THE PRINCE'S SCANDAL TRILOGY (Filipino) Chapter 39

TILA isang bombang sumabog sa harap ni Riki ang sinabi ni Ailyn. Kahit kanina pa iyon sinabi ng dalaga ay tila naririrnig pa rin niya iyon. Mahal ko siya. Riki felt an ache in his stomach, a delicious type of ache. The same ache one felt whenever one’s body was filled with desire. Kung nasa iba sitwasyon lang sila ay baka nakaramdam siya ng saya—matinding saya. Yes, that feeling of joy was, in fact, starting to crawl along his skin.

Pero bago pa iyon maipakita ni Riki ay bigla na lang tumakbo si Ailyn. Iniwan siya nitong tulala at wala sa sarili. Kaya nataranta siya nang makitang malayo na sa kanya ang dalaga. Mabilis siyang kumilos para habulin si Ailyn pero nakakaisang hakbang pa lang siya ay naramdaman na ni Riki ang mahigpit na paghawak ni Marietta sa braso niya. Napatingin siya sa dating kasintahan. Hilam sa mga luha ang mukha ng babae. Pero sa loob ng maraming beses na nakita ni Riki na ganoon si Marietta ay kataka-takang wala siyang maramdamang awa para dito.

“I have to go after her,” ani Riki, mas sa sarili kaysa kay Marietta.

Nanlaki ang mga mata ng babae, saka mas humigpit ang hawak sa braso niya. “No! Don’t leave me. Hindi mo kailangang habulin ang babaeng `yon. Wala naman siya sa `yo, `di ba? So what kung mahal ka niya. Ako naman ang mahal mo,” natatarantang sabi ni Marietta.

“Marietta—”

“Can’t you see? Pinagbibintangan pa nga niya ako na itinulak ko siya kahit hindi naman.”

“Hindi sinungaling si Ailyn,” mariing sagot ni Riki. Sa loob ng maraming linggong pagkakakilala niya kay Ailyn, alam niya na hindi magsisinungaling ang dalaga.

Namilog ang mga mata ni Marietta. “So you are telling me I’m lying? Mas paniniwalaan mo ang babaeng iyon kaysa sa `kin?” Hindi siya sumagot. “Riki!” tili ng babae.

“Marietta, I really want to go after her.”

“No! You are mine. I love you,” sigaw ni Marietta at saka niyakap si Riki nang mahigpit. Hindi alintana ng babae kahit na basang-basa siya.

Hindi kumilos si Riki para ilayo ang babae sa katawan niya o yakapin din ito. Riki’s body was still itching to go after Ailyn. Saang bahagi na kaya ng subdivision naroon ang dalaga? Sa laki niyon, baka maligaw si Ailyn. At kung nakalabas man ng subdivision ang dalaga ay makakasakay ba ito kaagad ng taxi kung basang-basa ito? Was she crying?

Hindi ma-imagine ni Riki na umiiyak si Ailyn. Pero paano kung umiiyak nga ang dalaga at dahil iyon sa kanya? Napalunok siya at kinalas ang mga braso ni Marietta. “Marietta, I really have to go,” giit ni Riki.

Bumalasik ang hitsura ng babae. “No, no, no!” umiiyak na sigaw ni Marietta.

“Riki, ano’ng nangyayari dito?” anang mama niya na hindi namalayan ni Riki na naroon na pala. Nilingon niya ang matandang babae. Naroon na rin pala ang buong pamilya ni Riki at nakamaang sa kanila. Maliban kay Raiven na nakatiim-bagang.

“`Ma,” tanging nasabi ni Riki dahil mukhang walang balak tumigil si Marietta.

“Nasaan si Ailyn?” tanong ni Doña Edna.

“Choi, call a doctor,” utos ng kanilang ama sa bunso niyang kapatid na agad namang tumalima. Ngayon lang napahiya ng ganoon si Riki sa harap ng pamilya niya. Hindi kasi niya alintana noon ang mga eskandalong kinasangkutan niya.

Pero higit na napahiya si Riki sa kaniyang sarili. Kung kailan magulong-magulo na ang sitwasyon at kung hindi pa nadulas si Ailyn at sabihin sa kanya na mahal siya ng dalaga ay hindi pa mapapagtanto ni Riki kung ano ang nararamdaman niya. At kung ano man ang mayroon sila ni Marietta ay nakaraan na.

