THE PRINCE'S SCANDAL TRILOGY (Filipino) Chapter 47

“MISTER Montemayor, it’s so good to see you and Julia here. Thank you for always supporting my charity auctions, Julia” masayang sabi ni Mrs. Yulo nang makalapit ang ginang kina Raiven at Julia.

Bumalik ang presence of mind ni Raiven at parang napasong inalis ang tingin sa babaeng nakatitigan niya. Bumaling siya kay Mrs. Yulo at pilit na ngumiti at gumanti ng pagbati rito.

Nang balingan ni Mrs. Yulo si Julia ay naglakbay na naman ang isip niya sa babaeng nakatitigan niya kanina. Napatiim-bagang si Raiven sa sundot ng konsiyensiya dahil nagawa niyang makipagtitigan sa ibang babae habang nasa tabi niya ang kasintahan.

Not that it was really his intention. Hindi rin niya alam kung ano ang nangyari sa kanya. Pero pagpasok pa lang niya sa pavilion kung saan gaganapin ang auction ay nagtayuan na ang mga balahibo niya sa batok. He sensed something he couldn’t put a finger on. Tila napako siya sa kinatatayuan niya nang mapalingon siya at nagtama ang mga mata nila ng isang di-kilalang babae. A sense of awareness rushed through his body, a sensation he never felt before.

Biglang nabuhay ang dugo niya. Hindi alam ni Raiven kung paanong sa pagtatama lang ng mga mata nila ay nagawang pukawin ng babaeng iyon ang isang pakiramdam na noon lang niya naramdaman. At lalo pa iyong tumindi nang ngitian siya nito, na para bang may sumuntok sa sikmura niya. And when he saw that seductive glint in her eyes, he almost cursed when he felt his body’s reaction. Kahit nang tumalikod na ang babae ay hindi pa rin niya nagawang bawiin ang tingin dito.

Hinagod ni Raiven ng tingin ang kabuuan ng babaeng nakatitigan niya kanina na ngayon ay nakatalikod na sa kanya. Lalong naligalig ang sistema niya nang makitang backless gown ang suot ng babae. Ikinuyom niya ang kanyang mga kamay. He itched to touch her smooth back, her curvy hips and her rounded bottom. Naningkit ang mga mata niya habang pinagmamasdan ang pag-indayog ng mga balakang ng misteryosang babae habang naglalakad palayo sa kanya. Bigla rin siyang nainis sa lalaking nagmamay-ari ng brasong kinakapitan nito.

Humugot siya nang malalim na hininga. Hindi madaling maakit ng babae si Raiven. Ni hindi siya nakakaramdam ng ganoon dahil lang sa simpleng ngiti at tingin ng isang babae noon. May tiwala siyang kayang-kaya niyang panghawakan ang kontrol niya sa sarili. Yet, he could still feel his semi-arousal kahit pa hindi na siya nakatingin sa babae. Damn!

“Raiven, what’s wrong?”

Napakurap siya nang marinig ang nag-aalalang tinig ni Julia. Humigpit din ang pagkakakapit ng kasintahan niya sa braso ni Raiven. Tiningnan niya ang babae at saka huminga nang malalim. Kailangan na niyang kalimutan ang nangyari sa kanya at ituon ang buong atensiyon kay Julia. After all, she was the woman he planned to marry.

Ngumiti siya at hinaplos ang pisngi nito. “Nothing’s wrong. Except that I’m hungry,” sabi ni Raiven.

“Then feel free to go to the buffet table, Mister Montemayor. Sasalubungin ko lang ang iba pang mga bagong dating,” masiglang sabi sa kanila ni Mrs. Yulo, saka humakbang palayo sa kanila.

“Are you sure you’re just hungry? Tense na tense ka, ah,” nag-aalala pa ring puna ni Julia. Bahagya pang pinisil ng babae ang braso niya.

Napahugot siya ng malilim na hininga para hamigin ang sarili. “You know I’m not good at events like this, right? Iyon lang iyon. Now, let’s go grab something to eat,” ani Raiven, saka marahang inakay ang kasintahan sa buffet table bago pa ito makapagtanong uli. Mukhang nakuha naman ni Julia na ayaw na niyang pag-usapan pa iyon kaya hindi na nagsalita pa ang dalaga.

