THE PRINCE'S SCANDAL TRILOGY (Filipino) Chapter 38

NAPAKUNOT-NOO si Ailyn at tumingin kay Riki. Pareho silang nakaupo sa lobby ng tennis club. Nakaligo at nakapagpalit na ng bagong damit ang binata. Ang bango-bango na rin nito. Hinihintay nila si Marietta na hanggang ngayon ay hindi pa dumarating mula sa pagbibihis. Sa hindi rin niya alam na dahilan ay silang dalawa lang ni Riki ang tao roon.

“Ang tagal naman niyang magbihis,” ani Ailyn na ang tinutukoy ay si Marietta.

Tumingin sa kanya si Riki at mabilis naman siyang nag-iwas ng tingin dito. Hindi magawang salubungin ni Ailyn ang mga mata ni Riki mula pa kanina. Tuwing gagawin kasi niya iyon ay may namamahay na pag-asa sa puso niya. Hindi niya maiwasang isipin na parang nais siya nitong halikan pero alam naman niyang imposible iyon.

“Titingnan ko siya,” sabi ni Riki. Ngunit katatayo pa lang ng binata ay narinig na nila ang matinis na tili ng isang babae. Napatayo si Ailyn at sinalubong ang tingin ni Riki. Nanlalaki ang mga mata nito at ganoon din siya. Muling umalingawngaw ang sigaw na sigurado siyang galing kay Marietta. Saglit pa ay halos sabay na silang tumatakbo patungo sa shower room kung saan naroon ang babae. Nang makarating sila roon ay nakaawang na ang pinto. Mabilis na pumasok si Riki habang tinatawag si Marietta.

Akmang susunod na si Ailyn kay Riki sa shower room nang may mahagip ang tingin niya. May bulto ng taong nagbukas ng pinto ng fire exit at lumabas doon. Nagkahinala siya kaya sa halip na sumunod sa loob ng shower room ay hinabol niya ang taong iyon. Pagkabukas ni Ailyn ng fire exit ay nakita niyang tumakbo ang taong iyon sa isang sasakyan na nasa di-kalayuan. Nang makasakay ang taong hinahabol niya ay humarurot ang sasakyan. Mabilis na kinuha ni Ailyn ang cell phone niya sa bulsa ng jacket niya at inaninag ang plate number ng sasakyan. Isinulat niya iyon sa cell phone niya.

Wala na ang sasakyan ay nakatingin pa rin si Ailyn sa direksiyong tinahak niyon. Hindi siya makahuma sa mga tumatakbo sa isip niya. Una, base sa pigura ng taong iyon ay babae iyon. Pangalawa, parang pamilyar sa kanya ang babae. Sa totoo lang, biglang nagkaroon ng hinala si Ailyn kung sino ang taong hinabol niya kanina. Kailangang isangguni muna niya iyon kay Jeremy dahil hindi naman siya sigurado sa hinala niya. At kailangan muna niyang makita kung ano ang ginawa ng estrangherong iyon kay Marietta.

Mabilis na kumilos si Ailyn pabalik sa shower room. Nasa pinto pa lang siya ay naririnig na niya ang iyak ni Marietta. Kasunod niyon ay ang masuyong pag-alo rito ni Riki. Sandaling tila napako sa kinatatayuan si Ailyn nang marinig ang dalawa. Pero agad din siyang huminga nang malalim para hamigin ang sarili, saka pumasok doon.

Tila may sumuntok sa sikmura ni Ailyn sa eksenang naabutan niya. Nakatapi lang ng tuwalya si Marietta habang nakayakap kay Riki at umiiyak. Nakapulupot sa baywang ni Marietta ang mga braso ni Riki na patuloy sa pag-aalo kay Marietta. Isang larawan ni Riki ang nasa sahig. Tulad ng mga unang larawan ni Riki ay pilit ding binura ng pulang ball pen ang larawan na iyon. Halos mapunit na rin iyon sa diin ng pagkakabura. Tila galit na galit ang kung sino mang gumawa at nagpadala niyon. Yumuko si Ailyn at pinulot ang larawan. Binasa niya ang sulat na nasa likod niyon.

You will never be owned by anyone. You are mine.

Humugot siya ng malalim na hininga at tiningnan uli sina Riki at Marietta na magkayakap pa rin. Bumuntong-hininga siya. “Ano’ng ginawa niya sa `yo?” tanong ni Ailyn kay Marietta. Pero sa halip na sagutin ang tanong niya ay lalo pang lumakas ang iyak ng babae.

