THE PRINCE'S SCANDAL TRILOGY (Filipino) Chapter 37

PUMAPAILANLANG sa buong tennis court ang matamis na tawa ni Marietta kasabay ng tunog ng tumatalbog na tennis ball. Naglalaro ng tennis ang babae at si Riki. Ayaw mang aminin ni Ailyn sa sarili ay lalong gumuwapo si Riki habang naglalaro. Tumatagaktak na ang pawis ng binata pero mukhang mabango pa rin itong tingnan. Pilit iniiwasang panoorin ni Ailyn si Riki pero sa tuwina ay bumabalik din sa binata ang tingin niya. Sa huli ay hinayaan na lang niya ang sarili na panoorin ito sa paglalaro. Tuwing may mami-miss na bola si Riki ay hihinto ito at titingin kay Ailyn, mabilis naman niyang iiiwas ang tingin dito.

Kaninang umaga, hindi sila nagkaroon ng pagkakataong mag-usap nang matagal dahil naroon na si Marietta nang dumating siya. Na mas tama yatang sabihing nakatira na roon si Marietta base sa mga pahaging na salita ng babae kay Ailyn kanina nang dumating siya. Pero agad namang nagpaliwanag sa kanya si Riki na hangga’t hindi pa nakakakuha ng matitirhan si Marietta sa Pilipinas ay sa bahay muna nito makikitira ang babae. Balak daw kasi ni Marietta na manatili na lang sa Pilipinas kaysa bumalik sa bansang pinanggalingan nito.

Pulos tango lang ang isinasagot ni Ailyn kina Riki at Marietta dahil sumasama ang pakiramdam niya tuwing naririnig niya ang tinig ng babae, o tuwing nakikita niya ang paghaplos ni Marietta sa braso ni Riki. Habang pinanonood ni Ailyn ang dalawa ay naintindihan na niya kung bakit binu-bully si Marietta ng mga babaeng schoolmate nito noong nasa kolehiyo pa ang mga ito. Masyadong malambing at sweet si Marietta na halatang peke naman.

Pakiramdam ni Ailyn ay ginagamit ng babae ang ganda at kahinhinan nito para paikutin sa mga kamay nito ang mga lalaking gaya ni Riki. Napapansin din niyang tumatalim ang tingin ni Marietta sa kanya pero mabilis ding nawawala kaya akala niya ay namamalikmata lang siya. Higit sa lahat, kating-kati na rin si Ailyn na deretsahang tanungin ang babae kung bakit pagkatapos ng limang taon ay bigla na lang itong sumulpot at bumalik kay Riki. Kahit saang anggulo niya tingnan ay hindi maganda ang ginawa ni Marietta. At si Riki naman na ubod nang tanga ay tinanggap pa ang babae at ngayon ay nakikipaglaro pa ng tennis na para bang hindi ito iniwan ni Marietta sa ere nang limang taon. Tuwing nakikita ni Ailyn ngayon si Riki ay madalas niyang hanapin dito ang dating Riki na nakilala niya noon. Iyong Riki na magaspang ang pag-uugali at walang pakialam sa mga sinasabi ng kahit na sino. Mas gusto na niyang ganoon ang binata kaysa gaya ngayon na nagpapakatanga ito sa isang babae. Na nagkataong hindi ikaw, buska ng isang bahagi ng isip ni Ailyn. Marahas siyang umiling para alisin iyon sa isip niya.

“Yes, I won!” matinis na bulalas ni Marietta na nagpabalik ng atensiyon ni Ailyn sa dalawa.

Pumalatak si Riki. “You got me there.”

Malambing na tumawa si Marietta na ikinaismid niya. Kung noong una niyang nakita ang babae ay gandang-ganda si Ailyn rito at sa tingin niya ay talagang babasaging kristal ito na dapat alagaan, ngayon ay hindi na. Sa tingin niya ay may mali kay Marietta. O puwede ring nagseselos ka lang kaya sumasama ang tingin mo sa kanya, bulong na naman ng isang bahagi ng isip ni Ailyn.

“But I’m tired na. Let me take a break muna,” maarteng sabi uli ni Marietta. Naglakad ang babae palapit sa shed kung saan naroon si Ailyn.

“Pero ako hindi pa,” reklamo ni Riki na humakbang din palapit sa kanya. Napaderetso siya ng upo.

Pabagsak na umupo sa bench si Marietta ilang pulgada ang layo mula sa kanya. Tumingin ang babae sa kanya at malambing na ngumiti. “Get my towel for me, please?”