MAKALIPAS ang isang oras ay kating-kati nang umalis sa pagtitipong iyon si Raiven. Lalo na nang magsimula na ang auction. Hindi lang dahil naiinip siya kundi dahil hindi niya alam kung gaano katagal pa niya makokontrol ang sarili niya dahil kahit saan siya tumingin ay palagi niyang nakikita ang magandang babaeng nakatitigan niya. Hindi niya alam kung sinasadya ba ng babae na magpakita sa kanya o awtomatiko lang itong hinahanap ng mga mata niya.

Isa lang ang napansin niya. Hindi na kasama ng babae ang lalaking nakaabrisete rito kanina. Sa halip isang grupo ng kalalakihan ang kasama nito tuwing nakikita ni Raiven ang babae. It was obvious that she was flirting. At sa totoo lang ay ayaw na ayaw niya sa mga babaeng gaya nito. Yet, he couldn’t stop himself from staring.

Hindi iyon maganda para sa iniingatan niyang reputasyon. Lalo pa at napakaraming press ang naroon. Hindi makakatulong kung may isa sa press ang makakapansin na sa ibang babae nakasunod ang tingin ni Raiven at hindi sa kasintahan niya na abala sa pag-bid sa mga auction item na ipinepresenta sa stage. Mainit pa naman ang atensiyon ng press sa kanya mula nang pormal siyang ipakilala ng kanyang ama bilang tagapagmana nito. Alam niya na bawat kilos niya ay sinusundan ng press. Hindi niya gusto ang atensiyong ibinibigay ng press pero kailangan niya iyong tiisin para sa kompanya.

Napaderetso siya ng tayo nang mahagip uli ng tingin niya ang babaeng nakatitigan niya. Mag-isa na lang ang babae at may hawak na kopita ng red wine na gaya niya. She looked bored. Napakunot-noo si Raiven. Paano iyon mangyayari kung kanina lang ay nakikipagtawanan ang babae sa mga lalaking naroon? Bumuntong-hininga at tila may tinitingnan ito sa labas. Wala sa loob na napasunod siya ng tingin sa tinitingnan nito. Nakatingin ang babae sa isang bahagi ng pavilion na alam niyang patungo sa isang hardin. Ilang beses nang nakapunta si Raiven sa hotel na iyon kaya halos kabisado na niya ang ilang lugar doon. Nang tingnan uli niya ang babae ay naglalakad na ito patungo sa direksiyon ng hardin. Hindi niya nilubayan ng tingin ang misteryosang babae hanggang sa makalabas ito.

Ilang sandali siyang nanatili sa kinatatayuan at marahang sumimsim sa kopitang hawak niya. Sumulyap siya kay Julia na nakapuwesto malapit sa stage kung saan ginaganap pa rin ang auction. Napamura siya nang hindi siya nakatiis. Kumilos si Raiven at mabilis na naglakad patungo sa direksiyong pinuntahan ng babaeng kanina pa niya tinitingnan.

NAKATALIKOD si Lauradia sa bukana ng hardin. Pumuwesto siya sa bahagyang madilim na bahagi niyon. Huminga siya nang malalim para alisin ang tensiyong kanina pa niya nararamdaman. Pero lalo lang siyang natensiyon nang naramdaman niya ang presensiya ng lalaking pumasok sa hardin at huminto ilang metro ang layo sa kanya. Awtomatikong tumayo ang mga balahibo niya dahil kahit hindi siya lumingon ay alam niya kung sino iyon.

Si Raiven Montemayor, ang kanyang pakay sa pagpunta niya sa pagtitipong iyon. Ang lahat ng galaw at paraang ginagawa niya nang gabing iyon ay para mapalapit siya sa lalaki. Because it would mean being a step closer to the fulfillment of their mission. Iyon na ang hinihintay niyang sandali—ang mapagsolo sila. Hindi na niya kailangan ang tulong ng mga ipinakilala sa kanya ni JM kanina dahil nasa likuran na niya si Raiven.

“Do you plan to be ravished here? Why are you standing here all alone?” tanong ni Raiven.

Malalim at malamig ang boses nito; lalaking-lalaki. She closed her eyes when she felt the heat running down her spine because of his voice. Pero agad ding dumilat si Lauradia para ipaalala sa sariling kailangan na niyang paganahin ang isip niya. Huminga siya nang malalim, saka nilingon si Raiven. Ang intensiyon niya ay magkunwaring nagulat sa biglang pagsulpot ng lalaki. Pero nahigit niya ang kanyang hininga nang makita niyang nakatayo roon si Raiven habang naliliwanagan ang kalahati ng mukha nito ng ilaw na nanggagaling sa loob ng pavilion. He was more intimidating now that he was just meters away from her. He was sinfully gorgeous it took her breath away.