Binalingan niya ni Riki. Bakas sa mukha ng binata ang pang-uunawa at pagkaawa para kay Marietta. “Hintayin mo na lang kami sa kotse ko. Ako na ang bahala rito,” malumanay pero maawtoridad na sabi ni Riki sa kanya.

Nakagat ni Ailyn ang loob ng ibabang labi niya pero tumango siya at walang lingon-likod na umalis doon. Hindi na rin naman niya kayang makita pa ang dalawa sa ganoong posisyon. Na para bang nasa ibang mundo sina Riki at Marietta na para lang sa mga ito. At kahit ano ang gawin niya ay hindi siya maaaring makapunta o sumama roon.

Nasa parking lot na si Ailyn at tulalang nakatitig sa kotse ni Riki nang maalala niyang kailangan nga pala niyang mag-report kay Jeremy. Hinamig niya ang sarili at i-d-in-ial ang numero ng lalaki. Nang marinig ni Ailyn ang tinig ni Jeremy sa kabilang linya ay tumikhim siya. “Jeremy, may nangyaring hindi maganda dito sa tennis club. Puwede mo bang paimbestigahan sa kung sinong kakilala mo?” Ikinuwento niya sa lalaki ang nangyari kanina. Ipinangako rin niyang ise-send niya rito ang plate number ng kotse na nakita niya. Pati ang hinala ni Ailyn ay sinabi na rin niya sa manager ni Riki.

“Sige. Tatawagan kita kapag nasiguro ko na ang lahat. Is she all right?” tanong ni Jeremy na ang tinutukoy ay si Marietta.

Bumuntong-hininga si Ailyn. “Mukhang hindi. Kasama niya si Riki.”

“She has always been like that. Minsan hindi ko alam kung paano siya natatagalan ni Riki,” komento ni Jeremy. Iyon ang unang pagkakataong narinig niya ang lalaki na magkomento ng ganoon tungkol kay Marietta. Kadalasan kasi ay nakamasid lang si Jeremy tuwing kasama nila ang babae.

“Mahal niya, eh,” ani Ailyn. Nahiling niyang sana ay hindi mahalata ni Jeremy na masyadong mapait ang pagkakasabi niya niyon.

Narinig niya ang pag-ismid ng lalaki sa kabilang linya. “I think he just likes the feeling of being needed. Dahil walang nag-iisip na kaya niyang humawak ng responsibilidad dahil sa reputasyon niya, pinanghahawakan niya ang pakiramdam na siya ang responsable para kay Marietta.”

Nagkibit-balikat si Ailyn. Bahagya siyang nakonsiyensiya. Isa siya noon sa mga taong naniniwalang iresponsable at basag-ulero si Riki.

Napakurap siya nang makitang palabas na ng tennis club sina Riki at Marietta. Nakaakbay ang binata kay Marietta habang ang babae ay nakakapit sa baywang nito. “Ah, Jeremy, nandito na sila. Tatawagan na lang uli kita mamaya,” paalam ni Ailyn. Nang sumang-ayon si Jeremy ay mabilis niyang tinapos ang tawag. Pinagmasdan uli niya ang dalawa. Biglang kumirot ang puso niya.

Habang nakatingin kasi si Ailyn sa pareha ay napagtanto niyang malabong mabaling sa kanya ang atensiyon ni Riki. Hindi siya katulad ni Marietta. Hindi siya ang tipong umaasa sa ibang tao. Hindi siya mahinhin at mahina. Hindi niya mapupunan ang kagustuhan ni Riki na kailanganin ito. Sa katunayan, sa kanya pa nakaatang ang tungkuling protektahan si Riki. Hindi si Ailyn ang tipo ng binata. Hindi sila bagay.

Kaya dapat tigilan na niya ang kung ano mang nararamdaman niya para kay Riki. Sana nga lang, madali iyong gawin.

GUSTONG tumaas ng isang kilay ni Ailyn nang sa pagpunta niya sa pad ni Riki kinabukasan ng hapon para sa family dinner ng pamilya Montemayor ay makita niyang ngiting-ngiti na si Marietta na para bang hindi umiyak kahapon ang babae. Bihis na bihis na rin ito at lalo pang tumingkad ang ganda dahil sa makeup. Nagmukha siyang utusan ni Marietta sa ayos niya. Lalong nanliit si Ailyn nang makita si Riki. Mas simple ang ayos ng binata kaysa kay Marietta pero kahit ganoon ay nakakasilaw pa rin ang kaguwapuhan nito.

Ang matindi pa ay halos hindi siya tinitingnan ni Riki. Tuwing nag-uutos ang binata ay lampas kay Ailyn ang tingin nito. Ang buong atensiyon ni Riki ay nakatuon lang kay Marietta hanggang makarating sila sa mansiyon ng mga Montemayor.

