The Tongue of Death (Filipino) Chapter 13

Binagsak ko ang katawan niya sa upuang kawayan sa harap ng tindahan ni Aling Esing. Hinilot ko ang sentido at pagod na nilagay sa katapat na upuan ang eco bag.

"Lintek, ambigat ng lintek," gigil kong bulong.

Pikit-mata akong napaupo sa katapat na upuang kawayan at sumandal sa sandalan. Minulat ko ang mga mata at tiningnan ang walang 'yang lasing. Patihaya siyang nakahiga sa kawayang upuan pero ang isang kamay at isang binti ay nakabitin pababa sa lupa.

At anong gagawin ko sa lalaking sobrang bigat, natutulog, at lasing na lasing?

"Ipapakain sa lamok." Ngumisi ako. "Wala akong pananagutan sa 'yo kapag hindi ka pa gumising diyan, madi-dengue ka talaga sa laki ng lamok ng tindahan ni Aling Esing."

Tumayo ko at inikot-ikot ang ulo. "Ilang kilo bang kinakain mong lintek ka? Daig mo pa ang baboy sa bigat mo!"

May sinabi siya habang nakapikit, pero hindi ko maintindihan. Parang nagi-sleep talk yata. Napailing ako saka kinuha ang eco bag. Akmang lalakad na ako paalis nang may narinig akong mahinang tunog ng makina. Galing sa dulo ng daang papunta sa sentro ng Baranggay. Naningkit ang mga mata ko habang tinititigan ang daan. Sa una ay hindi masyadong nakakaalarma, pero habang tumatagal ay mas lalong lumalakas sa pandinig ko.

Kumurap-kurap ako at tiningnang mabuti ang direksyon ng tunog. Wala akong nakikitang headlight na nagpapatunay na galing sa sasakyan 'yon, at wala rin akong maramdamang kilos sa bahaging 'yon. Pero may naririnig ako tunog. Sino kayang hay*** na nagpapatunog niyon sa hatinggabi?

Humalukipkip ako. Naalala ko ang ilang insidenteng nakawan sa kabilang kanto kaya napalingon ako sa lintek na lasing. Tulog-mantika pa rin ang hay*** kahit pa nabibingi na ako sa tunog. Gusto ko sanang iwan kaso baka mapagtripan ng magnanakaw at ako pa ang masisi.

Lumapit ako sa kaniya at sinundot ang tigiliran niya. "Hoy, gising."

Pero ayaw magmulat ng lasing. Dahil sa gigil, muntik ko na siyang masapak. Nakahanda na ang kamao ko sa pagsira ng mukha ng hay*** pero nag-alangan ako. Alam kong may asawa itong walang 'ya at baka masugod ako sa Apartment House nang wala sa oras. Di bale nalang. Iiwan ko nalang dito sa tindahan. Tumayo ako nang tuwid saka nagmartsa palabas ng tambayan sa tindahan ni Aling Esing. Pero ilang hakbang pa ang ginawa ko ay nahinto na naman ako at matalas ang tinging lumingon sa pinanggalingan.

Walang kamalay-malay ang walang 'yang lasing at baka nga makatay ng mga tambay sa kabilang kanto. Daanan ang tindahan kaya malamang na madadaanan ng mga 'yon ang tulog-mantikang lasing at baka nga mapagtripan. Lintek na 'yan! Hindi ko alam na may konsensya pa pala ako!

Kaya ginawa ko, sinapak ko ang mukha ng lintek. Doon lang nagmulat ang hay***. Namumungay pa ang mga mata habang nakatitig sa akin, saka humawak sa labi niyang pumutok dahil sa kamao ko. "What did you..." sabi niya.

"Bumangon ka diyan at baka hindi lang labi mo ang puputok."

Nangunot ang noo niya saka dahan-dahang bumangon. Napahawak pa sa ulo saka kunot-noong nilibot ang tingin sa madilim na daan sa labas ng tindahan. "Did you punch me?" paos niyang tanong.

Napairap ako. "Arte. Tara na. Hatid na kita sa inyong hay*** na pakialamero ka. Puro sakit sa ulo lang ang dala mo."

Kinuha ko ang eco bag at lumabas ng tindahan. Nilakad ko ang direksyon pabalik sa bahay ng hay***. Sakto namang huminto ang ugong ng kung ano sa malayo. Tsk. Ano na namang kalokohan kaya ang ginagawa ng mga tao ngayon? Nilingon ko saglit ang lasing, at nakita kong tumayo na siya't lumabas ng payag. Sumusunod na sa akin ang hungkag. Napairap ako. Plano kong ihatid ang lintek sa bahay nito, saka pa babalik sa Apartment House. Umabante ako.

Hindi na ako nag-atubiling maghanap ng paupahan dahil naalala kong walang paupahan sa Sudtonggan, at nagsitambakan lahat sa sunod na Sitio. Hindi ko rin naman gustong magpunta pa sa Masulog para maghanap ng paupahan, dahil hapon na kanina at alam kong maaabutan ako ng dilim bago pa makarating do'n. Isa pa, wala akong dalang pera para sa agarang downpayment. Napabuga ako ng hangin. Wala rin namang dumadaang tricycle sa ganitong oras kaya kahit pa nasa akin na ang pera, hindi pa rin ako makakatawid sa kabilang Sitio. Bukod sa delikado, hindi ko rin naman kabisado ang daan papunta ro'n, kung sakaling lalakarin ko ang sunod na Sitio.

