The Tongue of Death (Filipino) Chapter 11

"So ito ang kapatid mo, Catliya?" tanong ng isa sa mga pipitsuging alipores ng magaling kong 'kinakapatid' sa ina na, na mukang pinaglihi sa mukha ng kambing.

Ngumiti nang mahinhin si Catliya. "Oo. Sabi ni nanay na maging mabait daw ako kay ate Jemima."

Muntik na akong masuka. Gusto kong tumawa sa napakaplastic na pagmumukha ni Catliya na nagmana yata kay Darina pero hindi ko magawa dahil tinakpan nila ng panyo ang bibig ko. Nakatali rin sa likod ko ang dalawa kong kamay at kasalukyang nakapiring ang mata ko.

Oo. Mukha akong kinidnap sa lagay kong 'to. At kung hindi ako nagkakamali ay nakatayo sa tapat ko si Catliya at nakangiting nakatitig sa kawawa kong kalagayan.

Pwe. Malakas lang siya dahil may alipores siyang kasama. Kung siya lang mag-isa na gumawa sa masama niyang binabalik ay kanina ko pa siya binigwasan sa kapal ng mukha niyang itali ako at itago sa loob ng abandonadong classroom.

Kebago-bago sa bahay at sa community college pero kung umasta ay parang may-ari sa bahay at sa school. At ang plastic pa ah. Kung noon ay medyo takot pa ang mga estudyanteng banggain ako nang harap-harapan, ngayon ay parang nakawala sa hawla ang mga walanghiya dahil walang ni isang araw na hindi ako pinagdidikestahan ng mga 'to.

Ang mas masama pa ay palaging nasa panig ni Catliya ang mga teachers at mga estudyante, pati si Nicanor ay palaging ako ang sinisisi kung bakit binu-bully ako ng mga estudyante na kesyo ako 'yong siga noon sa community college kaya magtiis daw ako ngayon.

Wow.

So alam pala nilang lahat na binu-bully ako ng mga estudyante pero walang may isa sa kanila ang gustong umawat. Mga bw*set.

Pasalamat sila at sa ilang taong pambu-bully ni Darina sa akin ay naging matigas ang loob ko dahil kung ibang estudyante pa ang nasa kalagayan ko ay tiyak na hindi na 'yon papasok sa impyernong community college.

Though tuwing class hours naman ay walang gumagambala sa akin kaya nakakapagpahinga ako sa mga oras na 'yon. Kaso pagdating ng lunch break at uwian ay ako ang hinahanap at hinahabol ng mga walang hiya.

Nanigas ang kalamnan ko nang maramdaman kong may binuhos silang malamig at umaalingasaw na tubig sa akin. Nakapiring ang mga mata ko kaya hindi ko kita kung ano 'yon pero base sa amoy ay alam kong galing sa imburnal ang tubig na 'yon.

"Bagay na bagay sayo!" sigaw ng isa sa mga alipores ni Catliya at sabay silang nagtawanan.

Naningkit ang mga mata ko at kumuyom ang mga kamao. Maatim ko pa na pagdidikestahan nila ako pero 'yong paliguan ako ng imburnal?

Isa-isa silang nagsilayasan sa loob ng abandonadong classroom. Narinig ko pang ini-lock nila ang kinakalawang na pinto. Naiwan akong mag-isa sa loob na nanginginig at ngumingiwi sa baho ng binuhos nila sa akin.

Nag-igting ang panga ko sa inis. Kahit gusto kong sumigaw para may makarinig pero nakatakip ng panyo ang bibig ko. Sinubukan kong alisin 'yon at inabot pa ako nang ilang minuto.

Hingal kong naalis ang panyo sa bibig ko pero mabilis kong tinikom ang bibig nang malanghap ko ang umaalingasaw na amoy ng imburnal sa sarili ko. Sh*t.

"May tao ba riyan?" masungit kong tanong. Pero wala akong narinig na kaluskos kaya alam kong ako lang mag-isa sa loob sa mga oras na 'yon.

Bagsak ang balikat na sumandal ako sa sandalan ng upuan. Nangangalay na ang balikat ko at masakit ang pagkakagapos ng mga walanghiya sa akin sa upuan na 'yon.

Hindi ka alam kung ilang oras akong naghintay na baka may maligaw sa gawi na 'yon pero alam kung lahat ng teachers pati ang guwardiya ay umuwi na. Narinig ko nga ang ingay ng cricket sa may tabi at sa loob ng abandonadong classroom.

