THE PRINCE'S SCANDAL TRILOGY (Filipino) Chapter 31

NABLANGKO ang isip ni Ailyn at tila tuod na hindi siya nakakilos. Sa ibang pagkakataon, baka nabali na niya ang mga buto ng lalaking nangahas na halikan siya nang walang permiso niya. Ngunit nang mga oras na iyon ay wala siyang maramdamang galit. Nalito si Ailyn, lalo na nang may iba pang hindi pamilyar na emosyon siyang naramdaman.

Bago pa man gumana ang isip ni Ailyn ay nakarinig na siya ng katok mula sa pinto ng silid niya. Napaigtad si Riki at mabilis na kumalas sa kanya. Nagtama ang mga mata nila. Sumalamin sa mga mata ng binata ang pagkagulat at pagkalito na nararamdaman ni Ailyn. Para bang maging si Riki ay hindi makapaniwala sa ginawa nito.

“Ailyn, hindi pa rin ba siya gising? We have to go,” narinig niyang sabi ni Jeremy mula sa labas ng silid niya.

Sabay silang napakurap ni Riki. Mabilis na bumangon ang binata. Si Ailyn naman ay tuluyang napaupo sa sahig. Hinawi ni Riki ang buhok na tila naiinis. Pagkatapos ay tumayo ito at niyuko siya. “Next time, don’t close your eyes when your face is close to a man’s face. They will think you want them to kiss you. When they do kiss you, it doesn’t mean they like you, okay? It’s just a kiss done at the spur of the moment. Wala iyong kahulugan,” mabilis na sabi ni Riki. Bago pa makahuma si Ailyn ay binuksan na ng binata ang pinto ng silid niya at lumabas.

Hindi pa rin siya nakagalaw sa kinauupuan niya. Nag-e-echo pa rin sa isip ni Ailyn ang mga sinabi ni Riki. Kung hindi lang niya kilala ang binata iisipin niya na nagba-blabber ito dahil hindi rin nito alam kung ano ang gagawin sa sitwasyon. Subalit alam ni Ailyn na hindi ganoon si Riki. Malamang iyon talaga ang iniisip nito. Nadala lamang ng sitwasyon si Riki. Walang kahulugan ang ginawa nito. Ikinuyom ni Ailyn ang kanyang mga kamay sa pagbugso ng galit at inis sa dibdib niya. Ngayon gusto na talaga niyang suntukin si Riki. Ang kapal ng mukha ng lalaking iyon na sayangin ang unang halik niya dahil lang sa nadala ito!

ISINUBSOB ni Riki ang mukha niya sa manibela ng kotse niya pagkapasok na pagkapasok niya roon. Kanina pa niya minumura ang sarili sa isip. Ilang minuto siyang nawala sa sarili kanina. How could he kiss Ailyn? Bakit ba kasi nasa harap niya ang dalaga nang magmulat siya ng mga mata sa mismong pagkakataon na ito mismo ang laman ng panaginip niya? Worst, bakit niya napanaginipan si Ailyn?

Awtomatikong tumutok ang mga mata ni Riki sa mga labi ni Ailyn pagdilat niya kanina. Then, he felt that same awareness again, that urge that Helena had failed to awaken in him. Nang pumikit si Ailyn ay kusang kumilos ang katawan ni Riki upang tawirin ang pagitan ng mga labi nila.

Then, when his lips were already on hers and he felt how soft and sweet those lips were he didn’t want to get away. Hindi makapaniwala si Riki na sa kabila ng magaspang na mga salita ni Ailyn at gaslaw ng kilos at pananamit ay ganoon katamis ang mga labi ng dalaga. Kung hindi pa kumatok si Jeremy ay hindi pa siya kakalas. Pagkatapos niyang makita ang gulat sa mukha ni Ailyn ay nainis na naman siya sa sarili. Hindi alam ni Riki kung ano ang idadahilan niya sa kapangahasan niya ngayon.

