Tumingin siya sa akin saka ngumiti. "Miss?" aniya.
Kumibot ang sulok ng mga labi ko at tiningnan siya mula ulo hanggang paa. Nakasuot siya ng maputing polo shirt at khaki pants. May itim na relo naman sa kanang braso. Ang nakapukaw ng pansin ko ay ang maliit, itim, at bilog na hilaw sa tainga niya. Para siyang bad boy na nakikita ko sa teleserye.
"Miss, anong kailangan mo?" sarkastikong tanong ng lalaki nang mapansing nakatitig ako nang husto sa kaniya.
Doon ako natauhan at nagusot ang mukha ko sa narinig. Ayoko sa tono ng boses niya. Saka anong klase ng mukha iyan? Bakit kung makatingin siya sa akin ay para bang may isang milyong utang ako sa kaniya?
Kumibot ang sulok ng mga labi ko at pinaningkitan siya ng mga mata. Sa lahat ng tao rito sa Sitio, siya lang yata ang nakita kong malinis at mabango tingnan. Siguro dahil maputi siya at nasa ayos ang buhok. Heh. Mukhang naka-jackpot ng mayamang tenant si Aling Pechi-Pechi. Kahit na gano'n, hindi ko pa rin nalilimutang tinatarget ng lalaking 'to ang LLP ko.
Kumurba ang sulok ng mga labi ko at hinagod ng tingin ang kabuuan niya. "Sinabi mo bang LLP?" tanong ko.
Lumalim ang tingin niya sa akin. "Who are you?" tanong niya pabalik.
"Well..." Humalukipkip ako at umiwas ng tingin. "Bibilhin mo rin ba ang titulo ng LLP?"
Kita ko ang pagkunot ng noo niya, kalaunan ay ngumiti siya. "Kilala mo ang may-ari ng property na 'yon?"
"Obvious ba?" ani ko saka umirap sa kaniya. "Noon pa sinabi ng may-ari na hindi niya ipagbibili ang LLP. Tsk. Mukha naman kayong may pinag-aralan pero bakit ang hirap niyong umitindi?"
Dumilim ang itsura ng lalaki. "Are you insulting me, Miss?"
"Kung oo? Ano? Papalag ka ba?" hamon ko sa kaniya at naweywang sa harapan niya. "Isa pa, muntik mo na akong masagasaan noon! Lintek ka. Kung gusto mong makausap ang may-ari ng LLP, bigyan mo ako ng danyos sa perwesyo na ginawa mo noon!"
"Did I? I don't remember you." Hinagod niya ng tingin ang kabuuan ko tulad ng ginawa ko sa kaniya kanina. "And I can always ask someone else. I don't need your help, Miss."
Kumuyom ang kamao ko sa narinig. Nang maalala kong ako ang may-ari ng LLP ay ngumiti ako nang malapad sa kaniya. "Okay. Bahala ka. Huwag ka lang lalapit ulit sa akin kundi malilintikan ka sa 'kin!" babala ko sabay talikod at nagmartsa pauwi ng bahay.
Ramdam ko pa ang titig niya sa likod ng ulo ko pero taas-noo akong nagpunta sa bahay. Ewan ko ba pero kahit gusto kong hambalusin ang mukha ng lalaking 'yon pero nang makita kong medyo may hitsura eh nakakahinayang naman.
"Jemima! Sino 'yong kausap mo kanina, ha?" tanong ni Darina pagtapak ko sa sala.
Bagot akong tumingin sa kaniya. "Malay ko," sabi ko saka umakyat sa hagdan.
Himala nga na hindi na ako kinulit ni Darina at hinayaang umakyat sa hagdan.
Kinabukasan ay naging bali-balita ang bagong-lipat sa Sitio na ubod ng gwapo daw at mukhang yayamanin. Hindi ako nagulat nang malaman kong tinutukoy nila ay 'yong lalaki na nakasalamuha ko kahapon. May narinig pa ako na isa daw siyang trabahante ng isang malakig kompanya sa lungsod.
Pero ilang araw ko nang hindi napapansin ang presensya ng lalaki. Ilang beses na akong dumaan sa harap ng nakasaradong pinto ng bahay nila. Nakaparada naman ang kotse niya sa labas ng bahay kaya alam kong nasa loob lang siya. Maging ang mga chismosang kapitbahay ay napansin ang hindi palalabas na ugali ng lalaki.
"Batsilor kaya ganiyan," sabi ng isang babae na sa tingin ko ay leader ng grupo na lagi kong napapansing tumatambay sa tapat ng bahay nung lalaki.
"Oo nga. Mukhang walang asawa at anak. Wala akong batang naririnig sa loob," sabat pa nung isa.