Biglang kumalam ang sikmura ko. Naalala kong wala pa pala akong tanghalian dahil hindi ako hinayaang pakainin ng dala kong baon ng mga alipores ni Catliya. Hindi naman ako makabili sa canteen dahil pati wallet ko ay nasa kanila kaya pumasok ako sa afternoon class nang walang laman ang tiyan.

Dahil sa inis ko ay ngayon lang ako nakaramdam ng gutom. Naging isang linya ang mga labi ko.

May maliligaw kaya sa lugar na 'to?

Hilaw akong natawa. Tanggap ko nang walang sasagip sa akin sa kalagayan kong 'to dahil hindi naman ako kasing bait ni Catliya. Walang kahit isa sa kanila na maawa sa akin.

Sino ba naman ako para kawawaan? Ako naman ang dahilan kung bakit ganito ang kalagayan ko.

Naramdaman ko nalang na uminit ang nakapiring kong mga mata. Heh. Wala akong karapatang umiyak.

Bigla akong nakarinig ng yabag mula sa labas. Pumantig ang tainga ko.

"May tao ba riyan?" paos kong sigaw.

Bumilis ang yabag na narinig ko. Tumayo ang taong 'yon sa labas ng pinto ng abandonadong classroom at pilit na binuksan ang nakakandadong pintuan.

Hindi nagtagal ay bumukas ang kinakawalang na pinto. May nag-alis ng piring sa mga mata ko.

Kumurap ako dahil sa liwanag na dulot ng dala niyang flashlight. Gusto kong magmura pero pinigilan ko ang sarili ko at tumingin sa taong gulat na nakatingin sa akin.

"Anong ginawa nila sayo?" marahang tanong ni Alferes.

Gusto kong barahin ang lalaking 'to dahil kitang-kita naman kung anong ginawa nina Catliya sa akin at may gana pang magtanong. Pero hindi ko mahanap ang sarili kong boses.

Naramdaman ko nalang na marahan niyang pinahid ang luha na tumulo sa pisngi ko. Mabilis siyang umikot sa likod at kinalas ang pagkakagapos ng kamay ko sa likod. Namumula pa ang palapulsuhan ko sa higpit ng pagkakatali ng mga walanghiya sa akin.

Ilang minuto kaming tahimik. Nakatayo lang siya sa likod ko habang nakaupo pa rin ako sa upuan.

Alam ni Alferes na ayaw kong may makakita sa akin na umiyak kaya nasa likod lang siya. Pinatay din niya ang flashlight para bigyan ako ng privacy.

Pumasok ang sinag ng buwan sa loob ng sirang bintana kaya hindi gano'n kadilim sa loob.

Hinayaan niya akong kumalma nang ilang minuto. Pagkatapos ay tumayo ako at naunang humakbang palabas ng classroom. Sumunod lang siya.

"Tara sa Apartment House," aya ni Alferes.

Hindi na ako nagsalita at tumango lang. Umihip ang malamig na hangin at nanginig ang kalamnan ko. Naramdaman ko nalang ang jacket na pinatong ni Alferes sa balikat ko.

"Bakit ka nandito? Tapos na ba interschool meeting niyo?" tanong ko. Nasa gilid ko lang siya habang sabay kaming humahakbang paabante.

Isang linggo siyang nanatili sa lungsod dahil sa SSG meeting nila kasama ng ibang schools sa probinsiya. Iyon din ang dahilan kung bakit malalakas ang loob ng mga estudyanteng i-bully ako dahil wala si Alferes na laging nagtatanggol sa akin mula sa kanila.

"Kakauwi ko lang galing sa lungsod kaninang hapon. Narinig ko ang pinanggagawa nila sa 'yo habang wala ako." Bumuntong-hinga siya. "Sorry. Late akong dumating, Jem."

Bumaba ang tingin ko sa nilalakaran ko at bumuntong-hinga. "Kasalanan ko naman."

"Hindi mo kasalanan," kunot-noong sambit ni Alferes. "Wag mong sisihin ang sarili mo sa pambu-bully nila sa 'yo. Kung sinasabi nilang masama ang ugali mo kaya binu-bully ka nila, hindi yan dahilan para igapos ka nila sa abandonadong classroom at hayaan na pagpiyestahan ng lamok."

Hilaw akong natawa. Nagusot ang mukha ni Alferes. "Bakit mo tinatawanan kalagayan mo, Jemima? Nakita mo ba sarili mo kanina? Para kang... para kang..."

"Ano?" tanong ko at sumulyap sa kaniya.

"... ibang tao. Nawala na ang palaban na Jemima na lagi kong nakikita. At ito ang unang beses na nakita kitang umiyak sa harap ng ibang tao."