Mabuti na lang at nakaisip siya ng sasabihin bago siya lumabas ng silid ni Ailyn. Nang makausap niya si Jeremy ay halos hindi nawawaan ni Riki ang sinasabi ng manager niya dahil naiwan yata niya ang isip niya sa kuwarto ni Ailyn. Ang naintindihan lang niya sa sinabi ni Jeremy ay kailangan na nilang umalis kaya mabilis na siyang nagpatiuna sa kotse niya bago pa niya maipahiya ang sarili sa harap nito.

Mahinang iniuntog ni Riki ang ulo sa manibela at mariing napapikit. “I’m going crazy,” usal niya. Malamang iyon talaga ang nangyayari sa kanya dahil nararamdaman pa rin niya ang mga labi ni Ailyn sa mga labi niya. Paano iyon nangyayari? He didn’t even like her. Well, not as much as he did before. Nakikita ni Riki ang dedikasyon ni Ailyn sa trabaho at ang katotohanang iniligtas siya ng dalaga sa nakaambang malaking eskandalo na para bang hindi sila palaging nag-aaway. He thought, well, she’s not really that bad. And her lips are sweet.

“Shit!” Iniuntog uli ni Riki ang ulo sa manibela nang maisip iyon. Napaderetso siya ng upo nang may kumatok sa bintana ng kotse niya. Nakatayo na roon si Jeremy. Ibinaba ni Riki ang bintana. “Tara na?”

Tumango si Jeremy. “Hintayin mo lang si Ailyn. May ipinakuha ako sa kanyang kopya ng ebidensiya laban kay Helena. Just in case hindi siya tumupad sa usapan.” Iyon lang at nagtungo na ang lalaki sa kotse nito na naka-park sa tabi ng sasakyan ni Riki.

Hindi naman siya naghintay nang matagal dahil saglit lang ay lumabas na si Ailyn sa pintong katabi ng sa apartment ng dalaga. Tumikhim si Riki at hinamig ang sarili habang pinagmamasdan si Ailyn na naglalakad palapit sa kotse niya. Seryoso ang mukha ng dalaga pero nang magtama ang mga mata nila ay nakita ni Riki ang pamumula ng mga pisngi nito bago nag-iwas ng tingin sa kanya. Sa kabila ng frustration niya sa mga nangyari ay hindi niya napigilan ang pagsilay ng ngiti sa mga labi niya. Pinalis lang iyon ni Riki nang makalapit na si Ailyn at binuksan ang pinto sa gawi ng passenger’s seat. She looked awkward when she sat beside him.

“Tara na,” ani Ailyn na hindi tumitingin sa kanya.

Tumikhim si Riki at tinangkang magsalita pero hindi niya nagawa. Napabuga na lang siya ng hangin at binuhay ang makina ng kotse niya. Buong biyaheng walang nagsalita sa kanilang dalawa.

KANINA pa gustong umuwi ni Ailyn. Pero hindi naman niya iyon maaaring gawin dahil kailangan pa niyang manatili sa tabi ni Riki. Mabuti na lang at kasama rin nila si Jeremy. Kung silang dalawa lang kasi ni Riki ang magkasama ay hindi niya alam kung hanggang kailan pa niya makakayang umaktong parang walang nangyari sa pagitan nilang dalawa.

Nang dumugin si Riki ng press pagkarating na pagkarating nila sa building na tinitirhan nito dahil sa isang picture na kasama ng binata si Helena ay napagtanto ni Ailyn na tama si Winnie. Kahit gaano kaliit na bagay ay nagiging malaking balita basta ang involve ay kahit na sinong miyembro ng pamilya Montemayor. Ilang beses nang inihaharang ni Ailyn ang sarili tuwing mababangga ng mga reporter si Riki na nag-uunahang magtanong dito. Hindi sinasadyang lumapat ang likod at braso niya sa katawan ni Riki kaya hindi rin niya mapigilan ang sarili na makaramdam ng kakaiba tuwing nangyayari iyon.

“So, sino ba talaga ang babaeng iyon sa buhay mo, Mr. Montemayor?” tanong ng isang babaeng reporter.

“Nothing. She offered me company at sino ako para tumanggi? It’s not really a big deal so just leave me alone, okay?” naiinis na sagot ni Riki na ikinalaki ng mga mata ni Ailyn. Hindi iyon ang paraan ng pagsagot na pinag-usapan ni Riki at ni Jeremy. Nakita niya ang pagbakas ng disgusto sa mukha ng reporter at maging ang ilang mga nakikiusyosong tao sa paligid nila. Sa isang panig ay nakita ni Ailyn na napailing si Jeremy.