Mariing itinikom ni Ailyn ang mga labi pero tumalima naman. Kanina pa niya napapansin na itinuturing siyang alalay ni Marietta. Kaunti na lang talaga ay masasagot na niya ang babae. Pagkaabot ni Ailyn ng towel dito ay tiningnan niya ang papalapit na si Riki. Mabilis siyang bumalik sa kanyang inuupuan kanina at kinuha ang towel ni Riki nang makita niyang halos maligo na ang binata sa pawis. Iniabot ni Ailyn kay Riki ang towel pagkalapit nito kay Marietta. Tila nagulat ang binata na napatitig sa kanya.

“O, basang-basa ka,” tipid na sabi ni Ailyn. Kinuha ni Riki ang towel habang hindi inaalis ang tingin sa mukha niya na tila ngayon lang uli siya nito nakita samantalang kanina pa siya naroon.

“Thanks,” sabi ni Riki. Nailang si Ailyn nang hindi pa rin inalis ng binata ang tingin sa kanya habang nagpupunas ito ng pawis. Sa gilid ng mga mata niya ay nakita niyang nakatingin din sa kanila si Marietta.

“Bakit ganyan ka makatingin?” hindi na nakatiis na tanong ni Ailyn.

Kumurap si Riki at tumikhim. “Well, iniisip ko kung hindi ka ba naiinitan sa suot mo. Naka-jacket ka na naman kasi at naka-zipper pa hanggang leeg. Nakakahinga ka pa ba? Take that off,” utos ng binata.

Kahit naiinis sa pag-uutos ni Riki ay tumalima siya. Hawak na ni Ailyn ang zipper para ibaba iyon nang may maalala siya. Kumabog ang dibdib niya at awtomatikong naitaas uli ang zipper. Naalala niyang ang T-shirt na ibinigay sa kanya ni Riki ang suot niya sa ilalim ng jacket. Hindi niya alam kung ano ang sumapi sa kanya at naisipan niyang isuot iyon kanina. Basta nang makita iyon ni Ailyn sa cabinet niya kanina ay may naramdaman siyang matinding pagnanais na isuot iyon, na para bang sa paraang iyon ay mararamdaman uli niya na kahit paano ay naging bahagi siya ng buhay ni Riki. Hindi na niya inalala ang posibilidad na makita iyon ng binata dahil ang balak niya ay itago iyon sa jacket niya. Alam kasi ni Ailyn na hindi iyon mapapansin ni Riki dahil ang buong atensiyon nito ay na kay Marietta lang.

“Well?” untag ni Riki sa kanya. Tapos nang magpunas ng pawis ang binata at nakasampay na sa isang balikat nito ang towel.

Tumikhim at humalukipkip si Ailyn. “Hindi ako naiinitan. Huwag mo na akong pansinin.”

Umangat ang isang kilay ni Riki. Napaatras siya at nanlaki ang kanyang mga mata nang bahagyang umangat ang isang sulok ng mga labi ng binata. Na tila sinasabi nitong dapat niyang sundin lahat ng iniuutos nito. “I said take that off,” ani Riki sa tinig na may magkahalong pagbabanta at… lambing? Posible ba iyon?

Pero bago pa maisip ni Ailyn kung ano ang gagawin ni Riki ay umangat na ang kamay ng binata at hinawakan ang zipper ng jacket niya. Magpoprotesta sana siya nang biglang umeksena si Marietta. “Riki, that is rude, you know.”

Tila napapasong inilayo ni Riki ang kamay sa kanya. Nanlaki ang mga mata ng binata na para bang noon lang nito naalala na naroon pala ang babae. Pero parang walang nangyari nang balingan ni Riki si Marietta.

Si Ailyn naman ang binalingan ni Marietta. “And, Ailyn, Riki’s right. We are concerned about you. Baka kasi bigla kang mahilo sa init kaya tanggalin mo na lang ang jacket mo. Please?” malambing na sabi nito.

Tiningnan niya ang babae na nginitian naman siya. Iyong ngiti na mukhang inosente pero tila may iba pang kahulugan. Tumikhim si Ailyn at tumango. Huminga muna siya nang malalim bago nag-aalangang ibinaba ang zipper ng jacket niya. Hiniling niya na sana, hindi matandaan ni Riki na ang T-shirt na suot niya ay ang T-shirt na ibinigay nito sa kanya. Tutal sabi naman ng binata dati ay hindi na nito isinusuot iyon kaya malamang nahatak lang nito iyon basta at hindi naman tiningnan noong ibinigay sa kanya. Muli siyang huminga nang malalim at binilisan na ang paghuhubad ng jacket niya.

Saka lang tiningnan ni Ailyn si Riki nang nasa braso na niya ang jacket niya para sabihin sana ritong masaya na siguro itong nakuha na nito ang gusto. Ngunit bumikig sa lalamunan niya ang mga salita nang makita niyang titig na titig si Riki sa T-shirt na suot niya. Umangat ang tingin ng binata sa mukha ni Ailyn. Nang magtama ang mga mata nila ay nasiguro niyang natatandaan ni Riki ang T-shirt na iyon. Bumilis ang tibok ng puso ni Ailyn. Hindi dahil sa takot na pagtatawanan siya ni Riki o iinsultuhin kundi dahil sa kakaibang emosyong nakikita niya sa mga mata ng binata. Na para bang nais siya nitong… halikan.