Gumaan lang ang pakiramdam ni Ailyn nang magiliw siyang batiin ng mga magulang ni Riki nang makapasok sila sa mansiyon. Naroon na rin ang mag-ina ni Choi Montemayor, at magiliw rin siyang binati ni Lorie. Namangha pa siya nang pilitin siya ni Doña Edna na sumabay sa hapunan na inihanda nito. Naiilang pa si Ailyn noong una, lalo na at hindi mga ordinaryong tao lang ang makakasabay niya sa hapag-kainan. Pero hindi naglaon ay naging mas relax na siya. Sina Don Jaime at Doña Edna ang madalas niyang kausap. Tanong nang tanong ang mag-asawa tungkol sa mga naging karanasan ni Ailyn bilang bodyguard na magiliw naman niyang sinagot kaya napanatag ang loob niya.

Ayaw man ni Ailyn na maging intrimitida ay hindi niya maiwasang mapansin na hindi ganoon kainit ang pagtanggap ng pamilya ni Riki kay Marietta, sa kabila ng lahat ng ginawa ng babae para pansinin ito ng pamilya habang kumakain sila. Oo nga at hindi naman binale-wala ng mga Montemayor si Marietta pero halatang malamya ang mga sagot ng lahat tuwing kakausapin ni Marietta ang mga kasama nila. Ilang beses din napansin ni Ailyn na tila nakikiusap si Riki sa pamamagitan ng tingin sa pamilya nito na sana ay maging magiliw rin ang mga ito kay Marietta pero wala iyong nagawa.

“Why don’t we all go to the pool area? Dahil ber-month na kaya ipina-arrange ko na ang Christmas lights doon. I’ll ask the cook to bring our dessert there,” nakangiting suhestiyon ni Doña Edna pagkatapos nilang kumain. Agad namang sumang-ayon ang lahat. Nagpaalam si Doña Edna na magtutungo sa kusina. Nagboluntaryo naman si Don Jaime na samahan ang ginang.

“Pupuntahan ko muna si Maja sa itaas baka kasi gising na siya,” nakangiting paalam ni Lorie sa kanila na sinamahan naman ni Choi.

“Then, let’s go to the pool, Riki,” malambing na sabi ni Marietta sa binata. Bago pa may makapagsalita sa kanilang lahat ay hinatak na ng babae si Riki palabas ng dining area. Walang salitang sinundan na lang ni Ailyn ng tingin ang pareha.

“Aren’t you supposed to follow them?” ani Raiven sa kanya. Tiningnan ni Ailyn ang panganay na Montemayor. Wala siyang mabasang kahit na ano sa ekspresyon ng mukha ng lalaki. “Go now,” pagtataboy pa ni Raiven sa kanya.

Tumango si Ailyn at patakbong sumunod kina Marietta at Riki. Napaawang ang mga labi niya nang makarating sila sa pool area. Napakalaki ng swimming pool na nagliliwanang dahil sa ilaw na nasa ilalim niyon. Bukod doon ay marami ring Christmas lights na nakasabit sa mga halamang nakapalibot sa pool. Napakaganda roon.

“Oh, it is so lovely, Riki,” maarteng sabi Marietta na nakapukaw kay Ailyn. Hinanap niya ang pinanggalingan ng tawag. Nakita niya ang dalawa sa isang panig ng pool area. Mabilis na lumapit si Ailyn kina Riki at Marietta at saka hinintay ang isasagot ng binata sa sinabi ni Marietta. Subalit hindi na nakapagsalita si Riki nang mag-ring ang cell phone nito.

“It’s Jeremy,” pagbibigay-alam ni Riki kay Marietta. Nagkataong napatingin sa direksiyon ni Ailyn ang binata kaya nagtama ang mga mata nila. Halos ilang segundo lang yata iyon bago ito nag-iwas ng tingin. Bahagyang lumayo kay Marietta si Riki at tumalikod para sagutin ang tawag.

“You’re an eyesore.”

Nabaling ang tingin ni Ailyn kay Marietta nang marinig niya ang pabulong na sinabi ng babae. Masyado iyong mahina na halos hindi niya sigurado kung tama ba ang narinig niya. Pero hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong mabasa ang ekspresyon ni Marietta dahil bigla na lang may malakas na puwersang nagtulak sa kanya. Napasigaw si Ailyn at bumagsak sa pool.

Naramdaman niya ang kirot sa lalamunan at ilong niya nang mapasukan ang mga iyon ng tubig dahil hindi siya handa sa nangyari. Mabuti na lang at maagap niyang naikampay ang mga binti at braso kaya mabilis din niyang naitaas ang mukha niya. Napaubo si Ailyn sa pagitan ng pagsagap ng hangin.