Bago pa may makahuma sa mga reporter ay naramdaman niya ang pagkilos ni Riki. “I’m leaving now,” paalam ng binata at tinangkang maglakad patungo sa elevator. Agad na sumunod si Ailyn.

Halos masubsob na siya sa mga reporter na nagtangka ring sumunod. Mabuti na lang at tinulungan agad si Ailyn ng mga security guard sa building na iyon. Nakahinga na sana siya nang maluwag nang may sumigaw. “Ang yabang mo! Dapat sa `yo maparusahan!”

Mula sa gilid ng mga mata ni Ailyn ay nakita niya ang isang bulto ng tao na may binato patungo kay Riki. Mabilis na kumilos ang katawan niya. Iniharang niya ang sarili kay Riki. Sabay-sabay na napasinghap ang mga naroon nang tumama sa itaas ng dibdib ni Ailyn ang isang hilaw na itlog. Nagkagulo ang mga tao at hinanap ang nambato. Maging ang mga security ay mabilis na kumilos. Sinamantala ni Ailyn ang pagkakataon. Hinawakan niya sa braso si Riki at hinatak ang binata patungo sa elevator. Nakita niya si Jeremy sa loob ng elevator at pinipigilan ang pagsara ng pinto para makapasok sila.

“Ako na ang bahala rito.” Lumabas si Jeremy sa elevator.

Tumango si Ailyn at mabilis na isinara iyon.

Nakahinga siya nang maluwag nang mag-umpisang umangat ang elevator. Akmang sasandal si Ailyn sa pader nang hablutin siya ni Riki. Napasinghap siya. Pinihit siya ng binata paharap dito. Tatanungin sana ni Ailyn kung ano ang problema ni Riki nang magtama ang mga mata nila. Nawala ang inis niya rito nang makita ang galit at pag-aalala sa mga mata ni Riki nang tingnan nito ang narumihan niyang damit.

“Are you okay?” nag-aalalang sabi ng binata na nagpabilis sa tibok ng puso ni Ailyn. Napakurap siya. Hindi niya inaasahan ang pag-aalala nito para sa kanya.

“O-oo naman,” alanganing sagot ni Ailyn. Kumunot ang noo ni Riki na para bang hindi ito naniniwala sa sinabi niya. Dumeretso pa siya ng tayo at sinalubong ang mga mata ng binata. “Wala lang ito. Marami pang mas matindi akong naranasan sa trabaho ko kaysa sa pambabato ng itlog—”

Hindi naituloy ni Ailyn ang pagpapaliwanag nang lumapat ang mga daliri ni Riki sa itaas ng dibdib niya. Napasinghap uli siya nang maingat at magaan na hinaplos ng binata ang parteng narumihan nang tamaan ng itlog. Hindi inasahan ni Ailyn ang kakaibang pakiramdam na idinulot niyon sa kanya. Lalo pa at nakatutok din doon ang mga mata ni Riki na para bang kulang na lang ay hubarin nito ang damit niya para masigurong walang kahit na anong injury ang bahaging iyon ng katawan niya.

Huminto ang elevator sa floor ng pad ni Riki. Naalis ang tingin ng binata sa kanya kaya nakahinga nang maluwag si Ailyn. Pero nahigit uli niya ang kanyang hininga nang bigla siyang hawakan ni Riki sa braso at hilahin palabas ng elevator. “Let’s get you changed,” sabi pa ng binata nang nasa harap na sila ng pinto ng pad nito. Literal na napanganga si Ailyn sa biglang pagbabago ng pakikitungo nito sa kanya. Bigla na lang kasing bumait si Riki.

Mabilis na binuksan ng binata ang pinto ng pad nito at inakay siya papasok. Huminto sila sa living room at humarap si Riki kay Ailyn. “Take your clothes off,” anitong biglang hinawakan ang jacket niya para tanggalin.

