UMILING si Lorie nang marinig ang paglagabog ng pinto ng unit ni Choi. Kanina, sa halip na sagutin ang mga tanong niya tungkol sa laman ng sulat na binasa nito ay pumasok si Choi sa silid nito. Nang lumabas ang binata sa kuwarto ay bihis na bihis na. Pagkatapos ibilin ni Choi kay Lorie na huwag na huwag silang lalabas ng unit at huwag magbubukas ng pinto kahit na sino ang dumating ay hindi man lang tiningnan ng binata ang bata bago sila iwan at lumabas ng condominium unit nito.
Nabaling sa bata ang atensiyon ni Lorie nang maramdaman niya ang pagkapit nito sa damit niya. Nakagat ni Lorie ang ibabang labi sa sobrang ka-cute-tan ng paslit. Sa totoo lang ay parang may kutob na si Lorie kung bakit kay Choi iniwan ang bata at maging ang dahilan kung bakit galit na galit ang binata. Habang tinititigan niya kanina si Choi at ang batang babae ay nakita ni Lorie ang pagkakahawig ng dalawa.
Mukhang malaking problema ang kinasusuungan niya. `Ayan, ang babaero kasi.
Humigpit ang hawak ng bata sa damit ni Lorie at hindi niya napigilang mapangiti. Pero inosente ang batang ito. Wala siyang kinalaman sa kapusukang ginawa ng mga magulang niya. “Ang cute cute mo. Ano’ng name mo?” malambing na tanong ni Lorie sa paslit.
Ngunit sa halip na magsalita ay nanginig lamang ang mga labi nito. Bumuntong-hininga si Lorie at hinaplos ang buhok ng batang babae. Marahil ay natatakot pa sa kanya ang bata kaya hindi ito nagsasalita. “Nagugutom ka na ba?” tanong uli ni Lorie. Marahan itong tumango. Ngumiti siya. “Sige, ipaghanda kita ng pagkain. Dito ka lang, ha?” Nang tumango uli ang paslit ay tumayo na si Lorie. Katulad ng sinabi niya ay hindi tuminag sa pagkakaupo ang bata.
Saglit na pinagmasdan ni Lorie ang bata bago nagmamadaling nagtungo sa kusina upang ipagluto ito ng hot dog. Mayroon din naman siyang nabiling tinapay doon kaya iyon na lang muna ang ipapakain niya rito. Pagkatapos ipaghanda ng pagkain ni Lorie ang bata ay muli siyang bumalik sa living room kung saan nakaupo pa rin ang batang babae. Ni hindi nga ito lumipat ng puwesto.
Lumapit si Lorie sa bata at binuhat ito upang makatayo. Pagkatapos ay hinawakan ni Lorie ang maliit na kamay ng bata at nginitian ito. “Tara, kain na,” yaya ni Lorie.
Maganang kumain ang bata ngunit kahit anong pagtatanong ang gawin ni Lorie ay hindi ito nagsasalita. Ni hindi niya alam kung ano ang itatawag niya sa bata. Kaya nang hindi makatiis si Lorie ay kinalkal niya ang laman ng malaking bag na kasama nitong iniwan. Pulos mga damit at ilang mga laruang pambabae ang laman niyon. “`Ayun!” bulalas ni Lorie nang may makita siyang towel na may nakasulat na pangalan sa gilid. “Maja,” basa ni Lorie sa nakasulat at bumaling sa bata. “Ang pangalan mo ay ‘Maja,’” aniya rito.
Nakita ni Lorie ang saglit na panginginig ng mga labi ng bata bago ibinuka iyon at kasabay ng pagtango ay may narinig siyang mahinang “Opo” mula kay Maja.
Lalong napangiti si Lorie. “Ang ganda ng pangalan mo. Kasingganda mo.”
Ibinabalik uli ni Lorie sa bag ang mga damit ni Maja nang mapansin niya ang isang kahon sa pinakailalim ng bag. Dala ng kuryosidad ay kinuha iyon ni Lorie at binuksan. May photo album doon at isang nakatuping papel. Hindi alam ni Lorie kung bakit pero inuna niyang buklatin ang papel kaysa sa album.
Natigilan siya nang makitang birth certificate iyon. Nanlaki ang mga mata ni Lorie nang mabasa ang mga impormasyon doon at makumpirma ang hinala niya. “Maja Montemayor. Hala, anak nga siya ni Choi!”
