THE PRINCE'S SCANDAL TRILOGY (Filipino) Chapter 7

HINDI mapigilan ni Lorie na makaramdam ng simpatya sa kalagayan ngayon ni Choi kahit sa totoo lang ay hindi naman nito kailangan iyon. Parang pinagsakluban ng langit at lupa ang hitsura ng binata habang nakaupo sa sofa at hawak-hawak ang birth certificate ni Maja. Sigurado si Lorie na malaking balakid ang biglang pagsulpot ng anak nito sa buhay ni Choi. After all, nagbubuhay binata lamang ito kahapon at malamang ay nakikipaglandian sa kung sino-sinong babae. Anong malay ba ng binata na sa araw na iyon ay sasabugan ito ng bomba tungkol sa pagkakaroon pala nito ng anak?

Tumikhim si Lorie. “Alam mo, hindi naman malaking isyu siguro kung may anak ka na. Normal lang naman sa mundo ninyo ang mga taong gaya mong may anak sa pagkabinata, hindi ba?” aniya sa nang-aalong tinig. Marahas na tiningala siya ni Choi. Bahagyang napaatras si Lorie nang makita ang talim ng tingin sa kanya ng binata. “Cute at mabait na bata si Maja. Mamahalin mo siya sigurado.”

Tumiim ang mga bagang ni Choi habang matalim pa rin ang tingin kay Lorie. “You have no idea what you are talking about so better shut up,” angil ng binata sa gigil na tinig na para bang pinipigilan nitong sumigaw.

Napangiwi si Lorie. “Okay fine. Sige na uuwi na ako. Babalik na lang uli ako next week,” sagot na lang niya. Mabuti pa na umalis na siya bago pa siya madamay sa galit ni Choi. Isa pa, kanina pa tine-text si Lorie nina Madam Tisay dahil kailangan na niyang sunduin si Kai.

Palakad na si Lorie patungo sa pinto nang bigla na lamang tumayo si Choi at hablutin ang braso niya. Napasinghap si Lorie nang mapaharap siya sa binata at tumama sa katawan nito dahil sa lakas ng puwersa nito. Nanlaki ang mga mata ni Lorie nang may hindi pamilyar na kilabot ang lumukob sa katawan niya sa maiksing sandaling nagkalapat ang mga katawan nila ni Choi, iyong kilabot na para siyang inilublob sa nagyeyelong tubig at nagtayuan ang mga balahibo niya sa batok.

“Where are you going?” kunot-noong tanong ni Choi. Tumama ang hininga ng binata sa bandang bunbunan ni Lorie at bigla na lamang ay tila tumalas ang pang-amoy niya dahil nahagip ng ilong niya ang amoy ng mamahaling pabango ni Choi.

Dumistansya si Lorie kay Choi subalit hindi pa rin nito binitawan ang braso niya. Mabilis niyang hinamig ang sarili. Tiningala ni Lorie si Choi upang sikmatan ngunit nagbago ang isip niya nang makita ang kislap ng pagkataranta sa mga mata ng binata.

“Kailangan ko nang umuwi. Gabi na at hinihintay na ako ng anak ko,” sagot ni Lorie sa malumanay na tinig.

Nanlaki ang mga mata ni Choi at bahagyang dumiin ang pagkakahawak sa braso niya. “You are going to leave me alone with that child?” manghang bulalas ng binata.

Napaangat ang mga kilay ni Lorie sa reaksiyon ni Choi. “Siyempre. Tapos na ang trabaho ko para sa araw na ito. At anak mo siya kaya natural iiwan ko siya sa `yo.”

“No. You are going to stay here. There’s no way I would know what to do with a child. Paano kapag nagising siya?” marahas na sagot ni Choi.

Napabuga ng hangin si Lorie at tinangkang alisin ang kamay ni Choi sa braso niya ngunit lalo lamang iyong humigpit na para bang takot ang binata na tumakbo siya palayo kapag nakahanap siya ng tiyempo. At sa totoo lang, may bahagi ni Lorie ang parang nais gawin iyon. “Sir, housekeeper ako, hindi babysitter.”

“Then I’ll hire you as a babysitter. Stay,” giit ni Choi.

Ngumiwi si Lorie. “May iba akong trabaho bukod sa paglilinis ng unit mo.”

“Then quit that job and work full time for me. I’ll even double your salary.”

Bumuntong-hininga si Lorie.

“No, make it triple,” dugtong ni Choi na mukhang mali ang pagkakaintindi sa buntong-hininga niya.

“Sandali lang, Mr. Montemayor. Sandali lang, okay? Makinig ka sa akin,” pigil ni Lorie sa binata. Nang mukhang makikinig naman si Choi ay bumuntong-hininga uli si Lorie. “Hindi ako puwedeng araw-araw dito dahil may anak din akong inaalagaan. At least `yong isa kong trabaho malapit lang sa amin.”

“Wala ka bang puwedeng pag-iwanan sa anak mo?”