Limang taong nawala sa buhay ni Riki si Marietta. Hindi niya masisisi si Marietta kung umaasa man ang babae na walang nabago sa nararamdaman niya sa loob ng limang taon dahil sa totoo lang ay hindi rin naisip ni Riki na mawawala ang pagmamahal niya para kay Marietta. May bahagi ng pagkatao niya ang nag-iisip na baka nga maaari pa nilang maayos ang relasyon nila.

But then Ailyn came into his life. Strong, fierce, tomboyish. Ailyn who Riki never thought he will like but ended up desiring her, like he had never desired anyone. And yes, not even Marietta could do that to him. Hanggang nauwi iyon sa mas malalim na damdaming akala ni Riki ay hindi na niya mararamdaman pang muli.

God, he loved her. He loved Ailyn. Pero bakit ibang babae ang inaalagaan at pinag-uukulan niya ngayon ng atensiyon? Bakit iniwasan ni Riki si Ailyn para masigurong hindi nai-insecure si Marietta? Why was he too stupid to realize that earlier?

“Kami na ang bahala rito, Riki,” ani Raiven na pumukaw sa lumilipad niyang isip. Nang tingnan ni Riki ang buong pamilya niya ay tila lalo lang sumama ang pakiramdam niya. There was a knowing look in all of their faces. Patunay na mas nauna pang malaman ng pamilya niya ang totoong nararamdaman niya para kay Ailyn.

Tumango si Riki at kinalas ang mga kamay ni Marietta na nakayakap sa kanya. Nagpapaawang tiningnan siya ng babae pero hindi niya iyon pinansin. Mabilis siyang tumalikod at tumakbo palayo roon. Dumeretso si Riki sa garahe at sumakay sa kotse niya. Hindi na niya alintana kung basang-basa pa rin siya. Ang mahalaga lang kay Riki ngayon ay ang mahanap si Ailyn kung nasaan man ang dalaga.

SA KABILA ng maraming taong pamumuhay ni Ailyn na mag-isa, sa pagkaulila niya at paglayo ng loob sa kanya ng nag-iisang kapatid niyang si Anton, ay hindi siya nakaramdam ng matinding pagkaawa sa sarili. Nang gabing iyon lang. Hindi lang dahil sa nangyari sa pool area sa mansiyon ng mga Montemayor kundi dahil sa tinging ipinupukol sa kanya ng mga taong nakita siyang basang-basa at mukhang kawawang pusang kalye na nabasa ng ulan.

Mas nakakahiya lang ang hitsura ni Ailyn dahil hindi naman umulan maghapon. Hirap na hirap pa siyang pumara ng taxi dahil nga basang-basa siya. Ang taxi driver na nagsakay sa kanya ay tiningnan muna siya mula ulo hanggang paa bago siya isinakay. At basta na lang ibinaba si Ailyn ng driver sa kantong malayo pa sa apartment niya. Mukhang nainis pa sa kanya ang driver dahil mamasa-masa pa ang perang ibinayad niya rito.

Walang pagpipilian si Ailyn kundi lakarin ang daan pauwi sa apartment niya. Napabuga siya ng hangin nang sa wakas ay makaliko na siya sa kanto at natanaw na niya sa di-kalayuan ang apartment niya. Hindi binilisan ni Ailyn ang paglakad. Natatakot kasi siyang makarating doon dahil siguradong mararamdaman ni Winnie ang pagdating niya at kukulitin siya ng babae kung bakit ganoon ang hitsura niya. Wala sa mood si Ailyn magkuwento. Lalo pa at alam niyang kapag ginawa niya iyon ay baka bumalong na naman ang mga luhang kanina pa niya pinipigilang kumawala.

Nakakailang hakbang pa lang si Ailyn mula sa kanto nang mapasinghap siya. May isang grupo ng mga lalaking nakaitim ang bigla na lang humarang sa daraanan niya. Naging alerto siya at umatras. Pero naramdaman ni Ailyn na may mga humarang din sa likuran niya. Tiningnan niya kung kasamahan ba ng mga humarang sa kanya ang mga nasa likuran niya. Limang lalaking nakaitim din ang nalingunan niya. Sa isang iglap ay napapalibutan na siya ng mga lalaki.

“Ikaw ba si Ailyn Salazar?” tanong ng isa sa mga nasa harap niya.

Tiningnan ni Ailyn ang nagsalita, saka tumingin sa apartment niya. Nakita niyang bukas pa ang ilaw sa bahay ni Winnie, patunay na gising pa ang babae. Huminga siya nang malalim at tiningnan uli ang lalaking nagtanong sa kanya. “Ano’ng kailangan ninyo?” ani Ailyn sa ubod nang lakas na tinig.