SA KABILA ng tensiyong nararamdaman ni Choi ngayong kaharap niya ang mga magulang sa hapag-kainan ay pinilit niyang umaktong normal. Lalo pa at napapansin ni Choi ang matamang pagmamasid sa kanya ni Raiven. Si Riki naman ay abala sa pagbibida sa nakaraang laban nito sa Europa kaya nasa pangalawang kapatid ni Choi ang atensiyon ng kanilang mga magulang. Samantalang ang isip naman ni Choi ay gumagana na kung paano niya hahagilapin si Sheila at kung paano niya malulusutan ang gusot na iyon na hindi na makakarating pa sa mga magulang niya o lalabas sa publiko. The last thing he needed was another huge scandal. At sigurado si Choi na kapag nasuong na naman sa gulo ang pangalan ng pamilya niya ay malilintikan na talaga siya.
“Siya nga pala, we have an announcement to make,” anang kanilang ama. Nabaling sa matandang don ang atensiyon nilang tatlo. Saglit na sumulyap si Don Jaime sa kanilang ina, nakipagpalitan ng makahulugang mga ngiti bago muling tumingin sa kanilang magkakapatid. “Gusto ko lang ipaalam sa inyo that your mother and I will be going out of the country for a month long vacation. Inasikaso ko na ang mga trabahong iiwan ko kay Raiven at kaya ko naman kayo gustong makita, Riki at Choi, ay upang ipaalala sa inyo na magpakabait kayo habang wala kami ng mama ninyo. I don’t want to come back and find any of you in a scandal or anything. Naiintindihan ninyo ba ako?” seryosong pahayag ni Don Jaime.
Napalunok si Choi at napaderetso ng upo dahil biglang sumagi sa isip niya ang maliit na batang kasalukuyang nasa unit niya. Si Riki naman ay tumawa. “Come on, Papa, we’re not some freaking idiots,” bulalas nito na sinagot lang ng kanilang ama ng matalim na tingin. Umismid lang si Riki at hindi na nagkomento.
“Of course you are not like that, Riki. Nag-aalala lang ang papa ninyo sa inyo kaya niya sinabi iyon. Hindi ba, darling?” salo naman ng mama nila.
Nagkibit-balikat ang kanilang ama. “I just want to be sure. So, do you understand me, boys?”
“Yes, Papa,” magkasabay na sagot na lamang nina Choi at Riki upang huwag nang humaba pa ang diskusyong iyon. Si Raiven naman ay tahimik lang, patunay na naibilin na rito ng kanilang ama ang mga dapat ibilin.
Tapos na silang maghapunan at nagpapaalam na silang magkakapatid sa mga magulang nila nang bumaling kay Choi ang kanilang ina at ngumiti. “Siya nga pala, Choi, how was Lorie? Hindi mo ba siya pinahihirapan?”
Natigilan si Choi sa ngiting nakita niya sa mukha ng ina. Kumunot ang noo niya. “Why are you too concerned about her, Mama?” nagtatakang tanong ni Choi.
Nagtaas ng isang kilay si Doña Edna. “Dahil ako ang nagbigay sa kanya ng trabahong iyon. Isa pa, mabuti siyang babae at ayoko lang na paganahin mo ang usual attitude mo sa kanya.”
Napabuga ng hangin si Choi at umiling. “Don’t worry, Mother, I’m not yet firing her,” tanging sagot niya. Not now that I have a child at my unit. Sa bagay na iyon ay kakailanganin ni Choi ng taong mas marunong sa bata. Dahil may anak na si Lorie ay sigurado siyang alam ng babae kung paano ang gagawin. Isa pa ay napansin ni Choi kanina na medyo attached na ang bata kay Lorie. He groaned with frustration as he thought again of the mess that was waiting for him.
IGINALA ni Choi ang tingin sa paligid pagtapak pa lamang niya sa loob ng high class club na pagmamay-ari niya kung saan siya dumeretso pagkagaling sa family dinner nila. Nagsimulang lumakad si Choi palapit sa counter at pinilit iwasan ang mga babaeng nagsimulang lumapit sa kanya at gawaran siya ng nang-aakit na mga ngiti.
“Choi, you’re here. Wanna have fun?” bulong pa ng isa na hindi niya pinansin. He was never a snob when it came to their party crowd. Alam ni Choi na magandang investment ang mapalapit sa mga babaeng iyon, na alam niyang kapareho rin niya ng katayuan sa buhay. But at that moment, having fun was the least of his concerns. Kailangan munang gumawa ni Choi ng paraan para makita si Sheila. May kilala siyang maaring tumulong upang hanapin ang babaeng iyon.
Agad na nakita ni Choi ang hinahanap niya nang sa wakas ay makalapit siya sa counter. Naningkit ang mga mata ni Choi habang nakatutok ang tingin niya sa lalaking nakatalikod sa panig niya at abala sa pakikipaglandian sa dalawang babae. Nakita ni Choi na tumingin sa kanya ang mga babaeng kasama ng lalaki ngunit hindi niya pinagtuunan ng pansin ang mga babaeng iyon at tinapik ang balikat ng lalaki.