“Hindi ka ba natatakot sa konsikwensiya ng pagpunta mo rito nang nag-iisa?” kalmadong tanong ni Raiven, saka naglakad palapit sa kanya.

Magtrabaho ka na, Lauradia! paasik na paalala niya sa sarili. Lumunok siya at ngumiti. “And who will ravish me? You?” pabirong sabi niya na may halong pang-aakit.

Huminto ang lalaki nang ilang pulgada sa harap niya at pinakatitigan nang husto ang mukha niya. “No. Pero malamang isa sa mga lalaking kausap mo kanina. In fact, bago pa ako makarating dito ay may ilang lalaki na ang halos palapit na rito. They just backed off when they saw me.”

Umangat ang isang kilay ni Lauradia. “No? Why are you staring at me the whole night then?” prangkang tanong niya. Hindi nakapagsalita si Raiven. Lumawak ang ngiti niya at humakbang palapit dito para lalo silang magkalapit. “Bakit? Akala mo ba hindi ko napapansin ang pagsunod mo ng tingin sa akin?” aniya sa mas mababang tinig.

Sa kabila ng dilim ay nakita niyang nag-iba ang ekspresyon sa mga mata ng binata. “That’s because you were making me notice you,” mariin at tila galit na sabi nito.

Totoo ang sinabi ni Raiven pero siyempre ay hindi niya aaminin iyon. Ikiniling ni Lauradia ang kanyang ulo at pinagkrus ang mga braso sa ilalim ng dibdib niya. Nakita niyang pasimpleng bumaba ang tingin roon ng binata. Nagdulot iyon ng kakaibang init sa bawat himaymay ng katawan niya.

Lalong lumuwang ang ngiti ni Lauradia nang magtama ang mga mata nila ni Raiven. “But obviously you were tempted. Dahil kung hindi, wala ka sana rito,” aniya at humakbang uli palapit dito. Ilang puldaga na lang ang pagitan nila at halos nadarama na niya ang init na nanggagaling sa lalaki.

Napagtanto niyang doble ng katawan niya ang katawan ng binata. Hanggang balikat lang siya ni Raiven kahit pa nakasuot siya ng high heels. Naamoy ni Lauradia ang pabango nito—masculine pero hindi masakit sa ilong, suwabe at masarap singhutin. Napatingin siya sa makurbang mga labi ng binata at tila may mga paruparong nagliparan sa sikmura niya. Mula nang ampunin siya ni Miss Red Butterfly ay sinanay siya nitong makisalamuha sa nagguguwapuhang lalaki. Pero iyon ang unang beses na natukso siyang halikan ang isang lalaki.

Ikinuyom ni Lauradia ang kanyang mga kamay sa labis na pagpipigil sa sarili. Ibinalik niya ang tingin sa mga mata ni Raiven. She could see the desire in his eyes. Pakiramdam niya ay lumulutang siya sa labis na saya.

“Who are you?” kapagkuwan ay tanong ni Raiven.

Natawa siya. “How very polite of you to ask my name. Kung ibang lalaki ka, malamang na `yan ang huling maiisip nilang itanong sa `kin,” ani Lauradia.

“Hindi ako ganoong lalaki,” matigas na sagot ng binata.

Kinagat niya ang kanyang ibabang labi para pigilang matawa sa pagkalukot ng mukha nito. Tama si JM nang sabihin nitong masyadong seryoso si Raiven. Sigurado siyang hindi ito ang tipo ng lalaking basta na lang magpapadala sa pang-aakit ng isang babae. Hindi nakapagpigil si Lauradia. Inangat niya ang isang kamay at hinaplos ang kurbata ni Raiven habang hindi inaalis ang pagkakatitig sa mga mata nito. “Alam ko. Alam ko na hindi ikaw ang tipo ng lalaking susunod sa isang babae sa madilim na hardin. Alam ko rin na ikaw ang klase ng taong sumusunod sa bawat sinasabi sa kanya at ginagawa ang kung ano’ng inaasahan ng mga tao sa paligid niyang gagawin niya,” aniya rito. Tumiim ang mga bagang ni Raiven pero hindi nagsalita.