Nanuyo ang mga labi ni Ailyn at bago pa niya mapigilan ang sarili ay binasa na niya iyon ng dila niya. Bumaba ang tingin ni Riki sa mga labi niya. Lalo namang nagwala ang puso niya. Napakurap sila ni Riki nang biglang tumayo si Marietta.

“I’ve got my energy back na. Let’s play?” malambing na yakag ng babae kay Riki. Bago pa makapagsalita si Riki ay kumapit na si Marietta sa braso ng binata at hinatak ito pabalik sa court.

Bumuntong-hininga si Ailyn. Hindi niya namalayang kanina pa pala niya pinipigilan ang kanyang hininga. Sumalampak siya ng upo sa bench nang maramdaman niya ang panghihina ng kanyang mga tuhod. Bakit siya tiningnan ng ganoon ni Riki? At sa harap pa talaga ng kasintahan nito? Ano ba ang balak palabasin ng lalaking iyon? Sumakit na ang ulo ni Ailyn at nagsimula na uling maglaro ang dalawa ay hindi pa rin niya nahanap ang sagot sa mga tanong na iyon.

SERIOUSLY, it was definitely wrong of him to want to kiss Ailyn. Pinagagalitan ni Riki ang sarili niya sa naging reaksiyon niya nang makita niyang suot ni Ailyn ang T-shirt na ibinigay niya noon dito. Alam niyang mali ang ginawa niya, lalo na at nasa harap nila si Marietta. Pero nang makita niyang suot ng dalaga ang T-shirt ay tila susing biglang binuksan ang kahon ng mga alalala niya tungkol kay Ailyn. Bigla na lang nilukob ng kakaibang emosyon si Riki na noon pa niya nararamdaman para sa dalaga. And when he looked at her licking her lips nervously, he was filled with the strong desire to kiss her.

Wala sa loob na napatingin si Riki kay Marietta na nasa kabilang bahaging court. Marietta was the only woman he ever loved. She used to be his world. Pero hindi niya masasabing pulos masasayang alaala lang ang nilikha nila noon bago siya iwan ng dating kasintahan. Marietta was a very fragile woman. Madali itong ma-depress. May bipolar disorder ang babae pero alam ni Riki na hindi nananakit ng ibang tao si Marietta. May mga gamot ding iniinom ang dati niyang kasintahan para mabawasan ang mood swings at depression nito. Pero minsan, hindi pa rin maiwasan na sumpungin ng sakit nito si Marietta. Nahihirapan si Riki na pakisamahan ang babae tuwing sinusumpong ito. Pero hindi niya ito maiwan. Hindi lang dahil mahal niya si Marietta kundi dahil kailangan siya nito. Sa buong buhay ni Riki, noon lang siya nakakita ng taong kinakailangan talaga siya. And though it might be his male ego talking, it felt good to be needed.

Ngunit dumating sa punto na dumadalas na ang sumpong ni Marietta. Nagsimula na rin makilala sa mundo ng tennis noon si Riki at ultimo mga fan letter ay pinagseselosan ng babae. Hanggang sa dumalas ang pagsumpong ng sakit ni Marietta. It was almost unbearable. Sa huli ang babae na ang humingi sa kanya ng space. Hindi naman daw sila magbe-break. Kailangan lang daw ni Marietta ng time para gumaling at para hindi siya nito mapahirapan. Pumayag si Riki dahil sa totoo lang ay nade-drain na rin ang lakas niya sa pagbabago ng mood nito.

Hindi lang niya naisip na aabot iyon nang limang taon. In fact, he never thought he would see her again. Kaya magkahalong pagkabigla at pagkamangha ang naramdaman ni Riki nang makita niya si Marietta sa labas ng pinto niya, at sa mismong oras pa na nagdesisyon siyang sabihin kay Ailyn ang tungkol dito dahil ang akala niya ay parte na lang ng nakaraan niya ang dating kasintahan.

Lalong naguluhan si Riki sa nararamdaman niya nang bumalik si Marietta sa buhay niya. Alam niyang dapat siyang magalit sa babae dahil limang taon siyang naghintay sa pagbabalik nito. Ni wala silang ano mang komunikasyon pero bigla na lang itong sumulpot at umaktong parang hindi sila naghiwalay. Pero hindi magawang magalit ni Riki sa babae dahil alam niya ang tunay na kalagayan nito at lalo lang makakasama rito kung magpapakita siya ng galit.