“Uy, Choi! Wazzup, man?” masiglang bulalas ng kaibigan niyang si JT nang lumingon ito sa kanya. Co-owner ni Choi si JT sa club na iyon. They had been friends way back in college. Mukha lang typical womanizer si JT ngunit maraming alam ang lalaki tungkol sa mga tao sa social circle nila at marami itong kakilala na kahit alam na ni Choi ay napapabilib pa rin siya minsan. He didn’t know why, but JT could make anyone talk about even their deepest secrets. At sa mundong ginagalawan nila, alam ni JT ang lahat ng mga itinatagong sekreto ng mga katulad nila.
“I need to talk to you. In private,” mabilis na sagot ni Choi.
Bumakas man ang pagtataka sa mukha ni JT ay tumango naman ang kaibigan niya. Pagkatapos magpaalam sa mga babaeng kausap nito ay mabilis na nilang tinungo ang opisina nila sa second floor ng club. Nang makapasok sila sa loob at mawala na ang ingay mula sa labas ay saglit na nagparoo’t parito si Choi bago hinarap ang kaibigan. “I want you to find Sheila.”
Umangat ang mga kilay ni JT. “Sheila? You mean the business partner’s daughter? That hot woman you spend the whole night with years ago? Iyong dahilan kung bakit muntik ka nang mawalan ng mana?” hindi makapaniwalang tanong ni JT.
He gritted his teeth but nodded. “Kailangan ko siyang makita at makausap sa lalong madaling panahon.”
Bumakas ang pagtataka sa mukha ni JT. “Hindi ba nasa Amerika na siya?”
Marahas na sinuklay ni Choi ng mga daliri ang kanyang buhok. “Iyan din ang alam ko. But I know she’s been in the country. I need to know where she is.”
“Paano kung wala na siya rito?”
Humugot si Choi ng hangin. “Then I need to know her address in the States, her phone number, or anything. I need it as soon as possible.”
“Well, okay. Pero bakit bigla mo siyang gustong makita? Did you miss her all of a sudden?” buska ni JT at tumaas-baba pa ang mga kilay.
Naningkit ang mga mata ni Choi. “No!”
“Then, bakit nga?”
Napabuga si Choi ng hangin. Masyadong kumplikado ang sitwasyon para malaman ni JT. At least for now. May pakiramdam kasi si Choi na mapipilit din siya ng kaibigan na sabihin dito ang totoo. “Basta. I’ll tell you the details once you hand me her address, okay?”
Saglit na matamang pinagmasdan siya ni JT bago tumango. “Fine. Since I owe you a lot gagawin ko ang ipinapagawa mo kahit hindi ko alam ang buong detalye. I’ll tell you once I find something.”
Kahit paano ay nakahinga nang maluwag si Choi at ngumiti nang bahagya. “Thanks, man.”
Ngumisi si JT. “No problem. By the way, nandito ka na rin lang, pagbigyan mo na ang mga member natin na nagpunta ngayong gabi para makita at makasama ka. You look stressed so better get laid para mawala `yan,” anito sa malisyosong tinig.
His suggestion was tempting. Pero biglang sumagi sa isip ni Choi ang mga naghihintay sa kanya sa unit niya. Napabuga uli siya ng hangin at umiling. “Not tonight, JT. Kailangan ko nang umuwi,” sagot ni Choi, saka nagsimulang lumakad palabas ng opisina.
“Woah, that’s new. Masyado pang maaga para umuwi ka. Don’t tell me may naghihintay sa `yo sa unit mo? But that’s impossible, right? Hindi ka basta-basta nagpapapasok sa unit mo, much less let anyone stay there for a long time,” natatawa pang sabi ni JT.
“Well, you’re right.”
“I know, I’m just joking.”
“No, tama ka na may naghihintay sa `kin.” Nakita ni Choi na umawang ang mga labi ni JT sa pagkamangha. He left him without saying another word.
PANSUMANDALING na-disorient si Choi nang pagbukas niya ng pinto ng unit niya ay salubungin siya ng mahinang tunog na nanggagaling sa telebisyon. Sanay si Choi na kadiliman at katahimikan ang sumasalubong sa kanya tuwing umuuwi siya. Nakakapanibago lang na umuwi na may tao sa loob ng unit niya.
Speaking of tao, walang naririnig si Choi na ingay na nanggagaling sa mga iniwan niya roon. Nagtatakang tuluyan na siyang pumasok sa loob ng bahay niya. Nakita ni Choi na nakaupo sa sofa si Lorie at marahil ganoon din ang batang babae. Ngunit dahil nakatalikod sa kanya ang puwesto ng sofa na nakaharap sa telebisyon kaya hindi nakikita ni Choi ang mukha ni Lorie.
