The Substitute Chapter 9

MADALING araw, hindi ko alam kung bakit, pero bigla na lang akong nagising. Saglit pa akong nahiga bago nagpasyang bumangon. Kailangan ko ng tubig.

Mag-aalas kuwatro pa lang pala, pero ang diwa ko gising na gising na. Marahil ay dahil iyon sa nananakit ko pa ring pisngi. Napakalakas ba naman ng pagkakasampal sa akin ng anak ni Manang Salve na si Mara.

Walanghiya, kapag talaga napuno ako, hindi lang sampal ang aabutin nila sa akin.

"Kontrabida na kung kontrabida, basta gaganti ako." Mahina kong bulong habang pababa ng hagdan.

"Kanino?"

Isang matinis na tili ang pinakawalan ko nang marinig ko ang boses ni Yvo. Saglit na nanginig ang mga tuhod ko na siyang naging dahilan kung bakit ako napaupo sa baitang ng hagdan.

"Oh, I'm sorry. I didn't mean to star—."

"Ayos lang ako, nabigla lang." Agap ko sa paghingi niya ng tawad. "Bakit gising ka na?"

"Hindi ko alam." sagot sa akin ni Yvo bago niya ako inalalayang tumayo. "Does it hurt?"

Gusto ko sanang kiligin sa tonong ginamit ni Yvo, kaya lang biglang tumama ang pisngi ko sa baba niya. Hindi ko na tuloy alam kung alin ang unang sasapuhin. Ang nananakit ko bang balakang o ang pisnging hanggang ngayo'y mahapdi pa rin?

"Ga-bakal naman kasi yata ang kamay ng babaitang iyon." Mahina kong bulong bago tuluyang bumaba ng hagdan.

"Sino?" tanong niya habang nakasunod pa rin sa akin.

"Wala." sagot ko habang nagsasalin ng tubig.

Mabuti na sigurong hindi malaman ni Yvo ang nangyari kanina. Baka ako pa ang mapahiya, dahil sa plano naman talaga niyang saktan ako.

"Matutulog ka ba ulit pagkatapos mong uminom?" Tanong niyang nakatingin sa akin nang mataman. Parang gusto ko tuloy matawa dahil sa tanong niyang iyon. Napakawalang kwentang tanong kung tutuusin. Para bang gumagawa lang si Yvo ng paraan para hindi matapos ang pag-uusap namin.

"Hindi na siguro, plano ko kasing pumunta kay Mommy." Palusot ko pero ang totoo'y gusto kong makatakas kahit saglit lang. "Papayagan mo naman ako 'di ba?"

Hindi na ako nagtaka nang biglang sumeryoso ang mukha ni Yvo. "Oo naman, sasamahan na kita." sagot niya sa mababang tono.

"Ha? Baka may lakad ka pa, hindi ka ba papasok sa opisina?"

"Well, wala naman masyadong gagawin roon, isa pa'y naroon naman si Louise." sagot niya sabay lakad palapit sa refrigerator. "What do you want for breakfast?"

"Kahit ano, basta walang lason." mahina kong sabi na ikinatingin sa akin ni Yvo. "Fried rice, tuyo at kamatis." malaki ang ngiting sabi ko.

"Are you sure?"

"Gusto ko rin pala ng itlog na pula. Gawa ka na rin ng sawsawan, sukang may sili, salamat." dagdag ko pa. Pansin ko ang pagtataka sa mukha ni Yvo. Para bang ngayon niya lamang narinig ang mga iyon sa tanang buhay niya. "Oh, do we have all of that? My bad, baka puro pancakes, ham, egg and bacon lang ang kinakain mo tuwing almusal." sabi kong nakahawak pa sa noo. Patago akong napangisi nang saglit na tumikhim si Yvo. Para bang tinamaan ito sa mga sinabi ko. Bahagya ko siyang nilingon at napansin kong nakatiim ang kaniyang mga bagang. Pagkatapos niyo'y kaagad siyang ngumisi at tumingin sa akin na para bang nahihiwagaan.

"Pwede naman akong sumaglit sa grocery store, I'm pretty sure, may bukas na sa mga oras na ito."

"Meron bang tuyo sa grocery store?" Tanong kong kunwari'y nahihiwagaan. "Ah, mamalengke na lang tayo. Ayos lang naman sayo 'di ba?" Matamis ang ngiting sabi ko sabay patong ng baba sa dalawang kamay. Gustong-gusto kong makita ang pagkataranta niya.

"You mean, sa palengke, sa maraming tinda na kung anu-ano?" Hindi ko alam kung matatawa ba ako o maiinis kay Yvo. Akala mo'y hindi pa nakakatapak sa ganoong lugar sa tanang buhay niya.

Oh baka hindi pa naman talaga. Nakakalimutan kong Hari nga pala ito. Hari ng kagaguhan.

"So..." taas ang kilay na sabi ko. Saglit na natigilan si Yvo. Parang sinusukat pa ba kung sigurado na ba ako sa mga binitiwang salita. Kulang na lang ay itaktak niya ako para lalong masiguro na hindi nga ako nagbibiro.

"Sige, kukunin ko lang ang susi." sagot niya sabay lakad paalis.

Isang malalim na buntong-hininga ang aking pinakawalan nang makaalis na si Yvo. Hindi rin pala matutuloy ang plano kong mapag-isa. Pero ayos na iyon, dahil kahit papaano'y makakaganti ako. Hindi pwedeng ako lang ang pahihirapan niya. Wala akong kinalaman sa problema nila ni Jia. Pero dahil narito na ako, wala naman sigurong masama kung ako ang gaganti para kay Jianna.