Nanlaki ang mga mata ni Ailyn at mabilis na pinigilan ang mga kamay ni Riki. “Hoy, ano sa tingin mo ang ginagawa mo?” namamanghang sabi niya.

Natigilan ito at tila natauhan sa tanong niya. Parang napaso na lumayo sa kanya ang binata. “I mean, you should take that off dahil siguradong malagkit `yan. I’ll lend you a shirt,” ani Riki.

“Kaya ko naman maghubad mag-isa,” sabi ni Ailyn.

“Of course you can,” inis na sagot ni Riki. Hindi lang sigurado si Ailyn kung sa kanya naiinis ang binata o sa sarili nito. Kung pagbabasehan kasi niya ang nakikita niya sa ekspresyon ng mukha ni Riki ay iisipin niyang ang huli ang nararamdaman nito.

Sasagot pa sana si Ailyn nang may magsalita mula sa kusina. “Riki, nandito ka na pala.”

Sabay silang napalingon sa taong nagsalita. May nakita si Ailyn na isang babae na sa tingin niya ay nasa forties ang edad. May suot ang matandang babae na apron at bakas sa mukha ang pagtataka habang pinagpapalipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa ni Riki. Pero mas tumagal ang tingin nig matandang babae kay Ailyn.

“Bona? Oo nga pala, today is your cleaning day,” ani Riki. Pagkatapos ay tumingin kay Ailyn ang binata. “She is my housekeeper. She comes here to clean twice a week. Bona, this is my bodyguard, Ailyn,” pakilala naman ni Riki sa kanya sa babae.

Mukhang may sasabihin pa si Bona pero hindi na itinuloy ng matandang babae dahil hinawakan uli ni Riki ang braso ni Ailyn at inakay siya patungo sa direksiyon ng banyo. “Now, get those clothes off while I get you a shirt.” Bago pa siya makapagprotesta ay nasa loob na siya ng banyo at naisara na ni Riki ang pinto. Napabuga na lang ng hangin si Ailyn at umiiling na hinubad ang jacket niya. Pagkatapos ay hinawakan niya ang laylayan ng T-shirt niya.

Naiangat na iyon ni Ailyn hanggang sa ibaba ng dibdib niya nang bumukas ang pinto ng banyo. Napasigaw siya sa pagkagulat nang makita niya si Riki na gaya niya ay halatang nagulat din. Mabilis na ibinaba ni Ailyn ang laylayan ng T-shirt niya. “Hindi ka ba marunong kumatok?” inis na bulalas niya.

Nalukot ang mukha ni Riki. “Hindi mo ini-lock ang pinto kaya akala ko hindi ka pa nagbibihis,” sikmat sa kanya ng binata. “Wear this. `Tapos lumabas ka kaagad,” sabi nito, sabay abot kay Ailyn ng isang puting T-shirt. Mabilis na isinara uli ni Riki ang pinto ng banyo. Nang mawala ito sa paningin ni Ailyn ay noon lang niya napagtantong napakainit pala ng mukha at buong katawan niya sa nangyari.

Mariin siyang pumikit para kalmahin ang sarili. Pagkatapos ay mabilis na ipinagpatuloy ni Ailyn ang paghuhubad at isinuot ang damit na iniabot sa kanya ni Riki. Awtomatiko siyang napasinghot nang maamoy niya ang amoy ng binata roon. Kapagkuwan ay naalala ni Ailyn na iyon ang pangalawang beses na pinahiram siya ng damit ni Riki. Kung iba lang sana ang sitwasyon at kung ibang babae ang nasa katayuan niya ay baka kiligin na ang mga ito dahil doon. Ngunit alam ni Ailyn na hindi siya dapat makaramdam ng ganoon dahil pinahiram siya ni Riki ng damit dahil ang tingin sa kanya ng binata ay isang lalaki.

Kung ganoon, bakit ka niya hinalikan? tanong ng isang bahagi ng isip ni Ailyn na hindi niya napigilang sang-ayunan. Bakit nga ba? Hindi niya alam ang sagot pero alam ni Ailyn na hindi siya matatahimik kung hindi niya malalaman. Kaya napagpasyahan niyang itanong iyon mismo kay Riki. Dala ang determinasyong iyon ay lumabas siya ng banyo.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.