon sa kanya ang laman niyon at may isang baso pang nahulog sa sahig at nabasag. Saglit na tumahimik ang mga taong nasa paligid niya at napatingin sa kanila. “Sorry,” paghingi ni Ailyn ng paumanhin sa waiter.
“Sana kasi tinitingnan mo kung saan ka pupunta,” reklamo ng waiter na pilit inayos ang mga basong nailigtas nito sa nakaambang pagkahulog kanina. Nag-iinit ang mga pisngi ni Ailyn sa labis na pagkapahiya.
“Ailyn, is that you?” basag ng malambing na tinig sa katahimikan. Napalingon siya at napaderetso ng tayo nang makita si Doña Edna Montemayor. Napakasopistikada ng matandang babae sa suot na long gown. Bakas ang pag-aalala sa mukha ni Doña Edna nang tuluyang makalapit sa kanya. “Oh my, hija, basang-basa ka. Nasaan ba si Riki?” tanong ng matandang babae na para bang malapit sila sa isa’t isa.
Tumikhim si Ailyn at alanganing ngumiti. “Sumama ho siya sa ilang bisita. Hahabulin ko sana siya nang mabangga ako sa kanya,” aniyang itinuro ang waiter. “Pasensiya na ho sa nangyari, Ma’am Edna.”
“Oh, nonsense. Mas mahalaga na mapalitan natin iyang suot mo.” Bumaling si Doña Edna sa waiter. “Please clean that up, okay?” Mabilis namang tumango ang waiter. Tiningnan uli siya ni Doña Edna. Ngumiti ang matandang babae at ginagap ang isang kamay ni Ailyn. “Come, let’s do something about that,” anito sa basang damit niya. Bago pa makapagsalita si Ailyn ay nahatak na siya ni Doña Edna paalis sa bulwagan at papunta sa elevator ng hotel. “Mabuti na lang at nasa itaas pa si Lorie dahil binibihisan pa niya si Maja. I’m sure may makikita tayong damit doon na maaari mong ipalit sa suot mo ngayon,” sabi pa ng matandang babae.
“Salamat ho,” nahihiyang sabi ni Ailyn.
Tumingin si Doña Edna sa kanya at matamis na ngumiti. “Wala ito. I just like you that is why I’m being kind to you. Alam ko rin na hindi madaling pakisamahan ang anak ko pero natatagalan mo siya. At mula nang maging bodyguard ka niya hindi na siya nababalitang nasasangkot sa away. Sure, nasasangkot pa rin ang pangalan niya sa mga balita but at least babae na lang ang isyu niya at hindi na basag-ulo. Thanks to you.”
Nahihiyang napangiti si Ailyn. Sa totoo lang ay gusto rin niya ang matandang doña. Napakabait kasi nito. “Ginagawa ko lang ho ang trabaho ko.”
Tumawa si Doña Edna. “Believe me, hija, hindi lang iyon dahil ginagawa mo nang maayos ang trabaho mo,” sabi ng matandang babae na ngumiti pa nang makahulugan. Nakita ni Ailyn ang kakaibang kislap sa mga mata ng doña na kanina lang ay nakita rin niya kay Riki. Pinakatitigan siya ni Doña Edna hanggang sa mailang siya. “I have an idea,” anito. Gusto sanang sabihin ni Ailyn na kung ano man ang naiisip ng matandang babae ay huwag na nitong ituloy pero hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong magreklamo nang huminto ang elevator at marahan siyang hinila ni Doña Edna patungo sa kung saan.