HINDI maipinta ang mukha ni Yvo nang tumungo ako sa tindahan ng tuyo, daing at tinapa. Pilit kong itinatago ang malaking ngising kanina pa gustong kumawala sa mga labi ko.

"Isang kilo po nitong daing at kalahating kilong  tinapa." Nakangiti kong sabi sa tinderang preskong-presko pa dahil bagong ligo. Ito pa lamang ang bukas na tindahan ng mga dried fish, alas-kuwatro y media pa lang naman kasi. Ang iba sigurong tindaha'y alas-sies na kung magbukas. "Samahan n'yo na rin po ng sampung itlog na pula."

"Naku, ang sarap naman ng almusal n'yo ineng. Ganito rin ang inihanda ko sa mga anak ko kanina bago sila gumayak papasok." Malaki ang ngiting sabi sa akin ng tindera. Napansin ko ang paglipat nito ng tingin kay Yvo. Isang mahinang pagtawa ang ginawa ng tindera bago ako muling binalingan. "Iyang nobyo mo mukhang hindi sanay sa ganitong lugar."

"First time niya po kasing pumunta sa ganito. Sa tingin ko nga ri'y baka unang beses madadaanan ng daing ang bituka niyang pangmayaman." May sarkasmo sa boses na sabi ko. Taas ang kilay na tiningnan ko si Yvo. Hindi pa rin maipinta ang mukha niya. Paano ba naman kasi'y umulan kanina kaya medyo maputik ang lupa. Dahilan para mapangiwi si Yvo. Natatalsikan kasi ng putik ang kaniyang magarang sapatos. Isa pa'y sumasama sa hangin ang amoy ng mga dried fish. Samahan pa ng mabaho ring imburnal. Kaya ngayon, hati ang pakiramdam ko eh. Kung matutuwa ba ako sa nakikitang paghihirap niya o maaawa dahil halatang wala talaga siyang alam sa ganitong lugar.

"Aba, dapat pala talagang matikman niya itong mga pagkaing binili mo, nang masanay. Mukhang magtatagal pa ang pagsasama ninyong dalawa eh." Muntik na akong masamid nang marinig ko ang sinabi ng tindera.

Magtatagal ang pagsasama namin? Naku Ate, noong una gusto ko rin, pero ngayong napagtanto ko na ang lahat, ay parang gusto ko na lang laging umiwas. Kampon yata ng demonyo itong si Yvo. Bulong ng isip ko.

"Ang totoo'y magpapakasal na kami." Halos malaglag ang panga ko nang sakyan ni Yvo ang sinabi ng tindera. Tila nawala sa hitsura nito ang iritasyon. Napalitan iyon ng kapilyuhan, dahilan para mapairap ako.

"Kung ganoo'y magtatagal talaga kayo. Naku, napakagandang lahi. Paniguradong magaganda at guwapo ang magiging bunga." Malaki ang ngiting sabi ng namamanghang tindera.

Itong si Ate napakadaldal. Hindi ba niya napapansing hindi ako sumasangayon sa mga pinag-uusapan nila?

"Sige ho, mauuna na ho kami, at baka kung ano pa pong maisipang sabihin nitong kasama ko." Nakangiwi kong sabi sabay hila kay Yvo na halos hindi na matigil sa kadadaldal sa tindera. Mas mukha pa siyang babae kaysa sa akin.

Masarap sana sa pakiramdam ng mga pagbibida sa akin ni Yvo pero bigla kong naalala, si Quia pala ako.

"Tahimik ka yata?" Nagtatakang sabi ni Yvo pagkasakay namin sa kaniyang kotse. Pauwi na kami. Mabuti nga't nananahimik ako, kung hindi'y baka masupalpal ko pa siya.

"Inaantok lang ako." sagot ko na lamang sabay pikit para hindi na magtanong pa si Yvo.

Wala pang limang minuto akong nakakapikit nang tumunog ang cellphone ko.

"Kuya..." mahina kong tawag. Pakiramdam ko'y maiiyak ako nang marinig ko ang boses ni Jino. Hindi ko man siya totoong kapatid ay itinuturing ko na siyang parang totoo.

"What?" Nanlalaki ang mga matang tanong ko nang ibalita sa akin ni Jino ang isang bagay. "Sige, pupunta ako mamaya."

"What happened?" tanong ni Yvo pagkababa ko ng cellphone.

"Ahm, kailangan ako ni Kuya mamaya. May ipapakita raw siya sa akin. At isa pa, ilalabas niya raw ako para makapagbonding kami. Okay lang naman sayo 'di ba?" Pagsisinungaling ko. Hindi ko naman pwedeng sabihin sa kaniya na nahanap na ni Jino ang tinitirhan ni Jia. Malaking gulo kapag nalaman iyon ni Yvo.

"Ihahatid na lang kita mamaya." seryoso niyang sabi.

Ewan ko ba kung namamalikmata lang ba ako noong makita ko ang lamig sa titig ni Yvo nang sumagot siya. Para kasing hindi naman ito payag pero dahil si Jino ang kasama ko'y napilitan na lamang ito.

Ah basta, ngayong alam na namin kung saan si Jia, makakawala na ako kay Yvo.

Kaya ko naman siguro diba? Ito ang gusto ko kaya tutulungan kong makabalik si Jia.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.