“Oh, my God, Ailyn, what happened?” narinig niyang sigaw ni Marietta.

“Ailyn?!” Nilingon sila ni Riki. Bago pa mahawi ni Ailyn ang buhok na tumabing sa mukha niya ay nabasa uli siya nang may tumalon sa tubig. Napasinghap siya nang maramdaman ang matigas na braso ni Riki sa baywang niya at walang kahirap-hirap na inangat siya. Awtomatikong napakapit si Ailyn sa mga braso ng binata. Padapa siyang humiga sa gilid ng pool na patuloy sa paghahabol ng hininga. Umahon na rin si Riki sa tabi niya.

“Are you all right?” hinihingal na tanong ni Riki kay Ailyn. Nang hindi siya sumagot ay hinawakan ng binata ang magkabilang braso niya at iniharap siya. “Ailyn.” Kumurap siya. Hindi siya nakapagsalita nang makita ang nag-aalalang mukha ni Riki.

“Riki, I think she is okay. Marunong naman siguro siyang lumangoy,” sabad ni Marietta.

Natauhan si Ailyn. Naalala niya ang ginawa ng babae kanina. Tumayo siya at ganoon din si Riki. Matalim na tiningnan niya si Marietta. Sa halip na tingnan si Ailyn ng babae ay hinawi pa siya nito at kumapit sa braso ni Riki. “You’re overreacting. `Ayan tuloy nabasa ka rin. I’m sure nagkamali lang ng hakbang si Ailyn kaya siya nahulog sa pool. Hindi mo kailangang tumalon din,” sabi ni Marietta kay Riki.

Uminit ang ulo ni Ailyn. Ikinuyom niya ang mga kamay niya at mariing pinaglapat ang mga labi. Hindi na talaga niya kaya pang tagalan ang pagkukunwari ng babaeng ito. Wala siyang pakialam kung maraming nalolokong tao si Marietta. Pero kung akala ng babae na papalampasin ni Ailyn ang ginawa nito sa kanya ay nagkakamali ito. “Nagkamali ng hakbang? Itinulak mo ako kaya nahulog ako!”

Gulat na napatitig ang dalawa sa kanya.

“Hindi ko `yon ginawa,” mariing tanggi ni Marietta.

Naningkit ang mga mata ni Ailyn. “Nakita kita. Itinulak mo ako! Dalawa lang tayo rito, sino pa ba’ng lolokohin mo? Hindi ko alam kung ano’ng problema mo. Pero huwag mong isipin na palalampasin ko ang kabaliwan mo kung sasalingin mo ako,” marahas na sabi ni Ailyn.

Napasinghap si Marietta at saka umiyak. “Hindi ako baliw!” sigaw ng babae, saka matalim na tiningnan si Ailyn. Lalong isiniksik ni Marietta ang katawan kay Riki at tiningala ang huli. “Hindi ko ginawa ang sinasabi niya, Riki. She’s just blaming me. Nagpapapansin lang siya sa `yo. She just wants to keep you for herself kaya niya ako sinisiraan.” Lalong tumalim ang mga matang tiningnan siya ni Marietta. “I bet you love Riki, too! Pero wala ka lang pag-asa sa kanya dahil hindi mo siya maagaw sa `kin kaya ginagawa mo `yan.”

Muntik nang hindi mapigilan ni Ailyn ang sarili na suntukin si Marietta. Nagpupuyos na siya sa galit at frustration kaya hindi na niya napigilan ang kanyang bibig. “Oo mahal ko siya! Pero kahit mahal ko siya hindi ako loka-loka para magkunwaring nalulunod para lang mapansin niya. Hindi ako—”

Napasinghap si Ailyn, saka nanlalaki ang mga matang tiningnan si Riki na tila naestatwang nakatingin lang sa kanya. Nag-init ang buong mukha niya sa labis na pagkapahiya. Naramdaman niya ang nagbabadyang mga luha sa kanyang mga mata niya.

Nalilito si Ailyn kaya ginawa niya ang unang bagay na kanina pa niya gustong gawin—ang tumakbo palayo roon, deretso sa direksiyon ng gate. Narinig pa niya ang mga tinig ng pamilya ni Riki na mukhang patungo na rin sa pool area. Hindi lumingon si Ailyn at nagpatuloy lang sa pagtakbo. Iyon na yata ang huling beses na makikita niya ang mga ito. Ganoon din si Riki. May tumulong luha sa pisngi niya ngunit marahas niya iyong pinalis. Hindi siya iiyak, ipinapangako niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.