Napasinghap siya nang may isang nakaguwantes na kamay na tumakip sa bibig niya. “Huwag kang maingay at huwag ka nang lumaban kung ayaw mong masaktan,” pananakot ng lalaki.

Pero sa halip na sundin ito ay kumilos si Ailyn upang makawala rito. Walang kahirap-hirap na nagawa niya iyon at inundayan ng sipa ang pagitan ng mga hita ng lalaki. Napaigik ang goon at narinig ni Ailyn na napamura ang lalaki pati ang mga kasama nito. Alam niya na hindi niya kakayanin ang lahat ng mga lalaking iyon. Pero kailangan niyang makagawa ng ingay para marinig ni Winnie at makatawag ng pulis ang kaibigan niya. Inihanda ni Ailyn ang sarili nang magsimulang lumapit sa kaniya ang mga lalaki.

“Kapag lumaban ka pa sa amin hindi lang ikaw ang masasaktan. Hindi mo na rin maabutang buhay ang kapatid mo,” sabi ng isang lalaki.

Natigilan si Ailyn at nanlaki ang mga mata. Kilala ng mga ito si Anton? “Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Malalaman mo pagdating natin doon. Masyadong malaki ang atraso ng kapatid mo sa amo namin. Pasalamat ka pa nga at gusto ka pang kausapin ng boss namin kaysa itumba na lang ang kapatid mo,” sabi pa ng isa.

Tila hinalukay sa takot ang sikmura ni Ailyn. Oo nga at madalas na masasakit na salita lang ang naririnig niya sa kapatid niya, pero si Anton na lamang ang pamilya niya bukod sa tiyuhin niya. Hindi kakayanin ni Ailyn kung pati si Anton ay mawala.

“Ano, sasama ka ba nang maayos o gusto mo pang masaktan?” anang isa pang lalaki.

Ngalingaling tadyakan niya ang lalaki pero nagpigil siya. Hawak ng mga ito ang kapatid niya. Kailangang masiguro muna ni Ailyn na ligtas si Anton bago siya gumawa ng hakbang para mailigtas ang kapatid at ang sarili niya. Huminga siya nang malalim. Alam niyang mapanganib ang gagawin niyang pagtitiwala sa mga lalaking humarang sa kanya pero kailangan niyang sumugal. Tumango si Ailyn at matatag na sumagot. “Gusto kong makita ang kapatid ko.”

ANG BILIS namang nakalayo ng babaeng `yon. Frustrated na napabuga ng hangin si Riki habang nagmamaneho patungo sa apartment ni Ailyn. Ganoon ba siya katagal naestatwa nang tumakbo palayo ang dalaga na hindi na niya ito naabutan pa?

Inapakan ni Riki ang silinyador ng kotse para bumilis iyon nang mapansin niyang malapit na siya sa apartment ni Ailyn. Bumilis ang tibok ng puso niya. Mahigpit niyang hinawakan ang manibela sa nanginginig na mga kamay. Bigla siyang kinabahan na makita at makausap ang dalaga.

Nanlaki ang mga mata ni Riki at awtomatikong napapreno nang may dalawang itim na sasakyang magkasunod na umandar palabas sa kanto kung saan siya liliko. Pang-isahang sasakyan lang ang maaaring dumaan doon kaya hinintay muna niyang makadaan ang mga iyon bago uli niya pinaandar ang kotse niya. Huminga nang malalim si Riki nang matanaw niya ang apartment ni Ailyn. Nanumbalik ang kabang naramdaman niya kanina. Ang mas malala pa ay lalo siyang kinabahan nang makitang nakapatay pa ang ilaw sa bahay ng dalaga.

Nakita ni Riki na lumabas ng apartment ang kaibigan ni Ailyn na si Winnie. Bumaba siya ng kotse niya para sana tanungin ang babae kung umuwi na si Ailyn pero nagmamadali itong tumakbo palapit sa kanya.

“Riki! Mabuti at dumating ka. Kailangan nating tulungan si Ailyn. Kinuha siya ng isang grupo ng mga lalaki at isinakay sa itim na sasakyan. Hindi ko naman siya matulungan kasi ang dami nila. Tatawag na sana ako ng pulis pero bigla na lang silang umalis,” tarantang sabi pa ni Winnie.

Nanlamig ang buong katawan ni Riki sa sinabi ng babae. Lalo pa at nakasalubong pa lang niya kanina ang mga sasakyang sinasabi ni Winnie. Napamura si Riki at bumalik sa kotse niya. Sumunod naman sa kanya si Winnie at sumakay sa passenger’s seat.