Nakaramdam ng inis si Lorie sa tonong ginamit ni Choi na para bang isang bagay o alagang hayop lamang ang tingin nito sa anak niya. Marahas na hinatak ni Lorie ang braso niya at nabitawan siya ni Choi sa wakas. “Para mag-alaga ng iba araw-araw? Wala. Dahil kami na lang dalawa ang magkasama sa buhay at hindi ko hahayaang malungkot siya kung pati ako ay hindi siya maalagaan nang maayos at mabigyan ng panahong kailangan niya,” sikmat ni Lorie sa binata.

Tinitigan siya ni Choi. Ilang segundo pa ang lumipas bago nagsalita ang binata. “You... are a single parent?”

“Sa tingin mo ba nagtatrabaho ako nang ganito kung hindi?” inis pa ring sagot ni Lorie.

Dumeretso ng tayo si Choi at hinawi ang buhok. Pagkatapos ay nagbuga ng hangin ang binata at tumingin uli sa kanya.

“Sige na, umuwi ka na,” sabi ni Choi kapagkuwan na ikinaawang ng mga labi ni Lorie. Base sa personalidad ni Choi na nabuo sa isip ni Lorie tuwing lumalabas ito sa telebisyon ay inaasahan niya na sasabihin ng binata na wala itong pakialam sa sitwasyon niya basta masunod lang ang gusto nito. Ngunit hayun si Choi at agad na sumuko.

“Ano pa’ng ginagawa mo? Hinihintay ka ng anak mo, hindi ba?”

Kumurap si Lorie at tumango. Alanganin pa rin siyang tumalikod kay Choi at nagtungo sa pinto. Bago tuluyang umalis ay nilinga uli ni Lorie ang binata. Nakatayo pa rin si Choi roon at mukhang hindi alam ang gagawin. Bumuntong-hininga na lang si Lorie at tuluyang isinara ang pinto.

NAKAAWANG ang mga labi ni Lorie nang bumalik siya kinabukasan sa unit ni Choi. Hindi kinaya ng konsiyensiya niya na pabayaan ang mag-ama, lalo na at hindi nakatulog si Lorie kagabi sa kakaisip kung paano pakakainin o aalagaan ng binata si Maja.

Kaya naman pagkatapos siguruhin ni Lorie na maayos na ang mga kailangan at napakain na niya si Kai, na mabuti na ang kalagayan, ay nagpaalam siya sa anak na may pupuntahan lang siya saglit. Dali-daling nagpunta si Lorie sa condo unit ni Choi para silipin ang kalagayan ng mag-ama.

Ngayong nakita na ni Lorie ang kinahinatnan ng dating kumikinang sa linis at sobrang ayos na bahay ni Choi ay napailing siya. Ang mga unan na galing sa silid ng binata ay nakakalat sa carpeted na sahig. Ang mga magazines ay tumabingi na ang pagkakasalansan at may mga piraso ng damit-pambata na nasa sofa at center table. Kasunod niyon ay napaigtad si Lorie sa biglang iyak na narinig niya sa panig ng kusina.

“For heaven’s sake will you stop that, brat?” narinig niyang bulalas ni Choi mula roon na mas frustrated kaysa galit.

Napabilis tuloy ang lakad ni Lorie patungo sa kusina. Hindi niya alam kung matatawa o mapapahumindig nang makita ang magulong kusina. May mga plastic at styrofoam na mula sa isang fast-food chain sa mesa. Sa harap ni Maja ay may platong may kanin at manok. May stain ng ketchup sa gilid ng plato na umabot sa mesa. Ang pinakanagpagulo roon ay ang natumbang baso ng gatas na ngayon ay tumutulo na sa sahig.

“You made a mess of my house and you’re the one crying? Geez,” bulalas ni Choi habang nagkakalkal ng kung ano sa cabinet. “And where the hell are the damned rags?”

“Nasa laundry area,” hindi na nakatiis na sabad ni Lorie sa pagkausap ni Choi sa sarili.

Marahas na napaderetso ng tayo ang binata dahilan kaya tumama ang ulo nito sa mga compartment na nasa itaas. Si Maja naman ay natigil sa pag-iyak nang mapatingin kay Lorie. Mabilis na bumaba sa silya ang bata at patakbong lumapit sa kanya. Yumakap sa binti ni Lorie ang maliliit na mga kamay ni Maja na may ketchup at mantika ngunit hindi na niya iyon alintana dahil ang tingin niya ay na kay Choi.

Nang bumaling ang binata kay Lorie ay nakangiwi ito at hawak na ang ulo. Hindi niya napigilang matawa sa hitsura nito. Mukhang harassed na harassed si Choi, malayo sa perpektong hitsura nito na palaging nakikita ni Lorie. Nangingitim ang ilalim ng mga mata ni Choi at maging ang mga panga nito dahil marahil hindi pa nakakapagahit. Magulo rin ang buhok ng binata at lukot ang suot na T-shirt at shorts.

“Don’t laugh, I’m suffering here,” reklamo ni Choi nang tila makabawi. “You came back. Akala ko sa susunod na linggo ka pa darating.”