Masyado lang sigurong tumaas ang dugo ko sa akusasyon ni Alferes kaya hindi na ako nakapag-isip nang tama kanina. Pero sinabi naman niyang maghihintay siya sa akin, saka ipaghahanda raw ako ng ulam. Malamang, hindi na galit 'yon.

Talagang madali lang sa kaniyang i-excuse ang ginawang mali ng kapwa. Kabaliktaran naman sa akin, na hindi natatahimik hangga't hindi nagagantihan ang may atraso sa akin.

Bigla nalang kasi akong nakaramdam ng feeling na dapat akong mag-sorry. Ewan, pero habang nakatambay ako sa kakahuyan kanina, napag-isip-isip kong wala namang ginawang masama si Alferes sa akin.

Sa katunayan, 'yong matandang Teresita saka si Nicanor pati na 'yong pakialamerang si Felipa ang talagang may atraso sa akin.

"Rishell..."

Nahinto ako sa paghakbang nang marinig ang pamilyar na pangalan ng sosyal na babae sa Boljoon. Mabilis akong lumingon sa lintek na lasing. Pagewang-gewang siyang humahakbang palapit sa akin, habang titig na titig sa mga mata ko. Lintek. Mukha siyang manyak. Napangiwi ako.

"Ansabi mo?" tanong ko.

"Your name's Rishell, right?" malagong tanong niya. Bulong lang 'yon, pero dahil sobrang tahimik ng paligid kaya narinig ko.

"O, anong problema?"

Huminto siya sa paghakbang at tumitig lang sa akin. Napahalukipkip ako habang hinihintay ang sasabihin ng lasing. Ewan ko kung totoong nagha-hallucinate itong lintek, pero sa klase ng titig niya... parang totoo ngang nakikita niya sa akin ang babae sa Boljoon.

Pero pa'no naman niya nakilala ang babaeng 'yon? Napaisip ako bigla. Hanggang maalala kong sikat pala ang babaeng 'yon. Kaka-debut lang sa ANEW Entertainment Group. Naningkit ang mga mata ko. Pa'no ko naman naging kamukha ang babaeng 'yon?

"May sasabihin ka?" bagot kong tanong.

"Rishell... I'm sorry."

Nangunot ang noo ko. "Sorry?" Napangisi ako. "Sorry sa'n?"

Nag-iwas ng tingin ang lintek, saka napahilamos ng mukha. "I remember that rainy night that you asked for my help. And I didn't help you."

Mas lalong nangunot ang noo ko. Nakilala ko ang Rishel na sikat ngayon, bago pa man 'yon mag-debut sa ANEW, dahil pinatapon ako ng matandang Teresita do'n sa El Grande Lat para magtrabaho ng ilang linggo. Pero lagi 'yong hinahatid-sundo ng drayber na si Gerald kaya imposibleng... teka, matanong nga ang lintek.

"Ano nga ang pangalan ko? Rishell...?"

Tumingin ulit siya sa gawi ko saka nangunot ang noo. "Your name?" Tumango ako. Mas lalong nangunot ang noo niya. "Your name's Jemima."

"Lintek. Pinagloloko mo ba akong hay*** ka?"

Hindi siya sumagot, bagkus nagpalinga-linga siya sa paligid. "Anong ginagawa ko rito sa labas?"

Naningkit ang mga mata ko. "May sira ka ba sa kokote?"

Tumingin ulit siya sa akin saka humakbang palapit. Napansin kong hindi na masyadong pagewang-gewang ang lakad niya. Nahimasmasan na yata ang hungkag.

"What am I doing here?" tanong niya at huminto sa tapat ko.

Natawa ako. "E may sira pala 'yang kokote mong hay*** ka."

"Jaxx! Jaxx!"

Lumingon ako at nakita ko ang asawa ng lintek. Nitong nakaraang araw ay dumating ang babae at kahit na hindi naman pinakilala ni Jaxx kung sino ay in-assume ng lahat na asawa nito ang magandang babaeng mula sa lungsod.

Nakasuot lang ito ng roba, saka nakalugay ang hanggang baywang na buhok. Bumaba ang tingin niya mula kay Jaxx, at tungo sa akin. Nakita ko pa ang gulat sa mga mata niya.

"Sonya," tawag ng lintek sa likuran ko.

Tumigil si Sonya sa harap ko saka ngumiti nang hilaw sa akin. "J-Jemima. Anong ginagawa mo rito sa labas? Hatinggabi na."

"Itong magaling mong asawa, sinundan ako. Naku, i-check mo mamaya 'yong cellphone niyan at baka may kalaguyo. Tinawag ba naman akong Rishell." Nilingon ko saglit ang lintek saka muling tumingin kay Sonya. Ngumiti ako. "Aalis na ako. Ikaw na bahala sa lakwatsero mong asawa."