Pero nararamdaman ni Riki na hindi niya matanggap uli sa buhay niya si Marietta ng isandaang porsiyento. Tuwing yayakapin o hahalikan siya ni Marietta ay para siyang napapaso kaya marahan na lang niyang ilalayo ang sarili sa babae. Alam ni Riki na napapansin na nito iyon at nagpapasalamat siya na hindi pa napipikon at nagagalit sa kanya ang babae. Hindi rin talaga gusto ni Riki ang suhestiyon ni Marietta na sa pad na muna niya ito tumira. Pero dahil wala namang ibang kamag-anak sa Pilipinas ang babae dahil alam niyang noon pa nag-migrate ang pamilya ni Marietta sa States kaya sa huli ay hinayaan na lang niya ito.

After all, she used to be the most special woman in his heart. Patunay niyon ang katotohanang hindi nakipagrelasyon nang seryoso sa ibang babae si Riki pagkatapos humingi ng space ni Marietta. Hindi naman talaga sila personal na naghiwalay. But now, he wasn’t sure anymore. Ang sigurado lang niya ay kailangan niyang kausapin nang masinsinan ang babae.

Natigil sa pag-iisip si Riki nang mahagip ng tingin niya si Ailyn na tila kumakaway sa kanya. Tumingin siya sa bodyguard niya at dumeretso ng tayo. Mabilis siyang naglakad patungo sa dalaga sa halip na habulin ang bolang tinira ni Marietta.

“What is it?” tanong ni Riki kay Ailyn. Hindi niya pinansin ang pagtawag ni Marietta sa kanya.

Inilahad ni Ailyn ang cell phone ni Riki na hindi niya napansing hawak ng dalaga. “Si Raiven. Pasensiya ka na, kanina pa kasi tumutunog kaya sinagot ko na para sa `yo. Baka kasi importante.”

Tumango lang si Riki at inabot ang cell phone niya. Nagtaka siya sa sarili na hindi siya nagalit nang pakialaman ni Ailyn ang gamit niya, lalo na ang cell phone niya. Kahit noong sila pa ni Marietta ay iyon ang madalas nilang pagtalunan dahil madalas pinakikialaman ng babae ang cell phone niya.

“Yes, brother?” tanong ni Riki kay Raiven sa kabilang linya.

“I heard she’s back in your arms,” walang pasakalyeng sagot ni Raiven. Hindi nakaligtas sa kanya ang sarkasmo sa tinig ng panganay niyang kapatid. “And I won’t say I’m happy for you. I think that is stupidity,” dugtong pa ni Raiven.

Sa halip na magalit ay napabuntong-hininga na lang si Riki. Napatingin siya kay Marietta na nagsimula nang lumakad palapit sa kanila. “Kung ikaw ang nasa lugar ko, ano ang gagawin mo?” Hindi niya napigilang humingi ng payo kay Raiven.

Ilang segundong katahimikan ang dumaan bago mahina ngunit mariing sumagot ang kapatid niya. “I don’t want to answer that question.”

Nakuha naman kaagad ni Riki ang nangyari kay Raiven at agad na humingi ng paumanhin. “Ano ba talagang dahilan kung bakit tumawag ka?” tanong ni Riki. Hindi naman kasi si Raiven ang tipong tumatawag lang para mangumpirma ng narinig nito.

“Alam na rin nina Papa na magkasama na naman kayo ni Marietta. We’re going to have a family dinner tomorrow night at siguruhin ko raw na darating kayo. Bring Ailyn, too. Mama and Lorie want to see her. That is all.” Bago pa makasagot si Riki ay pinutol na ni Raiven ang tawag. Napatitig siya sa cell phone niya.

“Sino iyon, Riki?” tanong ni Marietta na humawak na sa braso niya.

Tiningnan niya ang babae. “Si Raiven. Ang sabi niya pinapapunta tayo nina Papa bukas sa family dinner.”

Ngumiti nang matamis si Marietta. “Really? That’s great. I want to finally meet your family. Ang mga kapatid mo lang ang nakilala ko dati but not your parents.”

Tumango si Riki. Kapagkuwan ay lumingon siya kay Ailyn na tahimik lang na nakatingin sa kanya. “Sasama ka sa amin. Gusto ka raw makita nina Mama at Lorie,” aniya sa dalaga. Naramdaman ni Riki ang paghigpit ng hawak ni Marietta sa braso niya. Pero mas natuon ang pansin niya sa mga mata ni Ailyn nang salubungin ng dalaga ang mga mata niya. Hayun na naman ang traidor na katawan ni Riki, nais na namang halikan si Ailyn. Mabilis siyang nag-iwas ng tingin at niyayang maglaro uli si Marietta.

Pero kahit pawis na pawis na si Riki sa paglalaro ng tennis at kahit pa si Marietta ang kasama niya, nanatiling na kay Ailyn ang buong atensiyon niya. It nearly drove him crazy.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.