Ipinagpatuloy ni Lauradia ang paghaplos sa binata paakyat sa collarbone nito, sa leeg, at patungo sa batok nito. Bahagya pa siyang lumapit habang hinahaplos ang buhok ng lalaki. Malambot iyon at napakasarap hawakan. “I also know that you’re the type of person who doesn’t go out of his comfort zone, who goes with the flow of his life because you think that’s how it works,” dugtong pa niya. Huminto siya sa pagsasalita at inilapit ang mga labi niya sa mukha nito. Hindi kumilos si Raiven at tinitigan lang siya.

“Kontento ka ba sa ganyan? Aren’t you bored?” tanong ni Lauradia.

May kakaibang kislap na dumaan sa mga mata ni Raiven. Bahagyang kumirot ang puso niya na hindi niya maintindihan. Suddenly he looked lost. Hindi niya iyon inaasahan. Ang akala niya ay magagalit ang binata sa mga sinabi niya. At gaya ng ibang lalaking iniinsulto niya ay gagawa ng paraan si Raiven para tawirin ang pagitan ng mga mukha nila. At mas hindi inaasahan ni Lauradia ang epekto sa kanya ng ekspresyon sa mukha nito. She felt protective.

Kahit hindi kasama sa paraan ng pang-aakit niya ay hindi niya napigilan ang sariling haplusin ang pisngi ng binata, hindi para akitin kundi para i-comfort ito. Umangat ang isang kamay ni Raiven at hinawakan ang kamay ni Lauradia na nasa pisngi nito. Mas malaki nang di-hamak ang kamay ng lalaki kaysa sa kanya, mas mainit. Bahagyang pinisil nito ang kamay niya.

“Who are you?” ulit ni Raiven sa tanong nito kanina.

Sasagutin na sana ni Lauradia ang tanong ng binata nang makarinig sila ng taong papunta sa hardin. Mabilis na hinila siya ni Raiven sa dulo ng hardin kung saan siguradong walang makakakita sa kanila. Bumilis ang tibok ng puso niya nang magdikit ang mga katawan nila.

“Raiven?” anang malamyos na tinig ng isang babae. Naramdaman niyang na-tense si Raiven. Bahagya siyang sumilip. Nakita niya si Julia na palinga-linga. “Weird, someone told me he’s here,” kausap pa ng babae sa sarili. Pagkatapos ay naglakad uli ito pabalik sa pavilion.

Napasinghap si Lauradia nang bitiwan siya ni Raiven at lumayo sa kanya. Muntik na siyang matumba. Nang tingnan niya ang binata ay madilim na madilim ang mukha nito sa galit.

“Don’t come near me, again,” mahina pero mariing sabi nito. Bago pa siya makahuma ay tumalikod na ang lalaki. Napakurap siya at mabilis na sumunod dito.

“Raiven,” tawag ni Lauradia rito. Huminto ito at nilingon siya.

“Don’t call me—”

Hindi niya pinatapos ang sasabihin ng binata. Mabilis siyang tumiyad at inilapat ang mga labi niya sa mga labi nito. When she tasted his soft and hot lips, she felt a lump form in her throat. Nag-init ang mga mata niya na para bang nais niyang maiyak. Bagay na nakakagulat dahil mula nang mamatay ang mga magulang niya ay hindi na uli siya umiyak. Nang ilayo niya nang ilang pulgada ang mukha niya kay Raiven para tingnan ito ay nakita niyang nanlalaki ang mga mata ng binata sa pagkabigla at kalituhan.

“My name is Lauradia,” bulong niya, saka hinalikan uli ito sa huling pagkakataon, bago tuluyang lumayo rito at nagpatiuna na sa paglalakad.

Alam niyang magagalit si Czarina at madidismaya si Miss Red Butterfly kapag nalaman ng dalawa na ginamit niya ang tunay niyang pangalan para makipagkilala sa target niya. Ibang pangalan kasi ang ibinibigay niya kapag nasa trabaho siya. Pero hindi niya napigilan ang sarili. Siguro dahil gusto niyang sabihin sa sarili na sa kabila ng mga kasinungalingang sasabihin pa lang niya sa mga sumusunod na araw ay may nasabi siyang totoo kay Raiven.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.