"O-Okay..."

Walang salitang lumayo ako sa mag-asawa. Narinig ko pa ang bulong ni Sonya. "Mag-ingat ka naman, Jax. Saka 'wag ka nang uminom, pwede? Nawawala ka sa sarili."

Natawa na lang ako. Kaya ayoko sa mga lalaking palatungga. 'Yong mga ganiyang klase, dapat pinapalo sa pwet. Lalo na 'yong hungkag na lintek. Nangingialam sa buhay ng may buhay.

Nilabas ko ang cellphone saka binuhay ang built-in flashlight. Medyo madilim ang eskinita dahil isang poste ng ilaw lang ang binigay ng korap na kapitan. At nasa gitna pa talaga ng eskinang tinambakan ng basura. Mabuti nalang at hindi umulan kanina kaya hindi maputik ang daan. Dapat kasi, sinimento 'tong eskina para walang problema 'pag tag-ulan.

Tinaas ko ang tingin sa harap, medyo malayo-layong lakad pa ang kailangan bago marating ang poste ng ilaw. Binilisan ko ang lakad. Ramdam ko pa ang malamig na hangin, at dinig ko ang marahang ingay ng panggabing gangis.

At nang marating ko ang poste ng ilaw, bigla nalang may humablot sa bitbit kong eco bag. Napasinghap ako sa gulat. Mabilis akong tumalikod at akmang kakalmotin ang mukha ng taong dumukot, nang matigilan ako. Gulat akong napatingala kay Zander. Seryoso lang siyang nakatitig pababa sa akin.

"Lintek ka," pagod kong mura. Napahawak pa ako sa dibdib. "Akala ko kung sino."

Narinig ko ang buntong-hinga niya. "Paglabas mo pa lang sa Apartment House, sinundan na kita."

"Ano?" Nangunot ang noo ko. "At hindi ka man lang nagparamdam? Wala ka talagang kwenta. Hinayaan mo akong umakyat sa bahay. Kung sana nagpakita ka, ikaw na sana ang ginawa kong hagdan."

"Pagod ka na, Jemima."

"Talagang pagod na ako. Tara na sa Apartment House mo para makapagpahinga na ako."

Mabilis akong tumalikod at nauna na sa kaniyang maglakad paabante. Naramdaman ko ang pagsunod niya.

Bigla siyang umikhim. "Hindi ka na galit?" tanong niya.

"Ako dapat magtanong niyan. Pasalamat ka at walang ibang paupahan dito sa Sudtonggan, kaya wala akong choice kung 'di makipagsiksikan sa Apartment mo."

Alam kong ngumiti siya sa sinabi ko. Naramdaman ko nalang ang pag-akbay niya sa akin at paghigit niya sa akin palapit sa kaniya. Gusto ko sanang sikuhin kaya lang pagod na akong makipag-away kay Alferes.

"May klase ka pa mamaya, pero hatinggabi na't hindi ka pa natutulog."

Bigla nalang akong napahikab. "Wag kang magdrama diyan kasi alam mong may klase ka rin mamaya."

Natawa siya. Humalo ang halakhak niya sa banayad na simoy ng hangin. Bulto lang niya ang nakikita ko sa gilid ng mata, pero ramdam kong nakatitig siya pababa sa akin. Tsk.

Maya-maya pa'y naramdaman kong may mainit at malambot na bagay na bigla nalang lumapat sa noo ko. Napahinto ako sa paghakbang at napahawak sa parteng nilapatan ng labi ni Alferes.

"Ningudngud mo ba ang nguso mo sa noo ko, Alferes?"

Tawa lang ang tugon niya. Napairap ako saka nagpatuloy sa paghakbang. Pero hinuli ni Alferes ang kamay ko saka marahan akong hinila pabalik sa kaniya. Lumapat ang pisngi ko sa dibdib niya. Naramdaman ko nalang ang pagpulupot ng braso niya sa likod at baywang ko.

Nabitawan ko ang cellphone. Nawala ang flashlight kaya saglit akong nabulag sa dilim. Nang mag-adjust ang paningin ko, doon ko lang naaninag ang paligid sa natural nitong dilim.

Binitiwan ako ni Alferes kaya kunot-noo akong tumingala sa kaniya. Sa una ay hindi ko maaninag ang mukha niya, pero kalaunan ay nakita ko ang marahang ngiti sa mga labi niya.

Akala ko wala na siyang gagawing kalokohan, pero nagulat nalang ako nang binaba niya ang mukha at nilapit sa akin. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat, at walang pagdadalawang-isip na sinapak ang mukha niya.

"Aw!" reklamo niya at napaatras. "Jemima," bulalas niya habang hawak ang nasaktang labi.

"Isang kalokohan pa, Alferes. Lilipad na talaga 'yang lintek na nguso mo sa sunod na Sitio."

Pinulot ko ang nakataob na cellphone. Nakabukas pa ang flashlight kaya mabilis kong hinablot ang eco bag mula sa kamay ni Alferes at malalaki ang hakbang na tinahak ang daan patungo sa Apartment House.

Narinig ko nalang ang halakhak ni Alferes. Naningkit ang mga mata ko.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.