Sumulyap nalang ako sa nakasaradong bahay at nagpunta sa community college. Pero pati yata doon ay hindi mawala-wala ang tsismis.
"Alam niyo ba? May tsismis sa faculty. May lilipat daw na girl student galing sa lungsod," sabi ng isa sa mga kaklase ko.
"Talaga? Bakit kaya naglilipatan ang mga tao sa lungsod dito sa atin?"
"Malay ko? Saka baka coincidence lang na may lilipat na student sa atin noh."
Natigil lang ang usapan nila nang dumating ang class adviser namin. Pero hindi nawala sa isipan ko ang tungkol sa sinabi nila. Sa pagkakaalam ko, may dadating na bisita mamaya sa bahay. Sinabi sa akin ni Darina kaninang umaga bago nagpunta ng community college. Isa pa, masama ang kutob ko sa babaeng transferee. Para bang may mangyayari na hindi ko gusto?
At hindi nga ako nagkamali ng kutob. Pag-uwi ko sa bahay galing ng community college ay nakita kong may nakahandang hapunan sa mesa. Hindi iyon tipikal na hapunan namin dahil bumili pa ng lechon si Darina na minsanan lang naman kung maglaan ng pera para diyan.
"Anong okasyon?" tanong ko saka nilibot ang tingin sa kusina. Pero walang sumagot sa akin.
Umakyat na lang ako sa kuwarto para magbihis. Bumalik ako sa kusina at doon ko nakita sina Darina at Nicanor. Ang nagpataas ng kilay ko ay nang makita kong may kasama silang babaeng kaedad ko lang sa hapagkainan.
Si Nicanor ang unang nakapansin sa akin. Minuwestra niya akong lumapit kaya kunot-noo akong tumalima habang tinitingnan ang kabuuan ng mukha ng bagong saltang babae.
Hindi ako pamilyar sa mukha nito pero bigla akong kinabahan. Parang may mali eh.
"Jemima, si Catliya Clarize. Kapatid mo. Catliya iha, si Jemima," pakilala ni Nicanor.
Pumantig ang tainga ko nang marinig ang malambing na boses ni Nicanor nang pinakilala niya ako sa bruha. Mas lalong nagsalubong ang dalawang kilay ko sa narinig.
"San mo naman napulot ang babaeng 'yan?" tanong ko kay Nicanor.
Umasim ang mukha nito. Nakita ko nalang ang kutsara na lumilipad tungo sa direksyon ko. Mabuti nalang magaling akong umiwas.
"Walang modo!" galit na turan ni Darina. "Wala ka talagang respito sa amin ng ama mo! Bakit hindi ka tumulad kay Catliya? Magalang at mabait!" dagdag pa nito.
Ngumiwi ako sa narinig. "Hindi kasi ako plastic," bulong ko.
Mukhang narinig yata nila dahil tinidor naman ang lumipad sa direksyon ko. Pagtingin ko sa mesa ay napansin ko ang nag-iisang pinggan doon na wala nang kubyertos. Mukhang kutsara at tinidor ko 'yong binato niya sa gawi ko ah? Baka isunod na niya ang pinggan ko.
Rumulyo ang mga mata ko at iniwan ko silang maasim ang mga mukha. Lumabas ako ng bahay kahit umuulan at nagpunta sa kamalig na malapit lang sa LLP para tumambay.
Ang totoo niyan ay stepmother ko si Darina. Mula no'ng nagkamuwang ako ay sinabi na sa akin ni Teresita na hindi ko raw tunay na ina ang babaeng kinakasama ni Nicanor. Iniwan daw ng tunay kong ina ang magaling kong ama. Hindi ko naman alam ibig sabihin no'n ni Teresita kaya hindi na ako nagtanong pa ulit.
Kaso palagi akong inaaway ni Darina na kesyo wala akong kwentang bata, na masama raw ugali ko, at napakabastos ko raw at walang respeto sa kanila. Kaya ako ang laging suki ng mga chismis dito sa sitio. Heh.
Simula no'n ay tinanggap ko nang hindi si Darina ang ina ko. Kaya hindi na bago sa akin at hindi na rin ako nasasaktan kapag tinatawag niya akong walang silbi. Pinapalusot ko nalang sa kabilang tainga lahat ng masasakit na salitang binabato niya sakin.
Pero... ano namang pakulo nito at pinatira sa bahay ang magaling niyang anak sa unang asawa?
Nalaman ko ang sagot kinabukasan nang pumasok ako sa community college. Nakita ko roon si Catliya na pinagkakaguluhan dahil maputi raw ito at halatang galing sa lungsod.
Si Catliya pala ang bagong transferee sa community college.