“Kailangan muna nating malaman kung saan siya dadalhin para alam ko kung anong address ang ibibigay ko sa mga pulis,” sabi ni Winnie nang paandarin na ni Riki ang kotse.

Mabilis niyang namaniobra ang kotse niya at saglit pa ay pinaharurot na niya iyon palabas ng kantong iyon. “Kilala mo ba kung sino iyong posibleng mga kumuha sa kanya?” tanong ni Riki.

“W-wala namang atraso si Ailyn sa kung sino. Mukhang mga sindikato ang mga kumuha sa kanya. Ah! Baka may kinalaman ito sa kapatid niya.”

Napasulyap si Riki kay Winnie. “Kapatid? May kapatid si Ailyn?” manghang tanong niya.

Tumango si Winnie. Saglit pa ay ikinukuwento na ng babae ang talambuhay ni Ailyn. Ilang beses siyang napamura tuwing may ikinukuwento si Winnie na hindi magandang karanasan ni Ailyn. Nagsisikip ang dibdib ni Riki tuwing nahihirapan si Ailyn. Habang naririnig niya ang lahat ng mga naranasan ni Ailyn at lahat ng paghihirap at sakit ng ulong ginawa ng kapatid nito ay lalong sumisidhi ang kagustuhan ni Riki na makita ang dalaga. He wanted to hug her tight, to promise her she will never experience that again.

Please, Ailyn, be safe. God, make sure she’s safe.

“AI!” NADUROG ang puso ni Ailyn nang makita niya si Anton. Namamaga ang mukha ng kapatid niya dahil sa labis na pambubugbog dito. Nanginginig rin ang boses ni Anton nang tawagin siya nito. At kung hindi lang sa dalawang goons na nakahawak sa magkabilang braso ni Ailyn ay baka tinakbo na niya ang kapatid at niyakap.

Dinala siya ng mga lalaking humarang sa kanya sa isang abandonadong warehouse. Isang maliit na ilaw lamang ang bukas doon kaya halos anino lang ang nakikita ni Ailyn. Maliban sa kapatid niya ay isang may-edad na lalaking nasa di-kalayuan ang naabutan nila sa warehouse.

“Aba, ito na ang kapatid mo, Anton? Nang sabihin mong marami siyang pera para ipambayad sa kalahating milyong utang mo sa akin ay akala ko naman mukha siyang mayaman. Huwag mong sabihing niloloko mo lang ako para makalabas ka rito nang buhay?” anang dumdagundong na boses ng may-edad na lalaki.

Namilog ang mga mata ni Ailyn. Kalahating milyon? Paanong nagawang umutang ng ganoon kalaki ng kapatid niya sa mga taong ito? Tiningnan niya si Anton na nakatingin din sa kanya. Sa kabila ng malabong ilaw ay nakita ni Ailyn ang pamamasa ng mga mata ng kapatid niya. Na para bang sa sarili nitong paraan ay humihingi ng tawad sa kanya si Anton. Malamang dahil alam ng lalaki na wala siyang kalahating milyon.

“Ngayon, kailangan mong ilabas ang perang inutang sa akin ng lalaking ito bago sumikat ang araw. Kung hindi, alam ninyo na siguro kung ano ang mangyayari sa inyo,” sabi pa ng may-edad na lalaki. At tila hindi pa sapat iyon na may dinukot pa ang goon sa bulsa nito—baril. “Nagkakaintindihan ba tayo?” tanong pa ng may-edad na lalaki.

Napalunok si Ailyn. Bago pa niya magawang sumagot ay napaigtad siya sa malakas na ingay sa labas ng warehouse. Napatingin din doon ang dalawang lalaking may hawak sa kanya at ang may-edad na lalaki na sa tingin ni Ailyn ay pinuno ng grupo.

“Ano’ng nangyayari sa labas?” maawtoridad na tanong ng may-edad na lalaki.

Marahas na bumukas ang pinto ng warehouse. Sa liwanag na nanggagaling sa mga lamp post sa labas ay naaninag ni Ailyn ang anino ng lalaking nakatayo roon. Sa paligid nito ay naroon ang umiigik na lalaking nakahandusay sa sahig. Bumilis ang pintig ng puso ni Ailyn dahil kahit anino lang iyon ay kilalang-kilala pa rin niya kung sino iyon.

“R-Riki!” sigaw ni Ailyn bago pa niya napigilan ang sarili.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.