Natahimik ako. Maging siya ay wala nang sinabi pagkatapos no'n. Biglang kumalam ang sikmura ko at inaya ako ni Alferes na kumain muna sa labas pero umiling ako at nagpaalam na uuwi sa bahay ni Nicanor.

"Sigurado ka?" nag-alala niyang tanong. Nagkatinginan kami. Alam kong alam niya na walang pakialam si Nicanor sa akin.

Nagkibit-balikat ako. "Wala naman akong choice."

Naging isang linya ang mga labi niya. "Bukas ang pintuan ng Apartment House sa 'yo, Jem."

Ngumiti lang ako sa kaniya saka tumalikod at humakbang patungo sa bahay ni Nicanor. Nadaanan ko pa ang kotse ng bagong lipat na kapitbahay pero wala ako sa mood para makiusisa.

Pagdating ko sa bahay ay si Darina ang una kong nakita. Tapos na pala silang kumain at tinuturuan daw ni Nicanor mag-gitara si Catliya sa balkonahe. Narinig ko pa ang tawanan ng dalawa sa itaas.

"Bakit ngayon ka lang?" masungit na tanong ni Darina. "Kapag ikaw na babae ka eh nabuntis, itatakwil ka namin ng Papa mo!" babala niya.

Tumaas ang kilay ko. "Nakita mo ba ang suot ko? Yang magaling mong anak na santa, kinulong ako sa community college at binuhusan ng imburnal ---"

Biglang bumaling ang mukha ko sa kaliwa nang sinampal ako ni Darina. "Sumasagot-sagot ka pa, ha! Tingnan mo nga yang suot-suot mong jacket? Sinong lalaki ang nagbigay niyan sa yo, ha? Bakit hindi ka tumulad kay Catliya na may delikadesa?"

Sinamaan ko siya ng tingin. Mas lalo lang yatang nagalit si Darina dahil bumaling naman ang mukha ko sa kanan. Dalawang pisngi na ang sinampal niya.

"Letche! Kung makatingin ka para bang may utang ako sa yo! Wala ka talagang silbi! Lumayas ka kung ayaw mo sa kin!" sigaw ni Darina.

"Ano na naman yan?" sigaw ni Nicanor mula sa itaas.

"Itong magaling mong anak, nakipaglandian sa lalaki! Kung mabuntis eh tayo pa ang gagasto sa diaper at gatas ng bata!" sigaw ni Darina.

Kumunot ang noo ko. Ano bang pinagsasabi nito kay Nicanor? Akmang sasagot ako nang bigla na naman akong sinampal ni Darina.

"At may gana pang sagot-sagutin ako!" dagdag nitong sigaw.

"Kung ayaw niya sa atin, mabuti pa'y palayasin nalang 'yan!" sigaw ni Nicanor.

"Narinig mo ang Papa mo?" masungit na tanong ni Darina.

Hindi ako makasagot sa kaniya dahil namamaga ang dalawa kong pisngi sa lakas ng sampal niya. Kumuyom ang kamao ko at patakbong umakyat sa hagdanan.

"Tingnan mo, ni hindi man lang nag-sorry ang suwail mong anak!" sigaw ni Darina.

"Wag mong pakainin ng hapunan kung ayaw magtanda!" sagot ni Nicanor.

Padabog kung sinarado ang pinto ng kuwarto ko. Ilang minuto akong nakatayo sa gitna ng madilim na kuwartong 'yon.

Biglang nawalan ng lakas mga tuhod ko at napaluhod ako sa pagod. Hindi ako umiyak ni humikbi. Tulala kong tingnan ang bukas na bintana.

Nakita ko nalang ang sarili kong naglalakad tungo roon at umakyat. Tumalon ako sa bintana.

Naramdaman ko ang hapdi ng nakuha kong sugat at ang kumikirot kong likod at binti. Hindi ako namatay sa talon na 'yon pero napangiti ako dahil nakaramdam ako ng sakit. Bumalik ang ulirat ko sa realidad.

"That was a good jump," biglang sambit ng kung sino.

May lalaking tumayo sa tabi ko. Nakahiga at nakatingin ako sa malawak na kalangitan. Bigla siyang dumungaw sa akin kaya natakpan ng ulo niya ang mga bituin na tinitingnan ko.

"Hey, you okay?" nag-alalang tanong niya nang hindi ako kumibo ni umimik nang ilang minuto.

"Mukha ba akong okay?" tanong ko sa kaniya.

"Not really. But it's my first time to see a woman jump from the window and smiling like crazy after getting wounds and bruises from the fall."

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.