Lumapit siya upang tuluyang makita ang dalawa. Tatawagin pa lang ni Choi si Lorie nang matigilan siya sa nakita. Nakapikit si Lorie at bahagyang nakatagilid ang ulo nito pasandal sa sofa. Ang dalawang mga kamay ng babae ay nakahawak sa mga kamay ng batang nakahiga at nakaunan sa mga hita nito na gaya ni Lorie ay payapa na ring natutulog.
Something about how the two of them look at that moment brought a prick of pain in his chest, though it was not the painful kind of pain. Umiling si Choi sa ka-weird-an na pumapasok sa isip niya habang pinagmamasdan niya ang dalawang babae. Ilang segundo pang nanatiling nakatitig si Choi sa dalawa bago niya nagawang supilin ang naglalakbay na isip niya at marahang lumapit upang gisingin si Lorie.
“Hey wake up,” tawag ni Choi kay Lorie sa mas mahinang tinig kaysa inaasahan niya. He realized he didn‘t want to wake the little girl.
Ngunit hindi tuminag si Lorie sa pagtawag niya. Bumuntong-hininga si Choi at tinawag uli ang babae. Nang hindi pa rin gumalaw si Lorie ay inangat na ni Choi ang kamay at marahang tinapik ang pisngi nito. “Hey, gumising ka.”
Umungol si Lorie at kumilos. Napaderetso ng tayo si Choi nang bigla ay na-tense siya sa tunog na nanggaling sa babae. Tinitigan ni Choi si Lorie habang marahan nitong binubuksan ang mga mata at tumingala sa kanya. Halatang groggy pa ang babae mula sa pagtulog dahil namumungay pa ang mga mata nito. Hindi maiwasang mapansin ni Choi na may histura at maganda ang mga mata ni Lorie kahit pa bahagya iyong namamaga dahil sa pagtulog. Bahagyang nagulo ang buhok ng babae dahil sa pagkakasandal nito sa sofa. He felt something twitch inside him when he thought of that.
“Naku nandiyan ka na pala,” usal ni Lorie sa mahina at bahagyang paos na tinig dahil marahil iniiwasan ng babae na magising ang bata sa kandungan nito. He wondered how his name would sound when she call him with that voice.
Marahas na tumalikod si Choi sa dalawa at inabot ang remote ng TV upang patayin iyon dahil tila gusto niyang iwasan ang kakaibang naramdaman niya. Damnit. Anong nangyayari? litong usal ni Choi sa sarili dahil biglang may gumuhit na mainit na sensasyon sa bandang puson niya nang marinig ang tinig ni Lorie. The hell, was he getting aroused by his housekeeper’s sleepy voice? Shit, kalokohan.
“Ipapasok ko na si Maja sa kuwarto mo, ha?” wika ni Lorie sa mas normal nang tinig. Naramdaman ni Choi ang pagtayo ng babae sa likuran niya.
Mabilis niyang hinamig ang sarili at muling bumaling kay Lorie. Karga-karga na ng babae ang batang natutulog. Pinagmasdan ni Choi si Lorie habang naglalakad ito patungo sa silid niya. Kung kailan naisip ni Choi na sumunod dito ay saka naman humarap sa kanya ang babae. “Siya nga pala, buksan mo iyang kahon na nasa center table. Nakita ko `yan sa bag ni Maja kanina,” sabi ni Lorie at tuluyan nang pumasok sa silid niya.
Napatingin si Choi sa kahong sinabi ni Lorie. May kabang sumipa sa dibdib niya habang nakatitig siya roon. Bigla ay parang ayaw niya iyong buksan. Hindi alam ni Choi kung gaano katagal na siyang nakatitig lang doon nang marinig uli niya ang tinig ni Lorie.
“Buksan mo na. Kailangan mong tingnan `yan,” udyok ng babae.
Huminga nang malalim si Choi at kinuha ang kahon. Binuksan niya iyon at natagpuan niya ang isang photo album at piraso ng papel. Mas matindi ang kutob ni Choi sa papel kaya ang album ang una niyang binuksan.
Mga larawan iyon ng bata mula noong bagong panganak pa lang ito hanggang sa lumaki. Mayroon pang nakaipit na dalawang larawan ng ultrasound.
Hindi na naitago ni Choi ang panginginig ng mga kamay niya nang buklatin niya ang piraso ng papel na kasama ng album. Nanlamig ang buong katawan ni Choi nang makita kung ano iyon. A birth certificate. At siya ang nakarehistrong ama ng bata. Maja, the little girl, was legally his daughter.
Damn you, Sheila! nais isigaw ni Choi. Ngunit sa halip na gawin iyon ay nanghihinang napaupo na lamang siya sa sofa, his head and chest pounding.