Napaismid si Lorie dahil may gana pa si Choi maging arogante kahit na nasa ganoong sitwasyon na ito. “Ah, okay. Sige next week na lang ako babalik talaga,” wika ni Lorie na akmang tatalikod ngunit maagap na humakbang palapit sa kanya ang binata at hinablot ang braso niya.

“Don’t go. I need you badly,” bulalas ni Choi na sa hindi niya malamang dahilan ay nagpakabog sa dibdib ni Lorie. Ah, marahil dahil sa gulat sa biglang paghablot ni Choi sa kanya kaya nangyari iyon. Napatingin si Lorie sa mukha ng binata at bakas doon ang helplessness. “I need you… to fix the mess she made. She even wet my bed at kinailangan ko pang sa sofa matulog na hindi rin naman nangyari dahil hindi ako sanay matulog sa sofa. Kung kailan ako naidlip, saka naman siya nagising at umiyak na naman. So I ordered her breakfast, but look what she did?” sumbong ni Choi.

Napangiwi si Lorie at hindi naiwasang makaramdam ng simpatya. “Oo na, lilinisin ko na.”

“No you don’t understand. Not just today. Look, hindi ko kakayanin ang ganitong senaryo araw-araw. I also have things to attend to, you know. I have a very busy schedule. Kagaya ngayon, I have a TV guesting but I am in a mess. Saan ko siya iiwan? Hindi ko siya puwedeng ibilin kung kanino dahil hindi puwedeng malaman ng kahit na sino ang tungkol sa kanya. Kapag lumabas sa publiko na may anak ako, magiging malaking eskandalo iyon. At kapag naiskandalo pa ako, malilintikan na talaga ako,” marahas na sabi ni Choi.

Bumuntong-hininga si Lorie ngunit hindi sumagot. Napasinghap siya nang hawakan ni Choi ang magkabilang balikat niya dahilan kaya lumiit ang distansiya sa pagitan nila. Sinalubong ni Choi ng tingin ang mga mata ni Lorie. “I want you to stay with me, Lorie,” wika ng binata sa mas mababang tinig na nagdulot ng kakaibang kilabot sa buong katawan niya. Napagtanto rin ni Lorie na iyon ang unang beses na narinig niya si Choi na tinawag ang pangalan niya. At bakit parang kahit haggard ang mukha ni Choi ay para pa rin itong kumikinang sa paningin ni Lorie nang mga sandaling iyon?

“Quit your other job and work full time for me.” Napakurap siya at tila natauhang nawala ang kinang ni Choi. Nainis si Lorie sa sarili dahil may nakapa siyang pagkadismaya sa loob niya. Kung para saan iyon ay hindi niya alam at wala siyang balak pagtuunan iyon ng pansin. “Hindi mo naman kailangang manatili hanggang gabi kaya makakauwi at maasikaso mo pa ang anak mo. I also will not require you to come too early. Iyong kahit ganitong oras lang din para may panahon ka para asikasuhin din ang anak mo. Ilang taon na ang anak mo?”

“Pitong taon,” wala sa loob na sagot ni Lorie.

Tila naman na-relieve si Choi sa nalaman. “See? Nasa tamang edad na siya para makayang wala ka sa tabi niya twenty-four-seven. Unlike that little brat na idinadaan sa iyak ang lahat. Hindi ko `to kaya nang mag-isa. Having a child never crossed my mind before she showed up. Wala akong ibang puwedeng hingan ng tulong tungkol sa kanya dahil mas kaunti ang nakakaalam mas mabuti. Come on, Lorie. Kagaya ng sinabi ko, titriplehin ko ang bayad sa `yo. At least hindi mo na poproblemahin ang pinansyal na pangangailangan ng anak mo.”

Naramdaman ni Lorie ang paghigpit ng mga kamay ni Choi sa kanya. Damang-dama niya ang desperasyon sa tinig ng binata. Naramdaman ni Lorie ang paghigpit ng kapit ni Maja sa mga binti niya. Nang yumuko siya ay nakita niyang nakatingala sa kanya si Maja at tila naghihintay rin sa isasagot niya. Lalo niyang napagtanto na pareho ang mga mata nina Choi at Maja. Halatang mag-ama talaga.

“Lorie.”

Bumuntong-hininga siya at tiningala uli si Choi. “Oo na nga,” sa wakas ay pagpayag ni Lorie.

Nanlaki ang mga mata ni Choi pagkatapos ay may sumilay na maluwang na ngiting noon lang niya nakita rito mula nang magtrabaho siya para sa binata. Nakakasilaw ang ngiti ni Choi at hindi niya naiwasang matulala. Hala, tama ba ang desisyon ko o napasubo ako?

Kahit magdalawang-isip pa si Lorie ay huli na ang lahat. Pumayag na siyang ma-involve sa buhay nina Choi at Maja na higit pa sa unang plano niyang magbayad lamang ng utang-na-loob sa ina ng binata.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.